Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5: Dilat ang Mata

KABANATA 5: DILAT ANG MATA





Nilalamig ako at hindi ko pa rin mahanap ang antok ko kahit lagpas madaling araw na. Ilang beses akong nagpagulong-gulong sa higaan ko, nagtalukbong ng unan, binalot ang sarili sa ilalim ng kumot, at dumapa pero gising na gising pa rin ang diwa ko.

Tahimik na ang buong lugar at tanging ingay na lamang ng kuliglig ang naririnig ko sa paligid. Sa sobrang tahimik, naririnig ko rin ang mga kamay ng orasan na gumagalaw sa bawat segundo. Hindi ko alam kung bakit, pero kakaiba ang dulot sa akin ng katahimikan ngayon. Hindi ko man ginugusto, pero kusang bumabalik sa isipan ko ang mga kakatwang pangyayari na nakita ko sa mga nagdaang araw.

Partikular na ang masamang panaginip na naranasan ko sa byahe namin kahapon.

Dahil sa dami ng mga pinagkaabalahan ko nitong mga nakaraang araw dahil sa burol ni Maureen at pag-eensayo para sa paparating na graduation, muntik ko nang makalimutan ang nangyari sa palikuran ng paaralan namin isang araw bago matagpuan ang katawan ni Maureen.

Nakakapagtakang nakita ko ang repleksyon niya na kamukhang-kamukha sa lagay ng labi niya nang makita namin siya kinabukasan. Kinikilabutan ako sa tuwing iisipin na nagkataon lamang ang pagkamatay niya matapos ko siyang makita sa salamin dahil imposibleng namalikmata lang ako no'ng oras na 'yon. Walang ibang tao sa loob ng banyo bukod sa akin kaya sigurado ako sa nakita ko. Ang hindi lang malinaw sa akin ay kung bakit ako.

Bakit sa akin nagpakita ang repleksyon ng kaluluwa ni Maureen bago siya mamatay?

Hindi ko rin batid kung may kinalaman dito ang tatlong anino na nakita ko noong huling lamay ni Maureen. Alam kong hindi pangkaraniwang anino ang mga nakita ko dahil pawang mga nakahiwalay ang mga ito sa may-ari nila. Kung tutuusin, madali ko sanang nakita ang mga may-ari ng mga anino na 'yon kung hindi lang sana dumaan ang isang sasakyan sa kalsada kung saan tumawid ang mga ito—bagay na hanggang ngayon ay ipinagtataka ko pa rin.

Paanong biglang nawala ang mga anino nang gano'n kabilis?

Napabalikwas ako sa higaan nang may marinig akong ingay sa ibaba, sa may kusina.

Naisip ko na baka daga lang ulit 'yon gaya ng palagi, pero ilang beses kong narinig ang pagkalansing ng mga kubyertos. Parang kinakalikot ang mga ito at sinasadyang paingayin.

Dahil sa kuryosidad at pagaalala na baka pinasok kami ng magnanakaw, tumayo ako sa higaan at dahan-dahang naglakad palabas ng kwarto para tingnan kung saan nagmumula ang ingay.

Patay ang lahat ng ilaw dito sa itaas hanggang sa may hagdan pababa sa may salas kaya maingat at mabagal akong naglalakad. Tahimik ko mang tinahak ang daan pababa pero gumagawa pa rin ng kaunting ingay ang paglapat ng paa ko sa sahig sa tuwing hahakbang ako. Nakadagdag ito sa kabang bigla ko na lang naramdaman lalo pa nang makarinig ako ng bagong kalabog na nagmumula pa rin sa kusina.

Napagdesisyunan kong kuhain ang walis tambo na nakita kong naiwan sa gilid ng pasilyo bago ang hagdan. Mas mabuti nang handa ako kung sakali mang napasok nga kami ng magnanakaw.

Marahil malalim na ang tulog ng mga magulang ko sa silid nila kaya hindi nila naririnig ang ingay sa kusina.

Ilang hakbang ang ginawa ko bago tuluyang malagpasan ang hagdan. Ngayon ay nasa unang palapag na ako ng bahay namin at agad akong naglakad diretso papunta sa kusina. Bukas ang ilaw dito dahil ito lang ang tanging parte ng bahay namin na hindi namin pinapatay ang ilaw tuwing gabi. Kung meron mang tao rito ay agad kong mapapansin kahit malayo pa ako. Pero wala akong nakita na kahit sino. Walang bakas o hulma ng tao.

Lumapit pa ako nang kaunti sa kung saan ko nakita ang mga nalaglag na kutsara at tinidor mula sa lamesa. Nakalagay ito sa isang lalagyan na mukhang natumba.

"Meow!" Sa pagsulpot ng pusa mula sa ilalim ng lamesa, naging malinaw sa akin kung sino at ano ang dahilan ng ingay na narinig ko. Mabilis na tumakbo palabas sa bintana na nasa lababo ang pusa. Doon ko lang napagtanto na marahil hindi nasarado ni mama ang bintana na 'to kaya nakapasok dito ang pusa.

Nilapag ko sa gilid ang walis tambo na hawak ko. Lumapit ako sa bintana at isinira ang salamin nito para hindi na muling makapasok pa ang pusa. Mabuti na lang at maliit lang ang bintana kaya tanging pusa lang at maliliit na hayop ang maaaring makapasok dito kahit pa iwang nakabukas.

Muntik na akong mapatalon sa gulat nang makita kong nakatayo sa likuran ko si mama. May hawak siyang unan sa kanang kamay niya habang nakatingin sa akin.

"Akala ko kung sino na," aniya bago buksan ang ref. Humikab pa siya habang kinukuha ang pitsel sa loob. "Bakit gising ka pa? Dis oras na ng gabi," puna niya bago magsalin ng tubig sa baso at dagli itong nilagok.

"Nakalimutan pong isarado ang bintana. May nakapasok na pusa kaya nagising ako sa ingay," sabi ko na may kasamang kaunting pagsisinungaling.

Tumango na lamang si mama bago kami sabay na naglakad paakyat.

Bago kami tuluyang makalayo sa kusina, saglit ko pang tingingnan ang bintana.






"ITO NA NGA! Malapit na kami riyan!" halos pasigaw kong tugon kay Tyrese na nasa kabilang linya. Lakad-takbo na ang ginagawa namin ni Isabella dahil nagmamadali kami para maabutan ang mga kaibigan namin sa bayan kung saan namin napag-usapang magkikita-kita para makinig at um-attend sa free admission concert ng lokal na banda.

"Bilisan niyo na, baka magsimula na silang tumugtog!" pag-uulit ni Tyrese bago niya ibaba ang tawag.

Agad kong isinilid sa bulsa ko ang cellphone ko. Sakto namang may napara na kaming tricycle ni Isabella kaya dagli kaming sumakay. Habang nasa tricycle, doon na nagayos ang kasama ko kaya amoy na amoy ko ang matapang na pabangong winisik niya sa katawan niya. Hindi na lang ako nagbigay ng kahit ano pang komento at inilabas ko na lang ang mukha ko sa tricycle.

"Bakit ba tayo nagmamadali? Eh hindi ba ang sabi nila alas syete pa naman magsisimula ang event? Mag-aalas sais pa lang oh," reklamo ni Isabella habang tinitingnan niya ang sariling repleksyon sa maliit na salaming bitbit niya.

"Alas syete pa nga ang simula, pero dahil libre ang admission at bukas para sa lahat ang event, maraming taong pupunta. Baka mapunta tayo sa dulo kung magpapaabot pa tayo sa mismong oras ng simula," sagot ko. "Tsaka sabi ni Tyrese, tayo na lang din daw ang hinihintay nila. Kung sakali man na hindi na tayo umabot, hindi nila sigurado kung makakapag-reserve sila ng pwesto sa atin do'n dahil baka siksikan."

"Buti na lang nag-jacket talaga ako. Kung siksikan pala ro'n mamaya, samu't saring balat ang kikiskis sa atin kung sakali," aniya.

Hindi na ako sumagot pa at nanatili kaming tahimik at nagmamadali sa pagbyahe.

Nang makababa kami sa kanto lulan ng tricycle, hindi agad kami nakasakay ng jeep dahil kung hindi puno ang mga dumadaan na jeep, palagi naman kaming nauunahan ng mga pasahero na kasabay naming naghihintay sa sakayan.

May halos sampung minuto rin kaming nakikipag-unahan sa alon ng mga tao bago kami magtagumpay sa pagsakay. Ayon nga lang ay siksikan ang nasakyan namin pero hindi na kami nagreklamo pa basta't makasakay lang dahil nagmamadali na rin kami.

"Bayad ho, dalawa." Nakisuyo ako at ipinaabot ang bayad ko dahil nasa bandang dulo kami ng jeep nakasakay ni Isabella.

"Ang init," pabulong na reklamo ni Isabella habang pinapaypayan ang sarili gamit ang mga kamay niya. "Anong oras kaya tayo makakarating nito?" aniya pa bilang pagpuna sa mabigat na daloy ng trapiko.

Halos sampung minuto na ang nakakaraan nang makasakay kami ni Isabella sa jeep pero ilang beses pa lang umuusad ang sasakyan. Parang mas mabilis pa kung lalakarin na lang namin ang pupuntahan namin o marahil baka nauna pa kami sa jeep kung kanina pa kami naglakad.

Napatingin kaming lahat sa labas nang biglang umulan. Kanina ay maaraw pa kaya hindi namin inaasahan na bigla na lang bubuhos ang ulan.

"May dala ka bang payong?" tanong ko kay Isabella pero agad siyang umiling. "Yari tayo nito pagbaba. Sana tumila na ang ulan mamaya."

Halos kalahating oras bago lumuwag ang kalsada. Mas mabilis na ang pagusad ng jeep pero hindi pa rin tumitila ang ulan. Bagkus mas lalo itong lumakas kaya ibinaba na ng ilang mga pasahero na kasama namin sa jeep ang trapal sa bintana dahil nababasa na kami ng ulan tuwing hahangin. Maluwag-luwag na rin ang upuan dahil may ilang mga pasahero na ang bumaba.

Nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa. Tumatawag si Tyrese.

"Na-traffic kami pero malapit-lapit na rin naman na kami," mabilis kong depensa bago pa man magsalita si Tyrese sa kabilang linya. Rinig ko rin ang malakas na buhos ng ulan at ingay na nagmumula marahil sa kumpulan ng mga tao kung nasaan si Tyrese at ang iba pa naming mga kaibigan.

"Biglang umulan kaya sumilong muna kami nila Marga pero 'yong iba nating mga kaibigan nanatili sa karamihan ng tao. Nagkahiwa-hiwalay kaming lahat," ani Tyrese. "Nandito kami nila Marga sa convenient store na makikita niyo agad pagbaba niyo ng jeep. Dito na lang namin kayo hihintayin."

May sinabi pa si Tyrese pero hindi ko na ito naintindihan pa. Naputol bigla ang tawag at nawalan ng signal. Siguro ay dahil sa malakas na ulan.

May ilang minuto pa nang biglang bumagal ang pag-usad ng jeep. Hindi dahil traffic o dahil maraming sasakyan sa kalsada, kung hindi dahil parami nang parami ang mga tao na naglalakad at tumatawid-tawid sa daan. Ang ilan ay tumatakbo sa mga tindahan para sumilong at ang ilan naman ay pumapara ng jeep o kaya'y taxi na mapapadaan.

Nang huminto ang sinasakyan namin ni Isabella sa bababaan namin, mabilis kaming tumakbo papunta sa convenient store na nasa tapat lang mismo ng pinaghintuan ng jeep. Gaya ng sinabi ni Tyrese, agad namin silang nakita sa salamin ng convenient store. Pawang mga nakaupo at tila hinihintay ang pagtila ng ulan habang may kung anu-anong ginagawa para magpalipas ng oras.

Tinulak ko ang pintuan ng convenient store para makapasok kami ni Isabella.

Agad na napalingon sa amin si Tyrese na sinisipat ang mga nasa estante, mukhang nagiisip ng bibilhin.

"Kung alam ko lang na biglang uulan, sana pala nagpa-late na lang din ako ng punta," sabi ni Tyrese habang lumalapit sa amin. "Baka may gusto kayong kainin habang hinihintay nating tumila ang ulan, sagot ko na," aniya bago kumuha ng isang biskwit sa estante.

Umiling naman ako. "Paano kayo napahiwalay sa iba?" tanong ko bago umupo sa isang bakanteng upuan. Katabi lang ito ng glass window at sa upuan na inuupuan ni Marga.

"Bigla kasing nagsimula ang show. Sakto namang bumuhos din ang ulan. Eh wala kaming dalang mga payong kaya pinilit namin na umalis sa kumpulan ng mga tao at maghanap ng masisilungan kaya kami napadpad dito. 'Yong iba sa mga kaibigan natin hindi ko alam kung sumilong din ba sila, pero ang sigurado ko lang ay naiwan namin sila sa gitna ng crowd," pagpapaliwanag ni Tyrese bago siya naglakad papunta sa cashier para magbayad.

Nilingon ko si Marga na nags-scroll lang sa social media accounts niya bago ko nakita si Jhoanna at Artemis na parehong kumakain ng chocolate habang pinapanood ang ulan sa labas ng bintana. Ngumiti sa akin si Jhoanna nang magtama ang mga tingin namin kaya ngumiti rin ako bilang tugon bago bumalik ang tingin ko kay Tyrese habang naglalakad siya palapit sa amin.

"Good luck na lang sa mga lalaking 'yon kung hindi sila magkasakit kung sakaling hindi sila sumilong. Halo-halo pa naman ang amoy ng mga tao ro'n," ani Marga habang nanatiling nakatingin sa cellphone niya. "Ilang araw na lang graduation pa naman na."

Nanatili kaming tahimik habang hinihintay ang pagtila ng ulan. Paminsan-minsan ay nagbubukas ng topic si Tyrese pero agad ding natatapos.

Ilang minuto pa, mas lalong lumakas ang ulan. "May bagyo ba?" curious na tanong ni Isabella na nasa tabi ko habang sinisipat ang nangyayari sa labas. May kasamang malakas na hangin ang pag-ulan kaya mas dumami pa ang mga taong tumatakbo palabas sa kalsada mula sa area kung saan sa tingin ko nangyayari ang libreng concert ng lokal na banda. Hindi namin kita mula rito ang concert at ang mga taong nakikinig at nanunuod dahil may malaking pader na harang ang area na 'yon mula sa kalsada.

Tanging ang daan lang papunta sa mismong lokasyon na 'yon ang tanaw namin mula sa p'westo kung nasaan kami kaya ang mga taong naglalabasan lang mula sa daan na 'yon ang nakikita namin.

Ilang sandali lang din at dumami na ang tao na nakasilong dito sa convenient store. Hindi na rin namin maramdaman ang malamig na hanging binubuga ng airconditioner dahil sa dami ng tao. Mabuti na lang at nakaupo pa kaming magkakaibigan kung hindi baka isa rin kami sa mga nakatayo ngayon at nangangalay habang hinihintay ang paghina ng ulan.

"Grabe, ang daming tao."

"Ang hirap nga makalabas do'n dahil sa siksikan ng tao. Kanina pa nga ako ihing-ihi."

"Mukhang kinansela na rin nila ang pagtugtog dahil basang-basa na rin pati ang mismong stage."

Tahimik akong nakinig sa mga mahihinang usapan at bulungan sa likuran namin. Hanggang sa sabay-sabay kaming nagtaka nang mas dumami pa ang mga tao na nagtatakbuhan palabas sa area kung nasaan ang event. Tila tumatakbo sila para sa mga buhay nila at hindi lang dahil gusto nilang sumilong.

"Gago, p're, nagkatotoo yata 'yong sinabi mo!"

"Anong sinabi ko?"

"Baka nagkaro'n na ng stampede sa loob!"

Umingay ang mga tao na nasa loob ng convenient store nang marinig namin ang komento ng dalawang binatilyo. Lahat kami ngayon ay nakatutok sa labas, sa karamihan ng mga tao na nagtatakbuhan at sunud-sunod na nadudulas dahil sa basang kalsada. Ang ilan din sa kanila ay muntik nang mabangga ng mga dumadaang sasakyan kaya kabi-kabila ang maiingay na busina sa lugar.

"Tawagan niyo nga sila Brian. Tanungin niyo kung nasaan na sila," utos ko.

"Walang signal! Hindi ko sila ma-contact," ani ni Tyrese habang paulit-ulit na tinatawagan ang numero ng mga kaibigan namin. Ilang beses niyang nilagay sa tainga niya ang cellphone niya pero ilang beses din siyang napapatingin sa screen nito sa tuwing kusang napuputol ang tawag. "Tingin ko dahil maraming tao sa lugar na 'to kaya naaapektuhan ang signal."

Lahat na kami ay sinubukang tawagan ang kahit isa man lang sa mga kaibigan namin na nandito ngayon sa kung nasaan kami. Wala ni isa kila Brian, Marcus, Anthony, o Renald ang sumasagot. Kusa ring napuputol ang tawag maging kila Addy, Harold, at Felipe kaya wala kaming magawa kung hindi maya't mayang tingnan ang mga tao sa labas ng convenient store, umaasang makita ang mga kaibigan namin.

"Katrina."

Mabilis ang lumingon sa tumawag sa akin gayon din si Isabella at ang iba pa.

"Addy!" Nilingon ko rin ang mga kasama niya. "Felipe, Renald—nasaan ang iba?" tanong ko bago sinipat ang likuran nila para tingnan kung sila lang bang tatlo ang narito.

"Si Anthony kanina pa umuwi dahil sumasakit daw ang tiyan niya. Sila Brian, Marcus, at Harold hindi namin alam kung sumilong ba sila o naiwan sa loob," tugon ni Addy. Tila may pangamba sa mga mata niya na nagdulot ng kaba sa akin. Tumutulo ang tubig mula sa buhok niya, basang-basa sila ng ulan. Halatang kakalabas lang nila mula sa area ng concert. "Hindi ako sigurado, pero tingin ko nagkaro'n ng gulo sa loob."

"Sa loob?" tanong ni Tyrese.

"Sa field kung saan ginanap ang libreng tugtog ng banda," agad na sagot ni Renald.

"A-anong gulo?" kinakabahan kong tanong, hinihiling na hindi ito kumpirmasyon sa naiisip ko.

"Stampede," ani Felipe.

Kasabay ng pagsagot ni Felipe sa tanong ko ang pamamayani ng malakas na tunog ng sirena na nanggagaling sa dalawang ambulansya. Pareho itong huminto sa gilid ng kalsada, ilang metro ang layo mula sa kanto papasok sa mismong lokasyon ng libreng concert.

Nasundan pa ang mga ito ng ilang sasakyan ng pulis. Mabilis na nagkalat sa lugar ang kapulisan at agad na kinontrol ang alon ng mga taong nagkalat sa buong lugar. Dahil sa bigla nilang pagsulpot, nagkaro'n ng komosyon sa loob ng convenient store. Batid naming lahat na sa pagdating ng ambulansya at mga pulis, hindi na lang simpleng pagsilong ang itinatakbo ng mga tao—isa na itong trahedya.

May ilang tao na pawang mga walang malay ang inilabas ng mga paramedic mula sa area. Lahat ito ay inihaga nila sa sahig para agad na i-CPR.

Hindi lang isa o dalawa ang mga taong isinugod ng ambulansya sa ospital dahil maya-maya pa, ilang mga bagong dating na ambulansya ang dumating sa lugar. Hindi alintana ng paramedics at pulisya ang ulan at basang kalsada. Ang tanging nasa isip ng lahat ay isalba ang mga buhay ng mga taong maaari pang mailigtas.






GABI NA at tumila na rin ang ulan pero mamasa-masa pa ring ang kalsada.

'Di hamak na mas kaunti na ang mga sibilyan na nandito sa lugar kumpara kaninang umaga, pero kapansin-pansin naman na mas dumami ang mga kawani ng gobyerno na nagsisiyasat at iniimbestigahan ang nangyari. May mangilan-ngilan pa ring mga labi na inilalabas mula sa area kung saan ginanap ang concert—pero hindi pa rin namin nakikita ang mga kaibigan namin.

"Kailangan na talaga nating umuwi, Katrina. Baka nakauwi na rin sila Brian sa kaniya-kaniya nilang mga bahay. Naghihintay lang tayo sa wala," sabi ni Isabella sa akin. Pang-ilang beses na niya akong kinumbinsi na umuwi, pero nagmamatigas pa rin ako hangga't hindi namin naco-contact at nakakausap sila Brian, Marcus, at Harold.

"Katrina, paniguradong may dahilan kung bakit hindi nila sinasagot ang tawag natin sa kanila. Umuwi na muna tayo. Kanina pa tayo nandito sa lugar na 'to," pamimilit naman ni Tyrese.

Bukod kay Addy at Renald, kami na lang tatlo ang nandito. Nauna nang umuwi si Jhoanna at Artemis. Si Marga at Felipe naman ang magkasama sa mga oras na 'to para tingnan kung nakauwi na nga ba sila Brian sa bahay nila at kung nag-aaksya nga lang ba kami ng oras dito kakahintay sa kanila.

Agad akong napatayo mula sa kinauupuan nang may isang matabang lalaki ang inilabas mula sa area. Mabilis itong nag-undergo ng CPR mula sa isang paramedics bago siya ihiga sa wheeled stretcher at takluban ng puting tela.

"Si Marcus!" Nagmamadali akong tumakbo palabas sa convenience store papunta sa ambulansya kung saan ipinasok ang matabang lalaki. "Marcus!" Pinilit kong iwasan ang mga taong nakasalubong ko sa daan pero ang ilang nababangga ko ay hindi ko na pinapansin pa.

"Katrina! Saan ka pupunta?" Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Addy at Isabella. Bagkus ay nagmadali lang lalo ako sa pagtakbo para maabutan ang ambulansya.

"Sandali! Sandali!" pagpigil ko sa paramedic nang akma na niyang isasara ang pintuan ng ambulansya kung nasaan si Marcus. Sigurado ako na si Marcus 'yon. Kilalang-kilala ko ang hubog at itsura ng kaibigan ko.

Kinakabahan man na kumpirmahin, mabilis ko pa ring tinanggal ang puting tela na itinakip sa katawan.

Nawalan ako ng boses at bigla na lang natulala habang nakatingin sa malamig na katawan. Dilat ang mga mata nito at bakas sa mukha niya ang paghihirap bago siya bawian ng buhay. Naka-dislocate rin ang braso't binti niya—parang ilang beses nadaganan ng mga tao.

"Diyos ko po. Marcus!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro