Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16

Chapter 16: Letters

Nasa pagkain ko lang nakatuon ang ko, tahimik na nakikinig sa pag-uusap ni Adri at Daddy.

"How's your life lately, hijo? Bihira na kitang nakakausap," si Daddy.

"Pasensya na, Tito. May mga importante po kasi akong ginagawa." Napasulyap pa siya kay Niezhel. "Pero susubukan ko na dumalaw ulit dito since Axedria is already here. Gusto ko sana na magkakilala pa sila ni Niezhel."

Sinulyapan ako ni Adri at nginitian. Nginitian ko naman siya pabalik at napatingin sa babae. Nakangiti rin ito sa akin kaya tinanguan ko.

"And Tito, nandito rin ako para pag-usapan natin ang pagpunta rito ni Kuya. Hindi ba ako makakaabala, Tito?"

Tumawa si Daddy. "Hindi, Adri. But I think this not the right place."

"Yes, Tito." Hinarap niya si Niezhel. "Maiwan muna kita rito kay Axedria. May pag-uusapan lang kami ni Tito."

"No problem, Adrian…"

Nakatingin lang ako sa babae, pinapanood ko ang bawat galaw. Ang hinhin ng boses niya. Hindi malabong hindi siya nagustuhan ni Lance dahil doon. Hayst.

Tumayo na rin ako agad nang magtayuan sila. Tapos na silang kumain kaya sinimulan ko na rin na iligpit ang pinagkainan.

"Let's go, Adri."

Umalis ang dalawang lalaki. Sinenyasan ko na lang ang kasambahay na lalapit na sana para tumulong sa pagligpit.

"You're beautiful, Axedria," usal ni Niezhel.

Napatigil ako at pilit na ngumiti sa babae. Hindi ko alam kung paano ako gagalaw sa harapan niya, hindi ako komportable.

"Ahm, Salamat. Ikinagagalak ko ang pagpunta niyo rito ni Adri. Sana komportable ka," sabi ko.

Ngumiti ang babae. Para siyang isang anghel na nakangiti sa akin.

"Oo naman. Komportable naman dito plus kasama ko si Adri. I fell safe wherever he's with me."

Napangiti ako at biglang naalala si Lance. Saka ko tinawag ang kasambahay para ipadampot ang mga nagligpit namin na pinagkainan.

Umikot ako papunta sa kabilang bahagi ng lamesa kung nasaan si Niezhel. Pinagsiklop ko ang mga kamay at ngumiti sa babae.

"Ahm, gusto kong malaman kung p-paano ba kayo nagkakilala ni Adri–pero okay lang sa akin kung hindi ka komportable na sabihin sa akin. Naiintindihan ko naman ah…curious lang ako," sabi ko.

Sumandal siya sa likuran ng sandalan ng upuan. Tumingala siya na tila may inaalala. Wala pa man siyang sinasabi ay sobrang bilis na ng pintig ng puso ko.

"Hindi ko alam, pero…nagising na lang ako nang siya ang bumungad sa akin," aniya at nginitian ako.

"Ah…" Tumango tango ako. "Akala ko nagkakilala kayo sa school…"

Napanguso ang babae at tila napaisip. Malakas ang kutob ko na naging dahilan ng pagsabog ang iniaakto niya.

"Hindi, e… Iba ang lalaking nakikita ko sa panaginip," aniya.

Napatingin siya ulit sa akin. Umalis siya sa pagkakasandal at lumapit sa akin. Kinuha niya ang kamay ko at hinawakan. Nabigla ako sa mga kinikilos niya kaya nanatili akong tahimik.

"Alam mo kasi, Axedria…sa totoo niyan ay may amnesia ako."

Napalunok ako. Sinasabi ko na nga ba!

Malalim siyang napabuntong-hininga. "Wala akong maalala noong magising ako. Pero habang tumatagal, may lalaking nagpapakita sa akin kapag tulog ako. Hindi ko siya kilala…pero nitong nakaraang linggo–para bang kilala ko na siya. Nalilito ako, Axedria, pero hindi naman nagsasawa si Adri na tulungan ako. Gusto ko rin kasing malaman kung sino ang lalaking iyon kasi pakiramdam ko hindi lang siya kung sino sa buhay ko. Parang may malaking parte sa puso ko na…kilala siya, at sinasabing bahagi siya ng buhay ko."

Para akong sinasaksak. Hindi ako makapagsalita. Litong lito ako sa halo halong nararamdaman. Hindi ko alam kung paano sasabihin. O sasabihin ko ba? O hahayaan na lang? Ako ba ang magsasabi sa kanila? O…hahayaan ko na lang na muling magtagpo ang landas nila?

Pero…paano naman ako?

Huminga ako ng malalim bago hinarap nang buong tapang ang ang babae. Bakas sa mukha nito na labis din siyang nahihirapan.

"M-may naaalala ka bang kahit konting detalye sa l-lalaking nakikita mo sa panaginip mo?"

Tila nabuyahan ang babae, habang ako naman ay parang binabawian ng lakas.

"Nitong nakaraang gabi…malabo man ang mukha niya, malinaw naman ang boses niya. Kung hindi ako nagkakamali, Axedria…tinatawag niya ako sa pangalang Zhel."

Hirap man ay tumango tango ako. "Natatandaan mo ba ang boses niya?"

Tumango siya. Napalunok ako. Huminga ako nang malalim bago ulit siya tinanong.

"K-kung sakaling maririnig mo ang boses na iyon sa isang lalaki…o makita ang lalaki, makikilala mo ba?"

Sandali siyang napatitig sa akin. Unti-unti na akong naiilang sa tingin niya. Hindi ko alam kung may napapansin siya sa akin.

Sunod-sunod siyang tumango. "Sigurado ako, Axedria. Makita ko lang siya, kahit nakatalikod pa siya…sigurado akong makikilala ko siya agad," sagot niya.

Wala ako sa sariling napatango. "G-good. Pero…pa'no si Adri?"

Agad kong natutop ang bibig. Hindi sinasadyang masabi iyon.

"A-ah, sorry, Niezhel! Ahm…hindi mo kailangang sagutin," agad na paumanhin ko.

Ngumiti lang ang babae sa akin. Pareho kaming napalingon sa sala nang marinig na sila Daddy na pababa ng hagdan. Lumabas kami ni Niezhel sa kusina para puntahan ang dalawa.

"Basta sabihan mo kami agad kapag matutuloy, hijo. Pupunta kami ni Axedria."

Lumapit si Adri kay Niezhel, ako naman ay lumapit kay Daddy.

"Yes, Tito. Kayo agad ang sasabihin ko." Nilingon niya ako. "Oh, pa'no, Axe. May lalakarin pa kami ni Niezhel. Babalik na lang ulit kami kapag may time."

Nakangiti akong tumango sa kanilang dalawa. "Aasahan ko 'yan. Mag-ingat kayo sa pag-uwi."

"Salamat, Axedria. Babalik ako rito kahit busy si Adri."

Natawa kami. "Walang problema sa akin, basta sasabihan mo ako," ani Adri na tinanguan ng babae.

Bumalik si Daddy sa taas pagkaalis ng dalawa. Nanatili ako sa sala, nag-iisip. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kung sasabihin ko ba ngayon kay Lance. Hindi ako mapakali.

Mabait si Niezhel. Gusto niya talagang mabalik ang ala-ala niya. Gusto niyang makita ang lalaki sa panaginip niya. Hindi kaya…gano'n din ang nangyayari kay Lance? Nakikita niya rin kaya ang babae sa panaginip niya?

Nakagat ko ang labi nang maalala ang unang beses naming nagkatabing matulog sa sofa.

"Anong gagawin ko? Karapatan nilang makita ulit ang isa't isa…" bulong-bulong ko.

Nakagat ko ang dulo ng daliri. Nalilito sa kung anong gagawin.

"Pero hayaan ko na lang talaga na sila mismo ang makaalam."

Tama…Tama.

Kahit masakit man, hahayaan ko sila. Ako mismo ang lalayo sa kanilang dalawa kapag sinabi nilang mahal na mahal pa nila ang isa't isa.

Kaya kong magpaubaya. Kung tutuosin ay ako itong sumingit kaya ngayon ay ako ang naiipit.

Wala ako sa sarili sa mga sumunod na araw. Hindi ko gaanong nakakausap si Lance kapag tatawag siya. Pinuputol ko na lang agad ang tawag. Sinasabi ko na lang na inaantok na ako.

Sa konsensya ko ay hindi ko maayos na nahaharap ang lalaki.

Mr. Valdez:

Not feeling well? Are you sick? Tell me please?

Ang mensahe na natanggap ko sa lalaki ng umaga ng huwebes. Hindi na naman tumagal ang pag-uusap namin kagabi sa parehong rason.

Nagtipa ako ng irereply.

Ako:

Maayos lang ako, Lance :))

Kakasend ko lang ay hindi pa nagtatagal ng ilang segundo nang magreply siya.

Mr. Valdez:

Tell me if you need something. Gusto kitang puntahan, pero baka ayaw mo. Ca I go there?

Mabilis akong nagtipa. Hindi p'wede! Sa ganitong kalagayan ko? Hindi p'wede.

Ako:

Hindi na Lance. Busy ka rin naman. Maayos lang talaga ako rito 'wag kang mag-alala :))

Mr. Valdez:

Hindi mo 'ko miss :(( Kahit naman sobrang busy ako, I can always make time for you.

Mr. Valdez:

Okay, hintayin na lang kita sa pag-uwi rito. Kahit para akong pinaparusahan sa mga araw na hindi ka nakikita :((

Ang sunod-sunod na reply na natanggap ko mula sa lalaki. Nag-send na lang ako ng naka-smile na emoticon bago pinatay ang cellphone.

Umalis si Daddy kani-kanina lang. May aasikasuhin lang daw siya saglit at uuwi rin daw siya bago dumilim. Katatapos lang namin maghanda ng hapunan ng mga kasambahay nang dumating na si Daddy.

"Pasensya na, anak, may importante lang akong pinuntahan."

"Walang problema, Dy!" sabi ko. "Mukhang pagod kayo. Kumain na po tayo para makapagpahinga na kayo."

"Mabuti pa nga."

Pagkatapos magpahinga ni Daddy sa sala ng mga sampong minuto ay dumiretso na kami sa hapag.

"Kumusta naman ang araw mo rito, anak?"

Nilunok ko ang nginunguya bago sumagot. "Okay lang naman, Dy. Wala akong magawa kaya nakisali ako sa paglilinis ng pool kanina."

Nanlaki ang mata ni Daddy at binalingan ang kasambahay na nasa tabi.

"Joe? Hinayaan niyo siya–"

"Naku, Dy!" singit ko agad dahil mukhang pagagalitan niya ang kasambahay. "Ako po ang nagpumilit. 'Tsaka…boring po kung wala akong gagawin."

Napabuntong-hininga si Daddy. "Pasensya na ulit, Axedria. Hayaan mo bukas, babawi ako. Ilalabas kita. Saan mo ba gustong pumunta?"

Napaisip ako agad. Agad na pumasok sa isip ko ang mall. Noong bata pa ako ay naririnig rinig ko ang lugar na iyon. Ilang beses ko rin na hiniling kay Marites noon na pumunta kaming mall, pero ayaw niya.

"Sa mall, Dy. Gusto ko pong pumunta sa mall."

Nakangiti man ay nabahiran ng lungkot ang mga mata ni Daddy. "Hindi ka pa ba nakakapunta roon?"

Umiling ako. "H-hindi pa, Dy…"

"Bukas. Dadalhin kita sa magagandang mall."

"Salamat, Dy!"

Pagkaakyat ko sa kwarto ay agad akong naghanda sa pagtulong. Pagkatapos kong maghilamos ay binuklat ko magagandang kasuotan na naka-hanger. Habang nagpipili ako ay narinig ko ang pag-ring ng cellphone ko.

Kinuha ko muna ang kulay light blue na napusuan kong suotin bukas, bago ko nilapitan ang cellphone.

Mr. Valdez is calling…

Sinagot ko iyon.

"Hi," bungad niya.

Wala sa screen ang lalaki.

"Hello…"

"How's your day? Can I see you? Can you turn on your camera?" kalmado niyang sinabi, may bahid na pag-iingat.

Nagdadalawang isip pa ako kung bubuksan ko ba ang camera. Ilang gabi ko rin siyang nakausap nang hindi nakabukas ang camera, at ngayon lang siya humiling.

"I just want to make sure if there's something happened to you. You sounds not okay, are you? Kahit saglit lang? Pero kung ayaw mo…it's okay."

Napabuntong-hininga ako. May parte rin naman sa akin na gusto siyang makita. Nasanay na rin ako na tumatawag siya tuwing gabi kaya kahit hindi ko man aminin…hinihintay ko siya.

"Sandali lang…"

Tinakbo ko ang salamin at sinuklay ang buhok kahit hindi naman iyon gano'n kagulo. Kinagat kagat ko ang labi para pumula nang konti.

Pagkabukas ko ng camera ay bumungad sa aking ang mukha ng lalaki. Gulo-gulo man ang buhok ay sobrang lakas pa rin ng karisma niya.

"H-hi…"

Pinagkatitigan ako nito. Nang ilayo niya konti ang cellphone ay nakita ko ang hubad niyang balikat. Sa likuran niya ay ang tingin kong kusina.

"Hi, beautiful. Matutulog ka na pero bakit naglagay ka pa ng make up?" aniya.

Nakapa ko ang mukha ko. Hindi naman ako naglalagay ng kolorete. Kinuskos ko pa ang mukha saka tiningnan ang palad. Narinig ko siyang mahinang humagikhik kaya napatingin ako sa kaniya.

Gumagalaw ang background niya, naglalakad siya.

"Silly me. You look more beautiful right now so I thought you'd put make up."

"Baka sa camera lang," sabi ko.

Pinatayo ko sa ibabaw ng kama at sinandal sa unan ang cellphone. "Ahm, Lance…may ipapakita ako sa'yo na dress."

"Axe, hindi ako nagsusuot ng dress."

Napasimangot ako. "Ako ang magsusuot. Ipapakita ko lang sa'yo tapos sabihin mo sa'kin kung bagay," sabi ko.

Tatawa tawa siyang tumayo at tumigil sa paglalakad. Dinampot ko ang makuhang dress sa ibabaw ng kama saka tumayo.

"Ano sa tingin mo?" tanong ko.

"Bakit hindi mo muna isuot?"

"Hindi na. Gagamitin ko ito bukas e."

Nagsalubong ang kilay niya. "Saan ka pupunta bukas?"

"Date!"

Lumalim ang kunot ng noo niya. "With whom?" naging madilim ang boses niya.

"Tss! With Daddy! Alangan kanino pa," pagsusungit ko. "Ano? Okay lang ba sa akin ito?"

Bumalik ulit sa liwanag ang awra niya. "Hmm, bakit hindi mo muna isuot para makita ko nang maayos? Kahit sa harapan ko na ikaw maghubad," aniya.

Nag-init ang mukha ko at nanlaki ang mata. Malakas naman siyang tumawa sa kabila.

"Bastos!"

Lalo siyang tumawa nang kunin ko ang camera.

"Just kidding! Yeah, kahit hindi mo na isuot…bagay na bagay sa'yo. It's suits you too well."

Napanguso ako. "Talaga?" paniniguro ko.

Pinagmasdan ko ang masayang mukha ni Lance. Ang totoo ng mga ngiti at kislap ng mata niya.

"Yes, Mrs. Valdez." Tumitig siya sa akin. "I want to see you wearing that dress. Take a picture for me. Now, let's sleep."

Tumango tango ako at binalik na ang dress sa kabinet saka sumampa ng kama. Humiga na ako, gano'n din si Lance.

"I miss you…"

Nginitian ko lang ang lalaki.

"Dalawang araw na lang. I can't wait to see you."

You mean…hindi ka na makapaghintay na makapaghigante? Sabi ng isip ko.

"I will date you too once you're here. Good night."

Ngumiti ako at bahagyang tumango. "Good night, Lance."

"I love you…"

Saktong nag-shut down ang cellphone ko. Napapikit ako at napabuntong-hininga. Pinagpasalamat ko na namatay ang cellphone dahil baka mapansin pa ng lalaki kung paano ako naapektuhan sa sinabi niya.

I love you…

Ngayon niya lang ako sinabihan niyon!

Ang puso ko…labis ang bilis ng tibok. Natutuwa sa salitang iyon.

Ilang beses niya akong sinabihan na mahal na mahal niya ako, pero never ang ‘I love you’ niya!

Tsk! Pareho lang iyon…in-english lang. Pero ang sarap kasi sa pakiramdam.

Nakatulog ako nang may ngiti sa labi.

Kasama namin ni Daddy ang personal assistant niya na lalaki. Pati ang secretary niya na babae naman, kaya may gabay kami sa mall.

Pagkatapos namin kumain ay tumungo kami ni Daddy sa isang sikat na brand ng kasuotan. Nabibigla ako sa lalaki ng presyo.

"Pumili ka lang ng gusto mo, anak, babayaran 'yan ni Daddy."

"Pero kasi, Dy…ang mamahal."

Natawa si Daddy. "Kahit abutin pa ng milyon ang presyo ng isang bagay na magustuhan mo, bibilhin 'yan ni Daddy."

Nanlaki ang mata ko. "G-gano'n ka po kayaman?"

Kung gano'n ay inaabot din kaya ng milyon ang mga gamit ni Daddy katulad ng kay Lance?

"Not that much, pero afford ko ang mga magugustuhan mo. Axedria, ang perang meron ako ay para rin sa'yo."

"Salamat, Daddy!"

Iniwan ako saglit ni Daddy sa pagpipili dahil may tumawag sa cellphone niya. Habang nagpipili ay hindi ko naiwasang mapatingin sa banda na pang lalaki naman. Lumapit ako roon.

Uminit ang pisngi ko nang makita ang panlalaking kasuotan na panloob. Napalingon lingon pa ako sa paligid. Ang secretary at personal assistant ni Daddy ay kausap ngayon ni Daddy.

Binalik ko ang tingin sa tinitingnan na pangilalim na panlalaki. Naalala ko na hindi nabili ni Lance ang brief niya dahil sa bracelet na nakita niya.

Mabilis akong dumampot ng tatlong brief at boxers saka dali-daling lumayo sa bahaging iyon. Kinuha ko rin ang napusuan na pants, shorts, dress at jacket. Sakto at magtataglamig na.

Tinago ko ang bibilhin para kay Lance nang lumapit ako kila Daddy. Binigay ni Daddy sa secretary ang mga nagustuhan ko para bayaran sa counter.

"May iba ka pa bang gustong puntahan maliban dito, anak?" tanong ni Daddy nang makalabas na kami.

Pagod na pagod na ako kalilibot namin ni Daddy sa mall. Tinry rin namin kumain sa iba't ibang kainan. Sobrang saya ng araw na ito! Hinding hindi ko ito makakalimutin!

"Wala na po, Daddy." Pansin ko na rin na pagod na si Daddy. "Umuwi na tayo. Magdidilim na rin naman po."

"Sigurado ka ba, Axedria?"

Sunod-sunod akong tumango. "Opo."

Sinend ko kay Lance ang mga magagandang kuhang litrato ng secretary ni Daddy sa akin. Pagkahiga ko pa lang sa kama ay nakatulog na agad ako. Hindi ko na nasagot ang tawag ni Lance.

Nagising ako sa katok sa pinto ng kwarto.

"Ma'am Axedria, pinagigising na po kayo ni sir. Nasa baba rin po si ma'am Niezhel."

Napabangon ako. "S-sige po."

Kinuha ko ang cellphone na nasa tabi na ng kama. Pagkabukas ko ay bumungad ang tatlong missed call ni Lance at mga mensahe niya. Alas diyes na rin ng umaga!

3 missed call from Mr. Valdez

20 unread messages

Binuksan ko ang mensahe at binasa. Puro iyon pagpupuri sa akin. May mga tinanong din siya, kung nag-enjoy raw ba ako at kung ano-ano pa. Ang huli niyang message kagabi ay ang pag-good night niya at I love you…ulit.

Hindi ko na namalayan na nakangiti na pala ako. Binitiwan ko ang cellphone nang maalala na may bisita ako. Naghilamos ako at nagpalit ng damit.

Binalikan ko ang cellphone para magreply sa mensahe ni Lance na kanina lang sinend.

Mr. Valdez:

Good morning. How's your sleep?

Mr. Valdez:

I have meetings today. Sobra akong mabi-busy. I'll call you after.

Ako:

Good morning. Kaya mo 'yan :)

Napaangat ang tingin ko sa pinto nang may muling kumatok.

"Axedria? Gising ka na, anak. Nasa baba si Niezhel hija."

Pinatay ko ang cellphone at binitang sa lamesa saka naglakad palapit sa pinto. Binuksan ko iyon at bumungad si Daddy na maayos ang ayos.

"Good morning, Axedria. Bumaba ka na at kumain na."

"Good morning, Dy. May lakad ka po?"

Lumabas na ako sa kwarto at sumabay kay Daddy na pababa na rin ng hagdan.

"Babalik din ako bago dumilim. Pasensya na, anak, ah…para naman sa iyo itong pinagkakaabalahan ko ngayon."

Nginitian ko si Daddy. "Dy, okay lang po. 'Tsaka hindi na naman po ako bata para pahirapan kayo na ipaintindi sa akin ang ginagawa ninyo."

"Salamat, anak." Hinaplos ni Daddy ang ulo ko.

"'Tsaka may bisita ako, Dy. Wala pong problema sa akin kung may pagkakaabalahan kayo."

"Ano ang gusto mong pasalubong?"

"Kahit ano, Dy!"

Tumayo si Niezhel sa sofa nang nasa sala na kami. Nginitian ko pabalik ang babae.

"Oh hija maiwan ko muna kayo ni Axedria."

"Sige po, Tito."

"Ingat po kayo."

Pagkaalis ni Daddy ay hinarap ko si Niezhel. Bahid sa itsura niya na maraming siyang gustong sabihin.

"Tara sa kusina."

Hinila ko na agad ang babae bago pa tumutol. Pagkarating namin ay may nakahanda ng pagkain.

"Pasensya na kung naabala kita sa pagpapahinga mo, Axedria."

"Naku hindi! Mabuti nga at ginising na ako. Tanghali na pala," sabi ko at ngumiti.

Kape lang ang hiningi ni Niezhel. Busog pa raw siya dahil kagagaling lang nila ni Adri sa restaurant bago siya hinatid dito.

"Kumusta? A-anong balita? Kilala mo na ba kung sino?" tanong ko.

Napanguso siya. "Naku…pasensya na, Axedria. Mukhang ang dating sa'yo ng pagpunta ko ay dahil diyan. Pasensya na, ah…wala kasi akong ibang mapagsabihan."

Napangiti ako. "Ayos lang. Gusto ko rin naman makatulong."

"Pasensya na, naaabala pa kita."

Umiling iling ako. "Wala iyon, Niezhel. Hindi ka naman ibang tao pa sa akin. Lalong hindi ibang tao si Adri sa akin kaya hangga't makakaya ko, tutulongan ko kayo."

"Salamat, Axedria."

Bumalik kami sa sala pagkatapos ko sa pagkain. Doon namin sinimulan ang sadya niya talaga rito.

"Nakita ko na naman ang lalaki sa panaginip ko, Axedria…" panimula niya.

"A-ano…kilala mo na ba?"

Umiling siya. "Hindi pa…pero pakiramdam ko malapit na."

Kinuha niya ang shoulder bag niya na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Kinalkal niya iyon na parang may hinahagilap sa loob. Umayos siya ng upo paharap sa akin nang makuha ang hinahanap. Isa iyong maliit na kulay brown na kahon. Bumungad sa akin ang singsing sa loob niyon.

Sobrang gandang singsing.

Kinuha niya iyon mula sa kahon at binigay sa akin. "May suot na singsing ang kamay ng lalaki sa panaginip ko, Axedria. At hindi ako magkakamali na ganiyan na ganiyan iyon."

Pinagkatitigan ko ang singsing. Parang dinudurog ang puso ko.

"Pareho kaming may singsing na ganiyan, Axedria."

Napatingin ako sa kaniya. "S-sigurado ka bang ganito talaga?"

Sunod-sunod siyang tumango, siguradong sigurado. Sandali kaming nagkatitigan, mukhang pareho ng naiisip.

"Isa lang ang ibig sabihin niyon, Niezhel…" usal ko.

Namasa ang mata ni Niezhel hanggang sa may butil na luha ang kumawala.

"K-kasal kami, Axedria… A-asawa ko ang lalaki sa panaginip ko," nanginginig na boses niyang sabi.

Pinigilan ko ang emosyon. Tumango tango ako.

"K-kailangan ko na siyang makita. Sigurado akong…k-kung malalaman ko ang pangalan niya, makikilala ko na siya."

Napatango ako ulit, hindi inaalis ang tingin sa babae.

"T-tulungan mo ako, Axedria. G-gusto ko na siyang makilala. May mga gusto akong sabihin sa kaniya. K-kailangan ko na siyang makita bago pa mahuli ang lahat…"

Parang pinipiga ang puso ko. Dahan-dahan akong tumango.

"Salamat, Axedria! S-salamat sa inyo ni Adrian!" sabay bigla niya akong yinakap.

Nanigas ako. Sa nanginginig na kamay ay hinaplos ko ang likod ng babae. Pigil na pigil ko ang sakit.

"Naiiyak ako sa sobrang saya, Axedria. Hindi na ako makapaghintay na makita siya."

Nagbigayan muna kaming dalawa ng cellphone number bago umuwi si Niezhel. Umakyat ako agad sa kwarto pagkaalis niya. Nanatili ako sa kwarto, hindi lumalabas hangga't hindi gumagaan ang pakiramdam ko. Sobrang bigat sa dibdib sa puntong hinayaan ko ang sarili sa pagbababad sa bathtub nang hindi napipigilan ang mga luha.

Akala ko, pinakamasakit na ang mahalin si Lance…pero mas masakit pa pala ang naliwalain siya.

"Ma'am Axedria?"

Nagising ako sa pagtawag mula sa labas.

"Ma'am Axedria, may pinadala po si sir Valdez. Sa inyo raw po ito."

Sa nanunuyong lalamunan ay panghihina ay nagsalita ako.

"Pakiiwan na lang po sa pinto."

"Sige po."

Tumayo ako at inabot ang bathrobe. Umalis ako sa bathtub at lumapit agad sa salamin. Mugto ang mata ko. Napabuntong-hininga ako bago lumabas. Kinuha ko ang kahon na may kulay purple na ribbon. Dinala ko iyon sa ibabaw ng kama.

Nagdadalawang isip pa ako kung bubuksan ko ba iyon. Pero natagpuan ko na lang ang sarili na hinuhubad na pagkakatahi ng ribbon.

Natigilan ako sa laman na bumungad sa akin. Mga iba't ibang klase ng papel iyon na may sulat kamay ni Lance. Kinuha ko ang nasa ibabaw na card. Binasa ko ang nakasulat.

"My one and only Mrs. Valdez, I wrote these letters while I'm missing you. Sa tuwing nami-miss kita, natatagpuan ko na lang ang sarili ko na nagsusulat ng letters tungkol sa'yo."

Pinahid ko ang butil ng luha sa pisngi. Umupo ako sa kama at sinimulang basahin isa-isa ang mga iyon. Ang tabi ng ibang papel ay may maliliit na paru-paro na purple sa tabi.

"I adore you. Every second, every minute, every hour, everyday… You are the only person I think about all the time."

Iba-iba ang nilalaman ng bawat papel na may sulat kamay niya. Wala akong pinalagpas kahit isang salita kahit pinipiga na ang puso ko. Halo ang kilig, galak, at sakit ang nararamdaman ko sa mga sulat niya.

Lahat ng mga ginamit niyang salita ay malaki ang naging impak sa puso ko…lalo na sa pagkatao ko.

"I'm so corny doing these…but it's not a waste of time for me. Ang gumawa ng mga bagay-bagay na tungkol sa'yo ay hindi pag-aaksaya ng oras. Ginagawa mo lang na worth it ang bawat oras ko."

Iyon ang huling sulat. Kinuha ko ang mga nabasa ng sulat para ibalik na sa kahon. Kinuha ko na rin ang takip ng kahon para ilagay na, pero nangunot ang noo ko nang may nalglag na isa pa. Akala ko ay huli na iyong binasa ko.

Kinuha ko ito nang tumalbo. Binasa ko ang nakasulat na may pirma pa niya sa ibaba.

"You're my sky, Axedria Gabrielle Valdez."

Tiningnan ko ang likuran nito at nakitang may nakasulat din.

"I know I hurt you. Please forgive me for what I have done to you before. Babawi ako. I will stop my revenge. Just please, Miss Axedria…love me again."

Pinahid ko ang luhang pumatak sa papel. Binalik ko iyon sa kahon at agad nang tinakpan at binalik sa pagkakatali ang tela.

Malalim akong napabuntong-hininga.

Hindi na niya kailangang magmakaawa na mahalin ko siya ulit kasi hindi naman nawala ang pagmamahal ko sa kaniya. Mahal ko pa rin siya…at hindi na yata mawawala ang pagmamahal na iyon.

Tumunog ang cellphone ko. Tumayo ako dala-dala ang kahon. Tinabi ko muna ang kahon sa loob ng kabinet bago nilapitan ang cellphone.

Mr. Valdez:

I'm done with my works. Hindi ko na yata kakayanin na umuwi sa bahay.

Ang mensahe mula kay Lance. Nagreply naman ako. Hinintay ko pa kung  magrereply ang lalaki pero wala na akong natanggap.

Napaangat ang tingin ko sa sunod-sunod na pagkatok sa pinto, katok na tila nagmamadali. Lumapit ako at binuksan iyon. Bumungad si Daddy.

"Daddy, kanina pa po ba kayo–"

"Axedria anak…"

Unti-unting naglaho ang ngiti ko nang mapansin ang hindi mapalagay na itsura ni Daddy.

Hinawakan ni Daddy ang magkabilang balikat ko saka pinantay ang tingin sa akin.

"Anak, pasensya na kung biglaan…pero kailangan mong lumayo."

Para akong biglang nabingi. "P-po?"

"Bukas kana susunduin ng Valdez na iyon. Bukas na bukas din sisimulan niya ang paguihiganti. Axedria, ayaw kong mawala ka ulit sa akin."

"Dy…"

Namula ang mata ni Daddy at nanubig. "Axedria anak, ilalayo kita sa Valdez na iyon. Nalaman ko…n-nalaman ko na kabilang siya sa organisasyong kung saan ang mga miyembro ay walang puso kung pumatay."

Napasinghap ako. Bumilis ang kalabog ng dibdib ko.

"A-anak…" Tuluyang naiyak si Daddy. "Susunod ako sa lugar na pagdadalhan sa'yo ng personal assistant ko. Sa ngayon, kailangan mong mauna roon."

Hinila ako ni Daddy papasok ng kwarto ko at binitiwan para kumuha ng jacket sa kabinet ko. Wala ako sa sariling nakatulala lang habang paulit na ulit sa utak ang sinabi ni Daddy.

Si Lance kasali sa isang organisasyon? Walang pusong pumapatay…paano?

"Axedria."

Sinapo ni Daddy ang mukha ko at hinarap sa kaniya. Saka ako natauhan.

"Anak, 'wag kang mag-alala dahil safe ka sa lugar na iyon. Hindi ka niya matatagpuan doon."

Tumango tango ako. "Opo, Daddy. S-susunod ka ha…"

Binalot ng takot ang pagkatao ko. Takot sa lalaki.

Tumango tango si Daddy. "Susunod ako, anak."

Dali-dali kaming bumaba ni Daddy. Ang maliit na maleta na pinaglalagyan lang ng mahahalagang gamit ang laman.

Halos takbuhin na namin ni Daddy ang gate pagkalabas ng bahay. Pero natigilan kami nang makalabas kami sa gate. Dahil imbes na ang personal assistant ni Daddy ang bumungad sa amin, ibang lalaki ang nadatnan namin.

Lalaking sobrang dilim ng awra.

Nanlaki ang mata ko at napahawak na lang sa dibdib nang makita ang personal assistant ni Daddy na nakabulagta sa semento, sa tabi ng sasakyan at lalaki.

Humigpit ang hawak sa akin ni Daddy.

Sa pag-angat ko ng tingin sa lalaking nakatayo ay siya ring dahan-dahan na paglingon nito sa amin ni Daddy.

Napatakip ako sa bibig nang magtagpo ang tingin namin ni Lance. Madilim ang mga mata nitong nakatingin sa akin, umiigting ang bagang.

Kinilabutan ako nang unti-unting gumuhit sa labi nito ang ngisi sa akin.

"Tingin mo talaga gano'n kadali na takbuhan ako?"

"Hayaan mo na ang anak ko…"

Napaatras kami pareho ni Daddy nang maglakad palapit sa amin ang lalaki, hanggang sa wala na kaming maatrasan.

"'Wag na ang anak ko!"

Umigting lang ang bagang ni Lance. Humigpit pa ang hawak ni Daddy sa akin nang tumuloy tuloy si Lance sa paglapit sa amin.

"Valdez!"

Napaigik ako matapos maramdaman ang dumaang sakit sa pulsuhan nang hilahin ako ni Lance palayo kay Daddy.

"D-dy…" tawag ko kay Daddy ngunit wala rin siyang nagawa nang ilayo ako ni Lance at diretsong sinakay sa sasakyan niya.

"'Wag mong sasaktan ang anak ko!"

Sinubukan kong buksan ang pinto ng sasakyan ngunit naka-lock na iyon. Umikot si Lance papuntang driver's seat sa tabi ko.

"Iuuwi na kita sa'kin," malamig niyang sabi saka mabilis na pinatakbo ang sasakyan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro