11
note: cigarettes r bad for our health, 'wag tularan si paul !!
11 // drunk
>>
NAGSISIGAWAN KAMING ANIM nang makababa kami sa stage.
Kung anu-ano ang binubulalas namin. Nagtawanan, nag-joke. Malalawak ang ngiti namin. Ang gaan-gaan ng pakiramdan ko. Parang isang mabilis at malinaw na panaginip lang ang lahat. Nagpapatuloy ang concert sa stage, pero mas masayang magsaya dahil natapos na ang first ever performance namin. Hindi sa paraang pinangarap namin noon, pero nangyari.
Medyo sayang lang kasi hindi namin nakausap sina Gab at AJ, pero nagawa naman naming makapagpasalamat ulit kay Jace.
Nasa baba na kami ng stage, bandang likod ng audience. May mangilan-ngilang nag-congratulate sa amin hanggang sa kaming anim na lang ang magkakasama, nang magsalita si Avery.
"H-Hoy."
Humupa bigla ang ingay naming lima, at napatingin kay Avery.
Tahimik siyang nakatayo hindi malapit sa amin. At kung tama ako, nanginginang ang mga mata niya. Nakatingin lang siya sa amin habang nakatayo.
Bigla akong nagulat.
"U-Uy," sabi ko. Nanahimik din 'yong apat.
"B-Baka isipin n'yo, may pakialam ako sa inyo," sabi ni Avery. Suminghot siya. Pero dahan-dahan siyang ngumiti at lumapit sa amin. "Napipilitan lang akong gawin 'to, 'no."
"Kaya ka naiiyak?" sabi ni Jiyo.
Napatawa si Avery. "Kayo ang pinakamaingay at pinakamagulong mga taong nakilala ko e," sabi ni Avery. Para namang may hinahalo sa loob ng dibdib ko. Lumapit pa siya sa amin.
At sa ilang segundo, nakabukas na ang mga braso niya at yakap yakap na niya kami.
"Salamat sa inyo ha."
Napalunok ako nang ilang beses dahil napasandal ang ulo niya sa dibdib ko. Sa sobrang lapit niya do'n alam kong naririnig at nararamdaman niya ang bilis ng tibok ng puso ko. Binalak ko sanang iikot ang mga braso ko sa bewang niya, nang sumigaw si Kyle ng aww, at na-realize kong group hug nga pala 'to.
Umikot ang yakap namin sa kanya hanggang napaloob siya sa yakap naming lima. Tawa nang tawa si Santi.
"Ang cute ni Avery!" sabi niya.
"Narinig n'yo 'yon? Salamat daw!" pang-aasar ni Paul.
"Sulitin n'yo 'yan," matipid na sabi ni Jiyo pero nakangisi.
"Mga baliw!" sabi niya saka tumawa. Ang liit niya pala kumpara sa aming lima — ang cute nga.
Bumitaw na kaming lima sa yakap. Nang tingnan namin si Avery, umiiyak pa rin siya sa mga palad niya.
"Umiiyak pa rin!" sabi ni Kyle. "Group hug ulit!"
"Che!" sabi ni Avery. Hinarap niya ang palad niya sa amin. "Huwag n'yo ko lapitan."
Tumawa naman ako. "Shy, Avery?"
"Manahimik ka diyan."
Nagtawanan kaming anim.
"Ano na? Alas-nuwebe pa lang," sabi ni Paul at tinaas-taas ang parehong kilay. "Shots?"
"'Yun o," bulong ni Jiyo.
"Ehem, si Avery," sabi ni Kyle. "Ehem!"
Napatingin ako kay Avery. "Oo nga, mga par."
"Tsk, hayaan n'yo 'ko!" sigaw ni Avery. "Kaya ko sarili ko. Ano, shots ba? Saan?"
"Avery . . ." sabi ni Santi saka napakamot ng ulo.
"Sigurado ako," sabi ni Avery. "Ang ganda-ganda ng gabing 'to ta's kayo lang magsasaya?"
Sumisigaw pa rin ang audience at kumakanta ang Sickening Under.
"Kasi . . . si Kuya Lucas?" alanganing sabi ni Santi.
Kumunot ang noo ni Avery. "Nagpaalam ako."
"At pumayag sila?" sabi ni Paul.
"Ang mahalaga, nagpaalam ako," pamimilit na sabi ni Avery. Tapos lumambot ang ekspresyon niya. "Sige na kasi."
Nagkatinginan kaming lima. Nakangisi lang si Paul at Kyle.
"Game," sabi ni Paul. "Sa bahay namin."
--
ALAS-NUWEBE Y media nang makarating sa bahay nila Paul. Maganda at malinis ang bahay ni Paul dahil siguro iisa siyang lalaki dito, at tatlong babae ang kasama niya. Nagtataka nga ako dahil kung ano ang ikina-anghel nila, siyang ikina-demonyo ni Paul. Ngayong gabi, wala ang mga kapatid at mga magulang ni Paul kaya solo niya ang bahay. Nagtatrabaho ang isa sa mga ate niya at ang dalawa naman ay nasa Maynila pansamantala. Ang mga magulang naman ni Paul, may trabaho sa bayan, at lingguhan lang ang uwi.
Naupo kaming lima habang inaasikaso naman ni Paul ang mga inumin. May mga alak kasi ng Papa niyang nakaimbak sa ref. Mabait naman si Kuya Lito kaya okay lang.
"Isa pang kuda tungkol kay Shanti Dope," sabi ni Santi.
Humalakhak si Kyle. "Gusto ko lang kasing iparating na ang pangit ng taste mo."
Napakagat ng labi si Santi habang nakangisi saka sinugod si Kyle ng kutos.
"Aray!" sabi ni Kyle.
"Bawiin mo sinabi mo!"
"Sino ba si Shanti Dope?" tanong ni Avery.
"Siya lang naman ang pinakamag—"
"Pinaka-toxic na singer sa music industry," putol ni Kyle. Nagpatuloy ang pikutan nila ng tenga.
Tumawa naman si Avery nang malakas. "Bakit naman natawag na toxic?"
"Hindi siya toxic!" depensa ni Santi. "Ini-introduce niya ang bagong sining ng musika!"
"Manahimik ka na nga, Santi," sabi ni Jiyo.
Tumawa ako, pero alam ko naman na lahat ng 'to, asaran lang. Bakit naman namin pagtatawanan 'yung iniidolo ng kaibigan namin? Isang beses nga, nagka-tour si Shanti Dope dito at walang pamasahe si Santi.
Si Kyle pa mismong nag-alok na maghatid sa kanya.
Hindi halata pero minsan kaya, sweet kami.
Nakangiti lang si Avery habang nakatingin sa 'min.
Maya-maya pa, nagulat ako nang biglang nag-boom ang speakers. Nagpatugtog si Paul ng kanta ng My Chemical Romance — nakakainis naman, hindi ako relate.
"When I was . . ." sabay-sabay nilang kanta. "A young boy!"
Sa lamesa namin, may isang mangkok ng mani, saka pitsel ng Empi na may halong juice. May mga pakete rin ng tsitsirya, na nilalantakan namin habang nagkukwentuhan.
May kanya-kanya kaming baso na iniinuman din namin. Maingay kami at nagtatawanan pero hindi nakawala sa mga mata namin kung gaano kadalas ang pag-inom ni Avery.
Kapag naibigay na sa kanya ang isang baso, wala pang tatlong minuto, ubos na niya — matapos no'n, pupunuin niya ulit ang baso niya. Kahit pa, sumasali siya sa usapan namin.
Nag-alas onse na. Medyo lumalalim na 'yung usapan at si Jiyo, tulog na. Ewan ko, mahina pa kay Avery. Sanay naman na kami diyan. Hindi ko nga lang alam kung nagtutulug-tulugan lang siya para lang makatakas sa ingay namin, pero kung saan na lang siya masaya.
Mas umiingay na kami. Tunog ng mga tugtugan ni Paul ang naririnig sa buong bahay, balat ng tsitsirya saka tunog ng nagbabanggaang mga baso, pati mga tawanan namin. Pakiramdam kong medyo nahihilo na rin ako pero ayos lang naman.
Si Paul ang may pinakamataas na liquor tolerance sa amin, kaya mas magandang sa bahay nila mag-inuman. Sabi niya, maugat daw kasi siya — kapag maugat, matagal daw malasing. Ewan ko ba sa kanya.
"Uy, Avery," sabi niya. "Hindi ka pa ba hinahanap?"
"Huh?" sabi niya. Tumawa siya. "Hindi, 'no."
Napakunot ang noo ko. Tiningnan ako ni Santi. "Brad, tama na inuman." Humalakhak kami. Hindi ko alam kung ano'ng nakakatawa.
"Party over!" sabi ni Kyle saka nag-unat.
Medyo nahihilo pa rin ako. Tumayo si Kyle at Santi para ihatid si Jiyo sa itaas para ihiga, pero siyempre bago 'yon, kinuhanan muna siya ng maraming litrato.
Nagulat ako nang tumabi sa 'kin bigla si Paul.
"Avery, alam mo bang si Kitaro—" Napatigil siya sa pagsasalita at saka lumingon sa 'kin. Suminghot siya sa sigarilyo niya. "Crush na crush—"
"Hoy!" putol ko sa kanya saka siya hinampas ng unan. Napatawa ako.
Humagalpak sa tawa si Paul saka pinalo-palo ang tuhod niya.
"Isang insulto mo pa kay Shanti Dope!" dinig kong sabi ni Santi sa taas.
"Hoy," sabi ni Avery. "Ituloy mo sinasabi mo. Si Kitaro, crush na crush . . . ?"
Agad akong napatayo saka hinila si Paul mula sa kanya. "Avery, 'w-wag mo nang alamin."
"May crush siya kay Jenny!"
"Tsk, Paul!" sabi ko saka siya binatukan. Tawa nang tawa si Paul.
"Kung hindi mo kasi naitatanong, Avery," sabi ni Paul habang hinihimas ang baba. "Mahilig si Kitaro sa mga babaeng prim and proper."
Nanlaki ang mga mata ko saka siya tinulak papuntang kusina. Tawa nang tawa si Paul habang tahimik lang na nakaupo si Avery. Napabuntonghininga ako saka bumalik sa pagkakaupo sa sofa, sa tabi ni Avery. Napahawak ako sa noo ko.
"Prim and proper?" sabi sa 'kin ni Avery. "Jenny?"
Napakurap ako at napatingin sa kanya. Walang emosyon sa mukha ni Avery habang nilalaro niya ang basong hawak-hawak niya.
"Wala 'yon." Tiningnan ko ang relo ko — 11:55pm.
"Kitaro, sabihin mo," sabi ni Avery. Binitawan niya ang pagkakahawak sa baso niya saka nilapit ang mukha sa 'kin. "P-Prim and proper ba ako dati?"
Pakiramdam ko nag-init nang buo ang mukha ko. Dalawang dangkal ang layo ng mga mata namin sa isa't-isa at sa mga mata niyang 'yon, nakakita ako ng kagustuhan niyang malaman ang sagot ko.
"Avery," banggit ko sa pangalan niya. Bahagyang nanginig ang boses ko.
Hindi ko alam kung dulot ng kalasingan, hilo, o sadyang baliw lang ako sa kanya. Pero . . . hinawakan ko ang kamay niyang nakapatong sa sofa.
"H-Hindi mo ba talaga naaalala 'yung . . .' Napalunok ako habang nakatingin sa mga mata niya. "'yung unang beses tayong . . . nagkakilala sa may palaruan?"
Unti-unti, lumaki ang mga mata ni Avery. Naramdaman kong napahigpit ang hawak niya sa sofang kinauupuan namin. Nakita kong bahagya siyang kinabahan. At natakot.
Bakit?
"Avery," sabi ko.
Ang huling beses kong nakita siyang ngumiti nang mahinhin, sa palaruan, isang taon na ang nakalipas. Ang huling beses na nakita ko siyang nagsuot ng bestida, isang taon na ang nakakalipas.
Nitong mga nakaraang buwan, pakiramdam ko hindi si Avery ang nakakasama ko. Ginusto kong malaman kung sino nga ba siyang talaga . . . kaya ngayon hindi ko napigilang tanungin siya.
"I-Ikaw . . ." sabi ko. "Ikaw ba talaga si Avery?"
Parang tumigil ang buong mundo ko nang nanlaki at nanubig ang mga mata niya habang takot na nakatingin sa 'kin. May kakaibang kirot akong naramdaman sa ekspresyon ng mukha niya.
Namumula ang magkabila niyang pisngi at amoy siyang matamis na alak. May sumuntok sa dibdib ko dahil doon.
"Kitaro . . ."
Hahawakan ko na sana ang pisngi niya nang may bumusinang malakas na kotse sa labas. Bigla kaming natauhan at mas lalong lumaki ang pagkakabilog ng mga mata namin.
Bumagsak ang noo niya sa balikat ko. Bumusina ulit ang kotse kaya binuhat ko siya patayo saka sinabit ang braso niya paikot sa balikat ko at dahan-dahan siyang nilakad. Hilong-hilo at lasing na lasing si Avery.
"K-K-Kitaro . . ." banggit niya ulit.
Naririnig ko mula sa labas ng bahay ang busina ng kotse nila.
Pero napatigil ako sa paglalakad.
Nanlaki ang mga mata ko.
At tila nawala nang bigla ang lahat ng nasa paligid ko nang marinig ko ang mga sumunod niyang sinabi.
Nakita kong may tumulong luha sa sahig na kinatatayuan namin.
"Hindi ako si Avery."
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro