13
13 // roxie
>>
"PARA KASING ANG biglaan, alam n'yo 'yon?"
Bumagsak ang noo ko sa lamesa sa tinanong ni Kyle. Ayoko na lang mag-isip. Parang kapag naaalala ko lahat ng nangyari, ang sarap na lang matulog.
Habang yakap ko siya.
Inuntog ko ang noo sa lamesa. Tsk, Kitaro, ang halay mo.
"Parang ayos lang naman kasi siya no'ng nakaraan," sabi ni Paul. "Hanggang no'ng nalasing siya."
Pinikit ko nang mariin ang mga mata ko.
"'Yon nga mismo kasi ang dahilan," sabi ni Santi. Nakabukas ang libro niya para sa quiz daw mamaya, pero hindi rin siya maka-focus. "Kaso parang may iba pa. Kasi isipin n'yo . . ."
Napaangat ang tingin ko para tingnan si Santi. 'Yon din ang ginawa nila.
"Kung talagang ini-striktuhan siya," sabi niya. "Sana sinundo siya kanila Jiyo."
Nanahimik kami saglit pero nagsalita si Paul. "May sinabi siyang oras," sabi niya. "Sabi niya hanggang alas-kwatro lang siya. Baka ini-set 'yon ng mga kasama niya sa bahay nila. At kilala n'yo naman si Avery, matigas ang ulo. Baka ayaw niyang magpasundo."
Tuluyan akong napatayo nang matuwid nang magsalita si Jiyo.
"Hindi niya naman alam na may practice kahapon," sabi ni Paul. "Biglaan lang siyang nag-decide na alas-kwatro niya kailangang umuwi."
"Hindi rin siya nagpahatid," sabi ko.
Nanahimik ulit kaming lima.
Maya-maya, bumuntonghininga si Kyle.
"Well," sabi niya habang inaayos ang buhok sa salamin. "She's always been mysterious naman."
Tumango-tango kami.
"Buong buhay ko, lagi ko siyang nakikitang tahimik at mahinhin," sabi ni Paul. Biglaan siyang ngumisi. "Hindi ko alam na may tigre pala sa kanya."
Nagtawanan sila. Hindi ko magawang makitawa sa kanila, lalo na at sa aming lima, ako lang naman ang nakarinig ng sinabi niya sa 'kin, kaya kung may isa man sa aming mas nababagabag, ako 'yon.
Nakakainis ka, Avery.
Bago kami makabalik sa rooms namin, sumigaw si Kyle.
"Practice mamaya! Kanila Jiyo ulit!" sigaw niya.
"Yes boss!" sigaw ko.
--
HINDI KO ALAM kung ano'ng problema pero tulog na naman si Avery.
Napatingin sa kanya ang teacher namin sa Political Science at umiling.
"I was told that Ms. Vescilia is a bright student," sabi niya. "Fake news, I assume?"
Tahimik lang ang buong klase. Napatingin ako kay Avery at napakagat ng pang-ibabang labi para pigilan ang ngisi nang nakakunot na bigla ang noo niya. Kinalabit ko si Jiyo.
"Well," sabi ni Sir Martin. "Sometimes the brightest ones meet their own downfalls, too."
"Tingnan mo si Avery," sabi ko.
Napatawa kami ni Jiyo dahil biglang kumuyom ang kamao ni Avery.
"Sometimes, maybe," patuloy ni Sir. "We . . . we lie to ourselves."
Napatingin ako sa kanya.
"Sometimes in order to be bright, we pretend to be other people. Imitate them," sabi niya. "Fake ourselves and try to . . . to imitate their own kind of brightness. Which is wrong."
Dahan-dahang nalipat ang tingin ko mula kay Sir papunta kay Avery. Nakayuko na siya at nakatago ang mukha sa magkapatong niyang braso.
Habang nagliligpit ng mga gamit, nagsasalita pa rin si Sir Martin.
"We, people, should be honest. True to ourselves. Make our own kind of selves. Your own kind of you," sabi niya. "Kasi if you can't be true to yourself, how can you be true to other people?"
Pumalakpak ang inaasahan kong magiging top one ngayong school year, at sumunod ang iba ko pang mga kaklase. Hindi nagtagal, nagpaalam na siya. Si Sir Martin ang kahuli-hulihang teacher namin.
Nagulat na lang ako dahil kakahawak ko pa lang sa bag ko, nakalabas na si Avery ng kwarto.
Mabilis kaming tumayo ni Jiyo saka siya sinundan.
"Uy, Avery!" tawag ko, pero hindi niya na naman ako pinansin kaya nakatayo lang ako habang pinapanood ang likod niyan.
Nakasalubong namin ni Jiyo sina Paul, Kyle, at Santi nang palabas ng building.
"Oh, sa'n si Avery?" tanong ni Santi bigla.
Napakamot ako ng ulo.
"P-Parang . . . parang bad mood, e."
"Wala namang good mood 'yon!" sabi ni Kyle.
"Oh, asa'n na?" hanap ni Paul.
"Lumabas kasi siya agad," sabi ko. "Buong klase hindi namin siya nakausap. Hindi ko alam kung ano'ng problema."
Gumuhit ang pag-alala sa mga mukha nila. Isang buwan at mahigit pa lang naming nagiging kaibigan si Avery, pero hindi naman namin maitatangging naging sobrang malapit talaga kami sa kanya. Bukod sa pagiging bandmate at pagkukumpleto niya sa bandang pinangarap namin, naging kaibigan din namin siya.
Hindi ko inaasahang p'wede pala sa buhay mo na maaaring bukas ka para sa ibang tao. At minsan sa pinakamagandang pagkakataon, makita mo na lang na may napagbuksan ka palang isang taong pwedeng baguhin ang timpla ng buhay mo.
Sa loob ng pitong taon, si Avery ang pangarap ko.
Pero bakit simula nitong mga nakaraang araw, pakiramdam ko, sa loob din ng pitong taon, kasinungalingan lang lahat?
"May mali talaga rito," sabi ni Paul. "Sundan ba natin siya?"
Biglang nangati ang mga paa ko para hanapin si Avery.
"Hindi ba parang bigla tayong manghihimasok sa kanya?" sabi ni Kyle. "Baka hindi niya magustuhan, y'know. Mukha kasing gusto niya talaga mapag-isa."
"Hindi niya magugustuhan kung makikita niya tayo," sabi ni Santi saka ngumisi.
Nag-apir sila ni Paul.
Bago pa sila magtagal, nauna na 'kong maglakad para hanapin siya.
Malawak ang SU. Hindi ko alam ang sukat, pero merong limang buildings, isang garden, isang court, gymnasium, at malawak na grounds. Malaki masyado pero madali lang naman siguro siyang hanapin.
Naiintindihan ko ang punto ni Kyle na baka hindi 'to magustuhan ni Avery kapag nalaman niya. Si Avery kasi, sa nakikita ko, mahilig magsarili. Mahilig magtago. Baka ang ginagawa namin ay parang pagsipa ng pinto ng bahay niya habang tahimik siyang umiinom ng kape. Nanghihimasok ng privacy at paraan niya ng pag-handle ng buhay.
Siguro masama ring pilitin na malaman kung ano man ang pinagdadaanan niya, na umabot sa puntong susundan o hahanapin namin siya. Bakit kasi ayaw niya kaming kausapin? Makikinig naman kami.
Ano kaya 'yung dahilan niya . . . iyon kaya?
Dahil hindi siya si Avery?
Napalunok ako.
Pakiramdam ko sumabog na lang ako.
Kasi pitong taon ko na rin siyang nakikitang malungkot at dahil hindi kami magkakilala, nanatili ako sa linya ko bilang estranghero sa buhay niya. Ngayon, nalampasan ko na ang linya na 'yon.
Kaibigan na ako.
At pakiramdam ko may responsibilidad ako sa kanya.
Para sa iba, mali ang ginagawa namin, pero mabuti na lang at iyon ang desisyong napili naming gawin.
"S-Si Avery ba 'yon?" sabi ni Santi.
"Si Roxie!" sabi ni Paul. "T-Teka . . ."
Nakita namin sila sa garden. Maraming tanim na gulay rito at may mga puno ng mangga. Nagtago kami sa likod ng gate ng garden. Nakakunot ang noo ko habang tinitingnan sila.
Tila bumagsak yata ang dibdib ko.
"Nag-aaway sila," sabi ni Jiyo.
Nagsasalita si Roxie. Mabilis at pasigaw siyang magsalita, pero wala akong naiintindihan sa mga sinasabi niya.
Mula sa kinatatayuan ko, nakikita ko si Avery.
Takot.
Takot na takot na si Avery.
"Avery," banggit ko.
Nanginginig ang mga kamay niya.
Nagulat na lang ako nang biglang pumasok si Paul sa garden. Mabilis ang mga yapak niya dahilan para mapalingon sa kanya ang dalawang babae. Nakakunot ang mukha ni Paul at tinago si Avery sa likod niya.
Mataas ang kilay ni Roxie habang tiningnan si Paul mula ulo hanggang paa. Nang makita niya kami, mas lalong lumukot ang mukha niya.
"Mga uto-uto," sabi niya at nilampasan kami.
Hindi na namin pinansin ang babae na 'yon at dali-dali kaming pumasok sa loob garden. Nanginginig ang mga tuhod ko habang binubuhat ang sarili papunta doon. Hindi ko siya nagawang protektahan gaya ng ginawa ni Paul. Nanginig lang ako at pinagmasdan siyang matakot.
Anong klase ako?
Halos hindi ako makapaniwala sa nakita kong ekspresyon ni Avery nang makalapit ako.
Malaki ang mga mata niya sa halatang takot at nanginginig ang pang-ibabang labi ni Avery pati ang mga daliri niya.
Para akong hinampas ng malakas na kirot habang pinanood kong tumulo ang mga luha niya.
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro