Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

14

14 // last

>>

HINDI KO ALAM kung ano ang sinabi ni Roxie para maging ganito ang reaksyon ni Avery, pero kung ano man 'yon, alam kong malala.

Nanlalaki pa rin ang mga mata niya habang patuloy na lumuluha ang mga mata niya. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin. Para akong binabasag.

Nang binabasag.

Nang binabasag pa.

Gusto ko siyang hawakan, patahanin, yakapin, pero hindi ko magawa. Nanatili lang akong nakatayo at pinapanood siyang lumuha sa harapan ko.

"A-Avery, ayos ka lang ba?" tanong ni Santi.

Hindi sumagot si Avery. Mabilis siyang yumuko saka tumalikod sa amin.

"S-Saglit," sabi niya. Pinunasan niya ang mga luha niya bago ulit siya humarap. Namumula ang mga pisngi niya at ang mga pilikmata niya, basa ng luha. "Mga chismoso ba talaga kayo?"

Ngumiti si Kyle, at lumapit sa kanya. Matangkad si Kyle kaya pinatong lang niya ang palad niya sa tuktok ni Avery.

"Ano'ng ginawa sa 'yo ng babaeng 'yun?" tanong niya.

Umiwas ng tingin si Avery saka inalis ang kamay ni Kyle sa ulo niya.

"Wala 'yun," sabi niya.

"Pero umiyak ka," sabi ni Jiyo.

"N-Nag-aalala kami," sabi ni Paul. "Hindi naman sa ano kasi parang . . . iniiwasan mo kami. Simula kahapon. Tapos ngayon ito naman. May nangyari ba?"

Hindi siya sumagot. Ngumisi lang siya sa amin. "Miss n'yo lang ako e."

"Oo naman!" sabi ni Santi. "Ikaw yata best vocalist namin!"

"Siyempre, ako lang naman kasi vocalist n'yo," sabi ni Avery saka inikot ang mga mata. Tumawa sila.

"Ano nga?" pilit ni Paul. "May nangyari ba? Pwede mo naman kami sabihan, Avery."

Bumuntonghininga si Avery saka natahimik. Napatingin siya sa paanan niya saka nagkamot ng palad. Umangat ang tingin niya sa amin at nakangiti na siya.

"Pinagbawalan na 'ko nila Kuya Lucas e. Bantay sarado na 'ko. Hatid-sundo ulit."

"B-Bakit?" tanong ni Santi. "Simula ba noong Biyernes?"

"Ano ba, may mga mas malalaki pang inaalala," sabi ni Avery. "K-Kaya . . . sorry."

Nanlaki ang mga mata ko.

"Baka hindi na 'ko makasali sa banda."

Mainit ang tanghali ngayon pero parang biglang lumamig ang paligid. Nablangko bigla ang isip ko at walang nagrehistro sa utak ko kundi ang panginginang ng mga mata niya.

"J-Joke 'yan, 'di ba?" sabi ni Kyle.

Yumuko si Avery.

"S-Sorry."

"Walang ganyanan," sabi ni Santi. Tumawa siya nang kaunti. "M-May performance tayo, o. Sayang naman."

Tumawa si Avery. "Ano ba kayo? Hindi lang naman ako nag-iisang marunong kumanta rito—"

Umiling-iling si Kyle saka siya nilapitan. "Ikaw lang ang perfect para sa band, Avery," sabi niya habang hawak sa mga braso si Avery. "Wala na akong ibang ma-imagine na vocalist ng Strong Strums except sa 'yo."

Napakurap-kurap si Avery habang nanginginang ang mga mata niya. "W-Wala naman tayong magagawa," sabi niya. Napatingin siya sa ibang lugar.

Hindi ko pa rin magalaw ang mga paa ko, o maialis ang tingin ko sa kanya.

"Kakausapin namin sila."

"Oo nga, Avery."

"Hayaan mo na kami."

"U-Umayos nga kayo!"

Hindi na nagiging klaro sa utak ko ang mga naririnig ko sa kanila. Mabilis ang tibok ng puso ko at takot na takot ako sa mga susunod na pwedeng mangyari at hindi ko mapigilan 'yon.

Ang lungkot na sobrang tagal ko nang nakikita sa mga mata niya, bumalik. Ang takot. Ang pagsarado ng mga pinto niya.

Sa loob ng pitong taon, unang beses ko lang nakitang tumawa siya nang malakas. Mag-bike nang mabilis. Sumigla ang mga mata. Sumigaw sa saya. Nangyari 'yon lahat at nasaksihan ko 'yon lahat noong simula nang sumali siya sa banda namin.

Halata sa mga mata niya ang takot noong unang beses; ang pag-aalinlangan at kaba . . . pero nagawa kong hawakan ang kamay niya at hilahin papunta sa mundo namin — at sa mundong 'yon, ngumiti siya.

"Avery," banggit ko. Unang beses ko lang nahanap ang boses ko simula kanina pa.

Lumipat ang tingin niya sa 'kin, at mas lalong nanginang ang mga mata niya. Parang napigilan niya ang pagtulo no'n pero umusbong ulit nang magtama ang mga mata namin. Dahan-dahan ko siyang nilapitan at inabot ng kamay ko ang kanya.

"Anong drama 'to, mister?" sabi niya. "Huwag ka ngang mag-inarte na akala mo mawawala ako sa school na 'to. Ang OA n'yo lang."

"Hindi mo naman gusto 'to, 'di ba?" tanong ko. "Sabihin mo. 'Di ba, hindi?"

Nanlaki ang mga mata niya. Hinihila niya ang kamay niya pero hinihigpitan ko ang pagkakahawak doon. Sapat na higpit lang para hindi siya masaktan.

"K-Kitaro."

"Sabi mo sa 'kin, ayaw mo nang pinapamunuan ang mundo mo." Mataman ko siyang tiningnan sa mga mata niya.

Lumuha siya ulit.

"Sabi mo, sumasalungat ka sa sinasabi ng iba sa 'yo," sabi ko. Binitawan ko na ang kamay niya. "Avery . . ."

"Kitaro, tama na 'yan," sabi ni Paul. "Kung nadidismaya ka, mas nadidismaya siya."

Natauhan ako sa sinabi ni Paul. Umatras ako. Tiningnan ko ulit sa mga mata si Avery at nakatingin lang siya sa 'kin. Para siyang nagsusumamo. Nalulungkot. Naghahanap ng kasama. At sa pagtingin ko sa mga mata niya, parang mas nasasaktan ako lalo.

Sandali lang nakalaya si Avery — napakabilis naman masyado ng panahon bago siya ikinulong ulit . . . sa mundo niyang hindi naman niya gusto.

--

SA DULO, NAKAHANAP si Paul ng ibang vocalist ng Strong Strums. Hindi naman kami gaano sikat para maging mahalaga ang pagbabagong 'yon, pero nag-a-adjust kami.

Siya si Dawn. Kumakanta siya at hindi napasama ang bandang pinanggalingan niya sa top five, kaya nag-disband sila.

Mabilis na dumaan ang oras at dumating ang araw ng event.

Sa nakalipas na linggo, hindi na nagtatagpo ang landas namin nina Avery. Ang sabi niya, aalis lang siya ng banda at hindi mawawala, pero parang nawala na rin siya. Iniwasan na niya kami, hindi dinadapuan ng tingin, at pagkapatak ng uwian, dumidiretso siya sa gate para hintayin ang sundo niya.

Hindi ko mapigilan ang sarili kong hindi makaramdam ng pag-aalala.

Buwan na ng August, at ngayon ang unang Biyernes. Event ngayon ng mga taga-San Sebastian at nakikisali ang university sa pagdiriwang. May mga bumibisitang taga-Maynila at kumukuha ng mga litrato. Sa stage, may mga sumayaw, kumanta, tumula, o nag-magic.

May mga nakasabit na bandiritas na nakapalibot sa buong school. May mga nakatayo ring food stalls na gawa ng Cookery Club. Hindi maaraw kaya masayang gumala-gala, kaso hindi naman namin alam na sobra pala sa pagiging strikta si Dawn at ni makakain ng kakarampot na biskwit, hindi niya kami pinapayagan.

"Performance natin ito!" sigaw niya. "Dapat, all out!"

Nasa loob kami ng classroom at nakatayo siya sa isang upuan. Sa quadrangle, may nagsasayaw na naman. Isang oras na lang at kami na ang magpe-perform.

"Paano kami mag-a-all out kung gutom?!" sigaw sa kanya ni Santi.

"Gutom?! Kakakain n'yo lang!"

Napahinga ako nang malalim habang nakaupo sa isang upuan katabi ni Kyle. Napatingin ako sa paligid, at nginitian ang mga kaklaseng nagsasabi ng good luck.

Alas-nuwebe na pala ng umaga. Tatlong oras ko nang hinahanap si Avery.

Hindi ko siya makita.

Lumabas muna saglit si Dawn dahil sabi niya hinahanap siya ng mga kaibigan niya.

"Huh! Nagkamali yata tayo ng pinasali!" sabi ni Santi kay Paul. "Potek, kung makautos akala mo band manager!"

"Hayaan mo na nga," sabi ko. "Buti nga pumayag siya, e."

"Malamang papayag siya — vocalist 'yun, e." Napagulo ng buhok si Santi. "Kung si Avery pa rin sana ang kasama natin . . ."

"Umayos nga kayo," sabi ni Jiyo. "Magpasalamat na lang tayo kay Dawn."

Nanahimik ako sa sinabi ni Santi. Totoo namang mabait at strikta si Dawn, pero . . . siyempre, natural na hahanap-hanapin namin si Avery.

"Hindi bale," sabi ni Kyle. "Sabi naman ni Dawn, aalis din siya ng banda pagkatapos nito."

"Ay weh?" sabi ni Paul.

"Ha?" sabi ko. "Edi sino na lang vocalist natin?"

"Kitaro," sabi ni Kyle saka 'ko inakbayan. "Hindi naman na siguro tayo tutugtog ulit."

Nagtataka lang akong nakatingin sa kanya pero nagsalita siya ulit. "Hindi Strong Strums and Strong Strums nang walang Avery!"

Napatingin na lang ako sa hawak kong drumsticks at naalala si Avery.

"Huy."

Nanlaki ang mga mata ko at agad na napaangat ang tingin.

Hindi ko alam kung nananaginip ako, o ano . . .

May suot na itim na shirt si Avery saka skirt. Nasa likod niya si Dawn na nakangiti.

"Sabi kasi niya . . ." sabi ni Avery. "Last performance naman na raw."

Ngumisi si Dawn.

Nagsigawan kaming lahat. Dinumog nina Santi, Paul, at Kyle ng yakap si Avery. Nanatili akong nakatayo sa harapan niya, nakangiti nang malawak.

"Woo-hoo!"

"Thank you, Dawn!"

"Yes!"

Tumalon-talon pa si Kyle habang sinusuntok ang hangin.

Napatingin sa 'kin si Avery. Nakangiti siya nang totoo at kumikinang ng galak ang mga mata niya. Lumapit siya sa 'kin.

Nabigla ako nang inabot ng hintuturo niya ang kanang pisngi ko. Inangat niya ang balat no'n.

"Ngumiti ka nga," sabi ni Avery. "Nakakasura ka kapag nakasimangot."

Pakiramdam ko, may nagsasabugang fireworks sa dibdib ko. Parang biglang may namuong apoy na pumuputok-putok. Matapos ang isang linggo, nakita ko ulit ang totoong ngiti ni Avery at naramdaman ko ulit ang lagi kong nararamdamang saya kapag nandiyan siya.

Ngumiti ako sa kanya saka hinawakan ang hintuturong nasa pisngi ko.

"'Wag ka na kasing umalis . . ."

--

PARA SA 'KIN, matagal na ang apat na minutong pagkanta sa stage. Mula sa kinauupuan ko, naghampas ako ng drums kasabay ng musika na binubuo ng mga kaibigan ko na nilalapatan ni Avery ng himig niya. Nakatingin ako sa kanya buong performance — kung paano siya umikot sa stage, kung paano niya hawak ang mikropono, kung gaano kaganda ang boses niyang lumalabas sa speakers, kung paano niya hinahawi patalikod ang mahaba at itim niyang buhok.

Lahat sa kanya, hinangaan ko.

Nang matapos ang kanta, hinihingal kaming lahat. Nakatingin siya sa kumpol ng mga taong nanunuod, may ngiting nakapaskil sa labi niya. May kakaibang kinang ang mga mata ni Avery, at kita ko kung paano siya pumikit.

Dinama ang sigawan ng mga tao.

Habang nakatingin sa kanya, hinihiling ko na sana magkaroon pa ng maraming ganitong pagkakataon — na makakasama namin siya, na makikita namin siyang nakangiti, na sabay-sabay kaming magpe-perform sa harap ng maraming tao. Tama si Kyle, hindi Strong Strums ang Strong Strums nang walang Avery, kaya sana 'wag na siyang umalis pa.

Dahil hindi ko na kakayaning panoorin ulit siyang tumakbo papalayo.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro