17
17 // behind
>>
MABILIS AKONG LUMABAS ng banyo at saka pumunta sa kwarto ko. Ilang beses akong tinawag ni Mama pero hindi ako sumagot — nagpanggap akong tulog.
Nagtatrabaho si kuya sa mga Vescilia at base sa sinabi niya sa akin noon, totoo kong nakukumpirma na ang kasama kong si Avery . . .
Ang nakita ko nakaraang summer, ang nagtanggal ng laso niya, ang ngumingisi, ang natutulog sa klase, at ang Avery na nakasama namin sa hapon habang kumakanta, hindi si Avery. Iba ang Avery na nakaupo sa dulo ng slide. Magkaiba ang Avery na nakita ko sa tabing-ilog sa Avery na nakangiti nang mahinhin sa 'kin.
Kung gano'n, nasaan ang totoong Avery?
Ang dalawang buwan na magkasama kami, kasinungalingan lang lahat. Hindi lang ako ang niloko niya — kundi kaming lima, ang mga kaibigan ko, at . . . halos lahat. Bigla akong nakaramdam ng awa para sa Avery na gusto ko, hindi sa Avery na nagpapanggap. Ang Avery na mahinhin, ang Avery na nakatali ng pink na laso . . . nasaan na siya?
At bakit may nagpapanggap na siya? Ano'ng dahilan? Ano ang nangyari?
Unti-unti, hindi ko inakala, na biglang may tumulo mula sa mga mata ko. Napatuwid ako ng tayo at pinigilan ang mga pagtulo pa.
Kusa na lang gumalaw ang mga paa ko. Dumaan ako mula sa bintana namin para hindi ko na makasalubong si kuya na kumakain sa kusina. Bumaba ako mula sa puno, pababa hanggang sa bakuran namin.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan pupunta. Kanila Avery? Sa tulay? Kanila Jiyo?
Habang ina-unlock ang bike, nangangatog ang mga daliri ko. Walang ibang pumapasok sa isip ko kundi ang mga imahe ni Avery. Nang maalala ko ang mga luha niya at ang mga takot niyang mata, biglang gustong matunaw ng sama ng loob na umusbong sa 'kin — pero gusto ko pa rin na malinawan sa lahat.
Gusto kitang maintindihan, Avery.
"Sa'n ka pupunta?"
Nagulat ako sa pamilyar na boses, pero hindi ko siya nilingon.
"Kay Avery."
Nakarinig ako ng tawa. "Bobo ka ba talaga?"
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa manibela at galit na tumingin sa kanya. "'Wag mo akong tawaging bobo!" Alam kong hindi dapat ako sumigaw. Hindi dapat, hindi dapat, pero . . . "Sabihin mo sa 'kin 'yan kung tapos ka nang mag-aral!"
"Hindi mo ba napansin talaga?" sabi niya sa 'kin, galit na rin. "Hindi si Avery ang kasama mo simula nung nag-pasukan kayo. Tanga na lang ang hindi nakapansin niyan!"
Malalim at mabigat ang paghinga ko. Nakatitig ako sa kanya.
"Tama na," sabi ko. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. "Ako mismo ang kakausap sa kanya."
Humangin nang malakas.
"'Kailangan ko pa bang isa-isahin sa 'yo?" sabi ng kuya ko. "Paano mo ba maiintindihang ang Avery na nakilala mo noon pa ay matagal nang patay?"
Nanlaki ang mga mata ko. May sumabog sa dibdib ko. Napahigpit lalo ang pagkakahawa ko sa manibela habang nanginig ang tuhod ko.
"Matagal na siyang patay, Kitaro."
Hindi ako nakapag-isip nang maayos. Nandilim bigla ang paningin ko at nagulat na lang ako, nasa ibabaw na ako ni Kuya at nagdudugo na ang kamao ko. Mabigat ang paghinga ko at nakita ko ang dumurugong ilong ng kapatid ko. Hindi ako makahinga nang maayos, at parang sasabog ang ulo ko sa sakit.
Bumalik na lang ako sa katinuan ko nang may malakas na kamay na humila sa 'kin palayo kay Kuya Paco. Nagtaka ako nang nasa harapan ko si Mama, hawak ang kapatid ko, pero may ibang humahawak sa 'kin.
Pagkalingon ko, nakita ko si Jiyo.
"K-Kitaro . . ."
Halos gumuho ang mundo ko nang makita ko si Avery sa likod ni Jiyo. Gulat na may kasamang lungkot ang mga mata niya.
"A-Avery . . ." sabi ko. Nakasuot siya ng itim na shirt at jeans. Napailing-iling ako — hindi, hindi siya si Avery. Napabalik ang tingin ko kay Jiyo na nakatingin din sa 'kin. "Ano'ng ibig sabihin . . ."
Mula sa likod ko, naririnig ko ang malalakas na yapak ni Kuya Paco. Lumingon ako para tingnan si Mama, pero dismayado lang siyang nakatingin sa 'kin na may kasamang galit, bago umiling at pumasok sa loob ng bahay.
"H-Hindi namin inasahang ganito ang maaabutan namin," sabi ni Jiyo. Bumalik ang tingin ko sa kanya pero nag-iwas din agad. Unti-unti kong nararamdaman ang sakit sa kamao ko, kasabay ng pagkabalot ng hiya.
"Bakit kayo magkasama?" unang tanong na lumabas ng bibig ko.
"Kitaro," sabi ni Jiyo at galit na tumingin sa 'kin. "'Wag ka ngang malisyoso. Alam ko galit ka pero sa susunod matuto kang kontrolin ang mga ginagawa mo. Bago mo kausapin si Avery, kumalma ka muna."
Totoo ang sinabi ni Jiyo, kaya tumango ako. Mabilis akong napaupo sa isang malaking bato saka napasapo sa mukha. Nakakahiya. Mali ang ginawa ko. Nagpadala ako sa galit . . .
Matagal na siyang patay.
Napasabunot ako sa sarili ko. Si Avery? Patay?
Imposible . . . imposible.
"Iwan ko na kayo," sabi ni Jiyo. Hindi ko man lang magawang ibangon ang ulo ko para makapagpaalam sa kanya.
Naiwan na lang sa harap ko si Avery. Nakatayo siya. Mas nag-init ang mga mata ko.
"Huy," sabi niya. Naramdaman kong lumakad siya palapit sa 'kin. Nakaramdam ako ng tuktok ng daliri sa bunbunan ko. "Mamayang ala-singko . . . magkita tayo sa tulay, ha?"
Bago ko pa maibangon ang ulo ko, narinig ko na siyang mag-bike palayo.
--
NAKAHIGA AKO SA kama ko nang hindi ko alam kung ilang oras na. Nakatitig lang ako sa kisame. Dumaraan ang oras. Pinamumugaran ako ng kaba, ng takot, ng pagtataka.
Makalipas ang dalawang oras, alas-singko na.
Tumayo ako mula sa kama ko saka bumaba. Hindi ako tiningnan ni Mama, at alam ko na galit pa rin siya kaya imbis na kausapin siya, dumiretso na lang ako sa labas at nagdesisyong mamaya ko na siya kakausapin. Sumakay na ako sa bike ko saka pumuntang tulay.
Takip-silim na. Tuwing sasapit ang takipsilim, wala akong ibang naaalala kundi si Avery. O . . . si Avery nga ba?
Sa tahimik naming lugar, maingay ang bike ko. Dumaan ako sa mga puno, at napaliguan ako ng mga silip ng sinag ng araw sa pagitan ng mga dahon ng puno. Parang hindi ako nararapat sa ganda ng kapayapaan ngayong hapon dahil sa ginawa ko kanina.
Dumire-diretso lang ako, hanggang sa makita ko na ang tulay.
Mula sa malayo, nakita ko si Avery. Nakahawak siya sa railing at nakasandal din doon ang bike niya. Nakatitig siya sa araw. Hinahangin ang buhok niya.
Napalingon siya sa 'kin nang maramdaman niyang nandoon na ako.
"Uy."
Mapait ang ngiti ni Avery. Sa ilalim namin, tahimik at payapa ang paggalaw ng ilog.
Alanganin akong ngumiti.
Humawak din ako sa railing at tumitig pabalik sa araw. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinapunta rito. Kung bakit siya nakipagkita sa 'kin. Kung bakit bigla siyang nawala, o kung bakit siya umiyak sa harap ni Roxie.
Ang dami-dami kong tanong . . .
Pero nanatili lang akong nakatayo at nakatitig sa araw.
"Alam mo bang masama ang makipag-away?"
Nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Naalala ko kung paano ako nagkamali sa pagsuntok kay Kuya Paco at aksidente kong nasapak ang lupa.
May kakaibang init sa mga daliri ni Avery. Pinagmasdan ko siya at may lungkot sa mga mata niya habang nakatingin sa sugatan kong kamay.
"Kitaro . . ." sabi niya. May kinuha siya sa basket ng bike niya — band-aid at cotton. "Hindi ka talaga nag-iisip."
Napahigop ako ng hangin nang pinatakan niya ng alcohol ang sugat ko. Nagawa kong sumilip sa bike niya at mayro'ng maliit na pouch doon.
"Nakuha ko 'to kay Nanny Wina kanina," mahinang sabi niya. "Nakita ko kasing sobrang lala ng sugat mo." Tumawa siya. "Akalain mo 'yun. Marunong ka pa lang manakit."
"Avery."
Nakita kong napalunok siya. Nilapit ko ang sarili ko sa kanya at napahinga siya nang malalim doon. Hindi siya tumingin sa 'kin. Nagpatak siya ng betadine sa kamao ko at pinunasan ng cotton, bago dampian ng band-aid.
"Avery," banggit ko. Umangat ang tingin niya sa 'kin. "S-Sino ka ba talaga?"
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya, at umiwas siya ng tingin.
"Ano . . . a-ano ang tinatago mo sa amin?"
Dahan-dahan kong hinawakan ang kamay niya. Napatitig ako sa magandang pigura ng mukha niyang kabisado ko na noon pa; sa hugis ng ilong, kulay ng mga mata, sa haba ng buhok — kaparehas na kaparehas sa babaeng nakilala ko sa palaruan noong nakaraang summer.
Pero ang babaeng 'yon at ang babaeng nasa harap ko ngayon ay dalawang magkaibang tao.
"Kitaro," sabi niya. "Ayaw mo ba . . . na ganito ako?"
Natigilan ako bigla.
"Ng . . . itim na damit? Electric guitar? Buhaghag na buhok?" sabi niya. "Kitaro."
Hindi ako makasagot. Natigilan ako sa kinang ng mga mata niya sa tapat ng araw. Natigilan ako sa pagpiyok ng boses niya dahil sa pinipigilang iyak. Sa mga sinabi niya, lahat may tumama sa kung saan sa dibdib ko.
Masakit.
Sa harapan ko, inaamin niyang hindi siya si Avery . . . pero ang inaasahan kong galit na mararamdaman ko, hindi ko naramdaman.
"K-Kung nalaman mo bang nagsisinungaling ako," sabi niya. Biglang tumulo ang luha niya. "Iiwasan mo ba ako?"
Madalas, nauuna ang mga aksyon ko kaysa sa mga sinasabi ko. Nasaktan ako nang marinig ko ang sakit sa boses niya. Nang makita ko kung paano nahulog ang luha niya, ang nagsusumamong mga mata.
Kaya nakita ko na lang ang sarili kong hinila siya para yakapin.
Nagulat siya sa ginawa ko, pero hindi siya gumalaw. Bagkus, umiyak lang siya sa dibdib ko. Umakyat ang mga kamay niya at napakapit sa laylayan ng damit ko habang umiiyak siya, at mas hinigpitan ko ang yakap.
"Hindi, Avery," sabi ko. Ipinatong ko ang ulo ko sa kanya. "Hindi . . . 'wag mo nang iisipin 'yan ulit."
"Kitaro . . ."
Nagsinungaling siya sa amin. Ano naman? May sinisikreto siya. Ano naman? May dahilan siya. Alam kong may dahilan. Hindi ko pa alam pero alam kong maiintindihan ko rin. Masyado nang mabigat ang mga dala dala ni Avery at hindi na ako dadagdag pa ro'n. Ang maaari ko na lang gawin ay makinig, intindihin siya, at siguraduhin sa kanyang hindi ko siya iiwan.
Mas galit lang ako sa sarili ko kasi hindi ko napansin noong una pa lang. Sana mas nasamahan ko siya.
Ang dami kong gustong sabihin at tanungin: sorry? Salamat? Marami.
Pero bago pa man ako makapagsalita, humiwalay na siya sa pagkakayakap ko.
Umangat ang tingin niya sa 'kin na may kaparehas na ningning ng lungkot.
"Kitaro," sabi niya. Tiningnan niya ako nang diretso sa mga mata.
Dahan-dahan, tumingkayad siya.
At sa lasa ng luha at ng hininga niya, naramdaman ko ang labi niyang nakadikit sa 'kin. Napakapit siya sa damit ko. Nang magdikit ang labi namin, wala na akong ibang narinig.
Parang puting ingay. Parang nawala lahat ng iba pang bagay sa mundo at kami na lang ang natira.
Parang humaba nang humaba ang takipsilim. Hinawakan ko siya sa likod. Dinama ko ang kamay niya. Bumilis ang ritmo ng puso ko.
At natapos ang lahat.
Siguro, isa sa mga imaheng hindi ko makakalimutan ay ang mukha niya ngayong takipsilim. Luha sa pisngi. Basang pilik mata. Kumikinang na mga matang kulay tsokolate.
Parang gusto ko na lang ulit mabingi nang narinig ko ang sunod niyang sinabi.
"Kitaro," sabi niya. "Iwan mo na 'ko."
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro