PROLOGUE
PROLOGUE: Kasal
Walang 'sing kabog ang dibdib ko.
Habang nakatingin sa pinanonood ni Mariposa ay mabibilis ang tibok ng puso ko. Siya ang babaeng lapit nang lapit sa akin. Habang tumatagal ay nasasanay na ako sa presensya niya at hindi na nawiwerduhan. Ang tingin na ng mga tao sa amin dito sa lugar namin ay magkaibigan kami.
Pumikit ako nang mariin dahil sa ginagawa ng dalawang tao sa bidyo na pinanonood ni Mariposa.
"Axedria!"
"Ay puke pinasukan ng bayag!" hiyaw ni Mariposa sa gulat.
Ako naman ay agad napatayo at bahagyang napalayo kay Mariposa dahil sa pagtawag ng ina ko.
"Bakit po, Mama?" marahang tanong ko. Lalong kumabog ang dibdib ko. Naramdaman ko rin ang pag-init ng mukha. Para akong may nagawang kasalanan at nahuli.
Halos lumuwa na naman ang mga mata ni Mama sa akin. Galit na naman siya. Ano na naman kaya ang ginawa ko?
Mabibilis na humakbang si Mama palapit sa akin. Mahina akong napadaing nang higitin ang braso ko palayo kay Mariposa.
"Ilang beses na kitang pinagsabihan na 'wag na 'wag kang lalapit-lapit sa babaeng 'yan?" galit na singhal ni Mama.
Sunod-sunod akong umiling. Si Mariposa ay wala na sa pinanonood. Inosente lang itong nakatingin sa amin ni Mama, nanunungay at pinipitik sa kung saan matapos palibugin.
"H-hindi naman ako ang lumalapit, Ma..." sabi ko. Lalo lang akong napadaing dahil sa paghigpit pa lalo ng hawak ni Mama sa akin.
"Hindi naman sumasabog kapag nagkakatabi ang magaganda, Aling Marites. Kaya ano bang problema kung nagkakatabi kami ni Axedria?" ani Mariposa.
Inilingan ko ang babae para pigilan na magsalita. Sigurado kasing masisigawan din siya ni Mama.... Hindi nga ako nagkakamali.
"'Wag ka ngang mangielam! Maglaba ka na lang ng panty mo. Kisangsang!" bulyaw ni Mama saka ako kinaladkad paalis sa lugar.
Habang papasok ng bahay ay patuloy si Mama sa pagbubulyaw sa akin. Naiiyak na ako pero pinipigilan kong lumuha. Malaki na ako. Hindi na dapat ako umiiyak. 'Tsaka... mas lalong magagalit si Mama kapag umiyak ako.
Pabalya akong binitiwan ni Mama nang makapasok sa kwarto ko. Bumalya ako sa kama. Mabuti na lang malambot iyon. Umayos ako sa pagkakaupo at napayuko habang si Mama ay nakapamayawang sa harap ko.
"Darating si Bekoy galing kina Nela. May dalang puting bistida. Dapat bago ako dumating mamayang alas sais ay naisuot mo na iyon."
Napaangat ang tingin ko kay Mama. "Para saan, Ma?"
"'Wag nang magtanong. Ipakakasal kita roon sa kumpare ni Alonzo," aniya saka umalis sa harap ko at nilapitan ang kinalalagyan ng sapatos ko.
Napatayo ako agad. "Ako ipakakasal?" wala sa sariling nasabi ko, saka hinarap si Mama. "Ma, ano po ang ibig ninyong sabihin?"
"Hindi ba't sinabi kong 'wag nang magtanong nang magtanong?"
"Pero, Ma..." sandali akong napaisip. Bente pa lang ako 'tsaka... "Ayo'ko pa po! Ayo'ko, Ma!"
Tumayo si Mama at galit akong hinarap. Tinapon niya sa harapan ko ang sandals niyang nakuha.
"Wala akong pakialam sa opinyon mo! Magpapakasal ka sa kumpare ng stepfather mo tapos!" Saka ako iniwan ni Mama sa kwarto.
Napatingin ako sa sandals na nasa paanan ko. Nanlabo ang mga mata ko. Hindi ko napigilan ang mapaluha.
Ganito na lang ba talaga ako kadaling ipamigay? May mali ba akong ginawa na ikinagalit ni Mama.
Pinunasan ko ang luha at nilabanan ang emosyon. Pinulot ko ang sandals at maingat na binalik sa kinalalagyan kanina. Lumabas ako ng kwarto at hinanap si Mama. Sa kusina ko narinig ang boses niya. Naabutan ko silang nag-uusap ni tiyo Alonzo.
"Ano, napapayag mo na ba?"
"Wala na siyang magagawa. Pumayag man siya o hindi, ipakakasal natin siya. Ilang linggo lang din naman ay mamamatay na ang kumpare mo. Mapapasa-atin ang kayamanan niya."
Umalis na ako agad sa pagsilip sa tabi nang magsimula silang maghalikan. Umalis na ako agad at bumalik na lang sa kwarto.
Hindi pwede ang gusto nilang gawin. Dapat ko silang pigilan.
Kaya naman nang naunang umalis si tiyo Alonzo ay pinuntahan ko si Mama sa kwarto nila. Naabutan ko si Mama na nagsusuot ng magara niyang kasuotan.
"Oh? Babalik ako bago mag-alas sais. Maghilod ka para naman mas malinis kang tingnan mamaya sa kasal ninyo."
Lumapit pa ako lalo kay Mama. "Ma, ayo'ko po... M-may ginawa ba akong mali para parusahan ninyo ako nang ganito? Ibang parusa na lang, Ma..." Nanginig ang boses ko. Nilalabanan ko ang maiyak.
"Ano ba, Axedria! Tumigil ka riyan! Alis na'ko. Lagot ka sa'kin kapag naabutan kita mamaya nang ganiyan pa rin ang ayos mo."
Bumalik na lang ako sa kwarto nang makaalis si Mama. Napatulala ako sa labas ng bintana. Hinayaang rumaga ang luha. Akala ko ang pagpapatigil ni Mama sa akin sa pag-aaral na ang pinakamalalang parusa, iyon pala ay ito pa. Ipakakasal ako para lang yumaman sila. Pera-pera na lang ba talaga?
Huminga ako nang malalim matapos mailabas ang lahat ng sama ng loob sa pag-iyak.
"Axedria!" Sunod ay ang hagikhik ang narinig ko mula sa babae. Paglingon ko sa bintana ay naroon si Mariposa. "Halika rito sa labas! May sasabihin ako!" At humalakhak ito na parang baliw.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga at bumaba sa kama. Wala pa si Bekoy na dala-dala ang bistidang isusuot ko mamaya.
Paglabas ko ay dumiretso ako sa kung saan nakita si Mariposa.
"Alam mo ba, kanina noong umalis kayo ni Marites nagpunta akong palengke," panimula nito. Umupo ako sa tabi nito matapos niya iyong tapikin. "May pogi akong nakitang nakasakay sa mamahaling sasakyan! Grabe ang ganda ng sasakyan. Halatang pang mayaman!"
Nakinig lang ako sa pagkukuwento ni Mariposa. Unti-unti ring napapawi ang kaninang dinadamdam ko dahil sa pakikinig.
"Ang guwapo ng lalaki! Pumasok kasi ako roon sa sasakyan kasi ang gara. Gusto ko ring makita ang loob. Pagkapasok ko in-english ako ng lalaki! Hindi niya alam na magandang dilag ang pumasok sa mamahaling sasakyan niya." Humalakhak ito. "Nagulat siya nang nakita ako. Natulala sa kagandahan ko! Grabe siya, Axedria! Ang guwapo! 'Tsaka alam mo ba noong ipagtulakan na niya akong lumabas kasi may naaamoy daw siyang mabaho..."
Para akong batang excited marinig ang sunod na sasabihin ng babae.
"Inaya ko siyang pakasalan ako!" Malakas na halakhak ang sumunod. "Natigilan siya, Axedria! 'Tapos hindi na niya ako naitulak. Ako na lang ang nagkusang umalis sa sasakyan niya matapos kong makuha ang wallet niyang punong-puno ng milyong-milyon! Iyong ATM tsaka cards ng lalaki ang lalaki ng laman!"
Pinakita pa niya sa akin ang wallet na nanakaw niya. Ako ang nakaramdam ng kaba at takot samantalang si Mariposa ay tuwang-tuwa pa.
"Hindi ko 'to sinasadya, ah. Lumikot lang ang kamay ko at dinukutan ang lalaking guwapo," aniya pa.
Natigilan lang kami ni Mariposa nang dumating na si Bekoy. At 'tulad ng sinabi ni Mama, may dala itong bistidang puti. Umalis na rin naman si Mariposa nang paalisin ng kapatid kong bunso.
"Basta kapag may gusto kang bilhin sabihin mo sa akin. Libre kita ng pera ko," ang sinabi pa ni Mariposa bago umalis.
Nawala sa isip ko ang problemang kaninang iniiyakan ko lang. Ngayon ay hindi na maalis alis sa utak ko ang kinukwento ni Mariposa. May nabubuong idea sa utak ko.
Ano kaya kung gawin ko rin ang ginawa ni Mariposa? Ako na lang ang mag-a-aya na... pakasalan ako. Kaysa ikasal sa matanda. Ayo'ko roon! Sumusobra na sila Mama kapag natuloy nila ang pinaplano ni tiyo Alonzo!
Isa sa hilig ng bunso kong kapatid ang pagmi-make up.
"'Wag mong kapalan," sabi ko sa kapatid.
"Oo," ang sinagot niya lang at sinimulan na akong ayusan.
Pinagkatitigan ko lang ang sarili sa salamin habang hinihintay ang pagdating ni Mama. Hindi rin nagtagal ay narinig ko na ang boses ng kararating lang na si Mama, mula sa sala. Tumayo na ako sa pagkakaupo sa kama at binitbit ang makapal na tela ng bistida para maayos na makalakad. Hindi ko alam kung bistida pa bang matatawag ito.
"Nasaan na si Axedria? Naayusan mo na ba?" ang naabutan kong tinanong ni Mama sa kapatid kong bunso.
Napabaling lang sa akin ang tingin ng kapatid ko, saka ako nginuso kay Mama. Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy sa paglapit sa kanila. Naroon ang labis na pagkamangha sa mga mata ni Mama habang nakatingin sa akin.
"Naku, Alonzo! Talagang makakabingwit tayo ng kayamanan nito," ani Mama.
Kumirot ang dibdib ko ngunit pinigilan kong ipahalata.
"Ang ganda ba naman ng anak mong 'yan. Talagang magugustuhan 'yan ni kumpare," ani Alonzo, may ngiti pa sa labi. Napayuko ako.
Hinigit na ni Mama ang pulsuhan ko kaya wala na akong nagawa kun'di ang sumunod. Nilingon ko pa ang kapatid ko, napapailing-iling na lang ito.
Sa isang kulay abo na sasakyan ako sinakay nila Mama. Ang tiyo Alonzo ang magmamaneho, katabi si Mama. Ako naman ang nag-iisa rito sa tabi. Nang ipasok pa ako ay agad nilang ni-lock ang pinto ng sasakyan.
Pa'no ako nito makakatakbo.
"Mag-relax ka lang diyan, Axedria. Hindi naman gano'n kalayo ang lugar," ani Mama.
Tinanguan ko na lang si Mama sa rearview mirror. Kahit ang hirap mag-relax ay nilibang ko na lang ang sarili sa pagtingin sa labas.
Dahil sa tagal ng byahe ay nakatulog ako. Sa paggising ay hindi lang din nagtagal ay tumigil na ang sinasakyan namin. Pagtingin ko sa labas ay purong sasakyan ang nakikita ko. Nasa parking lot kami ng hindi ko alam na lugar.
"Tara na."
Bumaba ako nang pagbuksan ako ng pinto ni tiyo Alonzo. Sa pagtapak ko sa semento ay nagsimulang kumabog ang dibdib ko. Pasimple akong huminga nang malalim upang kalmahin ang kumakabog na dibdib.
"'Wag kang gagawa ng kahihiyaan sa loob, ha. Mayayamang pamilya ang makakaharap natin kaya umayos ka. Hindi naman masyadong halatang pangkasal 'yang suot mo, elegante lang. Kapag nakapasok na tayo 'wag kang lalayo sa amin ni Alonzo kahit ano ang mangyari," mga paalala ni Mama.
Habang pinakikinggan ang mga sinasabi ni Mama ay hindi ko naiwasang ilibot ang tingin sa paligid nang hindi pinahalatang may balak akong gawin. Sa kalayuan ay napansin ko ang isang kulay itim na sasakyan. Sa gara at kintab nito ay nakuha ang atensyon ko. Matagal akong napatitig sa sasakyan. Hindi ko alam kung may tao ba o wala dahil sa sobrang dilim ng salamin.... Basta roon ako tatakbo mamaya para tumago.
"Axedria, nakikinig ka ba?" Pinigilan kong mapatalon dahil sa gulat.
Iniwas ko ang tingin sa sasakyan bago pa mapansin ni Alonzo ang tinitingnan ko roon. Tinuon ko ang tingin kay Mama. Galit man ang mukha nito ay naroon pa rin ang kaba.
Pasensya na, Ma.... magagalit ko na naman kayo.
"Ano?"
"A-ah... opo, Ma. Hindi ako hihiwalay sa inyo," sabi ko.
Nagpakawala ng malalim na hininga si Mama. "At kapag nailapit ka na namin sa mapapangasawa mo, magpakabait ka sa kaniya. 'Wag kang gagawa ng ikatu-turn off ng mapapangasawa mo, ha. Lagot ka talaga sa akin." Ilan pang pagbabanta ang natanggap ko kay Mama bago namin nilisan ang parking lot.
Muli ay napalingon pa ako sa sasakyang pagtataguan mamaya. Pakiramdam ko ay may nakatingin din sa akin mula roon. Isinawalang bahala ko ang napansin at pinagpatuloy ang plano sa utak.
Agad natuon sa akin ang tingin ng mga tao matapos naming makapasok nila Mama sa isang venue. Napahawak ako sa braso ni Mama dahil sa pagkailang. Hindi ako sanay nang may tumitingin sa aking mga tao.
Iniwasan ko ang mga matang nakatuon sa akin at sumabay lang sa paglalakad nila Mama.
"Marites," bati ng isang may edad na babae. Sumulyap pa ito sa akin bago lumapit kay Mama at nakipag-beso.
"Good evening, Señora Alice," ani Mama. Kahit si tiyo Alonzo ay nakipag-besuhan din.
Pinakilala ako ni Mama bilang anak, pati sa isa pang may edad na lalaki na kararating lang. Tinawag iyong señorito ni Mama kaya nahulaan kong iyon ang asawa ng ginang.
Habang nag-uusap usap sila Mama ay hindi ko naiwasang igala ang tingin sa paligid. Wala na sa akin ang atensyon ng mga tao, nasa kaniya-kaniya na nilang kaharap.
"Axedria," mahinang tawag ni Mama sa akin kaya bumalik ang atensyon ko sa kanila. "Halika na," aniya saka hinarap ang mga kausap. "Sandali lang, Senyora, Senyor, dadalhin ko lang ang anak ko sa panganay ninyong anak."
"Oh, right! Nakalimutan ko," mahina pang natawa ang ginang. "Alright, alright."
Nakasunod sa likod namin ni Mama si tiyo Alonzo habang dumadaan kami sa mga taong may magagarang kasuotan. Napapatingin pa ang iba sa amin at tahimik na nagbubulungan. Iniiwas ko na lang na magtama ang tingin sa kanila.
Lumapit sila Mama sa tatlong nakatalikod na lalaki, sa bahagi namin. Napaharap sa amin ang dalawa matapos marinig si tiyo Alonzo.
"Franco," ani tiyo Alonzo sa nasa gitna.
"Oh, Alonzo my friend," ani ng lalaking medyo ma-edad kay tiyo Alonzo. Napasulyap pa sila sa akin, naroon ang paghanga.
Humigpit ang hawak ko sa tela ng suot na bistida.
"She's Axedria, Marites' daughter," pakilala ni tiyo Alonzo sa akin.
Tinulak ako ni Mama palapit. Nagmatigas ako. Pinanlakihan ako ng mata ni Mama at pasimpleng kinurot sa likuran. Tinago ang kirot na natamo, umabante ako.
Malagkit ang pinukol na tingin sa akin ng Franco. Ang dalawa namang lalaki na nasa tabi lang nito kanina ay kausap na si tiyo Alonzo, wala na sa amin ang atensyon.
"She's my daughter, Franco. Ang sinasabi ko sa'yo," ani Mama. Kaming tatlo ngayon ang magkakaharap.
Bahagya ulit akong tinulak ni palapit pa sa lalaki. Naramdaman ko ang paggapang ng kamay ng lalaki sa baywang ko. Nagtayuan ang balahibo ko. Gusto kong maiyak.
"She's beautiful..." usal ng lalaki. Sa akin na ito nakatingin kaya ang hininga ay tumatama sa pisngi ko. Nakaramdam ako ng pandidiri. Naiiyak ako sa nangyayari sa akin.
Habang may masinsinang pinag-uusapan si Mama at si Franco ay hinanap ko ang daan patungo sa banyo. Si tiyo Alonzo naman ay medyo malayo na sa aming tatlo, kausap pa rin ang dalawang lalaki. Tila nililibang ito para hindi malaman ang nangyayari.
"Nasa sa'yo na kung uuwi na kayo, Franco," nakangiti pang sinabi ni Mama sa lalaki nang sulyapan ko. "Mas mabuti na ngang umuwi na kayo ngayon habang maaga pa. Maaayusan mo pa ang anak ko bago ang kasal ninyo, iyon ay kung gusto mo pa siyang pagandahin."
Nag-igting ang bagang ko. Talagang ipamimigay na ako ng sarili kong ina...
"G-gusto ko nang umalis dito," usal ko. Napatingin sa akin ang dalawa. Nilunok ko ang bumabara sa lalamunan saka nilingon ang dalawa. "Pero.... gusto ko po muna sanang magpunta sa comfort room."
Tumaas ang isang kilay ni Mama sa akin. Lumapit ako kay Mama para ibulong ang gustong sabihin.
"Meron ako, Ma... Pakiramdam ko ay puno na. Titingnan ko lang... baka kasi tumagos sa suot kong puti."
Natawa si Mama. Mukhang naniwala naman ito.
Bahagya akong lumayo kay Mama. Kinausap nito ang lalaki nang silang dalawa lang ang halos makakarinig. Tumango-tango naman si Franco, at tinanguan pa ako.
"But wait," ani ng lalaki saka ginala ang tingin sa paligid. May tinawag itong dalawang naka-tux, mukhang guard.
Patay...
Kinabahan agad ako. Lagot.... pa'no 'to.
Si Mama ay may ngisi sa labi habang tumatango-tangong nakatingin sa dalawang lalaki na tinawag ni Franco.
"Hayaan mong samahan ka nitong dalawa kong guwardya," ani Franco sa akin bago binalik ang tingin sa dalawang lalaki. "Bantayan niyo baka may kahina-hinalang pumasok at..." Hindi ko na nalaman pa ang sinasabi ni Franco dahil binulong na lamang nito sa dalawang lalaki.
Habang tinatahak ang daan patungo sa comfort room ay nanginginig ang kamay ko. Napasapo agad ako sa bibig nang nakapasok sa comfort room, upang pigilang marinig ng dalawa ang hikbi ko.
Pa'no na....
Ilang minuto ang pinalipas ko. Kinalma ko ang sarili at pinagkatitigan ang sarili sa salamin.
"Kaya mo 'to, Axedria..." pagpapalakas ko sa sarili. Huminga ako ng malalim ng ilang beses, saka pinaulit-ulit ang pagpapalakas sa loob.
Tama. Kukuha ako ng pagkakataon mamaya na makatakbo sa pinto ng venue. Tutal ay madadaanan namin iyon.
Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga bago lumabas sa comfort room.
"T-tara na po," ani ko sa dalawa.
Ako ang nasa unahan ng dalawa. Hindi rin naman gano'n kalayo ang dalawa sa akin. Tingin ko ay kung tatakbo ako ay mahahablot nila ako pabalik.
Sa pagtapat sa nakabukas na pinto ng venue ay nagkunwari akong natapilok. Na-alerto ang dalawa lalo na nang umarte akong nasasaktan.
"A-aray... 'Y-yong paa ko."
Agad lumuhod ang dalawa sa harapan ko. Aabutin na nila ang paa ko nang maunahan ko sila. Tinuhod ko sila sa mukha at agad tumakbo palabas. Hawak-hawak ang tela ng suot na bistida ay tumakbo ako nang mabilis kahit kumikirot ang tuhod dahil sa tigas ng mukha ng dalawa.
"Dali!"
Dinig ko ang tunog ng mga yapak ng humahabol sa akin. Hingal na hingal ako agad at gusto nang sumuko dahil sa panginginig ng binti at panghihina nito. Mabuti na lang at wala ako sa mataas na lugar kaya hindi na kailangan mag-elevator.
Lumagapak ako sa sahig matapos masira ang suot na sandals. Patayo na ako nang mahawakan ako ng mga humahabol sa akin.
"Bitiwan niyo'ko!" sigaw ko ngunit tila sila mga bingi.
Sa nais na pagtakas ay kinagat ko sila sa pisngi nila. Nabitiwan nila ako. Tumakbo ulit ako nang mabilis hanggang sa masulyapan ang saan patungo sa parking lot.
"Habulin niyo! 'Wag niyong hahayaang makalayo kun'di lagot tayo kay boss!" sigaw ng lalaking kinagat ko.
Dumagdag ang mga yapak ng mga humahabol sa kanila. Tingin ko ay dumami na ang humahabol sa akin.
Nanlalabo man ang mga mata sa luha, pinagpatuloy ko ang pagtakbo, hanggang sa makarating sa parking lot. Hinanap ko agad ang sasakyang nakita kanina na nasa sulok. Nang nakita iyon ay tinakbo ko iyon nang nakaduko sa mga nadadaanang sasakyan, upang hindi ako makita nang mga humahabol.
"Nasaan na?! Hanapin niyo!" sigaw ng isa.
Nagpatuloy ako sa pagtakbo nang nakayuko. Ang talampakan ko ay kumikirot na dahil sa gaspang ng inaapakan.
Nang nasa harapan ko na ang sasakyan ay mabilis ko iyong tinawid bago ako mahagip ng tingin ng lalaki. Nanatili muna akong nakayuko. Nang mapunta sa ibang bahagi ng parking lot ang pagmamasid ng lalaki ay saka ko binuksan ang pinto ng sasakyan. Sumakay ako at agad nagsumiksik sa pakitan ng upuan.
Malamig na paligid ang bumalot sa katawan ko. Nanginig ako. Ang pawis na kaninang tumatagaktak ay unti-unti nang napapawi.
Ngunit.... lalong nanlamig ang buong katawan ko nang marinig ang boses na 'sing lamig ng yelo.
"Wanna ride with me?"
Nanigas ako sa kinatataguan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro