Chapter 22
Chapter 22: Pagod
Hindi naging madala ang pagpapalaki ko sa mga bata. Pero ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para ibigay ang mga pangagailangan nila.
"Andito na kami, Celine, Alexa!"
"Sandali lang, ate Maya!" matinis na sigaw ng anak ko.
Pagkabutones ko sa huli ay inayos ko ang kwelyo ng uniporme ni Alexa. Si Celine ay tinakbo ang lunch box nila at inabot kay Alexa ang isa.
"Mag-ingat sa pagpasok. Sabihin kay Mama kapag may kailangan," malambing na sabi ko sa dalawa.
Pinatakan ko sila ng halik sa noo nila.
"Byebye, Mama!"
"Byebye, Mom!"
"Ate Celine, tingnan tingnan si Alexa, ah. Sobrang init ng panahon, baka atakihin na naman ng hika si Alexa. Ipatawag niyo ako kapag may nangyari, ah," bilin ko.
"Opo, Mama! Byebye po!"
Hinatid ko ang dalawa sa labas. Naroon ang tatlo naghihintay. Grade 2 na ang kambal ko habang sila Maya, Milo, at Kio ay grade 6 na. Nasa iisa silang elementary school kaya nagsasabay talaga sila palagi.
"Yey! Andyan na si Tatay!" excited na sigaw ng dalawa nang makita ang parating na tricycle.
Ang tricycle naman na iyon ang nagpagawa namin ni Tanggol sa ilang taong pag-iipon. Isa iyong pamamasada ni Tanggol ang naging source of income namin nitong nagdaang dalawang taon.
Naging masipag si Tanggol nang dumating ang kambal sa mundong ito. Naglalaot siya ng madaling araw, at mamamasada pagkarating.
"Hali na kayo bago pa kayo ma-late sa mga klase niyo," ani Tanggol sa mga bata.
Naging service rin si Tanggol ng ilang mga bata rito sa baryo kaya kahit papaano ay nadadagdagan ang ipon namin.
"Byebye, Mama!"
"Bye, ate Axedria!"
Kinawayan ko ang mga bata. Tinanguan ko si Tanggol. Pagkaalis ng tricycle ay saka ako bumalik sa loob. Hinanda ko ang mga lulutuing ulam para itinda mamaya. Pati na rin ang mga saging na gagawin kong turon para sa meryendang ilalako.
Ang perang pinadala sa amin ni Daddy no'ng umalis kami ay naubos no'ng ipanganak ko sa dalawa. At hanggang ngayon, pitong taon na ang nakalipas…wala pa rin si Daddy. Hindi pa rin siya sumusunod.
Wala na rin akong nababalitaan tungkol sa kaniya, kahit ang kapitan na kaibigan niya. Sa ilang taong lumipas, kapag naaalala ko si Daddy…hindi ko naiiwasang hindi mag-isip kung ano na ang nangyayari sa kanila.
Pero kailangan ko muna sila isantabi para sa mga anak ko. Anak ko.
Nitong nakaraan lang na taon, nagkaroon kami ng malaking pagtatalo ni Tanggol. Pinababalik ko na siya at sinabing ako na ang bahala sa kambal, ngunit hindi siya pumayag. Kung kinakailangang buhay niya ang kapalit sa pananatili sa amin, tatanggapin niya.
"Nangako ako kay boss, ma'am. Na kahit anong mangyari…mananatili ako sa tabi niyo para panatilihin kayong ligtas. 'Wag kayong mag-alala sa akin, ma'am, kapakanan niyo ng mga bata ang isipin niyo."
"Pero, Tanggol…paano ka? Marami ka pang maabot kapag bumalik ka roon."
"Pasensya na, ma'am, pero hindi talaga. Panatilihin ko ang kaligtasan niyo…para kay boss. Iyon ang hiniling niya sa akin noon."
Napayuko siya at hindi na umimik.
Wala na akong nagawa noon kundi hayaan siya, ay hintayin na lang na siya na mismo ang mapagod at bumitaw.
Napamahal na rin sa kaniya ang mga bata. Kahit na alam nilang hindi talaga si Tanggol ang ama nila. Oo, habang lumalaki sila, pinagiintindi ko na ang mga bagay-bagay sa kanila. At natutuwa naman ako na lumalaki sila na mature na mag-isip.
Alam nilang hindi si Tanggol ang tunay na ama nila…pero hindi nila alam kung sino talaga. Hindi ko na binabanggit pa sa kanila ang tunay nilang ama. Pasalamat naman ako dahil naiintindihan nila iyon, at si Tanggol ang tinuturing nilang Tatay tatayan.
Pinunasan ko ang tumulong butil ng luha. Tumigil ako sa pagbibigak ng saging para punasan ang luha.
Miss ko na ang daddy ko. Kapag naalala ko ang pangako niyang susunod ay labis na nalulungkot ako.
Bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Pitong taon na ang nakalipas. Bakit wala pa rin siya? Kahit paramdam? Ano ang nangyari habang wala ako?
Maari kayang siya ang sinaktan ni Lance no'ng umalis ako?
Napailing iling ako. Mali ang iniisip kong baka may masamang nangyari kay Daddy. Hindi dapat ganito ang iniisip ko.
Baka bukas o sa mga susunod na araw ay sumulpot na lang si Daddy. Sana nga…
Nagpahinga ako pagkatapos ko sa ginagawa. Tinuyo ko ang pawis na namuo sa noo ko at sandaling nagpahangin.
"Axedria, magtitinda ka ba ngayon?" tanong ni aling Jeraldine.
Binalingan ko ang matanda na palapit sa akin. "Opo, medyo maaga pa naman kaya maya-maya po," sabi ko.
Nakahanda na ang meryendang ilalako ko mamaya.
"Hay naku, Axedria. Napapansin ko ay nangangayat ka na," nabahiran ng pag-aalala si aling Jeraldine.
Napatawa ako. "Ay hindi naman po, aling Jeraldine."
"Baka mamaya niyan ay magkasakit ka na lang, ha. Kapag kailangan mo ng tulong ay magsabi ka lang sa amin."
"Salamat po."
"Ay oo nga pala. Malapit na naman ang piyesta. Ang sabi sa balita ay mas maganda ang panahon ngayon taon kaysa nitong nakaraan. Kaya panigurado na maraming torista ang maliligaw rito."
Napaisip naman ako. "Titingnan ko po kung ano ang mailalabas ko ngayong taon sa bazaar," sabi ko.
"Oh sige na, mauna na ako at ako'y maglalabada pa. Nga pala, pinatatanong ni Rosing kung maglalabada ka raw ulit?"
Naisip ko agad ang mga anak ko at ang maaaring kailanganin nila sa school.
Agad akong tumango. "Opo, aling Jeraldine. Pakisabi na lang po na pupunta ako roon bukas ng umaga."
"Sige. Sige na, mag-ingat sa pagtitinda," aniya at umalis na.
Sabado na naman bukas kaya walang pasok ang dalawa. Hindi ko na muna sila pasasamahin sa paglalabada para naman makapagpahinga sila.
Maliban sa pagtitinda ay naglalabada na rin ako. Sayang din kasi ang kikitain ko. Pang-isang buong linggong pagkain na rin namin iyon at pang dagdag sa ipon.
"Ma, sasama kami."
"Please, Mama, please?"
Nag-beautifull eyes pa ang dalawa sa akin. Natawa ako. Hinalikan ko sa noo ang dalawa.
"Hindi na, puro laro lang naman ang ginagawa niyo, eh. Mas napapagod si Mama," biro ko.
Pinagpatuloy ko ang marahang pagsusuklay sa buhok nila. Naka-pajama na sila ngayon pangtulog.
"Eh, Mama, hindi na po kami magpapasaway. Tutulongan ka po namin kahit sa pagsampay," nakangusong saad ni Alexa.
"Wala ba kayong mga assignment?"
"Ginawa na po namin kanina habang hinihintay si Tatay," sagot ni Celine.
Napangiti ako at hinaplos ang buhok nila. Ang lalambot ng buhok nila, straight na straight at ang lusog ng bawat hibla. Ang buhok ni Celine ay kulay brown, samantalang kay Alexa naman ay itim.
"Ginawa na po namin kanina para matulungan kayo sa paglalabada," dagdag pa ni Celine.
Napalingon ako kay Tanggol na naghuhugas ng plato, na sumusulyap sulyap sa amin.
"Ayaw niyo bang sumama sa akin sa pamamasada?" saad ni Tanggol.
Parehong napalingon sa kaniya ang dalawa. "Wow, tatay! Talaga po?"
"Oo naman."
"Hindi po ba kami magiging sagabal?" tanong ni Celine.
Natawa si Tanggol. "Hindi. Passenger princesses ko kayo, eh."
"Yehey!" parehong hiyaw ng dalawa, tuwang tuwa.
"Sige po, Mama, kay tatay na lang kami sasama," ani Alexa.
Nakangiti akong tumango.
"What if…ikaw Alexa ang sumama kay Tatay since hindi ka gagalaw nang masyado which is hindi ka mapapagod agad. Tapos ako naman ang sasama kay Mama?"
"Kung papayag ang Mama mo," ani Tanggol.
Bumaling sa akin ang tatlo. "What do you think, Mama?"
Napabuntong-hininga ako at itinaas ang dalawang kamay sa panganay bilang pagsuko. "Sige."
"Yey! Bibilhan po namin kayo ng pasalubong pag-uwi, Mama, ate Celine," ani Alexa.
Mahimbing na natutulog na ang dalawa nang iwan ko sa kwarto. Lumabas ako para magpahangin. Nadatnan ko pa si Tanggol na tila may malalim na iniisip sa balkon.
"Bakit gising ka pa? Magpahinga kana, Tanggol. Papalaot ka pa yata sa madaling araw."
Napabaling siya sa akin. "Kayo ang magpahinga na, ma'am."
Ramdam ko ang pagod sa boses ng lalaki. Bumaba ako sa nasa limang baitang na hagdan para maupo sa balkon.
"Wala ka bang nababalitaan na?" marahang saad ko.
Nanatili ang tingin ni Tanggol sa harap ng karagatan. Dinig mula rito sa bahay ang paggulong ng alon sa dalampasigan. Ang lamig ng hangin.
"Hindi ko na po sinubukan. Pero kung gusto niyo, gagawin ko. Alam niyo naman, hindi ako kikilos nang hindi ninyo inuutos."
Malalim akong napabuntong-hininga. Hinagod ko ang likod ni Tanggol.
"Ilang beses ko ng sinabi sa'yo na bumalik kana roon, Tanggol, pero ayaw mo. Ngayon, kung nakapag-isip isip ka…p'wede mo na kaming iwan dito. Buong puso kong tatanawin ang mga ginawa mo sa'kin at sa kambal. Magiging maayos kami rito, Tanggol, kung iyon ang inaalala mo."
Saka niya lang ako nilingon. Marahan siyang umiling.
"Hindi ako babalik doon nang hindi ko kayo kasama, ma'am. At lalong hindi ko kayo pababayaan dito. Nahihirapan na nga kayo kahit nandito na ako, pa'no pa kaya kapag iniwan ko kayo?"
Nakaramdam ako ng kunting inis. Halos irapan ko si Tanggol.
"Parang pinalalabas mo na hindi ko kayang palakihin ang kambal nang ako lang mag-isa," paasik na sabi ko.
Natawa si Tanggol.
Natahimik kaming pareho. Ako natahimik dahil sa pag-iisip sa maaaring mangyari kung bumalik nga si Tanggol. Si Tanggol naman ay tila bumalik sa malalim na iniisip. Hindi ko man alam kung anong tumatakbo niya sa isipan ngayon, pero malaki ang posibilidad na malapit sa iniisip ko ang iniisip niya–parehong tungkol sa kapakanan ng kambal.
"Ma'am," maya-mayang wika ni Tanggol.
Nilingon ko siya. Diretso lang siyang nakatanaw sa malayo.
"Kung sakaling magkita kayo ni sir nang hindi ninyo parehong inaasahan…ano ang gagawin niyo?" seryosong tanong niya.
Sandali akong natigilan.
Nagpakawala ako ng hangin. "H-hindi ko alam, Tanggol. D-depende siguro sa sitwasyon," mahinang sagot ko.
Bumaba ang tingin ko sa paanan. Parang may bumabangon na emosyon sa dibdib ko pero pinigilan ko.
"Pa'no naman, ma'am, kung…kahit kailan ay hindi na kayo magtagpo ni sir? Kahit bumalik na tayo…pero hindi na talaga kayo magtatagpong muli?"
Nakaramdam ako ng mabigat na tila dumagan sa dibdib ko dahil sa tinanong niyang iyon. Dahan-dahan kong nilingon ang lalaki. Mula sa repleksyon ng ilaw sa mata ni Tanggol ay nakita ko kung paanong namasa ang mga mata niya.
"I-imposibleng hindi kami magtagpong dalawa oras na bumalik tayo roon. Ilang taon na ang lumipas, Tanggol, pero hindi pa rin iyon naging sapat para makalimutan ko iyong galit niya sa amin ng daddy ko noon."
Marahang napatango tango si Tanggol. Wala man sa akin ang mga mata niya, nakatutok naman sa akin ang pandinig niya.
Tumayo siya. "Lumalalim na ang gabi, ma'am. Magpahinga na rin kayo," aniya at diretsong pumasok sa loob.
Sandali pa akong napatulala sa kawalan, pinag-iisipan ang huling tanong ni Tanggol.
Pero sana nga, kung bumalik na kami…sana hindi na talaga magtagpo ang landas namin.
Pero naiisip ko rin ang mga bata. Napabuntong hininga ako. Maiintindihan naman nila iyon.
Maaga akong nagising para maghanda ng almusal. Pumalaot na si Tanggol. Pagkarating niya ay saka kami maglalabada ni Celine sa kabilang baranggay, para masamahan muna namin dito si Alexa.
"Mama, kailan po tayo ulit magtatahi sa handkerchief? Magpi-piyesta na next week," saad ni Celine.
Nakahiligan na naming tatlo ang paggagawa ng disenyo sa mga plain na panyo. Tinatahian namin iyon ng iba't ibang disenyo. Nakakatuwa dahil isa rin iyon sa mga bestselling na ginagawa kong souvenir. Iyon din kasi ang ginawa kong libangan noong pinagbubuntis ko ang dalawa.
"Pagkatapos ni Mama sa paglalabada," sagot ko.
"Yehey! Okay, mama. I'm so excited na po," ani Alexa.
Pinanonood ko ang dalawa na magtakbuhan sa buhangin, palapit sa tatlong bata na naliligo sa tabi ng dagat. Isa-isa na ring dumadating ang mga pumalaot kaya maya-maya lang ay sigurado akong paparating na rin iyon sila Tanggol.
"Mama, dumating na sila tatay!" sigaw ni Alexa mula sa labas.
Saktong katatapos ko lang sa paghahanda ng umagahan. Hindi nagtagal ay pumasok na ang tatlo sa bahay. Kumain kami ng sabay-sabay na almusal.
"Oh, pa'no, alis na kami ni ate Celine, ah. 'Wag magpapasaway kay tatay," bilin ko kay Alexa.
"Opo, mama! Ingat kayo ni ate Celine!"
Hawak-hawak ko sa kamay si Celine habang naglalakad kami. Sa kabilang kamay ko ay hawak-hawak ko ang bag na pinaglagyan ko ng pangpalit ni Celine mamaya. Maghapon kasi kaming maglalaba kaya roon ko na rin paliliguin.
"Magandang araw po."
"Magandang araw, Axedria. Hali kayo, pumasok kayo."
Niluwagan ni aling Rosing ang gate. "Nasaan ang isang kambal?"
"Sumama po sa tatay niya sa pamamasada," sagot ko.
Matagal na rin akong naglalabada rito sa ginang kaya malapit din sa kaniya ang kambal.
Nagsimula kami ni Celine sa paglalabada sa likod ng bahay. Si aling Rosing ay sandaling umalis para mamalengke. Mag-isa lang sa bahay ang ginang. Ang mga anak niya ay nasa abroad. Ayaw nihang kumuha ng kasambahay dahil kaya niya naman daw ang sarili niya. Nagpapalabada lang siya dahil hindi niya na kayang matagal na nakaupo. Medyo may katandaan na rin kasi ang ginang.
Dito na rin kami pinananghalian. Pagkatapos ay bumalik kami ni Celine sa pagpapatuloy na paglaba, habang si aling Rosing ay nagpapahinga na.
"Mama? Okay lang po ba kayo?"
Tiningala ko ang anak ko na ngayon ay nag-iipit ng mga pang ilalim na kasuotan.
"Oo naman, anak. Bakit?" marahang tanong ko, nakangiti.
"Parang namumutla po kayo, eh. May masakit ba sa inyo, mama?" Lumapit pa siya at chineck ang noo at leeg ko. "Hindi naman po kayo mainit…pero parang ang lamig niyo, Ma."
Nginitian ko lang ang anak. "Wala namang masakit sa akin. Sige na, ipagpatuloy mo na 'yang ginagawa mo para matapos na tayo. Magdidilim na rin kasi, kailangan ko pang magluto ng hapunan natin," sabi ko.
Bumalik si Celine sa ginagawa pero pasulyap sulyap sa akin. Natawa naman ako dahil ang cute niya. Kunot ang noo at nakatilos ang nguso kapag sinusulyapan ako. Parang batang Lance ang kasama ko.
Mapait akong napangiti at nagpatuloy sa pagbabanlaw.
Mahaba ang paghigop ko ng hininga. Sumasakit ang dibdib ko. Sa tingin ko ay dahil ito sa pagod at dinagdagan pa ng init.
"Ma? Okay lang po ba talaga kayo?"
"Oo. 'Wag mong alalahanin si Mama. Ayos lang ako."
Napaubo ako, at halos mariin akong napapikit sa sobrang pagsikip ng dibdib ko at pagsakit ng lalamunan.
"Ma!"
Tinakbo ako ni Celine. Sinenyasan ko siya na iabot sa akin ang tubig. Nagsalin siya sa baso at agad inabot sa akin. Uminom ako. Bahagyang nawala ang panunuyo ng lalamunan ko.
"S-salamat, anak."
"Ma, magpahinga na po kaya muna tayo?"
Tumango ako. Papatayo na ako nang biglang umikot ang paligid ko.
"Mama!" puno ng pag-aalalang nasigaw ni Celine.
Napaupo akong muli. Bahagyang sumikip ang dibdib ko kaya hinilot hilot ko iyon, bahagya namang napawi ang paninikip.
"Ma, umuwi na tayo. Hindi kayo okay. Tara na po, tatawagin ko si Tatay." Lumuluha nang saad ni Celine.
Nanubig ang mata ko. Hindi ko kayang nakikitang lumuluha ang mga anak ko. Ako ang mas nasasaktan.
"Okay lang ako, Celine. Tapusin na natin ito–"
"Hindi na po, mama. Tatawagin ko si aling Rosing, uuwi na tayo."
"Celine anak–"
Hindi ko na napigilan si Celine dahil agad na siyang tumakbo papasok sa loob.
Umagos ang luhang kanina ko pa tinitigilan para hindi makita ni Celine at hindi siya mag-alala. Sobrang sumikip talaga ang dibdib ko na halos ikatigil ng paghinga ko.
Pero hindi p'wede…magulo pa ang pamilya ko. Lalong hindi p'wede, dahil ayaw kong saktan ang mga anak ko.
Dumilim ang paningin ko nang tumayo. Tila rin biglang umikot ang paligid ko. Ang palapit na pagtawag ni Celine sa pangalan ko ay unti-unting lumalabo.
Hanggang sa tila nagblanko ang utak ko. Naramdaman ko na lang ang pagbagsak ng katawan ko sa semento.
Nagising ang diwa ko at bumungad sa akin ang hindi pamilyar na boses, at ang boses na kinakausap nito.
"Doc? Anong kailangan naming gawin?" si Tanggol.
"Kulang po ang materyales na kakailanganin sa pagpapagamot ni misis, mister. Kailangan siyang madala sa sentro. Hindi namin siya kayang gamutin dito sa isla."
"Kung gano'n, doc…kailangan naming umalis dito?"
"Maaari, mister. Kailangan magamot ang asawa niyo bago pa lumala ang sakit niya."
Napadilat ako. Unti-unting luminaw sa paningin ko ang paligid. Nilingon ko ang pinanggagalingan ng boses ni Tanggol at ng doctor. Naabutan ko na palabas na ang doctor at si Tanggol a naiwang nakatayo na tila may malalim na iniisip.
"Heroace…nasaan ang mga bata?" mahinang usal ko.
Napabaling sa akin si Tanggol at agad na lumapit nang makitang gising na ako. Halo-halo ang emosyon na nakikita ko sa kaniya.
"Ma'am, kumusta po ang pakiramdam niyo?"
Pinakiramdaman ko ang sarili. Medyo magaan na, hindi katulad kanina ng mawalan ako ng malay. Hindi na rin sumisikip ang dibdib ko at magaan na akong nakakahinga.
"Anong nangyari?"
"Ma'am…kailan na nating bumalik."
Nangunot ang noo ko.
"Anong pinagsasabi mo?"
"Kailangan na nating bumalik para maipagamot ka, ma'am."
"Ha? Wala akong sakit. Napagod lang ako ng husto kanina kaya ako nawalan ng malay," sabi ko at umupo.
"Pero, ma'am. Ang sabi ni doc–"
"Kahit anong mangyari, Tanggol, hindi ako babalik doon nang dahil lang sa akin. Kung babalik man tayo, sisiguraduhin kong dahil iyon sa kapakanan ng kambal. Pero kung dahil sa akin…hindi ako babalik doon."
Malalim na napabuntong-hininga si Tanggol. "Wala akong magagawa, ma'am. Ikaw ang masusunod."
Matipid kong nginitian ang lalaki. "Tara na. Magaling na ako. Ilabas mo na ako rito."
Nag-aalinlangan man ay tumango siya. "Sige, ma'am."
Umalis si Tanggol at dumiretso na palabas. Sandali akong natulala sa kawalan at napaisip.
Pagod lang ako…kaya ito nangyayari sa akin. Pero hindi ko kailangang magpahinga. Kailangan ako ng kambal ko.
****************************
Pasensya guys sa sobrang tagal ng update ko. Currently busy rin po ako ngayon sa pag-asikaso ng pre-order ng Hiding from Fuertez kaya ito lang po ang natapos ko. Ang hirap maghanap ng buyer ng Hiding from Fuertez book. Sana po ay may bumili :((
Bawi po ako next timee.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro