Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

19

19 // ride

>>

NOONG BATA PA 'ko, si Kuya Paco ang nagpaliwanag sa 'kin kung ano ang ibig sabihin ng salitang crush.

Pitong taong gulang ako at labing-dalawa na siya. Nakaupo kami sa bakuran at sa gawa-gawang upuan ni Papa para sa aming dalawa. Pawis kami parehas dahil sa larong pasa-bola peri ayos lang dahil mula sa kusina, tinitimplahan kami ni Mama ng fresh na calamansi juice.

"Ang crush," sabi niya. "Ibig sabihin, gusto mo."

"Crush? Edi, crush ko si Mama?"

Tumawa si kuya. "Nanonood ka ng TV 'di ba?"

Tumango ako sa kanya.

"Alam mo 'yung kasal?"

Ngumiti ako saka tumango.

"Kung sino 'yung gusto mong babae na makasama ro'n, kung sino 'yung gusto mong kalaro habang buhay, hanggang sa matanda ka na, siya 'yung crush mo," sabi niya. "Medyo malalim 'yun para sa crush, ah. Pero pwede na rin siguro."

Tumango-tango na lang ako.

"Saka kung sino 'yung gusto mo sa tuwing nakikita. Kapag may sumasayaw rito," sabi niya saka tinuro ang tiyan ko at kunwaring nangiliti. "Sa tuwing nakikita mo 'yung taong 'yun, ibig sabihin, crush mo na siya."

Naghanap ako ng pwede kong i-crush matapos 'yon ipaliwanag sa 'kin ni Kuya, pero wala akong mahanap na gusto kong makitang makasama sa kasal. Hanggang sa noong naging siyam na taong gulang ako, isang umaga, pumasyal ako sa playground, at nakita ko siya.

May suot siyang pink na dress, saka nasa sandbox. Naka-indian sit niyang sinusuklayan ang manika niya. Ang mahaba niyang buhok, kumikinang na parang pula sa ilalim ng sinag ng araw, naka-braid gamit ang isang pink na laso. Nakangiti niyang pinagmamasdan ang manika niya, at mula sa malayo, nakapaligid sa kanya ang maids niya.

Ang unang pumasok sa isip ko, ang ganda niya. Unti-unti kong naramdamang halos maging flower garden ang paligid sa sobrang ganda niya. Maputi at kumikinang sa ilalim ng kahel na liwanag.

At bago niya maiangat ang tingin niya, nag-iwas na ako ng tingin.

Noong oras na 'yon, sa loob ng tiyan ko, pakiramdam ko, may nagsasayawan. Iyon ang unang beses na naisip kong gusto ko siya.

Gusto ko si Avery.

Gustong-gusto ko si Avery.

Kahit nakabestidang pink o punit na jeans, basta siya si Avery, wala akong pakialam.

Nagustuhan ko ang ideya ni Avery noong bata pa lang ako; pinantasya siyang maging girlfriend. Pero ang babaeng mas nakilala ko ay 'yung babaeng mahilig sa mga punit na pantalon at rock songs. 'Yung babaeng nambabato ng nananahimik na ilog. 'Yung babaeng ang bilis mag-bike at malakas tumawa. 'Yung babaeng titingnan ako sa mga mata para sabihing isa akong engot . . . siya.

Siya ang minahal ko.

Kung iba man ang mga pagkakataon at nakilala ko siya bilang si Avis at hindi bilang si Avery Vescilia, alam kong siya pa rin ang magugustuhan ko.

Gusto kong malaman niya 'yon . . .

"Kitaro!"

Sinalo ko ang bolang pinasa ni Kyle. Agad akong nag-dribble habang tumatakbo papunta sa ring, umikot nang hinarangan ni Santi, humarap sa ring, tumalon, saka ini-shoot.

"'Yun o!" sigaw ni Kyle saka kami nag-apir.

Tumawa ang tatlo, saka bumagsak sa sahig ng court.

"Tubeg!" sigaw ni Paul. Pawis na pawis siya at nakaangat na ang sando. Nakaupo naman sa gilid niya si Jiyo, nakapatong ang magkabilang siko sa nakaangat na mga tuhod, hinihingal.

Tumakbo naman ako sa bag ko para kunin ang tubig, saka inubos nang mabilis 'yon nang makita kong papunta na sa 'kin si Paul.

"Luh!"

Tumawa ako saka binato sa kanya ang bote.

Sinalo niya 'yon, tumatawa, bago tumakbo papunta sa refill-an ng tubig.

Hinihingal pa rin ako nang tumabi sa 'kin si Jiyo.

Naalala ko ang binasa ko kahapon saka ang binigay sa 'kin ni Kuya na papel.

Pilit akong ngumiti sa kanya.

"Musta?" tanong niya. "Nabasa mo naman?"

Bumuntonghininga ako at tiningnan sa malayo sina Kyle. Nagkukulitan. Galing lang kami sa klase at solo namin ang public court, ni-rent ni Kyle at Santi para sa amin. Friday naman daw kasi.

Tumango ako. "Oo."

Sumandal si Jiyo sa pader saka bumuntung-hininga rin. "Hindi ko siya gusto," sabi niya kaya ako napalingon sa kanya. "Sadyang curious lang."

Ngumisi ako saka siya sinuntok sa braso. "Hindi mo naman kasi sinagot nang maayos kahapon."

"Para maasar ka," sabi niya saka tumawa.

Pabalik na sila Santi.

"Nga pala," sabi ko. "May sasabihin ako sa inyong apat."

Napadilat si Jiyo saka ako tiningnan. May tanong sa mga mata niya pero nag-iwas na rin ako agad ng tingin.

"Mga pre," tawag ni Jiyo. Lumingon naman agad 'yung tatlo. Tinuro ako ni Jiyo gamit ang ulo niya. "May sasabihin."

Bigla akong nailang nang tumingin sila sa 'king tatlo. Umiinom si Paul, si Santi nagkakamot ng tenga, si Kyle naman inaayos ang buhok. Mga hinayupak na 'to.

Bumuntonghininga ako ulit.

Hinila ko 'yung papel na nasa bulsa ng pantalon ko saka tiningnan 'yon.

"Dali na, natatae na 'ko," sabi ni Santi.

Napakamot ako ng ulo. "G-Gaya ng alam n'yo, si Avery, umalis na ng school."

"UMALIS NA NG—?!" Tinakpan ni Paul ang bibig ni Kyle saka tiningnan ako nang seryoso. Maski si Jiyo, nakatingin sa 'kin.

"At, si Kuya, mga pare, nagtrabaho pala siya sa mga Vescilia." Nag-react agad si Jiyo ro'n, at umangat ang mga kilay ni Santi sa gulat. "Si Avery na nakilala natin nitong mga nakaraang buwan . . ." Pakiramdam ko sobrang layo na ng mga araw na kasama namin si Avery. Ang banda. Ang auditions. Ang inuman. "Hindi talaga . . . si Avery."

Bumaba ang kamay ni Paul at napasinghap si Kyle. Nakatingin lang sa 'kin si Santi nang diretso.

"A-Ano?" sabi ni Kyle. "Ano'ng ibig sabihin?"

Umiling ako. "Hindi ko rin alam," sabi ko. "Pero bago umalis sa mansyon ng mga Vescilia si Kuya, may kinuha siya." Binuklat ko ulit ang papel at bahagyang natawa. "Address."

"Address? Anong—"

"Address ni Avery," sabi ko. Muntik ko nang sabihing Avis, pero nag-alinlangan ako. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na si Avery noon ay patay na. Parang biro lang ang lahat, e. Parang . . . parang hindi pwede.

Isa pa, kapag iniisip ko kasing magkaibang tao sila, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Siguro sa 'kin, may piraso na bahagyang dismayado, dahil si Avery ang unang pag-ibig ko at ang Avery pala na nakasama ko nang halos dalawang buwan ay hindi pala siya.

Kaso . . . kaso, kapag naaalala ko si Avery, ang Avery na kasabay kong mag-bike at nakasama ko sa tulay, naniniwala akong nagkagusto ako sa isang panibagong tao — hindi nagtulak sa 'kin ang nararamdaman ko sa Avery na nakilala ko noon para mas magustuhan ko siya nang makasama ko siya nang malapitan.

Hindi nga siya mala-Maria Clara, pero nagustuhan ko pa rin siya, kahit na kumakanta siya ng rock songs at nagba-bike nang nakapaa.

Itim sa puti ang pinagkaiba nila ni Avery, pero mas nagustuhan ko ang Avery na may babaeng nakakulong sa loob ng mga mata. Isang babaeng gustong magwala at lakbayin lahat ng sulok ng mundo, alamin ang lahat ng hindi alam na bagay, subukin lahat ng hindi pa nasusubok ng ilan.

Kinuha ni Paul ang papel sa kamay ko at binasa ang address. Nanlaki ang mga mata niya. "Pre! Napakalayo nito!"

Sinilip din nina Santi at Kyle at saka alanganing tumingin sa 'kin.

"Halos limang oras ang biyahe," sabi ni Santi.

"Don't tell me, pupuntahan mo 'to?" tanong sa 'kin ni Kyle. "Are you hibang?"

"Mga pre," sabi ko. "Mas pipiliin kong gugulin ang limang oras ng buhay ko kaysa magtanong na lang nang magtanong sa isip ko." Umiwas ako ng tingin. "Saka kung aalis ako nang Sabado bukas nang umaga, dito na ako nang gabi."

Saglit silang napatahimik. Ngayon ko na napi-picture nang maayos ang sinabi ni Papa sa 'kin.

Kung may gusto kang babae, kahit saan ka man mapadpad, iisa lang ang destinasyon mo — ang trono niya.

"Sigurado ka ba talaga?" sabi ni Paul. "Kasi kung sigurado ka, sasama ako."

Nanlaki ang mga mata ni Kyle. "Same!"

"Maaasahan mo 'ko!" sabi ni Santi.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nila, at maluluha na yata ako nang siniko ako ni Jiyo. Ngumiti siya. "Ako rin."

Ayun . . . hindi ko na napigilan.

Hindi ko inaasahang iiyak ako sa harapan nila. Naghalakhakan sila at nakatanggap lang naman ako ng mga batok, hampas saka akbay sa kanila.

Sa sobrang saya ko, minura ko silang lahat.

Naghalakhakan kami bago ulit naglaro ng isa pang round.

--

ISA SA MGA pangarap namin noon ang magamit ang van nina Kyle. Malaki kasi ito at tipikal na pinapangarap na van ng mga magbabarkada para sa mga galaan. Pero siyempre bago namin 'yon magamit, kinailangan ng sobrang gara na pilitan.

Masungit at strikto ang tatay ni Kyle at noong una pa lang, sigurado na akong hindi kami papayagan at mapipilitan kaming mag-commute — na sobrang ayaw ko rin naman dahil gugustuhin ko na ang lahat marinig lang ang hilik ni Paul at katabi ang makulit na si Santi. Kaso sabi ni Kyle,

"Walang susuko hangga't walang sinusubukan!"

Dash Kyle Tiangco, 2018.

At ayun, noong hapon na 'yon, kaming magbabarkada matapos maglaro ng basketball, natagpuan ang mga sariling nagsisiksikan sa isang couch sa harap ng nanlilisik na mga mata ni Sir Tiangco.

"Dad, for a day lang," sabi ni Kyle.

Nasa gitna si Kyle at nagsusumamo sa harap ng tatay niya.

"Iingatan ko po," sabi ni Paul, na marunong mag-drive sa aming lima. Naging driver kasi siya noon. "At, ser, naging driver na po ako noon nang walong buwan at hindi nagasgasan ang kotse ng amo ko."

Tahimik sa sala. Tumatawa naman nang mahina ng Mommy ni Kyle sa kusina.

"Ano'ng nangyari sa pang-siyam na buwan?" tanong ni Ser Tiangco gamit ang malalim at seryosong boses.

"Nag-resign ho ako."

"Bakit?"

"Ser, type daw ako ni Madam."

Humalakhak sa tawa si Sir Tiangco saka tinapik-tapik sa balikat si Paul.

At dahil sa kasinungalingang 'yon, nakaupo na ako sa sa loob ng kotse nila Kyle.

"Woo-hoo!" sigaw niya. "To Avery!"

Sumigaw sina Paul at Santi ng, "to Avery!" habang tumatawa naman kami ni Jiyo.

Akala ko, magco-commute ako nang mag-isa dahil hindi ako masasamahan nila Paul. Akala ko rin, magiging malungkot at kinakabahan ako.

Pero dahil naririnig ko ang nakakairitang tawa ni Santi at MCR ni Paul, naaamoy ang pabango ni Kyle at nakikita ko ang natutulog na si Jiyo, naalala ko . . .

Na hindi nga pala ako mag-isa sa mundo.

--

DUMAAN NA ANG dalawang oras. Halatang sanay na sanay si Paul sa pagda-drive. Banayad ang takbo niya at kumakanta pa siya at naghe-headbang sa lagay na 'yan. Hindi ko na-imagine sa buong huhay ko na kakanta rin ako ng kanta ng My Chemical Romance habang ngumunguya ng Snickers, kasama at kaakbay si Santi, pero nangyari.

"Huwag kayong magkalat!" sigaw ni Kyle sa amin.

Nagpatuloy pa ang biyahe. Nagkuwentuhan sina Kyle at Santi. Kumakanta si Paul. Natutulog si Jiyo.

Nakatingin ako sa labas.

Nakikita ko kung paano gumalaw ang mundo. Kung paano sumilip ang sinag ng araw sa mga puno. Kung paano kami daanan ng mga kotse.

Kinakabahan ako, pero malawak ang ngiti ko.

"O, kuha!" sabi ni Santi. Inabot niya sa amin ang nakabukas na malaking pakete ng Piattos. Dumakot kami, saka ngumuya. Maski ang nakapikit na si Jiyo dumakot din.

"Aba, bawal sa tulog!"

"Santi—!" sigaw ni Jiyo nang hablutin ni Santi ang earphones niya.

"Guys, watch!" sabi ni Kyle.

Natigil sila sa paghaharutan at napatingin sa phone ni Kyle. May nag-upload pala ng performance namin doon sa may plaza ilang buwan na rin ang nakaraan.

Napangiti ako habang nakikinood.

Ang ganda niya talaga nung gabing 'yon.

Malabo ang phone video pero kitang-kita na halos nagliliyab kaming anim. Walang naging spotlight — kaming lahat ang spotlight.

"Grabe," sabi ni Paul. "Parang kailan lang."

"Ang saya-saya ng gabing 'to," sabi ni Kyle habang nakangiti. "Parang dream come true, e."

"Kung iisipin, si Avery lang din dahilan ng lahat ng 'yan." Tumawa si Santi.

Tumango-tango ako. "Kaya siguro ayos lang 'to."

Tumingin ako sa paligid, sa kotse, sa mga ngiti ng mga kaibigan ko, at sa hindi pamilyar na lugar sa labas.

Napangiti ako.

Alam kong ayos lang 'to.

--

ALAS KWATRO KAMI nang madaling araw umalis sa San Sebastian, at alas-nuwebe na nang makarating kami sa isang bayan.

Alegre ang pangalan ng bayan. Dumaraan ang van, hinahanap ang partikular na street kung saan matatagpuan ang bahay nila Avery. Mapuno sa labas ng arko ng Alegre pero pagpasok, helera ng mga bahay sa magkabilang kalsada. May mga naglalarong bata sa sementadong kalsada at mga tindahan sa bawat gilid. Kung ikukumpara sa San Sebastian, siyempre mas maganda sa nayon namin, pero mas angat yata ang Alegre sa dami ng tao.

Sa San Sebastian kasi, sobrang tahimik at iilan lang ang bahay. Mas marami kasi ang mga tanim at mas malawak ang mga lupa, pati mga puno. Siguro mga sampu lang ang mga bahay sa isang kalsada, kaya halos lahat ng mga gustong mag-negosyo, sa labas pa ng San Sebastian. Pero sa San Sebastian, kasama ang bakery namin sa iilang bakeries na nakatayo.

"'Yon na yata 'yung bahay," sabi ni Kyle saka tinuro ang isang partikular na bahay sa bandang dulo ng kalsada.

Napalunok ako.

"Teka," sabi ni Paul. Tiningnan niya ako. "Kitaro, mauna ka."

Nanlaki ang mga mata ko. "Ha?"

"Oo, Kitaro." Tinulak ako ni Santi. "Baka mabigla sa atin si Avery."

Napakurap-kurap lang ako. "Teka! Ang daya nito."

"Lalaki ka ba?" biglang sigaw ni Kyle.

Napatingin ako sa bahay na nasa dulo ng kalsada.

Huminga ako nang malalim, saka binuksan ang pinto ng kotse. Bumaba ako saka naglakad papunta sa bahay na 'yon. May kaba sa dibdib ko.

"Go, lover boy!"

"Kunin mo si Avery, pare!"

Nilingon ko ang kotse. Nakangisi at nakangiti na sila sa 'kin. Bumuntonghininga ako saka nagpatuloy sa paglalakad.

Nang marating ko ang bahay, mas inararo ako ng kaba. Napalunok ako, bago kumatok.

Imbis na payat, bata, mahaba ang buhok, at magandang si Avery ang bumukas ng pinto sa 'kin, pinagbuksan ako ng isang matandang babae.

Payat siya at namumutla, pero napakaamo ng mukha niya sa suot niyang ngiti.

"M-Magandang araw po," sabi ko.

Ngumiti nang mas malawak ang lola.

"Aba . . ." sabi niya. "Ikaw yata ang tinutukoy ni Avis."

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro