Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

H N I N A - prologue

ceiyuri
05-25-19
Her Name is Not Avery
prologue

━━━━━━━━━

Avery ang pangalan niya.

Lagi ko na siyang nakikita simula noong bata pa lang ako pero hindi naman ako nagrereklamo; paano, ang ganda niya, e. Minsan sa dalas ng pagmasid ko sa kanya, pakiramdam ko kabisado ko na features ng buong pagkatao niyang malaanghel. 'Yung hugis ng ilong, brown na mga mata, mahabang buhok na nakatali gamit ang isang pulang laso . . . shet, iniisip ko pa lang siya, kinikilig na 'ko.

Kahit na napakatahimik niyang babae, parang ang liwanag niya lang lagi. Hindi ko alam kung dahil sa suot niya, sa ngiti niya, sa mga mata niya, pero kapag nakikita ko siya parang biglang namumulaklak 'yung paligid ko. O parang biglang mas lumiliwanag 'yung araw sa itaas. Korni ba? Hindi ko rin kasi ma-explain, e.

Sa t'wing nakikita ko siya parang napakasaya lagi, ewan ko ba. Nagagandahan lang talaga siguro ako sa kanya, kasi sino ba namang hindi? Mula sa itim niyang buhok na nagiging pula nang kaunti sa tapat ng sinag ng araw, sa paraan ng pagsingkit ng mga mata niya kapag nakatingala sa langit, sa paraan ng pagngiti niya kapag nagbabasa ng libro, o sa paraan ng pagyuko niya kapag naglalakad, dahilan para mahulog ang ilang hibla ng buhok niya at matakpan ang gilid ng mukha niya . . .

Napakaganda niya lang.

Crush ko na siya simula nine pa lang ako, pero matapos ako matuli noong 12 ako, four years later, nagkaroon na ako ng lakas ng loob lapitan siya.

Para mas magpaastig sa kanya, suot ko pa 'yung sando ko na ginamit ko sa paglalaro ng basketball tapos hiniram ko pa 'yung bola na ginamit namin. Medyo parang ang jologs lang pero okay.

Kunwari napadaan ako sa playground pero sinadya ko kasi alam kong madalas siyang tumambay ro'n, at hindi ako nagkamali kasi nandoon naman siya. Napangiti ako. Pinagulong ko 'yung bola malapit sa slide, kunwari nahulog ko, para magkaroon ako ng dahilan para lumapit. Talino ko 'no.

Tumalon ang puso ko nang tumama sa sapatos niya 'yung bola. Hindi naman niya napansin kaya napahinga ako nang bahagya.

Mga dalawang hakbang mula sa likod niya, bigla akong nilamon ng hiya. Naisip kong pabayaan na lang 'yung bola tapos sabihan na lang si Jiyo na nahulog ko sa kanal tapos babayaran ko na lang ng P150 pero bigla kong narinig si Avery na humimig.

Napatayo muna ako, nakatitig sa pigura ng likuran niya. Hindi ko pa narinig ang boses niyang kumakanta noon. Kahit na noong oras na 'yon ay anim na taon na akong may gusto sa kanya, pakiramdam ko nahulog ulit ako sa kanya nang unang beses.

Bakit ka ba ganyan, Avery?

Pinagmasdan ko siya, napahinga nang malalim. Nakatutok pa rin siya sa sketchbook niya at maayos na gumuguhit. Lapitan ko na ba? Nahihiya kasi na kinakabahan ako eh. Feeling ko ang baho ko pa, amoy pawis. Pero nandito na! Aatras pa ba 'ko?

Hinga.

Okay.

Game.

"A-Ahe-ck—"

Nasamid ako, peste! Ano 'yon?!

Plano ko sanang tumakbo palayo pero bigla siyang napatingin sa 'kin.

Napatingin ako sa kanya.

At 'yung hinanda kong script . . . nawala na lang bigla.

Napakurap siya, saka bumalik ang tingin sa sketchbook. Pabalik sa 'kin.

Tiningnan niya ako, inaabangan ang sunod kong sasabihin. Ewan ko pero natameme lang ako, e. Napatingin ako sa buhok niya at kumikinang na naman 'to ng pula, mukha niyang natatamaan ng orange na araw, at wala na akong ibang maisip kundi shet shet shet shet.

Para akong . . .

Para akong malalagutan ng hininga.

Napatikhim siya saka bumalik ang tingin sa sketchbook niya. Hindi naman nawala sa paningin ko na namumula ang mga tainga niya, dahil nakasabit sa kabilang balikat niya 'yung naka-braid niyang buhok.

Itinuwid ko ang likod ko saka tumikhim. Nandito na 'ko.

Hinga.

Wala nang utal. O samid. Ito na.

"H-Hello."

Umangat ang mga mata niya para tingnan ako. Ang korni sabihin pero nang nagtama ang mga mata namin, biglang humangin. Napalunok ako saka kumamot sa batok.

"Hi," sabi niya.

"Uh . . . hello. Ano. Nakita kasi kita tapos gusto ko lang magpakilala. A-Ako si Kitaro." Nakatingin pa rin siya sa akin. "At, uh, hindi ako Japanese."

Kinakabahan ako nang sinabi ko 'to. Malalim at mabigat ang paghinga ko kasi hindi ko alam kung paano magre-react, kung titingin lang ba ako sa mukha niya, o magsisimula na akong tumakbo pauwi?

Pero—

Nagulat ako nang napatawa siya. Takte — napatawa siya! Napatawa ko siya!

"Tatanungin ko pa lang sana," sagot niya.

Napangiti ako at napabuntonghininga habang tinitingnan ko siya.

"Uh . . . ikaw? Ano'ng pangalan mo?" tanong ko, na kunwari hindi ko paulit-ulit na sinulat ang mga letters na a-v-e-r-y sa likod ng Math notebook ko.

Napangiti rin siya. Binitawan niya 'yung sketchbook niyang kanina pa niya hawak saka nilahad sa 'kin ang kanan niyang palad.

"Avery," sabi niya. "Ako si Avery."

Inabot ko ang kamay niya.

Bukod sa mga bulaklak, feeling ko may nagbabagsakang stars at pumuputok na fireworks nang nahawakan ko ang kamay niya. Parang nasa K-Drama ako noong oras na 'yon at walang mahalaga para sa akin bukod sa kamay niyang hawak ko.

Sa totoo lang, akala ko talaga e 'yon na ang simula.

Pero .  . .

Wala, e.

'Yon na ang huling beses na nakita ko siya.

Buong summer, hindi ko na siya nakita pa. Bale mga dalawang buwan. Madalas napapadaan ako sa playground, sa park, o sa café, pero wala siya. Wala si Avery. Wala na tuloy namumulaklak, wala nang mas lumiwanag na araw, wala nang fireworks, wala nang naglalaglagang mga bituin.

Ang una kong naisip, baka lumipat ng bahay, pero imposible naman 'yon kasi nakatira kaya sila sa isang mansyon. Baka naging bedridden, baka hindi lang pinayagan lumabas ng bahay, o baka hindi lang talaga nagtatagpo ang landas namin.

Medyo assuming pero naisip ko na baka 'yung lolo niyang nakakatakot, sinabihan siyang layuan ako kasi isa lang akong dukha at hindi kami bagay; pero siguro mas posible pang maging girlfriend ko si Mrs. Terisita kaysa 'yan.

Naisip ko na lang na kung magkikita kami, magkikita kami. Medyo nakakalunod sa pag-iisip ng hindi sigurado pero ayos lang kung siya naman ang dahilan. Kaya lang, huling araw ng summer, hindi ko alam kung ano 'yung magiging reaksyon ko nang nakita ko nga siya ulit.

Hindi naka-braid, pero nakalugay.

Imbis na sketchbook o libro, ang hawak niya . . . bike.

Hindi naman sa masamang bagay 'yun; sa totoo lang, kasama sa mga pantasya kong maturuan si Avery na mag-bike kasi lagi na lang siyang hatid sundo ng itim nilang van. Pero hindi lang kasi 'yung bike ang napansin kong problema. Nang makita ko si Avery na nag-aayos ng sariling bike sa harapan mismo ng bahay namin, na may suot na itim na sando, punit na jeans, naisip ko baka guni guni ko lang siya, kasi buong buhay ko hindi ko pa siya nakitang nakagano'n ang bihis.

Hinanap ng mga mata ko ang pamilyar na pulang lasong laging nakatali sa buhok niya pero wala.

Doon pa lang, alam ko nang may mali.

"A-Avery?"

Tumalon ang puso ko nang tingnan niya ako nang nakakunot ang noo. Nakaluhod pa rin siya sa harap ng bike niya. Kinakabahan ako pero sinubukan ko na lang siyang kausapin.

"Kilala mo pa 'ko? May pasok na bukas ah. Anong strand—"

"Sorry ah, pero busy kasi ako, e," sabi niya saka sumakay sa bike. Tinakbo niya ang mga daliri niya sa buhok niya patalikod bago nagsubo ng lollipop. Hindi na siya nagsalita pa habang inaayos ang pagkakaupo sa bike.

Para akong nanonood ng ibang tao.

"Avery," sabi ko ulit.

Napakunot lang ang noo niya sa 'kin bago siya nag-bike palayo.

Pakiramdam ko dahil sa suot niya, sa kilos niya, sa mga mata niya, o dahil sa nawawala niyang pulang laso. Siguro gut feeling ko lang.

Pero alam kong may mali kay Avery noong araw na 'yon.

>>

NOTE: dahil sa pag-edit, nawala 'yung in line comments huhu 。:゚(;´∩';)゚:。 heartbroken pa rin ako dahil dito !! sayang kasiiii

i did not edit so muchhhh, nag-add, change, or remove lang me ng scenes/dialogues. the story is still the very same.

still . . . 'yung in line comments!!!! </3

eniwey, hapi reading !!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro