Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Chapter 12: Simbahan

Natatanaw ko na ang pinto. Tinakbo ko iyon. Malapit na akong makalabas nang mapigilan ako ng kamay na humila sa buhok ko. 

Napadaing ako at napaatras. Pilit akong pinatayo ng humila sa buhok ko. 

"Saan ka pupunta? Akala mo makakatakas ka pa?"

"B-bitiwan mo 'ko!" Pilit akong kumawala ngunit mas hinigpitan niya ang paghawak sa buhok ko. "Ah!"

"Tumitigas na ang bungo mo, Axedria! Hindi ka na sumusunod sa Nanay mo."

Nagngitngit ang ngipin ko sa sobrang labi. "H-hindi kita ina! Isa kang putang ina!"

Napasubsob ako sa upuang gawa sa kahoy matapos itulak ni Marites. 

"Ha! Nagising ka na pala. Anong ginawa ng kumopkop sa'yo bakit ka nagising?" 

Tinitigan ko siya ng masama. Nginisihan niya lang ako at tinalikuran. Kinandado niya ang pintuan. 

"Hindi mo na ako kinikilala bilang ina mo," aniya. Hindi ko pinansin ang kakabi sa tono niya ngayon. "Wala kang utang na loob…"

Nagtagis ang bagang ko. "Kahit kailan hinding hindi ko ituturing na utang na loob ko sa'yo ang pagpapalaki sa akin. Sana ay pinatay niyo na lang din ako."

Ngumisi siya at napailing iling. Wala siyang salitang umalis. 

Napatitig ako sa kawalan. Bakit ba ganito ang nangyayari sa buhay ko. Gusto ko lang naman ng tahimik at mapayapang buhay. 

"L-lance…" usal ko. 

Hindi ko na naman napigilan ang emosyon. Pinahid ko ang luhang kumawala. Dalawang araw na akong kinukulong sa lugar na ito. Hindi ko alam kung saan ang lugar na ito.

Tumingala ako upang pigilan ang luha. Hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila ng pagpaplano niyang higante sa akin, heto ako at gustong gusto na siyang makita. Siya pa rin ang hinahanap hanap. 

Mas pipiliin ko na lang magdusa sa kamay niya kaysa rito sa mga hayop na ito.

"Mares?" 

Napunta ang tingin ko sa pinto. 

"Sandali!" 

Bumaba si Marites at dumiretso sa pinto upang pagbuksan ang lalaki niya. 

"Bakit naka-lock? Nagtangka na naman ba siyang tumakas?"

"Eh ano pa nga ba." Nilingon ako ng dalawa.

Nginisihan ako ni Alonzo. Naglakad ito palapit sa akin, nananatili ang ngisi.

"Palaban ka talagang bata ka. Tsk, tsk, tsk." Hinarap nito ang babae. 

"Oh, anong balita?" 

"Nakausap ko ang hapon. Kung maaari raw bang sa linggo ring ito sila ikasal para madala na niya sa Japan," ani Alonzo. 

Humigpit ang hawak ko sa taling nakatali sa mga kamay ko sa likuran.

"Walang problema!"

"Kaya nga pumayag ako agad. Mas mapapadali ang pera natin," natatawang sabi ni Alonzo. 

Masaya silang nag-uusap at nagpaplano na parang wala ako rito. Wala silang pakialam kung naririnig ko dahil wala rin naman akong kawala.

"Sa susunod na araw ang kasal. Sa simbahan…" Nilingon ako ni Alonzo saka nginisihan. 

"Ang swerte mo naman, Axedria, ikakasal ka na sa hapon. Makakapunta ka na ng Japan ng libre. Gaganda ang buhay mo roon, kaya ipagpasalamat mo ang lahat sa amin ng tito Alonzo mo," sabi ni Marites.

"Ang malaking pera na makukuha natin ang pasalamat niya, Mares."

Umalis ang dalawa sa harapan ko. Sinundan ko sila ng tingin nang tumungo sila sa kusina. 

"Ipaghanda mo ng masarap na pagkain ang anak mo, Marites. Para naman makatikim siya ng masarap na luto mo bago siya dalhin sa Japan."

"Heto na nga, Alonzo." 

Tumayo ako at bumalik sa kwarto na pinagdalhan nila sa akin noong makuha nila ako. Malaya naman akong nakakagalaw sa bahay na ito pero nananatiling nakatali ang kamay, at hindi p'wedeng makalabas. 

Tinitigan ko ang mga litrato ko. Buhay pa si Mommy at masaya pa ang pamilya namin nang kinuhanan ng litrato iyon. 

Kumirot ang dibdib ko. Masakit dahil alam kong hindi na maibabalik pang muli iyon. Wala na si Mommy. Si Daddy na lang ang mayroon ako, pero ipinapagkait pa rin ng tadhana sa akin na makasama siya. Kumusta na kaya ang Daddy ko?

Si Lance…kumusta na kaya? 

Mabigat akong nagbuntong-hininga. "Patawarin mo sana ang Daddy ko sa ginawa niya sa pamilya mo…" bulong ko sa hangin, hinihiling na sana ay makarating sa lalaki. 

Pero…makatarungan ba kung patatawarin niya ang Daddy ko nang gano'n gano'n na lang? 

Nanikip ang dibdib ko nang maisip kung gaano nasaktan si Lance sa maling paghigante ni Daddy. Ang magulang ni Lance ang inakala ni Daddy. Ang totoo ay si Marites, si Alonzo, at ang mga kasamahan nila noon ang may kasalanan. 

Pero may gusto akong malaman… Bakit inakala ng Daddy ko na ang magulang ni Lance ang pumatay sa Mommy ko? Anong koneksyon nila sa isa't isa?

Nagising ako sa pagyugyog sa akin. 

"Mamaya ka matulog, kahit hanggang bukas. Ngayon ay kailangan mong kumain," ani Marites. 

Bumangon ako. "Hindi ako kakain." 

"Magmamatigas ka pa? Hindi p'wede! Hindi ka p'wedeng hindi kumain. Kailangan wala kang sakit bago ikasal. Tumayo ka riyan at sumunod sa akin sa baba." 

"Hindi nga ako kakain," pagmamatigas ko.

"Aba't! Gusto mong kaladkarin pa kita pababa?" 

Nagtagis ang bagang ko. Padabog akong tumayo. 

"'Yan…sumunod ka sa'kin kung ayaw mong masaktan." 

Sumunod ako nang lumakad na siya palabas.

Iba't ibang putahe ng ulam ang nasa lamesa. Adobo, minodo, sinigang at chicken curry. May cake pa sa gitna ng lamesa.

"May pa-advance birthday cake pa kami sa'yo. Para naman maganda ang pabaon naming memories sa'yo sa paglipad mo ng Japan," ani Alonzo. 

Pilit akong inupo ni Marites sa upuan. 

"Umupo ka na. Hindi ka p'wedeng magkasakit sa gutom. Kasal mo na sa susunod na araw." 

Ang paalalang kinasusuklaman ko. Bakit kailangan pa nilang ipaalala iyon nang paulit ulit sa akin na parang sobrang ganda ng mangyayaring iyon. 

Hinubad ni Marites ang pagkakatali ng kamay ko. Napatingin ako agad sa bread knife na nasa tabi ng cake. Tumalim ang tingin ko roon, parang biglang nandilim ang paningin ko at nakita ang mga karahasang ginawa nila sa Mommy ko. Parang natabunan ng kasamaan ang isipan.

Mabilis akong tumayo saka inabot ang bread knife sabay mabilis itong tinarak sa leeg ni Marites–

"Kung may buhay lang ang cake ay tumakbo na 'yan sa takot dahil sa sama ng tingin mo," asik ng babae na ikinabalik ng diwa ko.

Napakurap kurap ako at mahinang nagpakawala ng hangin. Akala ko ay nangyari talaga, naisip ko lang pala.

"Baka naman gusto na agad lantakan ang cake. Alam mo naman, paborito niya iyan," ani Alonzo. 

Hindi ko na lang sila pinansin at nagsandok na lang. Ayaw ko mang kumain ay wala akong magagawa. Sa tingin ko rin naman ay makakatulong sa akin ang pagiging malakas ko. Kailangan ko ito para makatakas.

"Kumain ka nang mabuti," ani Ma–Marites.

Tiningnan ko lang siya ng mabilis sabay subo ng pagkain. Hindi ko na pinansin ang panaka nakang tingin sa akin ng dalawa. 

Kinain ko na lang din ang piraso ng cake na nilagay nila sa plato ko. Hindi ko kasi iyon kinikibo dahil hindi ko trip na kumain niyon ngayon. 

"Bukas ay makikita mo na ang pangkasal mong gown. Maganda iyon dahil ako ang nagpili," wika ni Marites. 

Hindi ako nagpakita ng kahit konting interest.

"Pero hindi ko muna ibibigay sa'yo kasi baka isukat mo. Baka hindi pa matuloy ang kasal," bahagya pa siyang natawa. 

"Naniniwala ka roon? Sa tingin mo ay hahayaan natin na hindi matuloy ang kasal? Matutuloy ang kasal," ani Alonzo. 

"Talagang matutuloy na sa pagkakataong ito ang kasal," ani Marites na sinulyapan pa ako at nginisihan. 

Pagkabalik nila sa pagakakatali ulit ng kamay ko ay hinayaan na nila ako. Hindi ako agad tumayo sa kinauupuan habang nagliligpit ang dalawa. Hindi ko matiis na nakikita sila kaya umalis na ako. 

"'Wag k-kang mauubusan ng pag-asa, Axedria Gabrielle Montillano."

Pumatak ang isang butil ng luha ko sa mukha ko sa larawan. 

"I-ililigtas tayo ni Daddy. K-kailangan pa nating makita si Daddy. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Ang nangyayaring ito ngayon sa atin ay parte lang ng buhay natin, hindi ito panghabang buhay."

Sa tuwing kakain kami ay saka lang inaalis ang pagkakatali sa kamay ko. Gano'n sa tuwing maliligo ako, pero nakabantay si Mama sa labas ng banyo. Ang nag-iisang bintana sa kwarto na pinag-s-stay-an ko ay pinakuan ni Alonzo ng malalapad na kahoy noong dalhin nila ako rito. 

"Maglibag ka para naman mas malinis kang tingnan sa kasal niyo. Hindi iyong dugyot ka," palatak ni Marites habang hinuhubad ang pagkakatali ng kamay ko. 

Gabi na at kailangan ko na raw maligo ulit. Pangalawang beses na ito ngayong araw. 

"'Wag kang iiyak bukas. Ngumiti ka! Landiin mo sa pamamagitan ng pagngiti ang hapon na iyon nang ma-in love sa'yo. Pero maganda ka naman kaya papasa ka agad doon. Baka lahian ka agad pagdating niyo ng Japan."

Kumuyom ang kamay ko dahil sa huli niyang sinabi. Nasusuka ako sa pinagsasabi niya. 

"Kami ang kikilalanin na magulang mo. Kaya 'wag mo kaming kalilimutan kapag nasa Japan ka na. 'Wag mong ibubulsa ang pera na ibibigay ng hapon na iyon sa amin, kung sakali."

"Kaya siguro hindi kayo binibigyan ng anak dahil ganiyan kayo," usal ko.

Naramdaman kong natigilan ang babae. Paglingon ko rito ay sinalubong ako ng palad niya. 

"Tumigil ka na, Axedria, dahil wala ka na ring magagawa. Kahit ano pang ibato mong masasakit na salita, hinding hindi ako maaawa. Namuhay na ako sa ganito, kaya tigilan mo na." 

Sinundan ko siya ng tingin nang lumapit siya sa kama. Kinuha niya ang tuwalya at tinapon sa akin. Nasalo ko naman iyon.

"Maligo ka na para makatulog ka nang maaga. Hindi ka p'wedeng magmukhang kulang sa tulog sa kasal mo," sabi niya nang hindi na nakaharap sa akin.

Binabad ko ang katawan sa tubig. Nakaupo ako sa tiles habang patuloy na rumaragasa ang tubig mula sa shower. Kung p'wede lang ay mananatili na lang ako rito. Pero hindi p'wede dahil paniguradong kakalampagin ng dalawa ang banyo.

Biglang umikot ang paningin ko nang tumayo. Mabigat din ang katawan ko. Para akong magkakasakit, o dahil lang ito sa pagbabad ko kaya pakiramdam ko ay mabigat ang katawan ko. 

Saktong pagkalabas ko ng banyo ay pagpasok ni Marites sa kwarto. 

"Katatapos mo pa lang? Oh heto blower, gamitin mo para matuyo agad ang basa mong buhok."

Inabot ko na lang ang binibigay niyang blower. 

"Hahayaan kong hindi nakatali ang mga kamay mo ngayon. Siguraduhin mo lang na wala kang gagawin. Ayusin mo, Axedria, ikakasal ka na sa susunod na araw."

Umalis siya at sinarado ang pinto. Narinig ko pang kinandado niya iyon. Hindi ko alam kung pa'no gamitin ang bagay na binigay ng babae, pero natutunan ko rin naman. Pagkatuyo ng buhok ko ay lumapit ako sa bintana. Sinubukan ko kung mababaklas ko iyon ngunit sobrang tibay ng pagkakapako. 

Mabigat ang katawan ko na bumalik sa kama. Para akong hinihila ng higaan sa bigat ng ulo at katawan ko. Humiga ako at hinilot hilot ang ulo ko, kumikirot kirot na ito ngayon. 

Sa pagbabad ko sa tubig ay labis ngang bumigat ang katawan ko kinaumagahan. Nakakaya ko namang tumayo pero habang tumatagal ay para akong hinahatak ng higaan. 

"Sinadya mo 'to!" 

"Ano pa nga ba. Pinahirapan niya lang ang sarili niya. Akala niya siguro ay hindi matutuloy ang kasal kapag may sakit siya." 

Matalim ang tingin sa akin ni Marites. Bakas ang inis at pagkabahala sa mga mata.

"Pa'no 'to, Alonzo. Baka bukas ay–"

"Tumigil ka nga, Marites. Isipin pa ng batang 'yan na tamang nagkasakit siya ngayon. Kahit anong mangyari, matutuloy ang kasal!" 

"Narinig mo 'yon, Axedria? Kahit anong mangyari, matutuloy ang kasal." 

Kumuyom lang ang kamay ko. 

Pinainom nila ako ng gamot pagkatapos kumain. Hindi ko na alam kung anong mga klaseng gamot ang pinaiinom nila sa akin. Basta ay sinisigurado nilang gagaling ako agad bago sumapit ang bukas. 

"Napakaganda ng gown mong ito, Axedria. Papayag ka ba na hindi mo ito masusuot bukas? Hindi dapat. Kaya magpagaling ka."

Nakatingin lang ako sa babae na hina-hanger ang wedding gown. Kung may gunting lang dito ay ginupit gupit ko na iyon. 

"Doon ko ito sa kwarto namin ni Alonzo ilalagay. Baka may gawin ka pa rito," aniya at inismiran ako. 

"Bakit hindi na lang kayo ang magpakasal sa hapon," mahinang usal ko. 

Sinamahan niya ako ng tingin. "Mahal na mahal ko si Alonzo. Kahit ano pa ang mangyari, hindi ako magmamahal ng iba. Kahit gaano pa kasama ang ginagawa niya, sa kaniya pa rin ako sasama."

Natahimik ako. Biglang pumasok si Lance sa isip ko. Ang lalaking pansamantala kong isinasantabi ay muli ko na namang naaalala. 

Bumigat ang dibdib ko. Tumahimik na lang ako at nagpalunod sa kawalan. Wala akong lakas ngayon para manlaban. 

"Magpahinga ka na riyan. Babalik ako maya-maya para sa pag-inom mo ng gamot."

Hindi ko na pinansin ang babae hanggang sa umalis ito na dala-dala ang wedding gown, at ibang mga importanteng bagay na kakailanganin bukas.

Hindi na nila ako pinababa pagsapit ng hapunan. Dinalhan na lang ako ni Marites ng pagkain at umalis. Bumalik din siya para painomin ulit ako ng gamot.

"Matulog ka na agad. Baka kailangan lang ng pahinga ng katawan mo. Dapat bukas ay magaling ka na," strikta niyang sabi. 

Hindi ako umimik. Pinanood niya akong mahiga. 

"Sa pagkakataong ito, Axedria, umayos ka. 'Wag mo na ulit akong bibiguin bukas," mariin pa niyang sinabi bago umalis. 

Akala ko ay gagaling na ako sa sari-saring gamot na pinainom sa akin. Kung hindi pa nila ako ginising ay hindi ako magigising dahil sa bigat pa rin ng katawan.

"Bumangon ka na! Hindi natin p'wedeng paghintayin ang groom mo!" singhal ni Mama. 

Halos hilahin nila akong dalawa para makabangon. Nang mapaupo ako ay napahawak ako sa ulo dahil sa labis na pagkirot. 

"Hindi pa rin gumaling, Mares!" may inis na asik ni Alonzo. 

Hinila ako ni Marites patayo na halos ikasubsob ko sa kaniya. "Ano ba, Axedria! Umayos ka. Kailangan mo nang maligo!" 

"Tsk!"

Hawak-hawak ako ni Marites sa braso. Lalo akong nahihilo sa paggagalaw nila sa akin. 

"H-hindi ko kaya…" mahinang usal ko. 

"Anong hindi kaya? Kayanin mo!" 

"Akin ang gamot, Alonzo. Painomin natin baka gumaling galing." 

Mahigpit akong hinawakan ni Marites para hindi ako tuluyang mapahiga sa kama. 

Binigay ni Alonzo ang gamot kay Marites saka binalikan ang tubig na nasa baso. 

Napailing iling ako nang itapat ni Marites ang gamot sa bibig ko habang si Alonzo naman ngayon ang nakaalalay sa akin. 

"Inomin mo!" 

Umiling iling ako. 

"Magmamatigas ka pa ha!"

"Hmmp!" Umiling iling ako habang pinananatiling nakasara ang bibig. 

"Isa, Axedria! Ibuka mo ang bibig mo!"

Umiling ako pero pinipilit talaga nilang ipainom ang mga gamot sa akin. Napadaing ako nang hawak ni Marites ang panga ko para ibuka ang bibig ko. Sa sobrang sakit ay pilit akong kumakawala sa hawak ni Alonzo. 

"Hmmp!" 

Lumuha ang mata ko. 

Naipasok ni Marites ang mga gamot sa bibig ko at agad pinainom ng tubig. Napaubo ubo ako pagkatapos, ang ibang tubig ay pumasok sa ilong ko. 

"Nagmamatigas ka pa ha! Sige na, Mares, dalhin mo na 'yan sa banyo at liguan." 

Kukunin na ako ng babae mula sa lalaki nang masuka ako. Ang mga gamot at tubig na pilit nilang pinainom sa akin ay nalaglag sa sahig.

"P*tang ina! Mali-late na tayo!" 

Sobrang sama ng tingin sa akin ng dalawa. 

"Alonzo, ano ng gagawin natin?" Napuno ng pag-aalala si Marites. 

"Wala na tayong ibang paraan kundi ipainom iyon sa kaniya," seryosong sabi ni Alonzo. 

Napatingin si Marites sa akin at sandali akong tinitigan bago hinarap si Alonzo. 

"Asan na?" 

"Sandali, kukunin ko sa kwarto."

Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila. Hinang hina ako at hilong hilo. Para akong nanggaling sa paglalakbay nang walang pahinga. Hingal na hingal ako. 

Bumalik agad si Alonzo na may hawak-hawak. Pinatayo ako ni Marites mula sa pagkakaupo ko sa kama. 

"Hawakan mo. Ako ang magpapainom," matalim na sabi ni Alonzo. 

Hinawakan ni Marites ang dalawa kong kamay at dinala sa likuran ko. Mahigpit niya iyong hinawakan na halos ikadaing ko. 

Sa nanlalabong mata ay nakita ko ang kakaibang gamot na hawak-hawak ni Alonzo. Kinuha niya ang natirang tubig sa basong pinainom sa akin kanina. 

Napadaing ako nang marahas niyang inangat ang mukha ko para magpantay sa kaniya. Pilit akong nagpupumiglas sa pagkakahawak nila sa akin ngunit malakas lang akong napadaing. 

"Tingnan natin kung iluwa mo pa ito." 

Mahigpit niyang hinawakan ang panga ko na ikinadaing ko ng sobra. Bumuka ang bibig ko. Agad niyang pinasok ang gamot sa bibig ko. Nabigla ako sa sunod na ginawa niya. 

Sandaling tumigil ang pagtibok ng puso ko sa bigla niyang pagsuntok sa dibdib ko. Nalunok ko ang gamot nang walang tubig dahil sa ginawa niyang iyon. 

Sobrang sumakit ang dibdib ko dahilan ng ikinaiyak ko. Saka niya pinainom ang tubig. Halos humandusay ako sa sahig nang lumuwag ang pagkakahawak nila sa akin, ngunit hindi nagtagal ay parang may kakaiba akong naramdaman sa loob ng katawan ko paakyat sa ulo. 

"Iyon na ba ang drugs na sinasabi mo?" Narinig kong tinanong ni Marites.

"Oo. Tingnan natin ngayon kung makakatakas pa ang batang 'yan." 

Unti unting nawala ang bigat ng katawan ko. Ang sakit na naramdaman kanina sa dibdib ay parang namanhid. Biglang…parang naging robot ang katawan ko. Parang…nawalan ako ng buhay pero malakas. 

Hindi ko alam ang nangyayari sa akin, pero malakas ang kutob ko na dahil ito sa drugs na pinainom sa akin. 

Wala akong aksyon na nagawa. Parang wala ako sa sariling nakatayo sa bukana ng simbahan. Wala akong ibang magawa kundi ang tahimik na lumuha. Parang naging bingi ako habang naglalakad palapit sa hapon na nakatayo sa harap ng altar, habang nasa tabi ko si Alonzo at Marites. 

"Ingatan mo ang anak namin ha," ani Marites nang iabot ang kamay ko sa hapon. 

"Walah foh kahyong dahpat ipak-alahlah."

Nakayuko lang ako habang inaalalayan ng hapon paakyat sa harapan ng padre at isang sakristan na nasa tabi nito. 

"Let's start the wedding, Father," sabi ng hapon. 

Napahigpit ang pagkuyom ng kamao ko tela ng suot-suot ko.

"Bago natin umpisahan ang kasalang ito. Nais ko munang itanong kung mayroon ba ritong tutol sa pag-iisang dibdib ng dalawang ito?" tanong ng padre. 

Pumatak ang butil ng luha ko sa tiles dahil sa pagpikit ko nang mariin. Sa kaiisip ko kay Lance ay nagiging kaboses na niya si Father sa pandinig ko. 

Taimtim akong nanalangin nang paulit ulit na sana dumating ang Daddy ko. Paulit ulit kong sinisigaw ang pangalan ni Lance sa isipan ko, hinihiling na sana dumating siya at iligtas ako. 

Daddy...help me....

Lance please.... please...

"Wala bang tutotol?" muling tanong ng Padre. 

Sandali lang na umingay ng mahina ang mga tao. Pero wala talagang sumasagot.

"Pwes ako, oo." 

Napamulat ako.

Mabilis na napaangat ang tingin ko sa padre matapos niya iyong sabihin. Nang masalubong ko ang mga mata nito ay tila bumalik ang nanghihina kong katawan kanina. Nanlaki ang mata ko. 

"L-lance..." pabulong na usal ko sa lalaking nakasuot pang-padre.

Nagkagulo ang mga tao dahil sa sunod-sunod na pagpaputok ng baril mula sa labas.

Hinila ako ni Lance mula sa hapon.

"Anak, nandito na si Daddy!" sigaw ng lalaki.

Humigpit ang yakap sa akin ni Lance na para bang wala na siyang balak na pakawalan ako.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro