12
12 // confront
>>
HINDI SIYA SI Avery.
'Yon ang sabi niya sa 'kin.
Malamlam ang mga mata niya at mababaw ang boses. May tumulong luha sa sahig. May amoy ng alak sa mainit niyang hininga.
Hindi ako nananaginip nang nangyari 'yon.
May agad na kumatok sa pinto at pinagbuksan ko 'yon. Mayro'n akong nakitang babaeng nakasuot ng isang pang-maid na damit, at alarmado siyang napatingin kay Avery pati sa 'kin. Dahan-dahan kong ipinasa si Avery sa kanya, kahit pa binalak ko nang ako na lang ang maghatid sa kanya sa kotse.
"S-Salamat, hijo," ang sabi niya sa 'kin. Ngumiti siya nang bahagya. "Hindi na sana 'to maulit."
Kinabahan ako sa titig ng matanda. Yumuko siya nang kaunti bago tuluyang lumabas ng bahay.
Nangyari 'yan noong nakaraang araw, at hanggang ngayon, binabagabag pa rin ako tungkol sa nakakalitong sinabi sa 'kin ni Avery.
Lasing siya. Paanong magiging totoo ang sinabi niya no'ng gabing na 'yon? Pero iyon na rin kasi ang punto — lasing siya. Minsan ang lasing pa ang mas may kakayahang magsabi ng totoo.
Umuulan na naman at nakatitig ako sa kisame ko. Wala na naman si Kuya Paco at walang nagtitinda ng bakery sa baba. Parang wala na akong pakialam sa mga bagay bagay at gusto ko na lang matulog.
Napabuntonghininga ako.
--
NANG DUMATING ANG Lunes, umarte na lang ako na parang walang nangyari. Lasing naman si Avery no'n at nangangarap na lang akong sana wala siyang naaalala.
Pero nang pumasok si Avery no'n, parang may mali na naman sa kanya.
Hindi na namin pinili ni Jiyo na tumabi sa kanya, kasi halos kita na namin ang itim na awra niya. Walang emosyong nakalagay sa mukha ni Avery at nakadungaw lang siya sa bintana. Ni noong pumasok nga siya ng kwarto, hindi niya kami dinapuan ng tingin — parang hindi nangyari ang nangyari noong Biyernes ng gabi.
Bigla kong naalala ang maliwanag niyang ngiti at ang paraan ng pagkanta niya sa entablado kasama namin, at mas lalong may kumirot sa dibdib ko.
Napabuntonghininga na naman ako.
Nang mag-recess, hindi siya sumama sa amin. Tulog si Avery sa desk niya ay nang tangka ko siyang gisingin, hindi siya kumibo.
"Nasa'n si Avery?" tanong ni Kyle.
"Sa puso ko," sagot ni Santi.
"Hindi siya sumama sa 'min, e," sabi ni Jiyo.
Napaangat ang tingin ni Paul sa phone niya saka nakakunot ang noong tumingin sa aming dalawa. "Ano'ng hindi sumama?"
Nagkibit-balikat ako. "Tulog kasi siya."
"Mga par!"
Napakislot kaming apat sa biglaang pagbagsak ng palad niya sa lamesa saka sa dumagungdong niyang boses.
"Naniniwala ba kayo do'n, sa kanya?!"
Napaiwas ako ng tingin. Napaisip akong baka iniiwasan lang ako, o kami, ni Avery. Pero masisisi ba nila ako? Hindi naman nila narinig 'yung sinabi ni Avery sa 'kin nung gabing 'yon. Hindi sila nalilito gaya ko.
"May sasabihin pa naman sana ako," sabi ni Kyle. Bumuntonghininga siya. "Well, hindi na bale." May kinuha siya sa bag niya saka nilapag sa lamesa 'yon. "Pinapa-perform tayo . . . ulit!"
Saglit na nakalimutan si Avery saka nagsigawan sina Paul, Santi, at Kyle. Napangiti kami ni Jiyo.
"Actually, may ginawa kasing top five bands from auditions, at pang-fourth tayo," sabi ni Kyle. "Hindi ba masaya 'yon?"
Nagsigawan ulit kaming lima. Habang nagsisigawan, nakita ko, sa grounds, naglalakad si Avery. Napangiti ako saka tumayo at tinawag siya.
"Avery!"
Kaso hindi niya yata ako narinig — o sadyang ayaw niya lang akong pansinin. Napahinga naman ako nang malalim saka bumalik sa pagkakaupo. Nakatingin din ang apat sa kanya saka hindi na nagsalita.
"Sa next week pa naman," sabi ni Kyle, bumabalik ang tingin sa lamesa. "May event kasi sa August. At isa tayo sa mga intermission numbers!"
Ayos lang naman kahit parating na ang exams, kaya tuwang-tuwa pa rin kami.
"At dahil next week na rin naman na 'yon, kailangan na sana nating mag-practice."
Napabuga ng hangin si Santi. "E? Bakit pa?"
Bumagsak naman ang noo ni Jiyo sa lamesa. Hindi naman ako dismayado dahil ang ibig sabihin lang no'n, makakasama ko pa si Avery.
Kumunot ang noo ni Kyle sa amin. "Hoy! Magsi-ayos nga kayo!" sabi ni Kyle. "Parang hindi n'yo 'to pinangarap, eh, ano?!"
"Sige na, sige na!" sabi ni Paul. Nilapag niya ang phone niya sa lamesa. "Dapat kasi nandito si Avery, e."
"Puntahan natin siya later," sabi ni Kyle saka tinupi ang papel. "Hindi pwedeng hindi siya makapag-practice, ano!" Kumuha siya ng perfume sa bag niya saka nag-spray na naman.
"Nyare ba?" sabi ni Santi. Napatingin kami sa kanya. "Parang okay lang naman siya bago kami umalis sa sala."
Napaiwas na naman ako ng tingin.
"What if!" sabi ni Kyle. "What if noong naabutan siyang lasing ng maid nila, pinaiwas siya sa atin?"
May kumirot sa dibdib ko sa sinabi niyang 'yon.
Hindi na sana 'to maulit, sabi ng matanda.
"Nananahimik 'yong may alam," sabi ni Jiyo na nagpaparinig sa akin habang nakapikit ang mga mata.
"Tsk," sabi ko. "W-Wala."
"May wirdo bang nangyari?"
Bumuntunghininga ako ulit saka binalik ang tingin sa kanila.
"Oo, medyo."
Sabay-sabay ang panlalaki ng mga mata nila noong sinabi ko 'yon. Maski si Jiyo, napabangon mula sa pagkakayuko.
"Dumating 'yung maid nila," sabi ko. "Saka sinabing sana 'di na 'yon maulit. Kung pag-iinom o pagtugtog, hindi ko alam."
Dahan-dahan silang tumango.
"Sabi na nga't 'di na sana siya sumama, e," sabi ni Santi.
"Baka mapahamak siya," sang-ayon ni Jiyo.
"Paano practices natin? Kawawa naman si Avery," sabi ni Kyle saka nalungkot ang mukha. "Sana pala personal nating kinausap iyong mga nagbabantay kay Avery. Obviously, times two ang protection sa kanya. Parang prinsesa na 'yon, e."
"Nakakatawa 'yon. Baka nga hindi natin mahawakan maski gate nila," sabi ni Paul.
"Kilala n'yo naman siguro si Avery," sabi ni Jiyo. Yumuko ulit siya sa lamesa. "Gagawa siya ng paraan."
--
NILAPITAN NAMIN SI Avery nang uwian na. Tumingala siya at tiningnan kami ni Jiyo, bago kumunot ang noo niya.
"Ano na naman?"
Unti-unti nang naglalabasan ang mga kaklase namin. Tunog ng mahihinang pag-uusap at tawanan nila pati kuskos ng upuan sa sahig ang naririnig.
"Sungit, Avery," sabi ko.
Tumawa siya. "Bakit nga?"
"May practice," sabi ni Jiyo.
Natigilan si Avery at humarap sa amin.
Nanlalaki ang mga mata niya pero nawala rin 'yon. "Ha?"
Ngumisi ako sa kanya saka nilapag ang palad sa desk niya. "Magpe-perform tayo next week, sa event."
Kuminang ang magagandang mga mata ni Avery. "Talaga? Bakit?" tanong niya. "Pa'no nangyari 'yun?"
"Ah," sabi ko. "Mahabang kwento."
Kinunotan niya 'ko ng noo pero tumawa na lang ako.
"Tara na. Naghihintay sila doon sa tambayan." Alanganin siyang nakatingin sa 'min. Tiningnan lang din namin siya. "Ano na?"
"Sige," sabi niya saka tumayo. Sinamaan niya kami ng tingin. "Pero saglit lang dapat ako."
Naalala ko ang hinala kanina ni Kyle. "O. B-Bakit?"
Tumakbo na lang siya palabas ng kwarto. "Basta!"
Paglabas namin ng building, agad naming nakita iyong mga pangit. Dahil walang kotseng susundo, nag-bike na lang kaming anim. Buti may bike si Avery sa may parking lot.
Nagtatawanan pa rin kami at nagkukwentuhang anim. Ang pagsundo kay Avery noong gabi ng Biyernes ay nagawan na lang ni Avery ng joke para palabasing hindi naman siguro seryosong usapin 'yon.
Nang makarating kami kanila Jiyo, diretso kami sa studio. Bumili si Jiyo ng soft drinks at nilagay muna 'yon sa ref nila.
"Mukhang hindi ako makakasama sa meryenda n'yo, ah," sabi ni Avery.
Napatingin ang tatlo sa kanya. "Bakit?" kwestyon ni Paul.
Nag-indian sit si Avery sa upuan nila Jiyo. "E," sabi niya. "Pianuuwi na ako nang maaga."
"I-explain mo na lang kaya sa kanila?" sabi ni Santi habang inaayos ang piano.
Pumikit si Avery saka sinandal ang ulo sa sandalan ng upuan. "Sana nga gano'n lang kadali kumbinsihin 'yung mga 'yon."
Napakurap ako. Tinabihan ko siya sa inuupuan niya.
Bumalik na si Jiyo saka nagpamulsa. Nanahimik kaming anim.
"Edi hanggang anong oras ka na lang?" tanong ko.
"Alas-kwatro," sabi ni Avery. Dumilat siya at napatawa nang makita ang mga mukha namin. "Ano ba?! Kaya ko mag-practice sa bahay kaya mag-practice kayo rito nang kayo lang. Para kayong mga engot."
"Iba kasi kapag nandito ka," sabi ko na lang bigla.
Napatikhim si Paul saka Santi bago sila lumabas muna ng studio. Agad akong napaiwas ng tingin.
Nagulat na lang ako nang nakaramdam ako ng batok.
"Baliw," sabi ni Avery. Pero nang tingnan ko siya, nakangiti siya't nakapikit.
Napangiti rin ako.
Maya-maya pa, nagsimula na rin kaming mag-practice. Gumawa kami ng cover ng isang pop-punk song, na Thunder ang title. Lalaki ang vocalist ng Boys Like Girls pero naging maayos pa rin naman kahit babae si Avery. Napili lang namin ang kantang 'to dahil alam na namin kung paano tugtugin, at kabisado naman daw ni Avery.
Hanggang pumatak na ang alas-kwatro.
Nawala na sa studio ang tunog ng drums at electric guitars. Tumahimik bigla at ang naririnig na lang ay ang aircon.
"Sige na," sabi ni Avery saka inayos ang blouse at skirt. Tiningnan niya kami habang pawis at nakangiti siya nang malawak. "Uwi na 'ko. Sabihan n'yo na lang ako kapag may practice ulit."
"Ge, Avery," sabi nila. "Ingat!"
Tumayo na ako mula sa drums saka namin siya sinundan ni Jiyo.
Nang makarating na kami sa gate, humarap siya sa amin. "Sige na."
"Sige, bye," pagpapaalam ko kay Jiyo. Sinara na niya ang gate at hawak ko na ang bike ko nang tinitingnan lang ako ni Avery.
"Sa'n ka?"
Napakurap ako. "Ihahatid ka?"
Tinulak ako ni Avery habang tumatawa siya. "Sira ulo ka ba? Ako na."
"Ihahatid na kita," sabi ko. "Tara na."
"Kitaro."
Natigilan ako sa tono ng boses niya. Napahigpit ang paghawak ko sa manibela ng bike.
"Kaya ko na 'to," sabi ni Avery saka ngumisi sa 'kin. "Sabi ko, 'di ba? Hindi na ako bata."
Nakasakay na siya sa bike.
"Teka, Avery."
Muntik na siyang mag-bike palayo pero napatigil siya. Hindi niya ako nilingon.
Nanatili siyang nakatalikod sa 'kin.
Kumakalabog ang kaba sa dibdib ko habang hawak-hawak ko ang bike ko. Nakatingin lang ako sa buhaghag niyang buhok na hinahawi ng hangin.
"Noong Biyernes."
"Kitaro naman . . ."
"Noong nalasing ka, may sinabi ka sa 'kin," sabi ko. Marahas na umiiling si Avery at nakikita kong humihigpit ang hawak niya sa manibela ng bike. "Sabi mo hindi ikaw . . . hindi ka si Avery?"
"Kitaro, ano ba?"
"Humarap ka naman sa 'kin." Natakot akong baka naging marahas ang boses ko, kaya nanlambot ako nang kaunti. "S-Sorry . . . Avery."
Bigla akong nailang sa tinawag ko sa kanya.
Dumaan ang ilang segundo, isang minuto, walang nagsalita sa amin.
Dahan-dahan, lumingon siya sa 'kin habang may tawa sa labi niya.
"Naniniwala ka pala sa lasing?" sabi ni Avery. "Ano ka ba naman."
Natigilan ako at saglit na nagtaka.
"Sige na, Kitaro," sabi niya. Humarap ulit siya sa kalsada. "Bukas na lang ulit."
Bumagsak ang mga balikat ko at napatingin na lang sa kanya habang nagba-bike palayo.
Kailan ba niya 'ko seseryosohin?
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro