Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Nandito kami ni Mary Grace ngayon sa bench malapit sa sea side. Kinse minutos bago mag-alas singko ng hapon. Kagagaling lang namin sa school kaya nakasuot pa rin kami ng uniform.

"Nasaan na raw siya?" atat na sabi ng kasama ko. Para bang siya ang makikipag-meet sa ka-text ko.

"Huling text niya sa akin ay pasakay na siya sa motor na kulay silver. B-Baka malapit na siya." May namuong bara sa lalamunan ko sa huli. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako handa sa meet up na ito. This will be my very first eyeball. Nakakatakot din kasi baka may mga kamag-anak akong makakita sa akin.

"Sorry, I'm late." Kapwa kami napalingon ni Mary Grace nang may magsalita sa likod ko. Si Linx.

Isang lalaki na ilang pulgada ang katangkaran sa akin ang nakatayo sa harap ko. Taglay niya ang may kapayatang katawan na bagay na bagay sa kaniya. Makapal ang mga kilay, nakasuot ng eyeglasses na bumagay sa kaniya at may pantay-pantay na ngipin. Tulad namin ay nakasuot din siya ng school uniform ng nag-iisang national highschool sa amin.

Mataman akong tiningnan ni Linx. Medyo kinabahan ako kasi hindi ko alam kung bakit niya ginagawa iyon. "Hindi ko akalaing si Janelle Anastacia Vergara at si pink angel ay iisa." Iniumang niya ang isa niyang kamay sa akin.

"K-Kilala mo ako?" Inabot ko agad ang kamay niya. Madali lang iyon pero pinamulahan ako ng mga pisngi.

Umangat ang sulok ng kaniyang mga labi, bagay na hindi nalingid sa akin. "Halos buong bayan ay kilala ka, Janelle."

"Teka, commercial. Maupo muna kayo. Mangangalay kayo niyan, eh," sabad ni Mary Grace. "Dito muna ako sa kabilang bench."

Tinangka kong bigyan ng warning look ang bestfriend ko pero hindi niya nakita. Talagang hinayaan niya kami ni Linx sa isang bench.

Nahihiya akong nag-iwas ng paningin. Siguro, kaya niya iyon nasasabi dahil lumaban ako sa pageant ng bayan noong isang taon. Bukod pa roon ay inilalaban din ako sa poster paintings, declamation, at quiz bees.

"Ikaw? Ano ang tunay mong pangalan?" naglakas-loob na akong tanungin siya.

Naglipat-lipat ang tingin niya sa dalawa kong mga mata. Naroon ang pag-aalangan sa kaniya.

"Hindi mo na dapat malaman pa. You can always call me, Linx. Gusto ko iyon." Nginitian niya ako.

"P-Pero—"

Gusto ko sanang sabihin na ang unfair naman. Kilala niya ako pero siya, hindi?

Tumayo siya mula sa pagkakaupo. "Tara, kain tayo sa burgeran." Itinuro niya ang tindahan na nasa may kanto.

Umoo na lang ako. Nakakahiya kasing tanggihan siya.

•••

Halos isang oras din kaming magkakasamang tatlo hanggang sa dumating 'yung oras na kailangan na naming maghiwa-hiwalay.

Noong naghahanda na siyang paandarin ang motor niya, parang gusto ko siyang pababaing muli para makapagkuwentuhan kaming muli ngunit hindi ko maisatinig.

Kung puwede lang, kung puwede lang sana.

"Ang guwapo ni Linx mo," ani Mary Grace na siniko ako nang marahan sa tagiliran."

"Bet mo?" puno ng sarkasmo kong tanong sa kaniya.

Inismiran niya ako. "Gaga. Hindi kita tataluhin."

Nang mawala na sa aming paningin ang motor ni Linx ay umuwi na rin kami ni Mary Grace.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro