Kabanata 1: Byahe ng mga Pugot
KABANATA 1: BYAHE NG MGA PUGOT
"AYAN NA NGA ba ang sinasabi ko kaya hindi dapat hinahayaang maka-inom 'yang si Marcus e. Tingnan niyo, sinong magbubuhat ngayon sa bakulaw na 'yan?" iritableng saad ni Renald habang masamang ipinupukol ang kaniyang mga tingin sa matabang lalaki na nakahiga sa sofa, humihilik pa ang huli habang mahigpit na nakahawak sa bote ng alak na kakatapos lang nitong ubusin sa isang lagukan. Aakalain mong tubig lang ang ininom niya dahil hindi siya huminto sa paglagok kanina hangga't hindi niya nauubos ang laman ng bote.
"Kasi kanina ko pa sinabi na awatin niyo na 'yan si Marcus. Hindi kayo nakinig," komento ni Tyrese habang nililigpit ang mga kalat sa lamesa, kabilang na ang mga bote ng alak at ilang mga plato at baso na ginamit naming magbabarkada sa kalaliman ng gabi. Pabalik-balik siya sa loob at labas ng silid dahil nasa labas ng kwarto ang tapunan kaya tumayo ako mula sa pagkakaupo at tinulungan na siya sa paglilinis.
Kinuha ko ang walis tambo at dustpan na nasa likod lamang ng pintuan at winalisan ang mga natapong balat ng mga chichirya at candy na nilantakan namin kanina habang naguusap-usap kung anong balak namin pagkatapos naming grumaduate sa senior high school. Ang iba naming kasamahan ay nagbibihis pa mula sa paliligo sa swimming pool sa ibaba. Marahil ito na rin ang huling beses naming magsama-sama bilang magkakaklase kaya inabot na kami ng gabi.
"Iwanan na lang kaya natin 'to si Marcus? Sa lagay niyang 'yan malabong magising pa siya," suhestyon ni Brian bago humalakhak at paghahampasin ang katabi niya na si Harold. Agad na umiwas ang huli dahil sa bigat ng kamay ni Brian, halatang wala nang kontrol ang lalaki dahil lasing na ito at maraming nainom na alkohol kumpara sa aming lahat. "Basta ako kaya ko pang maglakad, hindi pa ako inaantok, at kaya kong dalhin ang sarili ko mag-isa," aniya pa bago tumayo nang tuwid at naglakad palabas.
"Gago sundan mo 'yon 'tol! Baka malaglag sa hagdan 'yon," agad na saad ni Anthony, na ngayo'y mukhang nahimasmasan na matapos maghilamos, kay Harold. "Tapos pabalikin mo rito at paghilamusin para mabawasan ang pagkalasing. Lagot kamo siya sa ama niya kapag naamoy siya no'n pag-uwi," dagdag pa niya.
Tahimik na tumayo si Harold at sinundan sa labas ng kwarto si Brian.
Itinabi ko na ang walis at dustpan na hawak ko nang malinis ko na ang pwesto namin. "Hindi pa rin ba tapos magbihis sila Marga? Baka dumating na 'yong jeep na nirentahan natin," tanong ko.
"Negative birthday girl. Alam mo naman 'yan sila Marga and her company, mas makupad pa sa pagong kung kumilos," tugon ni Isabella na kasalukuyang sinusuklay ang buhok niya palabas sa mas maliit pang silid dito sa kwarto kung saan nagbibihis ang iba pa naming mga kaibigan. "Anong oras daw ba darating 'yong jeep? Dito ba tayo mismo susunduin?"
"Ang sabi sa akin 11:30 raw ng gabi tayo susunduin, e anong oras na," sagot ko sa tanong niya. Sakto naman na may narinig kaming lahat na paparating na sasakyan, kaya napatingin agad ako at si Tyrese na kakatapos lang magligpit, sa bintana. "Ito na yata 'yong jeep. Dalian niyo na!"
Agad na naglabasan sila Marga, Jhoanna, at Artemis sa maliit na silid, halatang kakatapos lang mag-blower ng buhok at magsi-ayos ng sarili. Pawang mga naka-shirt at pajama na ang mga ito, halatang handa na matulog pagdating nila sa mga kaniya-kaniya nilang bahay.
"So sinong magbubuhat ngayon diyan kay Marcus?" tanong ni Isabella.
Lahat kami ay nagtinginan kay Anthony na siya namang agad nitong iniling. "Bakit ako?" Lumingon siya sa likuran niya para sana hanapin si Renald na kanina ay naroon lang sa tabi pero wala na rin ito, mukhang nauna nang bumaba dahil natunugan na niya na ganito ang mangyayari.
"Kami ba dapat?" ani Tyrese, tinaasan niya ng kilay ang lalaki bago agad na naglakad palabas ng kwarto.
Mabilis na sumunod si Marga at ang iba pa hanggang sa hatakin na rin ako ni Isabella palabas ng silid. Naiwan si Anthony kasama si Marcus kaya wala siyang choice kung hindi ang alalayan si Marcus. Nanatili naman kaming naka-antabay sa ibaba ng hagdan para siguraduhing hindi sila madudulas o matatapilok. Nang makababa na si Anthony na akay-akay sa balikat si Marcus, tsaka na kami sabay-sabay na naglakad palabas ng gate ng resort.
Kaarawan ko kasi ngayon at inimbitahan ko sila na ipagdiwang ang pagiging legal ko sa private resort ng pamilya namin. Nandito kaninang umaga ang mga magulang ko pero nauna na rin silang umuwi para bigyan kami ng oras ng mga kaibigan at kaklase ko na magkaro'n ng quality time para sa isa't isa, lalo pa't sa susunod na buwan ay magtatapos na kami sa high school.
"Kanina ka pa ba diyan?" tanong ni Jhoanna na halatang nagulat sa biglang pagsulpot ni Addy sa tabi niya. "Nakakagulat ka naman," ani pa ng babae bago dumistansya kay Addy. Napahawak siya saglit sa kaniyang dibdib bago niya ayusin ang buhok at postura habang naglalakad.
"Ang tagal niyo namang bumaba, kanina pa ako naghihintay dito sa labas," sabi ni Addy habang ang dalawang kamay niya ay nakahawak sa magkabilang strap ng backpack niya. Sumabay siya sa paglalakad namin ni Isabella. "How's our debutant?" nakangisi nitong saad bago tumingin sa akin habang naglalakad kami papunta sa jeep na ilang metro lang ang layo mula sa gate ng resort.
"Happy? That's an understatement," sagot ko bago mahinang tumawa. Sa totoo lang ay hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya ngayong araw dahil sa kanila. Mami-miss ko ang ganitong pagsasama-sama namin bilang magkakaklase. For sure meron pa namang next time para sa aming magkakaibigan. Ayun nga lang ay kung magkakaro'n pa kami ng oras at availability kapag nasa kolehiyo namin. Tiyak na kailangan na naming mag-set ng schedules para sa magiging gala namin sa susunod.
"Addy, tulungan mo nga si Anthony sa pag-alalay kay Marcus. Ako ang nahihirapan para sa kaniya," sabi ni Isabella kaya sabay-sabay kaming tatlo na napatingin kay Anthony at Marcus na nahuhuli sa likuran namin. "Dapat kasi nakinig kayo kay Tyrese kanina no'ng sinuway na niya kayo sa pagpayag kay Marcus na uminom."
"Aye," tanging tugon ni Addy bago pabirong sumaludo sa kaibigan ko. Ngumiti muna siya sa akin bago maglakad pabalik sa likuran para tulungan si Anthony sa pagkakaray kay Marcus.
Nakasalubong namin ang mag-asawang si Mang Fernando at Aling Cecil, sila ang caretaker ng aming private resort. "Ingat kayo," nakangiting sabi ni Aling Cecil. Ngumiti rin ako bilang tugon hanggang sa mapagmasdan ko ang pagpasok nila sa gate ng resort.
"Kailan ka kaya titigilan niyan ni Addy." Bumalik ang tingin ko kay Isabella. Nakakapit siya sa braso ko at maya't mayang tumitingin sa likuran namin. Nahawa ako sa kaniya kaya saglit din akong sumilip sa likuran namin. Nakita ko si Addy na sinusulyapan ako. Nang lingunin ko siya ay agad itong ngumiti, tila hindi alintana ang bigat ni Marcus habang pasan-pasan niya ang kaliwa nitong braso.
"'Wag mo na lang intindihin," sagot ko kay Isabella hanggang sa tumapat na kami sa jeep. Nakita namin sa loob si Harold at Brian, pati na rin si Renald na nakadungaw sa may bintana ng sasakyan. "Si Felipe at Maureen, nasaan?" tanong ko pero nagkibit-balikat lang si Renald.
"Naghanap yata ng tindahan. Maninigarilyo raw si Felipe e," sabi ni Anthony bago siya pumasok sa loob ng jeep. Inalalayan niya si Marcus na makapasok habang nasa labas naman ng jeep si Addy para alalayan ang likod ni Marcus. Nang makaupo na nang maayos si Marcus, nagpakawala nang malakas na paghinga si Anthony. "Never allow this man to drink again for Pete's sake," aniya.
"Anong oras na, saan pa sila makakahanap ng tindahan?" tanong ni Tyrese nang makapasok siya sa loob ng jeep habang sinisipat sa binatana ang eskinita kung saan kami nakatayo ngayon.
"Hintayin na lang muna natin saglit. Baka pabalik na rin naman sila," sabi ni Marga. "Pero mauna na kami sa loob, nilalamok na ako rito sa labas," aniya pa bago siya pumasok sa jeep kasunod si Jhoanna at Artemis. Umusog naman si Harold at Brian para maka-upo ang tatlong babae. Nanatili kaming tahimik habang hinihintay ang magkasintahan naming kaibigan.
"Kuya, saglit lang po ah may hinihintay lang po kami na dalawa pa," sabi ko sa tsuper ng jeep na lumabas ng sasakyan para tingnan ang gulong. Lumingon naman ito sa akin at tumango lang bilang tugon.
Ilang minuto pa, may balangkas ng dalawang tao kaming nakita na paparating sa gawi namin. Medyo nagmamadali ang mga ito na maglakad papunta sa pwesto namin at parehong tumatawa hanggang matanaw namin ang mga mukha nila. "Pasensya na kung ngayon lang kami, umabot pa kami sa kabilang kanto dahil do'n na lang may bukas na tindahan," bungad ni Felipe nang makaharap na namin sila. Hawak niya ang kamay ng nobya niyang si Maureen.
Hindi lingid sa aming lahat ang relasyon nila. Mabuti na lang din at open sila sa amin gayong hindi naman nila mabuksan sa mga magulang nila ang relasyon nila sa isa't isa, bagay na gusto na nilang ipaalam sa araw ng graduation namin.
"Pasok na sa loob, tayo'y aalis na at baka abutin pa tayo ng umaga rito," komento ni Isabella kaya dumiretso na sa loob si Felipe at Maureen. Sunod kaming pumasok ni Isabella at nahuli naman si Addy na umupo sa tabi ng tsuper sa may harapan ng jeep. Hinubad niya ang backpack niya at kinandong ito sa magkabilang hita niya bago siya lumingon sa amin.
"Wala na ba kayong nakalimutan? Baka may naiwan pa kayo sa loob?" kiwestyon ni Addy pero walang sumagot. "Okay na ho manong, p'wede na tayo lumarga."
Nagsimula nang umandar ang jeep na sinasakyan namin. Dahil malalim na ang gabi at magmamadaling araw na, wala na kaming nakakasalubong na naglalakad o mga sasakyan sa tinatahak naming daan. Tahimik na rin ang paligid bukod sa ingay na nililikha ng makina ng sinasakyan namin. May mga kuliglig din na nag-iingay sa talahibang na dinadaanan namin at ang malamig na hanging dumadampi sa balat namin ay nakakadagdag sa payapang ambiance ng lugar.
Kung tutuusin, hindi mo aakalain na sa dinadaanan namin, may magandang private resort kang makikita. Nasa dulo pa ng lokasyon na ito ang resort namin na piniling lugar ng mga magulang ko para raw tahimik at malayo sa maraming tao. Ito rin marahil ang dahilan kaya wala kaming nakikita na taga-rito kahit ilang metro na ang layo namin.
"Magho-host daw ng after-party si Denice sa kanila pagkatapos ng graduation, pupunta ba kayo?" pagbagsag ni Marga sa katahimikan habang nakatingin sa cellphone niya.
"Sinu-sinong kasama?" tanong ni Jhoanna.
"Lahat daw sa section natin at ilang piling student from different strands," tugon ni Marga bago tumingin sa amin. "Aattend ako rito. Kayo ba?"
"If you're attending, I'm attending," ani Artemis.
"Same," maikling sagot ni Jhoanna.
"Anong oras simula at tapos ng party?" usisa ni Tyrese. "Baka hindi an ako payagan ng mga magulang ko given that I attended today's event. Mauubos na trial card ko sa parents ko," dagdag pa niya.
"Come on, ilang taon ka na ba para pagbawalan pa ng parents mo?" kontra ni Marga. "This is what I hate about oldies, masiyado silang strict sa mga anak nila tapos kapag hindi socially ready ang mga anak nila, nagagalit sila? Kapag hindi marunong mag-commute dahil palagi nilang hinahatid, naiinis sila? Ang hirap nila intindihin."
Mahinang kaming natawa dahil may punto ang sinabi niya.
"Sumama ka na, Tyrese. Ipagpaalam ka na lang namin ni Isabella sa parents mo. Kung gusto nila with PowerPoint presentation pa. Huling party naman na 'yon dahil sa college for sure aariba ka na niyan para sa latin honors," saad ko habang nakatingin kay Tyrese na katapat ko sa upuan.
"Ang kaso, 'yon din ang paalam ko kay mama at papa for tonight. Huling party na ito for college," sabi ni Tyrese. "Pero bahala na. Kaya ko pa naman sila mapapayag for one last time."
We cheered in silence at pare-parehong pumayag na pupunta sa after-party na iho-host ni Denice pagkatapos ng graduation namin. At least meron ulit akong something na ilo-look forward bago kami tuluyang maghiwa-hiwalay para sa kolehiyo. Although ang ilan naman sa kanila ay malapit lang ang tinitirahan mula sa amin, tingin ko matagal pa rin bago ako masanay na hindi sila araw-araw na makikita sa tuwing papasok ako sa paaralan.
Ang karamihan sa kanila, simula grade seven ay kaklase ko na. Ang ilan naman sa kanila, gaya ni Isabella at Marga, ay kaklase ko na simula pa lang noong nursery.
Pero kami ni Isabella mukhang hanggang pagtapos ng kolehiyo ay magkasama pa rin dahil balak naming mag-admission sa parehong university. Napag-usapan na rin naman ng mga magulang namin ang tungkol do'n kaya sigurado ako na kahit anong mangyari ay magkasama pa rin kami.
Nanatili ulit na tahimik ang lahat hanggang sa makalabas na kami sa liblib na lugar. Kasalukuyan na naming tinatahak ang highway. Kumpara kanina, mas marami na ang mga sasakyan na nandito kahit madaling araw na, pero mas kaunti pa rin ito kumpara sa umaga.
Tulog pa rin si Marcus at nakahiga ang ulo niya sa balikat ni Anthony. Katabi naman ni Anthony sa kanan si Brian at Harold na parehong nakatingin sa labas ng bintana. Si Renald ang nasa likuran ng driver at katabi ni Harold, halata sa mga mata niya na inaantok na siya gaya ng karamihan sa amin dahil wala pa kaming tulog simula kaninang madaling araw. Pagod na rin ang mga katawan namin dahil bukod sa paglangoy, kung anu-ano pang bonding ang ginawa namin.
Panigurado talagang hahanap-hanapin ko ang presensya nila kahit pa tumanda na ako.
Napansin ko na ilang beses tumitingin sa rearview mirror 'yong tsuper ng jeep. Hindi ko alam kung may tinitingnan ba siya sa likuran namin kaya napatingin ako sa bukana ng jeep kung may sasakyan ba na nakasunod sa amin. Merong van na nakasunod sa amin pero umalis din ito sa linya na tinatahak namin—pero nanatili pa rin ang maya't mayang pagsulyap ng tsuper sa reaview mirror hanggang sa mapansin ko na tila kaming mga sakay ng jeep ang sinusulyapan niya.
Siguro ay concern lang siya sa amin kaya paulit-ulit niya kaming tinitingnan sa salamin kaya saglit kong tinanggal ang atensyon ko sa kaniya at sa ginagawa niya. Nanatili akong nakamasid sa labas ng bintana habang dinadama ang paghaplos ng malamig na hangin sa balat ko.
Mula sa highway, napunta na kami sa mas maliit na kalsada. Dito, malimit na kaming may makitang sasakyan na kasabay o pasalubong sa amin kaya mas tahimik na ulit.
Napunta muli ang mga mata ko sa rearview mirror at sa gulat ko, nakatingin sa akin ang tsuper. Agad kong iniwas ang mga tingin ko at minaiging lingunin si Isabella sa tabi ko. Nakapalumbaba siya at nakasipat sa mga establisyemento na dinadaanan namin, tila malalim ang iniisip kaya hindi ko na siya ginambala at nilihis na lamang ang pakialam ko.
Tiningnan ko isa-isa ang mga kasama ko sa jeep hanggang sa mapabalik ang tingin ko sa harapan nang magsalita si Addy.
"May problema ho ba, manong? Kanina ka pa ho tumitingin sa rearview mirror," sambit ni Addy. Napatingin tuloy hindi lamang ako kung hindi pati na rin ang mga kaibigan namin sa kaniya. Gayunpaman, nanatili pa ring tulog si Marcus at si Marga naman na nakatingin pa rin sa cellphone niya. "Ano hong sinisipat niyo sa likod?" tanong pa ni Addy bago kami mabilis na lingunin at ibalik sa katabi niyang tsuper ang kaniyang mga titig.
"W-walang problema," sagot ng tsuper bago hinigpitan ang kaniyang hawak sa manibela. Peke rin itong umubo bago umayos nang upo.
Nabalot na ulit kami ng katahimikan. Akala ko ay ayos na ang lahat pero muli ko na namang napansin ang sikretong pagsilip ng tsuper sa rearview mirror. Mukhang napansin din ni Addy iyon dahil muli siyang napatitig sa tsuper at muling itinanong kung may problema ba.
Pekeng ngumiti ang tsuper. "Marahil dala lamang ng pagod sa pagpapasada buong araw kaya kung anu-ano na ang nakikita ko," ani ng tsuper bago mahinang tumawa. "Hindi kayo maniniwala dahil maging ako ay nagtataka, pero ngayon, habang kinakausap ko kayo, hindi ko nakikita ang mga ulo niyo."
Noong una ay kumunot ang noo namin ni Addy. Nang lumingon ako sa mga kasama ko sa loob ng jeep, nakita ko rin silang nagtataka sa tinuran ng tsuper. Tulog pa rin si Marcus pero nakuha na ng maliit na komosyon ang atensyon ni Marga dahil nakatingin na rin siya sa harapan at hindi na sa screen ng cellphone niya.
"Ano hong ibig niyong sabihin?" paglilinaw ko kaya bahagyang napalingon si Addy sa likuran niya, sa akin.
Mahinang tumawa ang tsuper na tila ba hindi siya seryoso sa sinabi niya. "Wala kako kayong ulo—lahat kayo, pugot sa paningin ko."
"Ano bang klaseng biro 'yan manong!" komento ni Anthony. "Gumagamit ka ba?"
"Shh, Anthony!" suway ni Tyrese.
"Pagod lang siguro ang mga mata ko. Pasensya na, hindi ko na dapat pang sinabi," sabi ng tsuper bago ito nanahimik.
Nagpatuloy ang pagbagtas namin sa madilim at tahimik na kalsada, malayo na mula sa highway kaya wala na kaming sasakyan at mga tao na nakakasalubong. Bagamat walang nagsasalita sa amin at tanging makina na lamang ulit ng sasakyan ang ingay na naririnig naming lahat, halata na walang kumportable sa amin dahilsa tinuran ng tsuper maliban na lamang kay Marcus na mahimbing pa rin na natutulog.
Bahagyang bumilis ang takbo ng jeep matapos ang usapan. Siguro'y pati ang tsuper ay hindi mapakali sa ambiance na namamagitan sa aming lahat kaya gusto na niya kami agad maihatid sa bababaan namin. Kung tutuusin dapat may isang oras pa halos ang byahe namin, pero ngayong binilisan na niya ang pagmamaneho, tingin ko kalahating oras na lamang ang kakailanganin bago kami makauwi.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, may biglang lumitaw na van pasalubong sa amin. Wala itong ilaw sa harapan at hindi rin ito bumusina dahilan para hindi namin asahan ang biglang pagsulpot nito sa daan—sa harapan mismo namin.
Mabilis na nanlamig ang katawan ko kasabay nang pag-alog ng jeep na sinasakyan namin. Muntik na bumagsak sa sahig si Marcus kung hindi lang siya naharang ni Anthony gamit ang braso dahil sa biglang pagliko ng sinasakyan naman pakanan. Sobrang lakas nang pagkabog sa dibdib ko dahil sa mabilis na pangyayari—muntik na kaming mamatay kung hindi lang mabilis na nailiko ni Addy ang manibela pakanan sa gilid ng kalsada.
Imposibleng maipaliwanag ang kaba na naramdaman naming lahat. Tila nagising ang diwa namin at nawala ang bigat sa talukap ng mga mata namin dahil sa nangyari.
"Muntik na tayong mamatay . . ." pabulong at hindi makapaniwalang saad ni Isabella.
Humahangos akong napakapit sa kinauupuan ko habang iniisip kung anong naganap bago tuluyang huminto ang jeep.
Muntik na kaming mamatay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro