Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

Chapter 13: Lagot

Hinubad ni Lance ang suot na pang-padre habang hila-hila ako sa pagtakbo palabas sa kabilang pinto. Naiwan siya ngayon sa kulay itim na t-shirt.

Nilingon ko ang bukana ng simbahan. Nagtatakbuhan ang mga tao palabas. Nakita ko ang may edad na lalaki na tumakbo pasunod sa amin ni Lance.

May kakaiba akong naramdaman habang nakatingin sa lalaki. Nakikilala ko siya.

"Axedria anak ko!"

Daddy…

Tumigil si Lance at pinalupot agad ang isang braso sa baywang ko habang may hawak na baril ang isa na ngayon ay tinutok kay Daddy.

Kumalabog ang dibdib ko at nataranta. Humigpit ang hawak ni Lance sa baywang ko. Parehong nakatutok ang baril sa isa't isa nila.

"Ibigay mo sa'kin ang anak ko!"

"Over my dead body," mariing sabi ni Lance, umiigting ang panga.

Nanginginig na inabot ko ang braso ni Lance. Gamit ang natitirang lakas ay hinihila ko iyon palayo kay Daddy.

"P-please…pleas…t-tama na."

Madilim ang mga mata ni Lance na diretsong nakatingin sa Daddy ko. Gano'n din si Daddy at humigpit ang hawak sa baril.

"Daddy, no…" Umiling iling ako.

Bumaba ang tingin ni Daddy sa akin. Basang basa ko ang halo-halong emosyon sa mga mata niya. Nanubig ang mata niya pero pinanatili niyang nakatutok ang baril.

"M-mapag-uusapan natin 'to, please… Lance." Hinarap ko ang babae. "Alam ko…ang unfair, pero p-please…ayusin natin. 'Wag ganito."

Umigting lang ang bagang ng lalaki. Hinarap ko ulit si Daddy at umiling iling sa kaniya. Nanubig ang mata ko. Gustong gusto ko na siyang takbuhin para yakapin ngunit hindi ko magawa dahil ayaw akong pakawalan ni Lance.

Hindi napigilan ni Daddy ang emosyon habang nakatingin sa akin. Kumawala ang mga luha sa mata niya at ang pinipigilang hikbi. Dahan-dahan niyang binaba ang kamay hanggang mapaluhod siya.

"Ibigay mo sa akin ang anak ko. H-hayaan mo munang makapiling ko siya. Gusto mo ng higante 'di ba? Pakiusap, 'wag ang anak ko. Gusto mong buhay rin ang kapalit? Sige, handa kong ialay ang buhay ko. P-pakiusap, 'wag ang anak ko…"

Lumuluha akong hinarap si Lance. Naglalabasan na ang ugat sa braso niya, ang bagang ay igting na igting, habang namumula ang mata. Bumaba ang mata niya sa akin.

"P-pag-usapan natin…please?" Gumalaw galaw ang panga niya.

Pinagapang ko ang kamay paakyat sa panga niya. Marahan kong hinaplos iyon na ikinapikit niya. Naramdaman ko ang unti-unting pagkalma niya.

"'Wag please? T-tama na ang pagiging marahas…"

Nagmulat siya ng mata. Malambot na ang mga mata niyang nakatitig sa akin. Akala ko ay tuluyan na siyang kakalma ngunit napatalon na lang ako sa gulat nang paputokin niya ang baril.

Mabilis kong nilingon si Daddy. Ang pag-aakalang siya ang binaril ay naghatid ng labis na takot sa akin. Ngunit nagkamali ako nang makita ang pagbulagta ni Alonzo sa pinto ng simbahan. Tumilapon ang hawak nitong baril.

"Alonzo!" sigaw ni Marites.

Napatakip ako ng bibig. Hindi pa ako nakakabawi sa pagkakabigla nang hilahin na ako ni Lance palayo.

"Axedria! Ang anak ko, ibalik mo." Ang nakasunod na si Daddy.

"L-lance…" tawag ko sa lalaki ngunit nagtuloy tuloy ito sa paghila sa akin palayo.

Sa gate na lalabasan namin ay may mabilis na tumigil na puting sasakyan. Mabilis na bumaba mula sa driver's seat si Ken na nakasuot kanina ng pang sakristan.

"No! Axedria!"

Binuksan ni Ken ang backseat. Ipapasok na sana ako ni Lance, ngunit sa nanghihinang katawan ay ginamit ko ang natitirang lakas para tigilan siya.

"Lance, please…" Iniling ilingan ko siya. "I want my Daddy…"

Umigting ang bagang niya, tinitigan lang ako. Kinuha ko ang pagkakataon iyon para takbuhin si Daddy ngunit agad hinarang ni Lance ang braso.

Nanghihina akong napaangat ng tingin sa lalaki. Hindi ko napigilan ang pagkawala ng mga luha sa sobrang sakit. Unti-unting kumirot ang dibdib ko.

"Don't you love me anymore?" pabulong niyang usal sa akin.

Napayuko ako sa braso niya.

"Sabi mo mahal mo ako…"

Inangat ko ang tingin sa lalaki. Napasandal ako sa katawan niya dahil sa panghihina ng katawan. Bumaba ang daliri niya sa tapat ng butas ng ilong ko. Nakita ko ang kulay pulang likido sa daliri niya.

"Axedria anak…" si Daddy na nakalapit na.

"Axe…"

Bago ko pa malingon si Daddy ay dumilim na ang paligid ko at naramdaman na lang ang paghandusay ng katawan sa dibdib ni Lance.

"She's married to me."

"I can process your papers immediately–"

"F*cking no. I will let you live this time, pero kung pagpipilitan mo ang gusto mo…I will not hesitate to kill you and that bastard you're talking about."

Unti unting lumilinaw sa pandinig ko ang mga boses na narinig.

"Pero kailangan silang ikasal. Si Axedria at Kevin ay matagal nang ipinagkasundo. He was looking for her for years. Kung hindi sila–"

"Wala akong pakialam. Ako ang unang kinasal kay Axedria kaya ako ang asawa niya hanggang huli! Let him take Axedria away from me…tingnan natin kung hanggang saan aabot ang buhay niya."

Ang pamilyar na chandelier ang nabungaran ko. Hindi ako nagkakamali, sa pamilyar na amoy pa lang ng silid ay alam ko na kung nasaan ako.

"Baliw ka na."

"Pumili ka, hindi mo na ipakakasal sa lalaking 'yon si Axedria o hindi mo na makikita si Axedria kahit kailan. Choose wisely, Mr. Montillano."

"Mr. Valdez–"

"Try me again."

Nilingon ko ang pinanggagalingan ng mga boses. Sabay na napatingin sa akin ang dalawang lalaking lalaki na narinig kong nag-uusap. Una akong tinakbo ni Daddy palapit.

Hinawakan ko ang kamay ni Daddy na humaplos sa pisngi ko. Namula ang mga mata niya, nagpipigil ng luha.

"Anak ko…hinding hindi na kita hahayaang malayo sa akin ulit."

"Daddy…"

"Kumusta ang pakiramdam mo? Ha? May masakit pa ba sa'yo?" Nilingon niya si Lance. "Anong sinabi ng doctor kanina? Hindi ko na naintindihan sa sobrang pag-aalala ko sa anak."

Hinaplos ko ang braso ni Daddy. Halo-halo ang nararamdaman ko. Labis ang saya.

"N-nasaan si Marites at Alonzo?" pabulong na tanong ko.

Nanghihina pa rin ang boses ko. Hindi ko na gaanong ramdam ang sakit sa dibdib at pakiramdam ko naman ay maayos na. Medyo nahihilo na lang ako at ang katawan ko ay mahina pa. Tingin ko ay dahil na lang ito sa lagnat.

"Dinakip 'yong lalaki, pero 'yong babae ay nakatakas."

"S-sila ang pumatay kay M-mommy, Daddy…p-pagkatapos ay kinuha nila ako. Sila ang nagpalaki sa akin."

Tumango tango si Daddy at hindi na napigilan ang mga luha. "P-patawarin mo ako, anak. Nasa business trip ako sa ibang bansa nang mangyari iyon. H-hindi kita natagpuan agad dahil unti-unti na ring bumabagsak ang negosyo natin. Hindi ko alam kung ano ng gagawin ko…"

Hindi ko na rin napigilan ang maluha. "Sobrang saya ko na nagkita na tayo…"

"Hinding hindi na ako papayag na magkahiwalay pa tayo ulit." Hinalikan ni Daddy ang kamay ko. "Kumusta ang pagpapalaking ginawa nila sa'yo? Pinahihirapan ka ba nila? Kinawawa ka ba nila?"

Sunod-sunod akong tumango.

"Hindi ko na hahayaan na maranasan mo iyon ulit. Three years ago, naiangat ko pabalik ang negosyo natin. Hinanap hanap kita, hanggang sa malaman kong hawak ka ni Valdez. Ilang beses kong sinubukang makapasok sa teritoryo niya, pero 'di ako makapasok."

"P-paano niyo nalaman na nasa simbahan ako?"

"S-sinabi sa akin ng a-asawa mo…"

Napatingin ako sa lalaking pumasok. May dala na itong tray na may mga pagkain. Ni hindi ko namalayan na umalis pala siya. Nagtama ang tingin namin. Hindi ko alam kung ano ang reaksyon ipapakita ko.

Tumayo si Daddy at kinuha mula kay Lance ang tray. Hindi ni Daddy nakita ang sobrang sama ng tingin sa kaniya ni Lance dahil tumalikod na siya agad para dalhin sa akin ang tray.

"Kumain ka na agad, anak, para makabawi ang katawan mo. Isang araw kang walang malay. Pagkatapos mong kumain, inomin mo itong gamot para gumaling ka na agad."

Inangat ko ang katawan para makaupo.

"Salamat, Dy."

Mabilis na pinahiran ni Daddy ang mata. "Naaalala ko ang Mommy mo sa'yo. I love you, Axedria."

"Mahal din po kita, Daddy…"

Napatingin ako kay Lance nang gumalaw ito sa kinatatayuan. Parang may pinapahayag ang tingin niya, pero hindi ko maintindihan kaya hindi ko na lang pinansin.

Nakikinig ako sa pagkukwento ni Daddy sa mga taong hindi ko siya kasama. Kinukwento niya rin iyong kabataan ko, habang kumakain ako.

Inalok ko si Daddy ng pagkain pero busog pa raw siya. Pinagpatuloy niya ang pagkukwento hanggang sa matapos uminom ng gamot.

"Kaya ikaw ang miracle baby namin ng Mommy mo, Axedria."

Lumapit si Lance, na hindi umaalis ng kuwarto simula pa kaninang pagdala ng pagkain. Kukunin na sana niya ang pinagkainan ko ngunit inunahan siya ni Daddy.

Halos namumula na ang mukha ni Lance sa labis na pagpipigil. Masama ang tingin niyang nakasunod kay Daddy na dala-dala ang tray.

"Sandali lang, Axedria. Ako na ang magdadala nito sa baba. Magpahinga ka na."

"Salamat po."

Nilampasan lang ni Daddy si Lance na parang hangin lang.

"Tss." Paismid ni Lance nang makalabas si Daddy.

Nagkatitigan kami. Bahagya akong nailang kaya ako ang unang umiwas ng tingin. Umayos ako para bumalik sa pagkakahiga.

"B-bakit mo iyon ginawa?" mahinang tanong ko.

Wala akong natanggap na sagot sa kaniya, nakatingin lang siya sa akin.

Mapait akong napangiti. "Sabagay, hindi ka makakapaghiganti kung dadalhin akong Japan."

Wala pa rin akong naririnig sa kaniya kaya napilitan akong sulyapan siya. Umiwas siya ng tingin sabay malalim na bumuntong-hininga at umupo sa tabi ng kama na kinahihigaan ko.

"Pero bakit nga ba niligtas mo pa ako…k-kung kayang kaya mo na 'kong barilin–"

"I want to hear it again…" usal niya na ikinatigil. "I want you to say it again."

Nangunot ang noo ko, hindi alam kung ano ang sinasabi niya.

Nagtagpo ang mata namin. Naramdaman ko na naman ang kakaibang pakiramdam na gusto ko munang isantabi.

"A-ang alin…"

"That you… That you l-love me too."

Lumambot ang ekspresyon niya habang hindi nilulubayan ang tingin sa akin. Sandali akong napamaang.

"Mahalaga pa ba 'yon?" sabi ko. "Siguro mas mabuting kalimutan mo–"

"Mahal mo rin ako?"

Rin…

Kung gano'n…hanggang ngayon…mahal pa rin niya ako.

Hindi ako nagsalita, ang totoo ay nag-iingat ako sa salitang sasabihin.

"Lance…"

"Mahal mo pa rin ba ako?"

"Lance, makinig ka–"

"Kasi ako, Axedria…mahal na mahal pa rin kita."

Natigilan ako. Parang mas lalo akong nanghina. Lalo na nang gumapang sa ilalim ng kumot ang kamay niya para hagilapin ang kamay ko. At nang matagpuan niya ay mahigpit niya iyong hinawakan na parang ayaw nang bitawan. Binalot ng init ang palad ko, parang hinaplos ang puso ko.

"Hindi naman siguro agad lalaho ang pagmamahal mo sa akin, 'di ba? Pero kung oo na, hayaan mo 'kong mahalin ako ulit? Axedria…"

Pinigilan ko ang luha, luha na sanhi ng pagpipigil ng sakit.

Umiling iling ako. "Lance, makinig ka…isantabi mo ang nararamdaman mo sa'kin. Kailangan kong ipaghiganti ang mga magulang mo. Kailangan mo ng hustisya."

Umigting ang bagang niya. "Kaya kong ibasura ang hustisyang 'yon, pero ang patayin ang mahal ko…hinding hindi ko kaya. I'd rather go crazy because I didn't get the justice I needed, than live without you by my side."

Tumalim ang tingin ko sa kaniya. "Lance, naririnig mo ba ang mga sinasabi mo? Hustisya para sa mga magulang mo 'yon! Para sa magulang mo na pinatay ng tatay ko! Hindi mo iyon pwedeng ibasura na lang basta. At alam kong matagal mo na 'yong pinaghihirapan, pagkatapos gaganitohin mo lang? Nang dahil sa pagmamahal?"

"Yes…"

Pumitik ang sakit ng ulo ko. Napapikit ako, sandaling ininda iyon. Nang mawala ay buong tapang ko siyang hinarap.

"Ang unfair, Lance… Sa tingin mo ba matutuwa ang parents mo ha? Masasaktan sila."

"Anong gusto mo, patayin kita? Axe, ikaw na lang ang meron ako…"

"Pero, Lance…"

Tumayo siya. Nahaluan ng galit ang mga mata niya. "If that's what you want then I will do it! I will fucking get that justice. But once I'm done…I'm done. Hindi mo na 'ko mapipilit na gawin ang mga ayaw ko ng gawin."

Hindi na ako nakapagsalita. Tumalikod na siya at dirediretsong lumabas ng kwarto.

Hindi ni Lance pinag-s-stay si Daddy sa gabi. Bago kumagat ang dilim ay pinauuwi na niya si Daddy. Hindi rin siya pumapayag na araw-araw ang pagdalaw ni Daddy. Lalong hindi niya pinauuwi si Daddy na kasama ako.

Hindi ko na rin makausap si Lance nang katulad ng dati. Parang may malaking pagitan na sa amin. Pinipigilan ko na rin ang sarili na mahulog pa lalo ang loob sa kaniya.

"Is there something wrong?"

Nalingon ko ang lalaki nang marinig itong nagsalita sa likuran ko.

Tumikhim ako. "Wala naman…may naiisip lang."

Tinitingnan niya ako na parang tinitimbang. "What is it?"

Dumasig ako nang umikot siya para umupo sa tabi ko. Naglagay ako ng distansya sa pagitan namin. Sandali siyang napatingin doon pero hindi na lang din pinansin.

Tumingin ako sa malayong kapunuan para maiwasan ang tingin ni Lance.

"P'wede bang hayaan mo munang makasama ko ang Daddy ko kahit saglit?"

"Axedria, sinasabi mo 'yan na parang mamamatay ka na," aniya.

Mapait akong napangiti. "Bakit…doon naman papunta ang paghihiganti mo 'di ba?"

Nakita ko mula sa tabi ng mata ko ang pag-igting ng bagang niya.

"Yes you can be with him, but with me by your side."

Napatingin ako sa kaniya matapos niyang sabihin iyon. "Gusto kong makasama ang Daddy ko. Kailangan ba nasa tabi ko pa rin ikaw?"

"Yes."

Lumalim ang kunot sa noo ko habang ang lalaki ay parang relax na relax lang.

"'Wag kang mag-alala, hindi ako tatakas. Hindi kami tatakas ni Daddy," sabi ko.

Lalong nag-init ang ulo ko nang magkibit balikat lang siya.

Ano ang gusto niya! Ayaw niyang makasama ko si Daddy nang wala siya sa tabi ko! Natatakot ba siya na tumakas kami?

"Pumayag ka na. Promise, hindi ako tatakas! Ako mismo ang magdadala pabalik sa sarili ko rito," pangungumbinsi ko pa rin.

Pero kahit gamitan yata ng dahas ang lalaki ay hindi siya papayag.

"Still no."

"Tsk!"

Nilinis ko ang buong mansion sa mga sumunod na araw. Saka kung kailan makikita ako ni Lance ay saka ko pinaakitang naglilinis ako. Iniwasan ko rin ang makasira ng gamit. Pinakita ko sa kaniya ang mga kabutihang ginagawa ko, nagbabaka-sakaling mapapayag siya. Pero nagkamali lang ako.

"Busy ka naman sa trabaho, kaya bakit mo pa ako babantayan sa bahay ni Daddy? Hindi naman nga kami gagawa ng kataksilan sa'yo."

"Axedria, no. Kahit ano pang gawin mo."

Tinakbo ko ang unahan ni Lance para maharap siya. Tumigil siya sa paglalakad. Tiningnan niya ako ng seryoso.

"Bakit ba kailangan nandon ka pa? Hindi na naman nga ako tatakas, e."

"I just want to make sure that–"

"Hindi nga kami tatakas! Gusto ko lang makasama ang Daddy ko."

Umiling iling siya. Basang basa ko sa kaniya na hindi ko na talaga siya makukumbinsi. Kaya hindi ko na siya pinigilan nang lampasan niya ako.

Sinabi ko ang tungkol doon kay Daddy nang puntahan niya ako isang araw. Na-busy siya sa trabaho nitong nagdaang araw kaya hindi kami nag-kita.

"Kahit ano pa ang irason niyo, hindi ako papayag nang hindi ako kasama," ani Lance nang ipaalam ako ni Daddy.

Nagkatinginan kami ni Daddy. Sumusuko kaming napatango sa lalaki.

"Sige. Wala rin namang problema," sabi ni Daddy.

Tumayo ako mula sa sofa para mag-ayos ng mga gamit na dadalhin. Hindi ko na lang pinansin ang nakasunod na tingin sa akin ni Lance.

Kainis! Ano ba ang problema ng lalaking iyon!

Nasa kalagitnaan ako ng pag-aayos sa mga dadalhin nang kumatok ang lalaki sa pinto. Hindi na ako nag-abala pang tumayo para pagbuksan siya, binuksan niya rin naman iyon agad.

"Pagkatapos mo, ihanda mo rin 'yong sa akin," aniya.

Pinangunutan ko siya ng noo, pero napatango na lang din. "Sige. Iwan mo na lang sa kama 'yong mga dadalhin mo," sabi ko.

Narito na kasi ako ulit sa kwartong pinagtuluyan ko noong una akong umapak sa mansion na ito. Hindi na kami magkasama ni Lance sa master's degree matapos ng nangyari. Ako na mismo ang umalis doon.

Bumalik ako sa ginagawa nang magsalita ulit ang lalaki.

"Ikaw na ang bahalang pumili kung ano ang mga dadalhin ko. May mga tatapusin lang ako," sabi niya at sinara na rin ang pinto.

Halos isigaw ko ang inis sa lalaki. Konti na lang ay mura murahin ko siya sa isip!

Bakit pa siya nagpupumilit na sumama kung may mga tatapusin pa pala siya?!

Napatigil ako sa pagdadabog sa isipan nang may pumasok sa isip ko. Napangisi ako sa kawalan habang may naiisip na kapilyahan.

Huh!

"Gusto mong ako ang maghanda ng mga dadalhin mo? Pwes…ako ang bahalang pumili ng mga isusuot mo roon sa bahay!"

Tinakpan ko ang bibig para pigilan ang paghagikhik nang malakas.

Lagot ka ngayon, Mr. Valdez!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro