Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 3

Chapter Three

Rozovsky


Kahit na hindi ito ang unang beses na magnanakaw ako ay hindi pa rin talaga nauubos ang kaba lalo na at medyo malaki ang nanakawin naming ngayong gabi at hindi pa sigurado kung manlalaban ba ang bantay o hindi.

Hindi naman ako natatakot na baka masaktan ako habang ginagawa iyon dahil kasama na 'yon sa bawat raket namin pero natatakot akong makapatay ang mga kasama ko. Nangyari na iyon dalawang taon ang nakalipas at hanggang ngayon ay nasa kulungan pa rin ang kasama namin at ang pangyayari ay hindi ko pa rin makalimutan.

Kahit na masama ako at halang na ang kaluluwa dahil sa puro illegal na ginagawa ay mayroon pa rin naman akong puso at nakakaramdam pa rin ako ng simpatya lalo na sa mga batang nawalan ng magulang nang makapatay ang kasama naming guwardiya dahil iyon ang nangyari sa amin ni Arcus. At hindi iyon madali. Kung hindi nga siguro namatay si Mama ay baka hindi ganito ang buhay namin. Baka hindi ako nalihis ng landas at hindi muling malalagay sa panganib.

"MVP! Huy! Presence of mind naman! Baka kapag nasa loob na tayo matulala ka eh! Ayos ka lang ba? Tumira ka ba bago tayo umalis?"

"Gago hindi ako nag-sa-shabu." Sagot ko kay JK habang maingat silang sinusundang baybayin ang kabahayan patungo sa target naming pawnshop.

"Eh bakit tulala ka diyan? Kanina ko pa napapansin parang tahimik ka, eh. Natatakot ka ba?"

"Tangina mo, hindi 'yon."

Natawa siya. "Eh ano pala? Pasalamat ka ako pa lang ang nakakapansin. Huwag mo nang hintaying mapansin ka ng mga ulupong na 'yan." Aniya sabay tingin sa aming harapan kung saan naroon sila Cardo.

Umiling lang ako at nagpatuloy sa pagsunod sa kanila. Tahimik na ang buong lugar. Tama lang na sa mga bubong kami dumaan dahil kung sa ibaba ay hindi matitigil ang tahulan ng mga asong kalye.

Naging mabilis ang mga sumunod naming galaw. Malinis ang plano at kahit na mga adik at kriminal ang kasama ko ay matatalino ang mga ito. Ang lahat ay pinag-aralan nila. Malakas ang ingay ng nagkakasiyahang videoke sa kabilang banda kaya hindi marinig ang ingay ng pagsira namin sa bubong para makapasok sa loob. Maliksi ang mga galaw nila Kuya Cardo. Nang makagawa na ng sapat na siwang ay agad na silang pumasok sa loob, kami ang huli ni JK.

Sa aming pagbaba ay sunod-sunod ang putok ng baril para sirain ang mga CCTV.

"Dapa! Dapa!" Malakas na sigaw ni Kuya Cardo at Bakal sa nagising na guwardiya.

Lutang itong dumapa. Nilapitan ito ni Kuya Bakal at kinuha ang baril pagkatapos talian at busalan ang bibig. Binasag namin ni JK ang lagayan ng mga alahas. Nang matapos sila ay tinulungan na nila kaming sirain ang vault.

"Jackpot! Kapag siniswerte ka nga naman! Mukhang mataas pa sa isang milyon ang makukuha natin ngayon!" Nakangising demonyong sabi ni Bakal habang kami ni JK ay naghahakot ng mga perang bulto-bulto.

"Isang minuto! Bilis! Kailangan na nating umalis."

"Tiba-tiba!" Si JK na tinapik ang balikat ko dahil talagang tahimik ako.

Tinanguan ko lang siya. Inayos ko ang suot kong telang maskara pagkatapos ay isinara't isinukbit na ang bag na laman ang kalahati sa mga nanakaw namin ngayong gabi. Nasa kanya naman ang kalahati.

Imbes na sa bubong lumabas ay sa back door na kami tumakas. Inakyat namin ang bakod at ilang eskinita lang ay naroon na kami sa naghihintay na sasakyan para tuluyan kaming makatakas. Sa loob ng labing limang minuto ay nalimas na namin ang lahat.

Malakas ang kalabog ng puso ko matapos makapasok sa loob ng sasakyan. Naghiyawan ang lahat nang humarurot na iyon palayo. Napasigaw na rin ako para mabawasan ang lakas ng kabog ng puso ko.

Kahit na tapos na at successful ang misyon namin ngayong gabi ay hindi pa rin natigil ang malakas na kalampag ng dibdib ko hanggang sa makarating kami sa lumang bodega ng Sitio Bayagbayag kung saan naroon na si Kapitan Jimin at ang iba pa.

Malayo pa lang ay malawak na ang mga ngisi ng mga gago. Umuusok ang bibig ni Kapitan dahil sa sigarilyo pero hindi rin nakaligtas sa akin ang ngisi niyang hanggang tainga habang hinihintay kaming makalapit.

Hinihingal na ibinagsak ni JK ang duffel bag na hawak niya sa lamesang nasa harapan ng ama at gano'n din ang ginawa ko. Lumayo ako para manigarilyo at hinayaan silang bilangin ang lahat ng mga nakuha namin. Ang ibang miyembro ay inayos na ang mga alahas at agad na umalis para gawing pera ang mga alahas habang ang iba naman ay hindi natapos sa pagbibilang.

"Binabati ko kayo ngayong gabi." ani Kapitan matapos ang halos sampung minutong pagbibilang ng mga kasama namin.

Tama si Kuya Bakal na sobra pa sa isang milyon ang aming nakuha pero nadismaya ako nang ibigay na sa akin ang bakas kong singkwenta mil.

"Kapitan akala ko ba may dagdag kapag mas mataas sa isang milyon ang nakuha namin?" hindi napigilang itanong ng kanyang anak, dismayadong-dismayado.

"Kailangan natin ng pondo sa gagawing misyon nila Ulan kaya ang sobra ay ilalaan natin do'n. Kapag natapos ay saka ko kayo bibigyan ng bonus."

Hindi na ako sumagot. Kahit na dismayado rin ay pinili ko na lang manahimik hanggang sa makaalis na kami sa bodega at maka-diretso sa bar.

Masama pa rin ang loob ni JK sa ama lalo na't ang parte nila kuya Cardo na sobra ay agad niyang ibinigay.

"Kung bakit ba kasi ayaw nila tayong bigyan ng baril. Kayang-kaya naman nating gumawa ng sariling operasyon ng wala ang mga 'yon para hindi na tayo laging nalulugi. Ano ba naman 'yong patumbahin ang mga nagbabantay? Hindi nga sila pinagpawisan kanina." nagpatuloy ang mga hinanaing niya kaya hindi rin nawala ang sama ng loob ko.

Tinungga ko ang laman ng bote ng alak at hindi iyon tinigilan hangga't hindi nauubos.

"Hayaan mo na 'yon. Ang mahalaga nakuha pa rin natin ang pinag-usapang bakas natin."

"Hindi pa rin tama 'yon. Ikaw ba? Palagi bang ganito ang siste?"

Bigo akong tumango.

"Bakit hindi ka man lang nagrereklamo, MVP? Aba karapatan mong mabayaran ng tama dahil nagtatrabaho ka naman ng tama."

"Hindi ko na iniisip. Ang mahalaga mayroon pa rin kaysa wala."

Mas lalo lang umakyat ang iritasyon sa ulo niya.

"Kung hindi ko lang tatay 'yon baka nasuntok ko na. Hindi talaga tama. Tangina buong taon na akong badtrip neto."

Hindi na lang ako sumagot dahil baka kapag nagsalita na ako ay kung saan pa kami mapunta. Itinuon ko na lang ang atensiyon sa alak hanggang sa magyaya si JK sa kabilang bar kung saan mayroong mga babaeng nag-so-show at pwedeng ikama.

"Ililibre kita. Tumira na lang tayo para makalimutan na natin 'to," aniya habang nasa harapan kami ng parang aquarium kung saan nasa loob ang mga babaeng mga naka-two piece lang at malawak ang mga ngiti sa amin.

"Jung Kook! Long time no see, ah! Ano, game ka ba ngayon?" bati ng babaeng may-ari ng lugar na kilalang-kilala ang kasama ko.

Nakapunta na rin naman ako rito pero hindi madalas dahil wala naman akong pambayad sa mga babae. Hindi rin naman ako hayok dahil kahit dikdikin ang bayag ko ay hindi ako magbabayad para lang sa sex. Kaya kong makuha 'yon ng libre kung gugustohin ko.

"Oo! Kasama ko 'yung tropa," binati ako ng babae. Ngumiti lang ako.

"May bago ka ba? Bigay mo na sa amin Trishie. Gusto ko sana 'yung magaling gumiling para rito sa tropa. Kailangang-kailangan, eh. Bad mood kami parehas."

"Oo naman! Ikaw pa ba JK? Bibigyan kita ng malupit at fresh."

"'Yon! Thank you Trishie! The best ka talaga!"

"Sus! Huwag mo na akong bolahin. Sige na. Room eight at nine. Enjoy kayo, lalo ka na, MVP." Matamis at makahulugang ngiti nito sa akin.

Tumango lang ako at hinayaan siyang hawakan ang balikat ko. Ngising asong tinapik ako ni JK matapos mawala ni Trishie dahil hindi na nawala ang mga mata ko sa mga babaeng nasa loob ng aquarium. Lahat naman sila ay magaganda pero parang wala talaga ako sa huwisyo ngayong gabi. Ayaw ko namang malungkot si JK kapag tinanggihan ko. Sa aming dalawa ay mas kailangan niyang malibang at baka talagang masapak niya si Kapitan Jimin.

Naghiwalay kami nang pumasok na sa mga silid. May waiter na pumasok para bigyan ako ng sigarilyo at alak. Agad naman akong sumindi.

"Marijuana, boss?"

Iginalaw ko ang kamay ko para tanggihan. "Hindi ako tumitira ng tsongke. Ayos na 'tong yosi. Salamat, brother."

Ngumiti ang lalaki at iniwan na ako. Wala sa sariling napasandal ako sa couch at sandaling napatulala sa ceiling. Sa tagal ko nang ginagawa ang ganito ay parang ngayon lang ako nakaramdam ng pagod. Siguro ay gano'n talaga kapag paulit-ulit na at kahit sanay na ay nakakaramdam pa rin ng konsensiya. Parang nagpatong-patong na ngayon.

Pumasok sa isip ko si mama dahilan para mapapikit ako. Alam kong ikinahihiya niya ako ngayon kung nasaan man siya. Alam kong hindi ito ang buhay na gusto niya para sa akin at sa amin ng kapatid ko pero wala eh. Ito lang ang kaya ko at kapag nalunod ka na sa buhay na ganito ay mahirap nang umalis. Mahirap nang makaalpas. Kung may pagkakataon man, ano naman ang gagawin ko? Parang lipas na ang buhay ko at hindi na ako bagay na bumalik sa tuwid na daan.

Pakiramdam ko ay talagang para ako rito at wala nang pag-asa pang makapagbagong buhay. Parang ito na talaga ang destinasyon ko hanggang sa mamatay ako hindi gaya ni Arcus na mataas ang pangarap kahit na minsan ay sinasabihan kong itigil niya iyon. Ni minsan ay hindi nagbago ang pangarap niyang yumaman.

Nagtangis ang bagang ko nang maalala ang lalaking nagpakilala sa aking pinsan ng totoo kong ama. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na 'yon dahil halos masapak ko siya matigilan lang ako sa kabubuntot.

Bata pa lang ako ay alam ko nang kabit si mama at ang ama ko ay mayaman dahil bukambibig ni mama palagi kapag may ibinibigay na mga magagandang gamit sa amin ay galing daw iyon sa tatay namin. Masyado pang bata si Arcus kaya wala siyang maalala pero kahit na hindi ko na rin maalala ang mukha ng totoo kong ama ay alam kong hindi ako ginagago ng nakausap kong pinipilit akong bigyan ng pagkakataon upang magbagong buhay at tanggapin kung ano talaga ang dugong nananalaytay sa akin.

Rozovsky.

Mapait akong napailing nang maalala ang apelyidong iyon. Simula nang mamatay si mama sa harapan namin ni Arcus matapos siyang atakihin sa puso dahil sa sama ng loob sa aming ama ay hindi ko na ginamit ang apelyidong iyon kahit kailan. Itinago ko kay Arcus ang lahat. Nagpagawa ako ng bagong birth certificate namin sa Recto para makapag-aral kami at ang ginamit naming apelyido ay ang apelyido ni mama, ang Zapanta.

Akala ko pagkatapos kong isumpa ang pamilyang pumatay kay mama ay tuluyan nang mapuputol ang mga koneksiyon namin sa pamilyang iyon pero halos dalawang taon ang nakalipas ay muli iyong bumabalik. Parang sumpa na mukhang hindi na ako lulubayan lalo na't mga determinado itong gawin kaming kasapi nila. Hindi ako papayag.

Kahit na patayin nila ako ay mamamatay kaming Zapanta ng kapatid ko at kahit kailan ay hinding-hindi ko kailanman kakailanganin ang yaman nila kahit na iyon na lang ang tanging susi ko upang makalayo sa mundong ito.

Mas pipiliin ko pa rin ang maghirap kaysa ang tanggaping kadugo ang mga taong sumira sa buhay namin ni Arcus... ang mga taong pumatay kay mama. Kaya ko at kakayanin namin ang lahat ng wala ang yaman nila. Kaya ko kahit na hindi ako maging Rozovsky at itataga ko 'yon sa lahat ng bato.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro