Chapter 1
Makailang ulit ko nang binabasa ang Noli Me Tangere na nasa aking harap pero walang rumerehistro sa utak ko.
Kinse minutos na matapos ang alas onse ng gabi. Napainat ako. Ngayon ko napagtanto na ilang oras na rin pala akong nag-aaral. Anim? Oo, anim na oras na nga. Pagkalabas ko kasi sa school e nagpahinga lang ako nang ilang saglit at pagkatapos e tumutok na ako sa pag-aaral.
May apat na araw pa naman bago ang periodical test pero hangga't maaga e nag-aaral na ako para hindi ako mag-cramming. Ayoko ng gano'n. Mas lalo ko kasing hindi natatandaan ang aking mga ni-review.
Sandali ko munang inilapag ang libro. Napatingin ako sa radyong nasa tabi ko. Tumutugtog iyon ng Always Be My Baby na awit ni David Cook.
Umangat ang sulok ng labi ko. Paborito ko itong kanta. Mula nang i-release ito nang nakaraang taon ay palagi ko na itong nire-request sa radyo. Ang tangi ko lang dapat gawin ay mag-send ng message sa kanilang text line. Suwerte ko kung isa ako sa mapili sa daan-daang nagte-text sa radio station.
Mapalad nga ako ngayong gabi. Siguradong-sigurado akong request ko iyon. Ngayon palang ay malaki na ang pasasalamat ko sa radio DJ na nagpatugtog ng kantang iyon.
"We just heard a song coming from David Cook entitled Always Be My Baby. That song is dedicated to Ms. Pink Angel #08 of Barangay Dos. I hope I made you smile today."
"Lagi mo naman akong pinangingiti, DJ Tristan." Inilagay ko ang dalawa kong palad sa aking baba habang ang mga siko ko ay nakapatong sa lamesa. Sinabayan ko iyon ng pagpungay ng aking mga mata.
Kasunod noon ay ang pagbabasa ni DJ Tristan ng text messages. Inabangan ko kung mayroon bang magmemensahe sa akin. Madalas kasing meron. Sa dami na rin kasi ng nakukuha kong textmate dito ay marami na akong nakikilala. Hindi ko naman madalas maka-text kasi busy ako sa school works. Hinihingian ko lang sila ng quotes at saka nagpapapasa ako ng picture messages.
"Hi DJ Tristan. Puwedeng pa-shoutout ng number ko? Need ko ng textmate na guwapo, may motor, mabango, at matangkad. This is Rose from Pinagkamaligan."
Literal na napatuwid ako sa upuan nang marinig ko 'yon. Kung kaharap ko lang ang nag-text e paniguradong tinitingnan ko siya mula ulo hanggang paa.
May kakatwa akong naiisip kaya kinuha ko ang Nokia 5310 ko. May natitira pa naman akong load na piso kasi nagpapasa ako sa classmate ko kanina ng dos.
"Hi DJ Tristan. This is me, Ms. Pink Angel #08 again. Pahanap din po ako ng textmate, 'yong 15-17 years old, matangkad, mabango, guwapo, marunong maggitara, may motor, at matalino. Here's my number...."
Pangisi-ngisi ako nang mag-appear sa screen ang Message sent.
"Ano ka ngayon, Rose? Akala mo ikaw lang, ha?" Mapanuso akong nakangiti habang nakatingin sa radyo na noo'y nagpapatugtog na ng Teardrops in My Guitar ni Taylor Swift.
Isa rin sa dahilan ng pagpupuyat ko ay ang pakikinig ng radyo. Second year highschool palang ako ay nakahiligan ko na ang pakikinig nito. Nakakatuwa kasi napaka-approachable ng DJs at ang babait pa. Na-meet ko na sila kasi ilang beses na rin akong bumibisita sa radio station. Curious kasi ako sa itsura nila sa likod ng kanilang malalambing na boses sa radyo. Hindi naman ako na-disappoint. Naging kaibigan ko pa ang ilan sa kanila.
Pabalik na sana ako sa pag-aaral nang sunod-sunod na mensahe ang natatanggap ko.
e0w puh..
hai . .
hello =)
uxta pUh?
Napa-roll eyes ako. Wala ako sa mood makipag-textmate ngayon. Gusto ko lang talagang ungusan si Rose ng Pinagkamaligan.
Ibabalik ko na sana ang cellphone ko sa bulsa nang may isang numerong nag-text.
Hi.
Napukaw ang atensiyon ko ng mensaheng iyon. Hindi kasi jeje ang pagkaka-type.
Ilang beses ko munang tiningnan iyon bago ako nag-type ng ire-reply.
Hello.
Akma kong ise-send iyon nang bumungad sa screen ang mga salitang Check Operator Services.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro