H N I N A - epilogue
ceiyuri
06-04-19
Her Name is Not Avery
epilogue
——
NOON, PANGARAP KO ang makasama si Avery.
Sino ba naman ang hindi? Si Avery, para sa 'kin, ang pinakamaganda sa San Sebastian. Bukod diyan, pinakamabait din. Pakiramdam ko, noong tanghaling galing ako sa basketball at nagtama ang mga mata namin, natikman ko ang piraso ng paraiso.
Sobrang saya.
Sobrang gaan sa pakiramdam.
Noong hindi ko na siya nakita pa, parang may malaking inagaw sa 'kin. Kaya nang bigla siyang bumalik at pakiramdam ko ibang tao na siya, ayos lang sa akin. Hindi siya sumisimangot, pero sige lang. Aktibo at hindi natutulog si Avery sa klase, pero sige lang.
Kasi kahit magkaibang-magkaiba ang Avery noon sa ngayon, parehas lang ang nakikita ko. Parehas lang sa tingin ko ang repleksyon ng mga mata nila.
Lungkot.
Gaya ngayon.
Dahan-dahan akong umupo sa tabi niya. Hindi gaya noon, nagulat siya ngayon.
Tiningnan ko siya at ngumiti. "Musta?"
Nanlalaki ang mga mata niya at ilang beses siyang kumurap-kurap. "H-Huy! Anong—"
"Nandoon din iyong apat sa bahay n'yo."
Napatayo siya. "Ha?!"
"Maupo ka nga."
"Sino ka para sundin ko?" singhal niya. "Uuwi na 'ko."
"Avis!"
Napatigil siya sa paglalakad. Dahan-dahan siyang lumingon sa 'kin, at kumikinang na naman ng luha ang mga mata niya. Hindi na 'ko nagsalita pa. Naglakad na lang siya papunta sa tabi ko at umupo.
Dumaan ang ilang segundo.
"Bakit ka naman umalis?" tanong ko.
Huminga siya nang malalim habang pinupunasan ang mga luha niya.
"M-Mahirap nga."
Umihip ang malakas na hangin at hinangin ang buhok niya.
"Ang — ang hirap kasing maging kaibigan ko kayo, bawat isa sa inyo," sabi niya. "Habang ako, may tinatago. Ang hirap magpanggap bilang isang ibang tao kasi hindi ako titingnan bilang ako mismo."
Hinayaan ko lang siyang magsalita.
"'Wag mong sasabihin kahit kanino, uupakan kita," sabi niya at suminghot. "Pero siguro kung wala kayo, ang banda, lahat . . . siguro, siguro mababaliw na 'ko. Nagiging masaya kasi ako kasama n'yo."
Ngayong mga oras na 'to, wala na lang akong ibang gustong gawin kundi hawakan si Avis at yakapin.
"S-Sabi nila Lucas at Martha," sabi niya. "Hangga't maaari iwasan ko kayo, kasi baka kumalat ang sikreto. Jusko, mas mahalaga pa ba ang imahe ng pamilya namin? Pero ginawa ko rin. Mas naging malala ang lahat nang ang pesteng Roxie na 'yon, nalaman ang sikreto ng pamilya namin. Sabi niya ipagkakalat niya raw."
Kaya pala grabe ang takot sa mga mata ni Avery noong araw na 'yon. Nakaramdam na naman ako ng awa saka siya tiningnan ulit.
"Gusto ko na lang talagang umalis na kami ni Nanay at iwan ang lahat sa San Sebastian kasi una sa lahat, wala naman talaga akong kinalaman doon dahil noon pa lang, tinakwil na nila ako.
"Pero habang nandoon ako . . . nakita ko na minahal din nila ang pamilya ko. Nakita ko na masaya si Lucas na makita ako pati si Nanay. Na hindi sila masaya sa naging desisyon ng panot kong lolo na ipatapon ako dito sa Alegre." Nagbato ulit siya habang nakatingin sa ilog na tinatamaan niya. "Naisip kong baka nakikita lang nila si Avery sa akin . . . pero hayaan mo na."
Nagbato siya sa ilog.
"Ang pinaka-ayoko talaga sa lahat, inuutus-utusan ako. Ginagawan ako ng mga dapat at hindi ko dapat na gawin," sabi ni Avis. "Pero 'yun ang nangyari sa 'kin."
Nagbato pa siya.
"Lalo pa kung ang ibig sabihin lang no'n, magsinungaling sa mga taong malapit sa 'kin. Sobrang sakit no'n lalo na't alam kong pakiramdam ng may tinatago sa akin dahil nagsinungaling din sa akin maski si Nanay. Ang lahat."
Napatigil siya sa pagbato saka napatingin sa sapatos niya. Tiningnan ko siya at nakita kong namumula ang mga mata niya.
"N-Ni . . . ni hindi ko man lang nga nakilala ang kapatid ko," sabi niya saka pinunasan ang luha gamit ang likod ng kamay. Nagbato siya ulit. "Nakakainis. Nakakainis talaga."
May kumirot sa dibdib ko nang sinabi niya 'yon.
"Sa mga sulat niya, lagi siyang nakakulong. Malungkot. Iniiwasan. Sana man lang sinamahan ko siya. Sana man lang may nagawa ako . . . bakit kailangan niyang mamatay?"
Malungkot kong tiningnan si Avis saka siya hinawakan sa kamay. Napakislot siya ro'n saka tiningnan ang pagkakahawak ko.
"Avis," sabi ko.
Humarap siya sa 'kin.
Hindi ako lasing. Hibang lang ako. Sobra. Para hawakan ang pisngi ni Avis at punasan ang luha niya.
"Kung nandito si Avery, alam ko malulungkot lang siya 'pag patuloy mo lang sisisihin ang sarili mo sa lahat," sabi ko. "Ngayon, hindi mo na kailangan pekein ang pagkatao mo. Nandito kami. Ang Nanay mo. Maski si Kuya Lucas. Ipapakilala ka sa San Sebastian at mas unang lalabas ang katotohanan bago pa maipagkalat ni Roxie. Magkakaro'n ka ng spasyo sa San Sebastian nang hindi na nagpapanggap. Magugustuhan 'yon ni Avery."
Napalunok siya at lumuha.
Ngumiti ako.
"Avis," sabi ko. "Kaya mong pamunuan ang mundo mo. Kaya mong huwag sundin ang mga bagay na inutos sa 'yong gawin mo. Kasi . . . kasi ikaw si Avis, e."
"Kitaro . . ."
Nagulat ako sa sunod niyang ginawa. Lumapit siya sa akin saka ako niyakap. Sa gulat ko, nag-init ang buong mukha ko saka napahawak lang sa likod niya.
Wala siyang sinabi. Nakayakap lang siya.
Pinikit ko na lang ang mga mata ko saka ngumiti.
"Sorry . . . sorry pala."
Napabitaw siya sa yakap saka tumingin sa akin. "Saan?"
"Wala . . . kasi hindi ko nalaman nung una pa lang. Hindi ko naintindihan lahat gaya ni Jiyo. Mas siya pa nalapitan mo kaysa sa akin."
"Iba naman kasi si Jiyo," sabi niya. "Saka ayaw ko rin na madamay ka pa."
Nginisian ko siya. "Yiee. Caring ka minsan 'no?"
Sana pala hindi ko na lang sinabi 'yon kasi binatukan niya lang ako.
"Bwisit ka, alam mo 'yon?" sabi niya nang nagpipigil ng tawa.
Natawa ako.
"Una kitang nakilala sa mga liham ni Avery para sa 'yo."
Natigilan ako. Napatingin ako sa kanya. Lumunok siya.
"Para sa akin?"
"Halatang-halatang may gusto ka kay Avery," sabi niya. "Sa mga sulat niya pa lang."
Natigilan ako. Napapansin rin pala niya ako?
"Halata ring may gusto siya sa 'yo . . . sayang, 'no. Napakatorpe mo lang kasi."
Bumaba ang kamay kong nakahawak sa pisngi niya.
"Ewan," sabi ko. "Pero maniwala ka kung sasabihin kong mas gusto ko ang Avery na nakilala ko nitong taon kaysa noong mga nakaraan pa."
Saka ko lang na-realize na napaamin pala ako sa kanya bigla. Napahawak ako sa bibig ko. Nagsimula na akong kabahan nang matagal siyang hindi nagsalita kaya tiningnan ko siya.
Nakangiti siya. Pula ang pisngi; may basang pilikmata rin. Napakaganda ng mga mata niya.
"Kitaro," sabi niya.
Alam ko na ang itatanong niya at alam ko na rin ang isasagot.
"Paano mo 'ko nakikilala?"
Ngumiti ako sa kanya.
"Avis," sabi ko. "Bilang si Avis."
--
GAYA NG INAASAHAN, hanggang sa mag-December, umiikot ang usap-usapan tungkol sa totoong pagkamatay ni Avery. Maraming nagluksa at nakiramay, pero sa pag-usbong ni Avis, mas maraming tanong ang nabuo.
Ang mga kaso tungkol sa pekeng birth certificate at ang tungkol sa mana ay nadepensahan nang maayos, at dahil sa totoo at lehitimong birth certificate ni Avis, makukuha niya ang lahat ng mana.
Naging maayos ang lahat. Bumalik ang sigla sa mga mata ni Avis at pakiramdam ko, wala na 'kong mahihiling pa.
Disperas ng pasko ngayon. Nasa stage kaming anim. Nakaupo ako sa drums, si Santi sa piano, si Jiyo, Paul, at Kyle sa guitars, at si Avis sa mikropono.
Nakangiti siya sa harap ng madla. Mahangin, malamig, at maraming ilaw sa paligid.
Nilingon niya ako.
Ngumiti siya.
Lumabas sa napakaganda niyang labi ang katagang, "Salamat."
At sa pagkakataong 'yon, nakita ko kung gaano kaganda ang ngiti ni Avis, totoo, walang bahid ng lungkot o pagpapaalam. Parang ngiti niya noon sa tulay. Pinagmasdan ko ang mala-anghel niyang mukha at saka ako napangiti.
Hindi siya si Maria Clara 2.0.
Hindi siya mahinhin.
Hindi siya kulay rosas.
Pero siya si Avis.
Malakas, matapang, hubad, at marahas na kulay pula.
At mas mamahalin ko pa siya dahil doon.
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro