18
18 // truth
>>
UMALIS ULIT SIYA.
Wala na naman si Avery.
Nang umalis siya, nag-bike ako pababa ng tulay. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa loob ko. Siguro galit sa sarili ko, inis kay Kuya Paco, pagkalito . . . lahat binuhos ko na lang sa pagbato sa ilog.
Lahat ng pagbato, malakas ang pwersa. Natatalsikan ako pero ayos lang. Sa lakas ng pwersa ng pagbato ko, natanggal sa pagkakadikit ang band-aid sa kamao ko. Nang nakita ko kung paano nalaglag 'yun sa batuhan, nanghina ang mga tuhod ko at saka ako napaupo.
Bakit ba napakahina ko?
--
SEPTEMBER NA, AT malapit na ang sem-break.
Napagdesisyunan namin ni Jiyo na ilihim na lang ang lahat sa tatlo pa naming mga kaibigan. Alam din kasi namin ang mga ugali nila kaya baka may magawa rin silang padalos-dalos, lalo na si Paul.
Sinubukan kong tanungin kay Jiyo kung ano ang nangyari at paanong naging magkasama sila ni Avery, kaya lang sabi niya hindi niya pa ako kayang pagkatiwalaan sa kung ano mang malalaman ko saka mas mabuti raw na kay Avery na manggaling. Nanahimik na lang din ako at hindi na siya kinulit pa; mas gugustuhin ko rin namang kay Avery marinig ang lahat.
Bumalik ako sa pagsusulat.
Minsan, natutuwa akong isipin na sa loob ng isang buwan at mahigit, naging importante sa amin si Avery.
Simula noong hinila ko siya papunta sa tambayan, naging parte na namin siya. May kung ano kay Avery na kapag nakilala mo siya, mapapalapit ka na lang nang mapapalapit nang hindi mo namamalayan.
Magugulat ka na lang, mahalaga na siya sa 'yo.
"Guys," sabi ni Kyle. Tiningnan ko siya. "Ang boring."
Tapos na ang exams at hinihintay na lang namin ang card distribution. Patuloy lang ako sa pagkopya ng notes ni Jiyo sa notebook ko. Ipapasa na kasi mamaya.
"Miss ko na 'yung band practice."
Napatigil ako sa pagsulat.
"Hayaan mo na nga," sabi ni Santi. "Wala na tayong magagawa."
"Nakaka-miss kasi, lalo na si Avery," sabi ni Kyle. "Kung pwede lang siya sugurin sa mansyon nila."
"Kapag narinig ng girlfriend mo 'yan, hindi siya matutuwa," sabi ni Paul.
"Huwaw ha, nagsalita ang loyal sa mga girlfriends." Kumunot ang noo ni Kyle. "Emphasize the S!"
Humalakhak si Paul saka binato si Kyle ng nakalukot na papel, at gumanti naman siya.
Normal pa rin naman kaming lima. Bukod sa isa pang espasyong walang nakaupong Avery, bukod sa walang lamang upuan sa dulo sa tabi ng bintana, normal naman ang lahat.
Siguro.
Nag-ring na ang bell kaya lumakad na kami ni Jiyo papunta sa room namin. Pagdating sa room, nagulat ako kasi nandoon—
Nandoon si Avery.
Nanlalaki ang mga mata ko. Napakurap-kurap ako habang nakatitig sa pamilyar na pigura ng likod ni Avery. Buhaghag ang buhok niya. May suot na jeans at itim na damit.
Nang mapalingon siya sa amin, nagulat din siya.
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at bumalik sa harapan ng teacher. Nakatayo siya sa gilid ng teacher's table at tila may inaasikaso.
"Kitz," sabi ni Jiyo, inuudyok akong maglakad. Windang pa rin akong nakatitig kay Avery.
Isang buwan din siyang nawala.
"Sigurado ka rito, hija?" narinig kong bulong ni Ma'am Henez. Nakita kong tumango si Avery.
May binigay siyang form kay Avery habang nakatitig lang ako sa kanya. Nang makita ko siya bigla ko ulit naramdaman ang sakit noong huling takipsilim na nakasama ko siya. Kapag nakikita ko ang mga mata ni Avery . . . naaalala ko kung paano doon kumislap ang mga luha niya.
Akmang aalis na siya kaya biglang tumalon ang puso ko. Hahabulin ko sana siya para kausapin, tanungin, yakapin, ewan, kaso pagkatayo ko, nagtama ang tingin namin ni Ma'am Henez.
"Saan ang punta?" tanong sa 'kin.
Kaya wala na lang akong nagawa kundi tumitig kay Avery na naglalakad nang palayo.
Ulit.
Ulit.
Paulit-ulit na senaryo.
Nakakasura na.
Ito na lang ba ganap ko sa buhay niya?
Pinaupo ako ni Jiyo at napalunok naman ako. Nakakunot ang noo niya sa 'kin, bago siya tumingin sa guro namin sa harapan.
Napahinga ako nang malalim at napasabunot sa sarili. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Sobrang inis ang bumabalot sa dibdib ko, halos hindi ako makahinga. Isang buwan nawala si Avery pero hindi ko man lang siya nakausap ko nakamusta o kahit anonman. Hindi rin man lang niya natingnan nang maayos sa mga mata.
Siniko ako ni Jiyo.
Magkarugtong ang kilay, tiningnan ko siya. Nakatingin siya sa 'kin nang may nagtatanong na mga mata.
"Sabihin ko na ba sa 'yo?"
Nilingon ko siya. "Ang ano?"
Bumuga ng malalim na hininga si Jiyo at napahilamos sa mukha.
"Jiyo," sabi ko. "Ano? Ano ba talaga meron?"
Nakatingin si Jiyo sa notebook niya, nakakunot ang noo.
"Baliw na baliw ka talaga sa kanya," bulong niya. Tumingin siya sa 'kin. "Kitaro, umakyat ka sa library mamaya."
Nagtaka naman ako. Napatuwid ako ng upo. "Bakit?"
"Basahin mo 'yung binasa ko nung nakaraan," sabi niya. Kumurap ulit ako dahil hindi ko maintindihan. Bumuntung-hininga siya tapos may sinulat sa notebook. "'Yung history ng San Sebastian."
Napatingin ako sa paligid pabalik kay Jiyo, nakakunot na ang noo. "Pre, wala akong oras para sa book recommendations mo. Saka alam mo namang pinakaayaw kong subject ang history tapos—"
Pinunit niya ang papel na 'yon saka nilagay sa desk ko.
"Manahimik ka na lang at basahin mo ang laman niyan," sabi niya. "Baka mas maintindihan mo."
Napatingin ako sa kapirasong papel na nasa desk ko. pg 23. Napakunot ang noo ko saka tiningnan siya.
"Jiyo," tawag ko.
"Hm?"
Noong nakaraang buwan niya pa 'to pinag-aaralan? Bakit? Para saan? Ni hindi man lang sumagi sa isipan ko na hanapin ang history ng pamilya ni Avery sa libro ng San Sebastian.
Umabot sa gano'ng punto si Jiyo. Iyon ang hindi ko maintindihan.
"May . . . gusto ka kay Avery?"
Hindi sumagot si Jiyo. Tila sa segundong 'to nakasalalay ang buong pagkakaibigan namin, na halos mamatay ako sa kaba.
Ngumiti siya.
--
HABANG NAGLALAKAD PAAKYAT sa library, hindi ko mabura sa isipan ko ang mga sinabi niya sa maingay na classroom na 'yon.
Para bang binuhusan ako ng malamig na tubig.
Parang pinagtaksilan ako ng lahat.
"Nagtrabaho ang tiya ko sa mga Vescilia bilang tagaluto," sabi niya. "Tuwing Sabado't Linggo, dinadala niya ako sa mansyon nila Avery noong seven yata ako."
Napabuntung-hininga ako. Dalawang floor pa para maakyat ang library.
"Masayahin siya. Si Avery. Iyong totoong Avery," sabi ni Jiyo habang nakangiti. "Mabait at palakaibigan. Naging matagal na magkaibigan kami hanggang sa mag-sampung taong gulang ako, sinabihan ako ni tiya na bawal na raw magdala ng bata sa mansyon nila, at nadi-distract daw si Avery sa pag-aaral. Iyon ang bilin ng lolo niya, si Don Vescilia."
Isang floor na lang.
"Ang dagdag pang bilin ni tiya, 'wag ko raw ipagkalat na kaibigan ko si Avery. Hanggang sa nitong summer, nagtanong ako kung bakit hindi ko na nakikita Avery sa café," sabi ni Jiyo. "Nagtanong ako kung bakit wala na siya sa palaruan."
Naalala ko na naman: ang Avery sa palaruan. Sa café. Humigpit nang humigpit ang dibdib ko.
"Sabi niya, bawal daw ipagkalat. Sabi niya, sikreto ng pamilya. Nagtanong ako kung bakit. Hindi niya 'ko sinagot, Kitaro. Pero umiyak siya."
Nanlaki ang mga mata ko nang maalala ko kung anong papel na binigay ni Ma'am Henez sa kanya.
Hindi kaya aalis na siya ng school?
"Pero 'yung sunod na nakita ko na si Avery . . . iba na siya."
Lumalim pa ang paghinga ko bago ako umakyat nang mas mabilis pa sa hagdan.
"Alam kong may mali. Hindi lang ako ang nakapansin no'n. Tama ba 'ko, Kitaro? Kaya nilapitan ko siya nito lang. At sinabi niya sa 'kin ang lahat."
Mabilis akong pumasok sa library para hanapin ang librong binasa ni Jiyo. Agad ko 'yong natagpuan kaya umupo ako sa pinakamalapit na upuan para basahin 'yon. Nilipat ko ang mga pahina sa 23.
Vescilia's Tragedy and Secrets 2007
Kumabog ang kaba sa puso ko. Nang taong ito, namatay ang mga magulang ni Avery. Agad kong binasa ang maikling article tungkol dito.
...dreadful death, for the said couple has been approachable and extremely nice...
...but a huge issue behind them untold...
...and accordingly, Ada Vescilia secretly gave birth to twins...
Kambal. Nang mabasa ko ang magkakaugnay na mga salitang ito halos nakaramdam ako ng hilo sa sobrang kaba.
...to follow the tradition...
Tradisyon.
Malalim ang paghinga kong nakatutok sa bawat salitang nakalagay sa papel.
...gave the other to their closest helper...
Nanginginig na ang daliri ko habang patuloy na nagbabasa.
...and left the other one to handle the business after her great grandfather's death.
Bumagsak ang mga balikat ko.
Among all the rumors heard, this one has been believed as a fact by many. And for it is more believable, this story, until now, remains completely undoubted.
Napasapo ako sa mukha ko matapos isara nang tuluyan ang libro.
Nawala na sa isip ko ang pagbisita man lang sa tambayan, kaya nang makalabas ako ng library, hinayaan ko na lang ang mga paa kong akayin ako pauwi.
Umaambon. Hawak ko ang payong habang ang isang kamay ay nasa bike. Basa na ang pantalon, sapatos at ang parehas kong mga kamay pero hinayaan ko na lang. Sa bawat lugar na madaanan ko na ilang beses naming nadaanan ni Avery, mukha niya lang ang malinaw. Ang ngiti niya.
Binagsak ko ang bike sa tapat ng pinto at nahulog ko ang payong sa lupa. Bumagsak sa 'kin ang ulan. Malamig ang bawat patak. Lumakad ako papunta sa silong ng bahay namin, nang biglang bumukas ang pinto.
Sumama ang mukha ni Kuya Paco nang ako ang makita niya. Umiwas na lang ako ng tingin saka lumakad lampas niya; hindi na ako lumingon. Yumuko ako para tanggalin ang nabasa kong sapatos.
"Kitaro."
Napatigil ako. Nilapag ko ang tumutulong sapatos sa gilid.
"B-Bakit?"
Nakapamulsa si Kuya at nakatingin sa 'kin.
Saglit kong naalala ang kuya kong kasamang manghuli ng palaka sa bukid ni Papa noon, papunta sa kuya kong umiinom gabi-gabi nang lasing, sa kuya kong sinaktan ni Papa sa bakuran at pinalayas, papunta sa kuya kong bigla akong kinamuhian nitong mga nakaraang taon.
Nakalimutan ko lahat ng kaparehas na galit nang bigla siyang nagsalita.
"Naiirita lang ako sa 'yo kasi, kung ano ka ngayon . . . ang pinangarap ko noong bata pa 'ko." Ngumiti siya. "Minsan pala tayo mismo sisira sa mga sarili nating pangarap."
Napaiwas ako ng tingin.
Lumakad siya palapit sa 'kin.
"Oh," sabi niya. Tiningnan ko ang nakaabot niyang kamay na may hawak na nakatuping papel. "Ninakaw ko 'yan sa mansyon nila. Pambawi ko sa 'yo."
Nanlaki ang mga mata ko saka napatingin kay Kuya Paco.
Ngumiti siya ulit.
Kinuha ko ang nakatupi niyang papel, at nagulat ako dahil sa kumpletong address na nakalagay.
"K-Kuya . . ."
Halos maluwa ang mga mata ko at mapunit ang labi sa malawak na ngiti.
"Nandiyan si Avery."
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro