Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 9

Chapter Nine

Rolex


Hindi nawala ang init ng ulo kaya minabuti kong umalis na lang sa club na 'yon at hindi na hinintay pa si JK na matapos. Nag-text na lang ako sa kanya na nauna na akong umuwi.

Itutulog ko na lang sana ang lahat ng badtrip pero natigil ako nang maramdaman ang pagtabi sa akin ng isang babae sa jeep at ang pasimple niyang pagkuha sa relong ibinigay sa akin ni Arcus.

Nanatili akong nakapikit at kunwaring tulog hanggang sa pumara ito. Hindi niya napansing bumaba na rin ako sa kanyang pagbaba kaya naman nang hulihin ko ang kanyang palapulsuhan ay halos lumuwa ang mga mata niya nang walang sabi kong higpitan pa iyon.

"Ano ba! Bitiwan mo ako! Bastos ka!"

"Ibalik mo ang relo ko."

Mas lalo siyang nagulat pero ang hitsura ay mukhang hindi magpapatinag!

"Anong relo ang sinasabi mo! Bitiwan mo ako kung hindi sisigaw ako!"

"Kahit anong sigaw mo wala akong pakialam at hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ibinabalik sa 'kin ang relo ko."

"Wala akong kinuhang relo mo! Ano ba!"

Itinawa ko na lang talaga ang init ng ulo dahil baka siya pa ang mapagbuntunan ko ng galit. Kahit na ganito lang ako ay ni minsan hindi ko naman naisip na manakit ng babae kaya dapat niyang ipagpasalamat 'yon.

"Miss, magnanakaw din ako. Lahat ng ginagawa mong pandurukot ngayon napagdaanan ko na kaya kung hindi mo ibabalik ang relo ko mapipilitan akong dalhin ka sa mga pulis. Baka hindi mo alam taga Bayagbayag ako."

Doon na umawang ang bibig niya't natatarantang dinukot sa bulsa ang rolex na ibinigay sa akin ni Arcus.

"P-pasensiya ka na gipit lang!" Aniya at nang bitiwan ko matapos kunin ang relo ay walang sabi na siyang tumakbo palayo.

Hindi ko inalis ang mga mata hangga't hindi siya nawawala sa aking paningin. Nang hindi ko na makita ay kunot noo kong inangat ang relong muntik nang manakaw sa akin.

Wala akong masyadong alam sa mga ganitong klaseng relo dahil noon madalas ay wallet, cell phone, at mga gold na alahas lang ang tinitira ko pero ang sabi ni Arcus kahit na class a lang 'to ay mura lang niyang nabili. Hindi man ako marunong tumingin ng original alam kong hindi nanakawin ng babaeng 'yon ang relo kung walang halaga.

Naikuyom ko ang hawak. Imbes na dumiretso sa bahay ay sa isang kilalang alahasan ako pumunta. Kahit na gabi na ay pinagbuksan pa rin ako ni Mang Fidel dahil sa kanya ko dinadala't ibinibenta noon ang mga nananakaw ko sa daan.

"Pasensiya na Mang Fidel, hindi na kasi maipagpapabukas. Importante lang."

Inayos niya ang salamin at ngiting-ngiting tinapik ang balikat ko.

"Ano ka ba naman MVP! Ayos lang basta ikaw! Nanunuod pa rin ako ng TV at hanggang gising ay malaya kang pumunta rito. Ano ba ang sadya mo at bakit importanteng-importante?"

Pumasok ako nang luwagan niya ang pintuan.

"Ipapatingin ko lang ho sana itong relong ibinigay sa akin."

Kinuha niya sa kamay ko ang relo pagkatapos ay iginiya na ako kung saan niya tinitignan ang mga alahas. Tahimik akong naupo sa kanyang tabi at hinayaan siyang kalikutin iyon.

"Kumusta na at parang napakatagal mo nang hindi nagpakita rito. Mukhang nagbagong buhay ka na ah."

"Gano'n pa rin Mang Fidel. Mahirap pa rin sa daga."

Tumawa siya. "Hamo't bilog ang mundo, MVP. Sa sipag mo ay balang araw siswertihin ka rin. Teka, ibebenta mo ba ito? Ang ganda ng relong ito."

"Maganda at mukhang original ba talaga? Kung trip n'yo ibebenta ko na." pagbibiro ko pero nangunot lang ang noo ng matanda habang patuloy na kinakalikot ang relong hawak niya.

Ako naman ang naguluhan nang matapos siya't harapin ako.

"Kahit gusto kong bilhin ay hindi ko kaya ang presyo nito, MVP. Original na Rolex ito at siguradong milyon ang halaga."

"Milyon?!"

"Huwag na huwag mong ibebenta maski pa isang daang libo dahil lugi ka sa presyo nito."

"Teka lang Mang Fidel. Original ang relong 'yan? Seryoso ka ba?"

Halos batukan niya ako dahil sa aking pagdududa.

"Buong buhay ko nag-aalahas na ako at hindi ako pwedeng magkamali. Mayroon na rin akong mga rolex noong kabataan ko pero dahil hindi ko naman nagagamit ay ibinenta na ng namayapa kong misis. Ngayon na lang ulit ako nakakita at hawak ng orihinal na rolex at mukhang bago pa ang model nito."

Imbes na magtagal pa kay Mang Fidel ay kinuha ko na lang ang relo at nagpaalam na sa kanya. Kahit na ilang dipa na lang naman ang Bayagbayag ay nag-special pa akong tricycle para lang makauwi ng mas mabilis!

Ilang beses kong tinawagan si Arcus pero hindi ito sumasagot. Sa kabilang eskinita sana ako dadaan shortcut sa bahay pero nang matanaw ko ang pamilyar na lalaking tanging may maayos na suot sa mga tambay na kainuman ay mas lalong nag-init ang ulo ko.

"Jerwin!"

"MVP! Tara tagay ka muna! Tamang-tama at ilang case ng red horse ang binili ni Jerwin! Mayaman na talaga 'to kaya mas pinagpapala dahil mabait at marunong lumingon sa pinanggalingan! Iba ka talaga Jerwin!" Sabi ng isa sa mga tambay na tinatapik-tapik pa ang balikat ng lalaki.

Ngiting-ngiti naman ito, hindi alam na gusto ko na siyang kaladkarin dahil hindi ko pa man nakakausap ang kapatid ko ay malakas na ang kutob kong nagsisinungaling ito tungkol sa trabaho niya at gaya ni Jerwin, tumitira na rin ito ng matronang mga walang dilig.

"Tumayo ka d'yan at mag-usap tayo."

Natigil ang mga tambay at napatitig sa akin. Mas lalong nag-igting ang panga ko lalo na nang mawala ang ngisi niya.

"Bakit MVP? Ano 'yon?"

"Ayos ka lang ba, pre? Mukhang lasing ka ah. Bakit mainit ka?" si Amir na humarap pa sa akin pero hindi ko pinansin, nanatili ang matalim kong titig kay Jerwin.

Kahit na walang balak na harapin ako ay napilitan ito dahil talagang magkakaro'n ng malaking rambulan kapag hindi niya ako sinunod.

Sa kanyang pagtapat sa akin ay nagulantang ang lahat nang agad ko siyang kuwelyuhan at idiin sa pader dahilan para mapatayo ang mga kainuman niya.

"Sa anong trabaho mo ipinasok ang kapatid ko magsabi ka ng totoo!"

"MVP, hindi ko alam ang sinasabi mo."

"Putang ina, huwag kang magkakamaling magsinungaling dahil babasagin ko talaga 'tong mukha mo! Wala akong pakialam kung mayaman ka na at marami ka nang naabot sa buhay, anong ipinasok mo sa kokote ng kapatid ko?!"

"Wala akong ginawa MVP—"

"Putang ina isang kasinungalingan pa!"

Nanlaki ang mga mata niya nang hatakin ko siya't mas marahas na ihambalos sa dingding!  Napangiwi siya. Sila Amir ay nakatitig lang at walang magawa kahit na gustong-gusto na akong awatin. Ni minsan hindi ako nagalit ng walang matinding dahilan kaya alam nila kung saan lulugar.

"Oo na! Tama kang ipinasok ko si Arcus sa linya ng trabaho ko pero hindi ko siya pinilit! Siya ang kusang may gusto no'n!"

Hindi ko na napigilan ang paglipad ng kamao ko sa kanyang mukha! Nagulantang ang lahat nang masundan pa iyon kaya nagmamadali nila akong inawat!

"MVP, tama na!"

"Hindi ko pinilit si Arcus! Sadyang may pangarap lang ang kapatid mo hindi gaya mong kuntento na sa buhay na ganito! Gustong yumaman ni Arcus at kaibigan ko 'yon kaya tinulungan ko!"

"Tangina mo! Papatayin kitang hayop ka!"

Patuloy akong nagpumiglas sa limang tambay na nakahawak sa akin. Ang init at galit sa ulo ko ay nagpapatong-patong na at kung hindi lang nila ako pinipigilan ay baka talagang magawa ko ang mga sinasabi.

Oo nga't mataas ang pangarap ng kapatid ko pero sa paraang ganito para makamit niya 'yon ay habang buhay kong hindi matatanggap! Mas mabuti pang maging kriminal ako kaysa ang ipagamit ang katawan ko sa mga matatandang babae para lang kumita ng pera! Para sa akin ay iyon na ang pinakamababa at hindi ko matanggap na iyon ang ginagawa ni Arcus ngayon. Parang wala siyang naintindihan sa mga bilin ko't paalala. Wala siyang natutunan sa mga sinabi ko magawa niya lang ang tingin niyang mag-aahon sa kanya sa kahirapan.

"Gustong yumaman ni Arcus! Gusto niyang umalis sa lugar na 'to at desisyon niya 'yon kaya huwag ako ang sisihin mo!"

Sa galit ko dahil sa patuloy niyang pagsasalita ay nagawa kong itulak ang lahat ng mga lalaking nakahawak sa akin. Palibhasa mukhang marami na ring mga nainom ay mahihina na sila kaya muli kong nabalikan si Jerwin.

Nasadlak kami sa lupa at doon ko binalikan ng malalakas na suntok ang mukha niya. Wala itong nagawa kung hindi ang magmakaawa sa akin. Kung hindi pa dumating si Jung Kook at mga tauhan ni Kapitan Jimin ay hindi pa ako mapapatigil sa pagwawala.

Ilang mura at pagbabanta pa ang binitiwan ko bago ko sila iwang lahat.

"Ano bang nangyayari, MVP? Bakit ka ba nagwawala?"

Huminto ako't hinarap si JK. Alalang-alala ang mukha nito.

"Kapag nakita mo si Arcus sabihin mong hinahanap ko siya at umuwi na siya ngayon din. Pakisabi na lang din sa mga tambay dahil putang ina, sasabog na ako."

Bigong bumagsak ang magkabilang balikat ni JK. Hindi na lang ako sinundan dahil alam niyang mainit talaga ako ngayong gabi. Pag-uwi sa bahay ay mas lalong hindi ako napakali. Paikot-ikot ako't walang tigil na pinaulanan ng text ang cell phone ng kapatid ko pero ni isa ay wala itong sinagot.

Sa aking pag-upo ay saka ko naramdaman ang epekto ng alak sa katawan ko. Para akong nilalagnat sa galit.

Hanggang ngayon hindi ako makapaniwalang sinuway ni Arcus ang mga bilin ko. Mas lalong hindi ko matanggap na para lang sa putang inang pangarap niyang yumaman nagawa niyang ibaba ang sarili. Doon pa lang ay alam ko nang nabigo ako. Kasalanan ko dahil kahit na ayaw ko ay hindi ko tinutulan ang pangarap niyang 'yon. Kung sana noon pa lang ang naisaksak ko na sa kokote niyang ang pagyaman ay hindi para sa aming dalawa ay baka hindi nangyari ito.

Pilit kong kinalma ang sarili. Humiga na lang ako at naghintay sa kanya pero kusang muling umangat ang galit sa puso ko nang marinig ang pagbukas ng pintuan ilang oras ang nakalipas.

Nagmamadali akong umahon sa pagkakahiga at agad na nilabas si Arcus na kahit handa na sa akin ay halata pa rin ang takot.

Marahas kong inihagis sa kanya ang rolex na hawak ko. Mabuti at nasalo niya dahil talagang mababasag 'yon sa lakas.

"Sinong matrona ang nagbigay sa 'yo ng relong 'yan at bakit natuto kang magsinungaling sa akin?!"

Hindi siya nakasagot. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin.

"Nagpapagamit ka sa mga matatandang babaeng 'yon?! Anong nagawa kong pagkukulang sa 'yo Arcus at bakit pumayag ka sa ganyang klaseng trabaho? Ganyan ka na ba talaga ka-desperadong yumaman na kahit katawan mo gagamitin mo para lang sa putang inang pangarap na 'yan?!"

"Grabe ka naman magsalita kuya. Gusto ko lang namang kumita ng pera para sa sarili ko—"

"Kaya mong gawin 'yon nang hindi nagpapagamit sa kung sino-sinong matrona! Hindi mo kailangang maging pokpok para lang sa pera!"

"At ano ang dapat kong gawin? Magnakaw? Mang-hold up? Mang-kidnap gaya mo?"

Nasugod ko siya nang wala sa oras at agad naidiin sa lababo. Hindi siya pumalag. Mas lalo akong nasaktan sa pagmamatigas niya't mga sinasabi ngayon.

"D'yan tayo nabuhay, Arcus! Ang trabaho ko ang nagsalba sa buhay mo at hindi kita pinipilit na gawin 'yon dahil kargo kita! Ako ang gagawa ng lahat ng tingin mong mali mabuhay lang tayong dalawa! Hindi ko sinabing gawin mo 'yon at mas lalong hindi ko gustong mapunta ka sa ganitong landas! Hindi kita pinipilit na magtrabaho at gayahin ako!"

Itinulak niya ako. Napaawang ang bibig ko dahil sa lakas ng ganti niya makaalpas lang sa pagkakahawak ko.

"Hindi ko gustong umasa sa 'yo habang buhay. Ayaw kitang husgahan at malaki ang respeto ko sa 'yo kuya pero kung tingin mo mali ang ginagawa ko, unahin mo muna sanang punahin lahat ng ginagawa mo. Parehas lang tayong imoral ang ginagawa pero hindi mo ako pwedeng diktahan dahil ito ang gusto ko. Buhay ko 'to at gagawin ko kung ano ang gusto kong gawin para lang maabot ang lahat ng mga pangarap ko dahil hindi ko gustong mabulok sa lugar na 'to!"

"At anong gusto mo, ha?! Nakatikim ka lang ng kaunti nagyayabang ka na?! Anong ipinagyayabang mo? Si Jerwin?!"

Umiling na lang ito pero imbes na sumagot pa ay tinalikuran na ako.

"Magpalamig muna tayo. Saka na lang tayo mag-usap kapag matino ka nang mag-isip."

Nagtangis ang bagang ko sa narinig pero kahit na anong tawag ko sa kanya ay hindi na ako nito pinansin. Dire-diretso siyang lumabas at walang lingong naglakad hanggang sa hindi ko na natanaw.

Mabigat ang dibdib kong napayuko. Dama ko pa rin ang matinding galit sa aking kabuuan pero mas matimbang na doon ang lungkot.

Minsan lang kaming mag-away ni Arcus at lagi kaming nagbabati pero ngayong gabi, hindi ko alam kung mangyayari pa ba iyon. Hindi ko alam kung matatanggap ko bang gano'n ang trabaho niya at mas lalong hindi ko alam kung mapapatawad ko ang sarili ko dahil sa daang gusto niyang tahakin ng mag-isa.

Mama, saan ho ako nagkamali? wala sa sarili kong bulong habang nakatingala sa madilim na langit, umaasang may makarinig ng bigat sa dibdib kahit na imposible.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro