10
10 // plaza
>>
TOTOO PALA TALAGANG kapag hindi mo nakuha ang isang bagay, mas may magandang parating.
Apat na taon naming pinangarap na makapag-perform kasama ang Sickening Under sa isang concert ng Sebastian University tuwing Nobyembre. Sa kasamaang palad, hindi kami napili, pero napili kami ng drummer ng nasabing banda para makapag-perform sa lugar kung saan din sila magpe-perform.
Gabi na, at mukhang hindi na naman ako makakatulog sa sobrang excitement na nararamdaman ko. Ano'ng susuotin ko? Ano'ng kakantahin namin? Kasabay ng pagkasabik na 'yon, nakakaramdam din ako ng kaba. Pero ayos lang.
Hindi ko alam, pero sunod-sunod na ang mga magagandang nangyari sa 'kin simula noong pasukan. Nakapasok kami ng mga kaibigan ko sa unibersidad na pinapangarap namin. Naging kaklase ko si Avery at naging kaibigan na rin. Nakilala kami ng drummer ng paborito naming banda at binigyan kami ng pagkakataong mag-perform! Parang lulutang ako sa saya.
Masaya rin ako dahil nakikita kong nasisiyahan din si Avery sa nangyayari. Nakita ko ang pagkinang ng mga mata niya at sa tingin ko . . . sobrang sapat na 'yon.
--
MATAPOS ANG KLASE, diretso kaming umuwing anim. Alas-sais kasi ang simula ng mini-concert sa plaza at kailangan pa naming maghanda.
Tirik na ang araw ngayong ala-una. Sabay na naman kaming nagba-bike ni Avery.
"Kitaro, 'wag mo na 'kong ihatid."
Sabay ang pagpepedal namin ni Avery. Napatingin ako sa kanya.
"Bakit na naman?"
"Nagtatanong na si Manang Esther," sabi ni Avery. Napaangat ang parehas na kilay ko at napaiwas ng tingin. "Akala nila boyfriend kita."
Natawa ako.
Humuhuni ang mga ibong lumilipad sa mga puno at sa mga tanim sa gilid ng kalsada. Tiningnan ko si Avery at nakakunot ang noo niya.
"Ano naman? Edi totohanin natin," sabi ko.
"Baka gusto mong bumaba ako rito sa bike at mabangasan kita?"
Mas lalong lumakas ang tawa ko sa sinabi niya.
"Manahimik ka nga!"
Tumatawa pa rin ako habang sabay pa rin kaming nagba-bike. Paminsan-minsan, sinisilip ko siya. Maganda ang repleksyon ng buhok niya sa sinag ng araw. Napangiti ako.
"Bakit ba ayaw mo magpasundo sa kanila?"
Napabuga siya ng hangin. "Masyado silang maraming inaasikaso," sabi ni Avery. "Nakakairita na masyado nila akong pina-prioritize."
Napatigil ako saka pinagmasdan na lang siya.
"Avery," sabi ko na lang. "Nandito kami."
Nagulat siya sa sinabi ko. Bumilog ang mga mata niya bago napakurap-kurap, saka mabilis na nag-bisikleta palayo.
Ang cute.
Sa dulo, hindi na talaga siya nagpahatid. Nang madaanan ang bahay namin, bumaba na ako saka nagpaalam sa kanya. Nakangiti akong pumasok ng bahay.
Nang binuksan ko ang pinto, bumungad sa 'kin si Kuya Paco na nakaupo sa sofa namin. Nakalukot ang mukha niya at parang galit na galit.
"Kaibigan mo pa rin pala 'yon?"
Tahimik ang paligid at mukhang nasa bayan si Mama. Buong linggo, ngayon ko lang nakita si Kuya Paco sa loob ng bahay.
"S-Sino?" tanong ko.
Nanatiling nakalukot ang mukha ni kuya bago siya tumayo.
"Iyong Vescilia," sabi ni kuya. "Hangga't makakaya mo, lubayan mo 'yung babaeng 'yon. Habang maaga pa."
Natigilan ako sa kinatatayuan ko.
Vescilia? Lubayan? Hibang ba si kuya?
"Ano?" sabi ko. "Ano'ng sinasabi mo?"
"Hindi ka ba nag-iisip?" singhal niya. "Sa tingin mo ba talaga si Avery 'yang kasama mo?"
Parang may sumuntok sa dibdib ko sa sinabi niyang 'yon. Nanlalaki ang mga mata ko habang pinapanood si kuya na umakyat sa kwarto niya. Biglang tumambol sa dibdib ko ang malakas na pagtibok ng puso ko.
Agad na lumabas sa isipan ko ang mga imahe ni Avery nitong nakaraang buwan.
Ang ngisi niya. Ang bike. Ang mga mata niya.
Minsan, naiisip ko . . . parang ang sarap na lang tumakas.
Nanginig bigla ang mga daliri ko at umupo ako sa pinakamalapit na upuan.
Totoong simula noong pasukan, pakiramdam ko hindi si Avery ang kasama ko. Pakiramdam ko ibang tao ang kasama ko.
Pero parang nawala lahat ng takot na 'yon simula noong nakasama ko siya sa tabing ilog at sa tulay. Si Avery noon at si Avery ngayon, sobra silang magkaiba; pero iisa lang ang parehas sa kanila: parehas silang takot at nakakulong. Kaya siguro kinalimutan ko na ang iba nilang pagkakaiba kasi iyon lang ang pumapangibabaw sa akin.
Hinawakan ko ang sumasakit kong ulo, bago ko napag-desisyunang umakyat na lang sa kwarto ko saka magpahinga.
--
GUMISING AKO EKSAKTONG alas-kwatro ng hapon, at ang una kong naalala ay iyong sinabi sa 'kin ng kapatid ko kanina. Imbis na mainis at magtaka pa ulit, kinalimutan ko na lang.
Hibang si Kuya. Malamang, si Avery ay si Avery. Si Avery ang kasama ko — hindi siya ibang tao.
Tama.
Binuksan ko ang Messenger ko at napangiti sa chats ng mga kaibigan ko. Halatang excited silang lahat. Gaya dati, nagbabangayan na naman sina Kyle at Santi. Dahil sa mga nabasa ko, siyempre natuwa rin ako saka nakisali sa katuwaan nila. Bakit ko sisirain ang araw na 'to dahil sa walang kwenta kong kapatid? Sigurado akong imbento niya lang ang sinabi niya. Saka isa pa, paano siya nakasisiguro sa sinabi niya sa 'kin? E, buti pa sana kung kilala niya nang personal ang mga—
Nanlaki ang mga mata ko.
Naalala kong ilang linggo nang wala rito si Kuya dahil sa 'trabaho' niya. Hindi kaya . . .
Hindi . . . imposible.
Napakislot ako sa biglang chat ni Avery.
@Kitaro Zamora ano hindi ka pa gising?!
Biglang nawala ang pag-aalala ko saka napalitan agad ng ngisi. Mabilis akong nagtipa sa cellphone ko saka nag-chat.
--
MABILIS NA GUMALAW ang oras at nakita ko na lang ang sarili kong nagba-bike papuntang plaza. Si Jiyo at Kyle, nandoon na, dahil sa aming lima, sila naman madalas ang mas pumupunto sa oras. Ewan ko ba kung bakit gano'n sila karesponsable.
Nang makarating ako sa plaza, nakita ko sila agad kaya naipagkulitan ako pampaawas ng kaba.
Maganda ang pagkakaayos ng plaza. May lights na nakapalibot pati mga booths ng pagkain, na nilibot naming lahat. May mini-stage sa gitna ng plaza at sobrang ganda ng pagkakaayos. Nandoon na ang drums, piano, saka 'yung microphone stand. Ini-imagine ko lang na doon kami tatayo at tutugtog para sa mga tao . . . parang binabalot ako ng saya.
Mga 5:30 naman nang dumating sina Santi at Paul. Dumarami na rin ang mga tao pati ang mga lumilibot sa food stalls. Unti-unti nang dumidilim ang langit pero sa plaza, sobrang liwanag dahil sa mga ilaw at buhay na buhay dahil sa mga nagkalat na tao.
Tinatadtad na nila ng chats si Avery dahil kanina pang alas-kwatro ang huli niyang chat.
"Nako, bawal 'yan, Avery!" sabi ni Paul saka kumagat sa ice cream niya. "Hindi tayo makakatugtog niyan!"
"Shut up, Paul, darating din 'yan si Avery," sabi ni Kyle. Nilalaro niya ang buhok niya.
Nakatutok pa rin si Santi sa pagcha-chat.
"'Di kaya sapakin ako nito dahil sa chats ko?" sabi niya pa.
Nang tingnan ko si Jiyo, nakapamulsa siya at nakatingin sa paligid. Nagpamulsa rin ako bago lumakad papunta sa kanya.
"Lalim," sabi ko.
"Kitaro," sabi niya. "Gusto mo ba talaga si Avery?"
Nabigla ako sa tanong niya, kinailangan ko pang mag-adjust. Biglaan naman kasi.
Napatingin ako sa batang babaeng may binabatong umiilaw na bola. Binato niya, saka sasaluhin. May babaeng dali-daling tumakbo sa kanya saka siya binuhat.
"Oo," sabi ko.
Kumawala ang bata saka tumakbo ulit palayo.
"Gustong-gusto."
Bigla namang humangin. Tumingala ako saka napangiti. "Para ngang ginayuma niya 'ko, e," sabi ko. Kusang gumalaw ang kamay ko para hawakan ang dibdib ko. "Kapag nakikita ko siya . . . o naririnig, o nakakausap . . ." Hinigpitan ko ang kamao ko. "Sumisikip nang sumisikip ang dibdib ko, na para bang kahit anong oras . . . pwedeng sumabog."
Napabuntonghininga ako at naalala lahat ng mga oras na nakita ko nang malinaw ang mukha niya.
"Kung gusto mo talaga siya," sabi ni Jiyo. "Malamang alam mong . . ."
"Avery!"
Parehas kaming napalingon ni Jiyo at nang makita ko si Avery, nanlaki ang mga mata ko. Napahigit ako ng hininga.
Nakaramdam ako ng kamaong sumuntok sa braso ko.
"'Di bale," sabi ni Jiyo bago lumakad papunta kanila Avery.
Pero parang nakalimutan ko yatang huminga at maglakad dahil sa hitsura ni Avery ngayon.
Parang lumabo lahat at si Avery lang ang nag-iisang nakikita ko. Nang lumingon siya sa 'kin nang nakangiti, pakiramdam ko siya lang ang nag-iisang totoo sa mundo ko.
Ngumisi siya saka dahan-dahang naglakad papunta sa 'kin.
Bakit ang cute niya masyado?
"Natameme ang lolo n'yo!" sigaw ni Santi.
Hindi ko na 'yon pinansin. Nakatitig lang ako kay Avery. Ang laging straight at nakabuhaghag na buhok ni Avery, nakatali. May suot siyang piercings. Nakasuot siya ng butas butas na stockings, boots, saka skirt na naka-belt sa oversized niyang sweater.
Sobrang ganda niya.
Natauhan ako nang biglang inapakan ni Avery ang paa ko.
"Aw!" sabi ko. Napatalon ako bigla.
Tawang-tawa si Avery. "Gano'n ba ako kaganda ngayon at halos tumulo na 'yang laway mo?"
"Tsk, Avery," sabi ko. Ni hindi ko siya matingnan nang diretso sa mga mata!
Nanatili siyang nakatayo sa harapan ko.
"Mukha na ba 'kong tao?" tanong niya habang malawak na nakangiti.
"Avery, anong tao? Mukha kang diyosa," sagot ko.
Natigilan si Avery sa sinabi ko kaya impit akong napatawa. Bahagya siyang napangiti. "Ang korni, amp."
Hindi na siya nagsalita ulit. Tumalikod siya saka pumunta sa mga kaibigan ko.
Maya-maya pa, dumating na ang Sickening Under. Sigawan naman mula sa mga tao ang narinig at maski kaming anim ay nakisigaw. Oo, kasama si Jiyo. Katabi ko si Avery habang katabi niya ang apat pa. Nakakatuwa lang na sa aming anim, na-emphasize na siya lang ang babae dahil sa limang nakapantalon at isang naka-skirt.
May tatlong lalaki sa Sickening Under. Si Jace, ang drummer, si AJ, ang guitarist, at si Gab na vocalist.
Bago sila kumanta, nagsalita muna sila. Nagsalita sina AJ at Gab bago nagsalita si Jace.
"Yo, guys," sabi ni Jace. "Hindi lang ang Sickening Under ang magpe-perform ngayon."
Nagsigawan ang mga tao. Kami namang anim, nanahimik bigla. Pinipigilan kong kiligin. Napatingin ako kay Avery habang kumikinang sa kanya ang ilaw na galing sa stage, at nakita ko siyang nakakagat siya sa ibabang labi niya habang nakangiti. Napangiti rin ako saka tumingin pabalik sa stage.
"So may . . . may band akong nakita sa Sebastian U, and no — hindi sila ang makakasama namin sa November." Napatawa siya. "They're the Strong Strums. You'll meet them later."
Nagsigawan ulit ang madla. Sa sumunod na isang oras, kumanta at nakipagkulitan ang Sickening Under sa aming mga manunuod. Maski si Avery ay nakangiting abot tainga. Nakikita kong na-e-enjoy niya talaga ang gabi.
Kumanta ang Sickening Under ng mga dalawang kanta. Nagtalunan ang mga tao. Nakikanta kami, at sumigaw. Sa aming magkakaibigan, alam ko, na ang memorya ng gabing ito, tatatak sa amin nang sobra.
Sa sobrang saya namin, hindi namin namalayan ang bilis ng oras, at saka ko napagtantong tutugtog na pala kami.
"And here I introduce," simula ni Jace. "The Strong Strums!"
Sobrang lakas ng sigawan ng mga tao. Umakyat kami ng stage at nasa unahan si Avery. Halos manginang ang mga mata ko dahil sa view ng mga tao mula sa stage. Iba't-ibang mukha ang makikita mo — may mga nakangiti, sumisigaw, o tumatawa. Malalawak ang ngiti.
Malawak din ang ngiti ko, at nang tiningnan ko ang mga kasama ko, halatang masaya sila sa kabila ng kaba. Nagkatinginan kaming anim saka mas ngumiti pa.
Umupo na kami ni Santi sa dapat na upuan at pumwesto naman ang iba sa dapat pwestuhan. Mula sa kinauupuan ko, malinaw kong nakikita ang gilid ng katawan ni Avery. Hawak niya ang mic at nakangiti siya sa harap ng maraming tao.
Ang ganda-ganda niya.
Nagbigay na ng cue ang isang babae sa baba ng stage, bago magsimulang mag-piano si Santi.
Hinampas ko ang drums. Maingay ang tugtog na ginagawa naming lima sa stage. Parang nakalimutan namin bigla ang school, ang mga kakilala naming posibleng nanunuod, ang mga posibleng mangyari matapos ang kanta, ang isa't isa, nang nagsimula na kaming tumugtog.
Sa kabila ng ingay ng mga tao at sa musika namin, nakita kong tahimik at payapang nakatayo si Avery sa harap ng mikropono. Nakapikit ang mga mata niya at hinahangin ang mahaba niyang buhok.
Ilang segundo pa, kumanta na siya.
Napangiti ako habang patuloy na tinutugtog ang drums. Ilang beses ko nang napakinggan ang boses ni Avery sa mga practice namin, pero iba . . . iba ang pagkakataong 'to.
Hindi siya kasama sa plano namin noon pa lang pero isa siya sa mga susi kung bakit kami nandito ngayon. Noong una'y takot si Avery — pero kalaunan, nakita ko, sumama siya sa pangarap naming lima. Binuksan niya nang buong-buo ang sarili niyang sobrang tagal niyang tinago sa lahat.
Habang tinitingnan ko siyang kumanta sa stage, kasama ako at ang mga kaibigan ko, naisip ko . . . e ano naman kung nagbago siya bigla? Ano naman kung hindi siya reincarnation ni Maria Clara? Ano naman kung iinom siya ng matapang na kape kaysa sa tsaa?
Ang mahalaga, siya si Avery.
Mahal ko si Avery . . . at hindi magbabago 'yon.
Ang apat na minutong kanta na tinugtog namin, para sa 'min ay habang buhay na. Tinapos ko ang kanta sa paghampas muli sa drums. Matapos no'n, umikot sa paligid ang sigawan at palakpakan ng mga tao. Ngiti at tawa ang binigay namin sa audience, bago nag-bow at magpasalamat.
"Remember . . . the Strong Strums!"
Nagpalakpakan ang mga tao habang nagbo-bow kami. Napakalapad pa rin ng ngiti ko habang pinapanood ko ang mga taong nasa harap namin nang maramdaman kong may humawak ng kamay ko.
Napatingin ako sa humawak no'n at nakita si Avery na nakangiti sa akin. Maingay, nagpapalakpakan ang mga tao at maliwanag ang paligid. Pero nang humigpit ang hawak niya sa kamay ko habang nakangiting nakatingin sa mga mata ko, pakiramdam ko nalusaw ang lahat ng mayro'n ako nang narinig ko ang mga katagang sinabi niya.
"Kitaro . . . salamat."
Hindi niya ako kinotongan. O sinuntok, o tinawag na baliw. Nakangiti siya at totoong totoo ang sinabi niyang 'yon. Nginitian ko rin siya at kahit na malamig, nag-init ang parehas kong pisngi, saka hinigpitan din ang hawak sa kamay niya.
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro