Chapter 23
Chapter 23: Torista
“Mama, ako na lang po ang magsasaing!”
“Ako na lang din po ang maghuhugas mamaya, Mommy!”
Sabi ng dalawa. Napangiti lang ako at inilingan sila. “Kaya na naman ni Mama. Okay na ako, oh.”
“Pero kailangan niyo pa pong magpahinga. Kailangan niyong bawiin ang lakas ninyo,” ani Alexa habang nakatilos ang nguso.
“Oo nga po. Kaya na naman po naming gawin ‘yon, turuan niyo lang kami.”
“Sige na, Mama, please? Please please please.”
“Sige na nga!” pagsuko ko.
Halos magtatalon talon ang dalawa sa tuwa. Kapag ganito sila mangulit ay talagang wala na akong magagawa kundi pumayag. Pagbibigyan ko sila ngayon, ngayon lang.
Nasa sitwasyon kami na tinuturuan ko ang dalawa sa mga gagawin nila, nang pumasok si Tanggol sa bahay nang may dalang platik bag na may kung anong laman.
“Bumili ako ng barbeque sa kanto. Bumili na rin ako ng prutas para sa inyo.”
Nilapag ni Tanggol ang dala-dala sa lamesa.
“Salamat po, tatay!” ang kambal.
Sinundan ko lang ng tingin si Tanggol nang isabit niya ang jacket sa sabitan nito.
“Saan po kayo nagpunta, tatay?”
“Oo nga po. Nandyan po kasi ang tricycle sa labas buong araw, kaya imposible naman pong namasada kayo.”
Nabaling sa akin ang tingin ni Tanggol pero agad ding binalik sa kambal nang masalubong ang tingin ko. Ramdam ko, may hindi ako alam. Pero hindi ko naman pipiliting alamin iyon kung tungkol iyon sa buhay ni Tanggol. Labas ako roon.
“Ah, may pinuntahan lang si Tatay na isang kaibigan sa kabilang bayan,” sagot ni Tanggol sa kambal.
Napaayos ako ng tayo. Umalis ako mula sa pagkakasandal sa dingding para lumapit sa lamesa. Kumuha na ako ng plato para asikasuhin ang barbeque.
“Pasensya na kung hindi ako nakapagpaalam sa inyo ha.”
“Ayos lang po tatay. Basta po ang mahalaga ay ligtas at maayos kayong nakabalik dito sa bahay!”
“Ang babait niyo talaga! Napakaswerte sa inyo ng magulang niyo,” ani ni Tanggol sa dalawa at hinaplos pa ang buhok ng dalawa. “Palagi kayong magpapakabait ba dalawa, ha. ‘Wag masyadong magkukulit sa mommy niyo.”
“Opo, tatay! Ako po ang maghuhugas mamaya at si ate Celine ang magsasaing!”
“Kaya niyo ba?”
“Opo! Tinuruan kami ni Mommy,” sagot ni Celine.
“Naku, kayo talaga. Sige, kumain na muna kayo ng meryenda. Magbibihis lang si Tatay.”
“Okay po!”
Sumunod ang tingin ko kay Tanggol nang pumasok siya sa kwarto niya. Napabuntong-hininga na lang ako at muling inasikaso ang kambal.
Habang abala ang dalawang bata sa gawain nila ay nagtutupi naman ako ng nilabhan. Si Tanggol ay umalis para bumili ng lulutuing ulam.
“Mama…”
Umangat ang tingin ko sa kambal nang umupo silang dalawa sa tabi ko.
“Oh bakit? May kailangan ba kayo sa school?” tanong ko.
“Wala po.”
“Hindi po tungkol doon,” ani nila.
Tinigil ko ang ginagawa para ituon ang atensyon sa dalawa. “Ano ‘yon? Mukhang binabagabag kayo niyan. Ano ba ‘yon?” marahang tanong ko.
“Uhm, Mama…may event po kasi kami sa school at kailangang kasama ang mga magulang.”
“Oh, ano ang problema roon? Edi sasamahan namin kayo ng tatay niyo,” sabi ko.
Hinaplos ko ang buhok nila.
“Eh, Mama…kailan po kaya namin makakasama ang totoong tatay namin doon?” halos pabulong ng sinabi ni Alexa.
Natigilan ako. Sa pagkakataong ito ay muli ko na namang naramdaman ang pagiging hindi sapat sa kanila. Na kahit anong gawin ko ay hahanap hanapin nila ang totoong ama nila.
Pero hindi pa ako handa na harapin ang ama nila. At lalong hindi ko alam kung paano. Hindi na iyon madali.
“Alam kong malaki ang pagkukulang ko bilang ina–”
“Mommy, no,” saad ni Celine.
Nakangiti kong inilingan ang kambal. “Patawarin niyo sana ako dahil hindi ko alam kung paano ko kayo ihaharap sa kaniya. Hindi ko alam kung paano tayo haharap sa kaniya. Patawarin niyo ako dahil hindi ko man lang kayo mabigyan ng buong pamilya…”
“Mommy, hindi po sa gano'n ang ibig naming sabihin.”
Tumango tango ako. “Alam ko, pero mga anak…hindi ko alam kung kailan niyo siya maisasama sa event na iyon.”
“Mama…h-hindi po ba kami mahal ni Papa?” Nanubig ang mata ni Alexa.
Naalerto ako. Agad ko siyang tinahan. “Hindi sa gano'n, anak. Alam kong mahal na mahal niya kayo–”
“Pero bakit wala po siya sa tabi natin ngayon? Bakit hinahayaan niya tayong maghirap?”
Nabahiran ng pagkadismaya ang tinig ng kambal na lalong ikinabahala ko.
“D-dahil sa pagtataguyod ninyo sa amin nagkakasakit na kayo, Mama. M-mas gugustuhin ko pang si tatay na lang ang maging papa namin!”
“Alexa…” pagtahan ni Celine sa kapatid. “Pare-pareho lang tayo ni Mama na hindi alam kung paano makikita si Papa. Pare-pareho lang din tayong nahihirapan kung saan hahanapin si Papa.”
“Bakit tayo ang maghahanap sa kaniya, ate?” Patuloy na lumuluhang saad ni Alexa. “Bakit hindi siya ang humanap sa atin? I will hate him forever for making Mama sick! Bakit tayo ang magmumukhang kawawa sa paghahanap sa kaniya? Mama, bakit po? Noon po bang sinabi ninyo sa kaniya na buntis ka, tinakbuhan ka ba niya? Tinakbuhan niya po ba ang responsibilidad niya sa atin?”
Pati si Celine ay napatingin na rin sa akin, naghihintay ng sagot.
Pinigilan ko ang luha. Kailangan ko magpakatatag sa harap ng dalawang ngayon ay nanghihina sa pananabik sa tunay nilang ama.
“Ang totoo, Alexa, Celine…ako ang lumayo.”
Napayuko ako matapos sabihin iyon. Huminga lang ako ng malalim bago ulit hinarap ng maayos ang dalawa. Hinaplos haplos ko ang braso nila.
“Para sa ikabubuti niyo, kinailangan kong gawin ‘yon. Ang mga dahilan…ay maaaring hindi ninyo pa maiintindihan.”
“What do you mean by that, Mommy?”
Naamoy ko ang amoy ng sinaing na malapit ng matutong. “Celine anak, tingin ko ay luto na ang sinaing. Sige na, gawin niyo na ang mga gagawin niyo. Tatapusin ko na rin itong ginagawa ko.”
“Pero, Mama–”
“Let's go, Celine. Let Mama think.”
“Okay…”
Pinunasan ko ang nabasang pisngi ni Alexa pagkatapos ay hinalikan ko sila pareho sa pisngi.
“Hayaan niyo, darating din ang araw na makakasama niyo ang papa niyo sa school niyo. Promise ‘yan ni Mama.”
Tumango-tango ang dalawa. Niyakap pa ako bago pumuntang kusina.
“Gosh! Muntik ng matutong,” dinig kong sabi ni Celine.
“Lagot ka niyan kay tatay, ate Celine!”
“Eh? Tatay loves us.”
Napangiti na lang ako habang pinakikinggan ang matitinis na boses ng mga anak.
Sa pagkakataong ito, gagawin ko ang lahat para makilala ng kambal si Lance…bago matapos ang taong ito. Bahala na kung may ibang pamilya na siya, basta ang hangad ko ay maibigay ko ang karapatan ng kambal sa ama nila.
Marahan kong hinahaplos haplos ang buhok ng kambal habang tinititigan sila. Mahimbing na silang natutulog ngayon. Pagkakataon ko na ito para iwan sila.
Dahan-dahan akong bumangon, iniiwasang makagawa ng ingay. Hinalikan ko sila sa noo bago lumabas ng kwarto nila.
Patungo na ako sa kwarto ko nang madatnan si Tanggol na nagkakape sa sala. Narinig niya ang pagdating ko kaya napalingon siya sa akin.
“Oh, ma'am, ang kambal po?”
“Tulog na,” sabi ko.
“Kayo, ma'am? Kumusta po kayo?”
Napabuntong hininga ako.
Imbes na dumiretso na sa kwarto ay naglakad ako palapit sa sofa. Umupo ako roon, kaharap si Tanggol.
“Hindi ka nagsabi na may pupuntahan ka kanina–alam ko…h-hindi mo naman kailangang sabihin sa akin lahat ang bawat lakad mo, pero…nag-aalala lang ako na baka…b-baka lihim kayong nagkikita ng boss mo,” saad ko, pilit binababa ang boses.
Hindi agad nakasagot si Tanggol. Bahid pa sa galaw niya na tila nga may tinatago siya.
“Kung nag-aalala ka sa kalagayan ko, sinasabi ko sa'yo na ayos lang ako.”
Marahas na napabuntong-hininga si Tanggol at lumubo pa ang bibig. Tumingala siya, tila may malaking problema nga siyang ayaw sabihin.
“Opo, ma'am, nag-aalala ako sa inyo. Nag-aalala ako sa kambal. Alam niyo naman po ang sitwasyon namin ng kapatid ko noon, ‘di ba ma'am. Kaya hindi ko po mapigilang mag-alala sa kalagayan niyo.”
Nginitian ko si Tanggol. Masaya ako dahil lumipas man ang ilang taon, nananatili ang pagiging tapat niya sa akin.
“Walang mangyayaring masama sa akin, Tanggol. Aalagaan ko ang sarili ko, para sa mga bata…para sa ama nila.”
Tumango-tango siya at hindi na nagsalita.
“Ngayon, gusto kong malaman…saan ka ba talaga nagpunta kanina? Halos buong araw kang wala.”
Wala siyang nagawa kundi sagutin na ako ngayon sa nais kong malaman.
“Nagbaka-sakali lang, ma'am…pero hindi ko rin natuloy.” Yumuko siya pagkatapos at hinilamos ang mukha.
Napaawang ang labi ko. Ano ang ibig niyang sabihin?
“Pinuntahan mo siya?” pilit kong hininaan ang boses ko. “Nagkita kayo? Tanggol, bakit–”
“Ma'am, hindi. Hindi ko rin ho natuloy. Bago ako umalis dito kanina, malakas ang loob ko…pero no'ng makadaong na ang barko…bigla kong napagtanto na kasalanan iyon sa inyo, ma'am. Kayo ang mas may karapatan sa kambal, kung ano ang desisyon niyo rerespetuhin ko. Patawarin niyo sana ako sa ginawa ko kanina, ma'am…”
Medyo kumalma ako.
“Salamat, Tanggol. Salamat…” ang tanging nasabi ko lang.
Tumayo na rin ako at iniwan na siya sa sala.
Masaya naman ang mga bata na maayos naming naidaraos ang event sa school nila. Kaming dalawa ni Tanggol ang unattended bilang parents/guardians nila. Masaya ako dahil hindi ko naman naramdaman ang lungkot sa kanila dahil lang sa hindi ang tunay na tatay nila ang kasama namin. Pero hindi ko naman naiwasan na mapansin sila na minsang napapasulyap sa buo at masayang pamilya ng iba.
“Nag-enjoy po kami, Mama! Sana kayo rin ni tatay.”
“Sobrang nag-enjoy kami ng mama niyo,” nakangiting sabi ni Tanggol.
Ang ngiti sa labi ko ay naging pilit nang maramdaman ko ang biglang pagsikip ng dibdib ko. Umiwas ako ng tingin sa kanila upang hindi nila mapansin ang pagbago ng itsura ko.
Huminga ako nang malalim. Bahagya niyong napawi ang paninikip ng dibdib ko. Nilapitan ko na lamang ang mga gamit ng kambal para ayusin na at makapagpahinga na kami. Kauuwi lang namin.
“Mga anak, mag-half bath na kayo at nang makapagpahinga na tayo,” sabi ko sa kambal.
“Opo, Mama!”
Naiwan ako sa sala habang si Tanggol ay lumabas para asikasuhin daw ang tricycle.
Hindi na naalis pa ang pangamba sa dibdib ko sa muling pagpaparamdam ng dibdib kong iyon. Katawan ko mismo ang nagsasabing may mali sa akin. Nag-aalala ako sa maaaring maidulot ng pagsakit ng dibdib ko sa akin. Mas lalong nag-aalala ako sa mga kambal.
Gusto ko mang ipagamot ang sarili, hindi ko kayang maghirap kami. Kung gagamitin ko ang perang inipon ko para ipagamot ang sarili ko…paano na ang mga anak ko? Inipon ko iyon para sa kanila, hindi para sa akin.
Hindi ako nakatulog nang maayos sa pag-iisip sa mga maaaring mangyari.
Kung bigla ba akong susulpot sa nananahimik ng buhay ni Lance…magkakagulo kaya? Oo, malaking gulo.
“Tanggol, alam kong malaki na ang naitulong mo sa amin ng mga anak ko. Maaari ba akong…humingi ng isa pang pabor?”
Natigilan si Tanggol sa paglilinis ng tricycle. Tinuyo niya ang kamay habang hinaharap ako.
“Kahit ilang pabor pa ‘yan, Ma'am.”
“M-magagawa mo bang…bumalik?”
“Kung kasama kayo ng kambal, kaya ko po.”
Umiling ako. “Ikaw lang sana…”
Natawa siya at napailing iling na pinagpatuloy ang pagpupunas sa salamin ng tricycle.
“Pasensya na, Ma'am…hindi po ako babalik hangga't hindi kayo kasama.”
“Tanggol, please? G-gusto ko lang na may makalap na balita kay Daddy…o kahit sa kaibigan kong si Mariposa. K-kailangan ko ng tulong nila, pero kailangan ko muna ng tulong mo. Maaari ba, Tanggol?”
Halos lumuhod ako sa harapan niya para pagbigyan ang pabor ko. Tumigil siya sa ginagawa at saglit na napatigil sa ginagawa.
“Sige, Ma'am…pero kapag nakita ko sila, hindi na po ako magpapaliguy ligoy sa kanila. Sasabihin ko agad na kailangan niyong mapagamot,” aniya.
Nagdadalawang isip man ay tumango ako. “Sige, Tanggol…”
“Salamat naman po at nakapag-isip isip na kayo,” aniya ay tinuon na ang atensyon niya sa ginagawa.
Bumalik ako sa kwarto ko at agad hinagilap ang kinalalagyan ng ipon ko. Kumuha ako ng limang libo saka bumalik sa kinaroroonan ni Tanggol.
“Heto, para sa mga magagastos mo.”
Napatingin siya sa perang inabot ko. “Ma'am, dalawang libo lang po.”
“Hindi natin masisiguro kung ano ang mga kakailanganin mo roon. Kaya sige na.”
“Ma'am, okay lang po talaga. Dalawang libo lang, ako na ang bahala sa sarili ko roon.”
Kinuha niya sa akin ang pera at binalik sa kamay ko ang tatlong libo.
“Para sa inyo ‘to ng kambal.”
“B-bumalik ka agad ha?”
Tumango siya nang nakangiti. “Hindi ako magtatagal, Ma'am. Baka hanapin ako ng kambal kapag tumagal ako.”
Napangiti ako. Hindi siya roon nagkakamali. Eh isang araw pa nga lang siyang hindi nakikita ng kambal ay pinaghahanap na siya.
Napangiti rin ako at tumango. “Sabihin mo sa akin kung may kailangan ka pa–,”
Napatigil ako matapos dumaan ang sakit sa dibdib ko at tila ba bigla akong nalagutan ng hininga nang sobrang bilis.
“Ma'am! Ayos lang ba kayo?”
Inalalayan ako ni Tanggol patayo dahil sa panghihina ng tuhod ko. Mabuti na rin at nakakapit ako sa tricycle.
“Kailangan natin bumalik sa doktor, Ma'am.”
“Pero–,”
“Wala ng pero pero, Ma'am. Dadalhin kita sa doktor. Ako na po ang bahala.”
Agad na lang din akong kumilos. Pagdating namin ay ang doktor na sumuri sa akin nitong nakaraan ang hinanap namin.
“Misis, kahit ako na po ang maghanap ng doktor sa'yo sa sentro. Kailangan ninyong magamot na sa lalong madaling panahon.”
“B-bakit, Doc? Gano'n na po ba kalala ang sakit ko?”
Inabot niya sa akin ang mga papel. Napatingin na lang ako roon. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga nabasa. Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko.
May…lukemya ako?
“Hangga't maaga pa, kailangan na po natin kayong ipagamot. Hindi pa tayo nahuhuli, misis. You can survive from it.”
Pero paano ang pera. Saan ako kukuha ng ipapagamot na pera?
Tulala ako habang nakasakay sa tricycle. Umalis kami ni Tanggol nang walang imik sa hospital na iyon. Napatingin ako sa sarili ko mula sa repleksyon ng salamin. Nagragasa na naman ang luha ko matapos pagkatitigan ang sarili.
Nangangayat…namumutla. Parang hindi na ako katulad noon. Parang hindi ko na makilala ang sarili ko. Wala na ang dating sigla sa itsura ko.
Napatingin ako sa labas nang tumigil ang tricycle. Sumasalubong sa akin ang hangin na mula sa karagatan.
“Bakit, Tanggol? May problema ba sa tricycle?” tanong ko.
Bumaba si Tanggol at umikot papunta sa gawi ko. Lumabas na rin ako sa tricycle.
“May nasira ba?” tanong ko ulit.
“Wala, po. Gusto ko muna na manatili tayo rito ng kahit ilang minuto,” aniya.
Naguguluhan man ay hindi na ako kumuntra. Alas dyes pa naman pagtingin ko sa orasan, hindi pa uwian ng mga anak ko.
Hinarap ko ang malawak na karagatan at dinama ang simoy ng hangin. Nabawasan ang pangamba sa dibdib, at tila gumaan ang sobrang bigat kong dibdib kanina. Pakiramdam ko…malaya na ako ulit na nakakahinga.
Sa pantalan na natatanaw sa medyo malayo ay tanaw ko rin ang pagdaong ng mga bangka na nasisiguro kong mga torista halos ang mga sakay.
“Gusto kong pag-usapan natin ang mga gagawin natin nang magaan ang pakiramdam ninyo,” sambit ni Tanggol.
Huminga ako nang sobrang lalim at marahang pinakawalan. Ilang beses ko iyung inulit.
“Hindi ko gagalawin ang inipon ko para sa mga bata, para lang sa pagpapagamot ko,” saad ko.
“Naiintindihan kita, pero sa tingin mo…makakaya ba ng mga bata kapag nahuli tayo?”
Doon ko siya hinarap. “Isama mo ang kambal sa pagbabalik mo,” sabi ko.
“Paano ka? Hindi ka namin iiwan dito.”
“Susunod ako…” walang kasiguraduhang sabi ko. “Please take care of the kids.”
“Anong susunod? Ma'am, ikaw ang kailangang maagahan.”
“Pangako, Tanggol…susunod ako.”
Kailangan ko munang ayusin ang mga iiwan ko. Hindi ko p'wedeng basta-basta ko iwan ang mga napundar ko rito.
“May mga aayusin lang ako,” kalmadong sabi ko.
Malalim na napabuntong-hininga si Tanggol. Nag-aalangan man ay tumango siya.
Inayos ko agad ang mga gamit na kakailanganin ng kambal, habang hindi pa sila umuuwi galing school. Mamayang gabi sila aalis, sakto umaga na silang makakarating.
Hindi ko naiwasang maging emosyonal habang nilalagay sa maleta ng dalawa ang mga gamit nila. Sana lang ay hindi ako ganito ka-emosyonal mamaya habang kaharap sila.
“Mama! Perfect po ako sa quiz namin kanina!” masayang balita ni Alexa nang pumasok.
Binitawan ko muna ang sandok para salubongin sila. Malawak akong ngumiti.
“Me too, Mommy. Nakakainis lang po dahil may nakisawsaw pa. Ayon, may isa pang nag-perfect,” nakabusangot na saad ni Celine.
“Ang galing niyo naman. Kanino kaya kayo nagmana?” natawa ako sa huling sinabi.
Niyakap sila ng sobrang higpit at hinalikan sa ulo.
“Okay lang ‘yon, ate Celine. Hindi naman tayo nakikipagkumpetensya,” sabi ko.
Nawala ang pagkabusangot niya at maliit na ngumiti. “Hmp, tatalunin ko rin siya.”
“Sino ba ‘yang nakisawsaw na ‘yan at nang maigapos ni tatay,” sabi ni Tanggol na kapapasok lang.
Nagtawanan ang dalawa at tinakbo si Tanggol. “Tatay!”
“Kumain na tayo. Katatapos lang ni Mama niyo sa pagluto.”
Tumabi ako para paunahin silang tatlo. Hindi ko naiwasang maging sobrang maasikaso sa dalawa na kunti na lang ay subuan ko na lang din sila.
May isa pa pala akong problema…kung paano ko sasabihin sa kambal ang pag-alis nila nang hindi ako kasama.
Kailangan kong magsinungaling sa kanila…
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro