CHAPTER 11
Chapter Eleven
Saved
Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin matapos umalis ni Arcus. Kahit na parehas kaming galit sa isa't isa ay may parte pa rin sa aking umaasang babalik siya pero isang linggo na ang nakalipas ay ni anino niya hindi na tumapak sa Bayagbayag. Gano'n din si Jerwin. Kahit naman makita ko ang huli, wala na akong mapapala sa kanya dahil alam kong hindi niya kasama ang kapatid ko.
Humigpit ang kamay ko sa boteng hawak at tinungga ang laman no'n. Humapdi na ang lalamunan pero hindi ko iyon tinigilan.
"MVP..."
Sa pagdating ni Janina ay saka ko lang nabitiwan ang alak. Bagsak kaagad ang balikat niya nang makita ako. Simula kasi nang umalis ang kapatid ko ay wala na akong ginawa kung hindi ang magpakalunod sa alak. Kahit na wala kaming napag-uusapan sa tuwing pumupunta siya ay hindi siya tumigil sa pagbisita sa akin.
"Sinira mo na naman ang mga gamit n'yo. Wala ka ng natirang plato rito." nag-aalala niyang sabi pagkatapos ay pinulot ang mga nabasag sa sahig.
"Iwan mo na 'yan. Iwan mo na muna ako Janina."
Hindi siya nagpatinag. Ibinaba niya ang eco bag na hawak sa lababo at saka ipinagpatuloy ang paglilinis.
"Kahit anong gawin mo hindi maibabalik ng alak si Arcus. Nakapagdesiyon na siya at sa galit na nakita ko sa pag-aaway n'yo, alam kong kailangan ng oras bago kayo makapag-usap ulit."
"Sabi kong umalis ka na muna. Huwag mo akong pakialaman."
Ilang sandali siyang natigil pero nagpatuloy pa rin. Parang wala siyang narinig sa mga sinabi ko. Nagwalis siya sa aking harapan. Wala na akong nagawa dahil kahit na gusto ko siyang kaladkarin palabas ng bahay ko ay wala akong lakas. Buong linggo na akong walang ginawa kung hindi uminom. Magpapakalasing hanggang sa makatulog at iinom ulit sa paggising.
"Nagdala ako ng pagkain dahil alam kong hindi ka pa kumakain. Paborito mo ang igado kaya dinamihan ko ang luto."
Nagsimula siyang maghain. Hindi ko na pinansin. Nagpatuloy ako sa pag-inom at paghipat sa hawak kong yosi. Maya-maya ay lumapit na siya bitbit ang mga pagkaing dala niya. Naupo siya sa aking tabi at matamis na ngumiti, umaasang mapapawi no'n ang sakit na nararamdaman ko't lahat ng problema.
Nalaglag ang mata ko nang hawakan niya ang aking kamay.
"Nandito ako kasi nag-aalala ako sa 'yo. Hindi pwedeng ganito na lang palagi. Oo alam kong masakit pero hindi naman pwedeng magpakalunod ka na lang sa alak. Hindi maaayos ang problema mo kung ganitong paraan ang gagawin mo. Hindi 'to solusyon. Mapapasama lang ang katawan mo,"
"Ang sabi ni JK, ilang araw ka nang hindi kumakain. Pati 'yong dinala ko noong nakaraan hindi mo rin ginalaw. Kailangang magkalaman ang tiyan mo at hindi lang itong alak."
"Hindi ako gutom." malamig kong sabi sabay tabig ng kamay niyang nakahawak sa akin.
Kahit na nabigla siya ay nagawa niya pa ring ngumiti at intindihin ang ugali ko. Positibo niyang kinuha ang kutsara at hinipan pa ang pagkaing inilagay doon.
"Kung hindi mo na kaya susubuan na lang kita kahit ilan lang." aniya pagkatapos ay walang sabing inilapit ang kutsara sa bibig ko pero imbes na gawin ang gusto niya ay mabilis kong pinigilan ang kanyang kamay.
"Hindi ako nagugutom! Hindi ko kailangan ng pagkain, Janina!"
"At ano ang gusto mo? Gusto mong magkasakit? Tingin mo babalik si Arcus kapag nangyari 'yon?"
"Huwag kang makialam! Umalis ka na! Hindi kita kailangan!" sigaw ko sabay tayo at layo sa kanya.
Tinungga kong muli ang hawak na alak at hindi na siya gusto pang pansinin pero kusa akong nahinto nang sunod na marinig ang paghikbi niya. Nakaigting ang panga ko siyang nilingon.
"Ginalaw mo ako, MVP. Kinuha mo ang pagkababae ko. Oo alam kong gusto ko rin naman ang nangyari sa atin pero parang unfair naman na ganito mo ako tratuhin pagkatapos. Hindi man lang tayo nag-usap. Alam kong may problema ka at hindi ka ganitong klase ng lalaki kaya nagtitiis ako hanggang sa maging handa kang harapin ako. Kahit pasasalamat o pampalubag na lang ng loob dahil sa nangyari sa atin,"
"Hindi naman ako naghahangad ng kung ano. Nandito ako kasi nag-aalala ako sa 'yo ng sobra. Mahalaga ka sa akin at ayaw kong makita kang ganito. Oo hindi mo na ako kailangan dahil nakuha mo na ang virginity ko pero hindi lang naman 'yon ang kaya kong ibigay sa 'yo. Nandito ako bilang kaibigan, bilang babae, kahit anong gusto mo dahil gusto kita at mahalaga ka sa akin kahit na ano pang sabihin mo kaya sana kahit kaunti lang... kahit katiting lang sana magawa mo rin akong pakinggan. Kahit iyon na lang kapalit ng kinuha mong napakahalaga sa akin."
Napayuko ako't mas lalong bumigat ang dibdib sa pagpapatuloy niya sa pag-iyak. Nagmamadali niyang kinuha ang mga gamit nang gumalaw ako.
"Pero hindi kita pipilitin kung ayaw mo. Kumain ka na lang kung gusto mo. Kapag gusto mo ng kausap o may kailangan kang kaya kong ibigay alam mo na kung saan ako hahanapin."
Naikuyom ko ang mga kamao nang agad siyang lumabas pagkatapos. Hindi ko gustong saktan si Janina o kahit sinong malapit sa akin pero wala ako sa tamang huwisyo para gawin 'yon. Sa bawat araw na lumipas ay wala akong maramdaman kung hindi ang matinding kalungkutan at sakit sa puso ko. Hanggang ngayon ay sinisisi ko ang sarili kung bakit ako iniwan ng kapatid ko. Kung bakit napunta sa wala ang lahat ng mga pangako ko kay mama. Kung bakit siguro ngayon ay dismayado siya sa akin lalo na't sa paghihiwalay namin ni Arcus ay nakasakit pa ako ng babae.
Binitiwan ko ang alak at pagkatapos ay bumalik sa aking kinauupuan. Kinuha ko ang pagkaing iniwan ni Janina at kahit na wala akong gana ay kinain iyon. Sa una ay nahirapan ako dahil nag-aalburoto ang tiyan ko pero inubos ko ang lahat. Kahit na lango na sa alak ay nagawa ko ring maligo at mag-ayos ng buong bahay pagkatapos ay sinubukang ipagpahinga ang utak at sarili.
Tama si Janina, kahit anong gawin ko ngayon ay hindi na no'n maibabalik si Arcus. Mas lalong alam kong hindi na 'yon babalik ngayong alam na niya ang katotohanan sa totoong pamilyang pinagmulan namin. Gusto kong maging masaya na matutupad na niya ang pangarap niyang yumaman pero hindi ko magawa.
Nag-igting ang panga ko nang maramdaman na naman ang luha sa aking mga mata. Inilagay ko ang braso sa aking mga mata at ipinangakong ito na ang huli. Hindi na ako kailanman iiyak dahil lang sa kanya dahil siya ang tumalikod sa aming dalawa. Siya ang may kasalanan kung bakit naghiwalay kami at alam ng Diyos at ni mama ang lahat ng ginawa ko maisalba lang siya at sapat na ang lahat ng 'yon para tumigil ako ngayon at isipin naman ang sarili.
Maaga akong nagising kinabukasan. Isang linggo akong wala sa mga meeting ng BTS kaya nang makita nila ako ay natuwa ang mga ito.
"Ako na lang ang sasama kung wala si Amir." boluntaryo ko sa ilang araw nang pinag-uusapang raket sa isa sa mga bahay na papasukin namin.
"Sigurado ka ba diyan, MVP? Hindi ka pa marunong masyado sa baril. Delikado 'yon."
"Lookout lang naman, 'di ba? Hindi naman kailangang magaling sa baril dahil back up lang ako. Hindi naman siguro magkakagipitan pero kung mangyari man kaya ko namang bumaril. Kaya ko at gusto ko," tinitigan ko si Kapitan Jimin. "Ako na ang sasama Kap."
"MVP—"
Naglakad ako palapit sa lalaking katitigan para matigil si JK sa pagpigil sa akin. Inulit ko ang mga litanya kaya napabuntong-hininga ang lalaki.
"Sigurado ka ba talaga? Maayos na ba ang takbo ng utak mo para sumama? Sigurado kang makakapag-focus ka rito?"
Tumango lang ako. Nalaglag ang balikat ni JK nang maging plantsado na ang planong pag-akyat sa bahay ng isang baklang mayamang negosyante na bugaw ng mga lalaki. Aalis daw iyon ng ilang araw patungo sa ibang bansa kaya sakto ang plano para limasin ang ilang milyong halaga ng mga kagamitan sa bahay nito.
Malungkot pa rin si JK matapos ang meeting. Kahit na tapos na ay patuloy niya pa rin akong kinulit na umatras dahil kahit na wala ang negosyante ay marami raw nagbabantay sa bahay nito at posible talagang magkagipitan.
"Ayos lang ako, JK. Kailangan ko na rin talagang sumama para malibang ako." sabi ko matapos ilagay sa bulsa ko ang baril na ibinigay sa akin ni Bato kanina.
"Hindi na talaga bumalik si Arcus? Kahit text o tawag man lang kung nasaan na siya hindi niya ginawa?"
Bigo akong umiling. "Wala na akong pakialam kung bumalik siya o hindi. Pumili na siya ng desisyon sa buhay niya kaya panindigan na niya 'yon. Huwag na huwag na siyang babalik dahil wala na siyang kapatid na babalikan."
"Huwag ka namang magsalita ng ganyan. Kahit anong mangyari ay magkapatid pa rin kayo."
"Tinapos na niya 'yon nang sumama siya sa pamilya ng ama ko. Wala na akong kapatid at tapos na akong malugmok dahil lang sa kanya. Wala na akong pakialam." sabi ko sa gitna ng pagngitngit ng panga kaya hindi na lang nagpatuloy si JK na ungkatin pa ang bagay na 'yon dahil alam niyang mapapasama lang ang usapan.
Tumira kami ng babae. Nang matapos ako ay umuwi na lang akong mag-isa. Kailangan ko kasing ikondisyon ang sarili para sa gagawin sa susunod na araw kaya hindi na ako nagtagal. Naglakad lang ako simula sa club pauwi sa Bayagbayag. Halos trenta minutos din ang layo no'n. Ayos lang dahil kailangan kong lumanghap ng sariwang hangin kahit na imposible sa polusyon sa putang inang lugar na 'to.
Nahinto ako sa isang tindahan para bumili ng sigarilyo. Dahil nalibang sa mga kumikinang na disenyong pang-pasko sa building na nasa harapan ko ay tumambay ako doon sandali.
Ito ang unang beses na magpapasko akong wala ang kapatid ko at ako lang talagang mag-isa pero unti-unti ay natatanggap ko na dahil ito na talaga ang buhay ko ngayon. Hindi rin naman habang buhay talaga kasama ko siya kaya dapat lang na masanay na ako.
Patuloy ako sa paghipat ng yosing hawak nang maya-maya'y mangunot ang noo ko't mapatayo ng tuwid matapos matanaw ang isang babaeng lumabas sa building na 'yon at hindi pa man nakakalayo ay hinarangan na ng ilang mga nakaabang na lalaki!
"Help me! Help me please!" dahil walang dumaraang sasakyan ay malinaw na malinaw sa pandinig ko ang malakas na boses niyang iyon!
Ayaw ko mang makialam pero kusang gumalaw ang mga paa ko't patakbong sumaklolo. Bumilis pa lalo ang galaw ko nang makitang sasampalin pa ng isang lalaki ang babaeng pilit na hinihila palayo at matanaw ang isang sasakyang parating, ang getaway car nila sa pag-kidnap sa babae!
"Help me! Help me!" patuloy niyang sigaw at piglas sa mga lalaking may hawak sa kanya.
Sa aking paglapit ay agad kog sinugod ang mga lalaki. Nakipagsuntukan ako para isalba siya pero dahil sa dami nila ay hindi ako masyadong makagalaw kaya napilitan na akong bunutin ang baril na nasa aking tagiliran at itinutok sa kanila kahit na hindi ako bihasa sa paggamit no'n.
"Bitiwan n'yo 'yan o pasasabugin ko 'yang mga bungo n'yo?!"
Doon sila nataranta't ang dalawang may hawak sa babae ay agad siyang binitiwan kaya nalaglag ito sa sahig. Nagmamadali na silang sumakay sa humintong sasakyan kaya hindi ko na nahabol pa.
"Okay ka lang ba? Nasaktan ka ba?" tanong ko sa babae matapos lumuhod nang lapitan siya pero hindi ko inakala ang babaeng makikita ko.
"C-Chanteau?"
Lumakas lalo ang dagundong ng puso ko nang magkatitigan kami pero bago pa ako makapagsalita ay agad na niya akong nayakap nang mahigpit!
"T-thank you for saving me! thank you!"humahagulgol niyang sambit habang ang katawan ay nanginginig sa takot dahilan para awtomatikong sumagot ng yakap na mahigpit ang mga mga braso ko sa kanyang katawan.
~~~~~~~~~~
This story is already completed.
You can now read the full version on www.patreon.com/cengcrdva or VIP group as this will not be updated here anymore.
Just message CENGCRDVA facebook page for full VIP details.
Thank you!
🍀
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro