09
09 // jace
>>
MATAPOS ANG AUDITION namin, nakita kong hindi pinulot ni Avery ang laso niya, kaya ako na mismo ang pumulot no'n.
"Sa tingin mo nagawa natin?" tanong ni Paul kay Jiyo na naglalakad sa harapan namin.
Lumapit ako kay Avery. "Uy," sabi ko. "Nahulog mo . . . yata." Nakakatawa lang sabihin kasi kitang-kitang siya mismo ang naglaglag no'n.
Tumigil si Avery sa paglalakad saka humarap sa 'kin. Tiningnan niya ang hawak ko kaya napakunot ang noo niya.
"Talagang pinulot mo 'yan?"
Naglalakad na ang apat sa harapan namin at parang hindi nila napansing naiwan kami ni Avery. Tiningnan ko si Avery.
"S-Siyempre," sabi ko. "Halos buong buhay mo yata suot mo 'to."
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya bago napakunot ang noo. Hinablot niya ang laso sa pagkakahawak ko at tinitigan niya 'yon habang nakatingin lang ako sa kanya, nagtataka. Ilang segundo pa, napabuntonghininga siya saka binalik sa 'kin ang laso.
"Sa 'yo na 'yan."
Nagulat ako, at bago ko pa maibalik ang laso sa kanya, tumakbo na siya palayo.
Mamaya-maya, hinihintay ko na siya sa tambayan namin. Iyong apat naman nauna nang umuwi. Hindi ko alam kung ano'ng ginagawa ni Avery basta ang alam ko ang sabi niya, hintayin ko raw siya.
Habang nakatingin sa grounds, nakita ko si Roxie Cueto.
Ang sabi sa 'kin ni Mama, ang tatay niya raw, nagbabalak na tumakbo bilang mayor sa susunod na eleksyon. Sabi pa niya nga, kung hindi raw dahil sa mga Vescilia, sila na ang pinakamayaman sa San Sebastian. Akalain mong nagsama sa iisang unibersidad ang dalawang unica hija galing sa napakayayamang mga pamilya.
Nagtama ang mga mata namin, at tinaasan niya 'ko ng kilay.
Nagulat ako sa ginawa niya at pinanood ko na lang siyang ikutan ako ng mata. Potek, ano ginawa ko ro'n? Galit pa rin kaya siya sa amin kasi ni-reject siya ni Jiyo nung grade eight? Bakit kami nadamay?
Nakakagulat nga 'yon e; paano, e hindi naman sila magkaparehas ng school no'n. May dancing contest lang per baranggay no'n tapos naging magka-partner sila ni Jiyo sa isang sayaw. Hindi ko rin naman masisisi si Roxie. Pogi kaya si Jiyo, 'no.
"Kitaro!" tawag sa 'kin ni Avery.
Lumingon ako kung saan nanggaling ang boses. Napangiti ako sa kanya. Nakabuhaghag ang buhok niya at nakasuot na ng uniform namin.
Kung sa kanya ba naman ako magkakagusto, titingin pa ba 'ko sa ibang babae?
Tumayo na ako. "Ang tagal mo naman."
"Nagrereklamo ka ba?"
Tumawa ako saka sumunod na sa paglalakad niya. Hindi ko alam kung bakit nagpalit si Avery ng uniform; kaming lima kasi, hindi na. Siguro baka hindi gusto ni Kuya Lucas na nagsusuot siya ng sinuot niya kanina.
"Kinakabahan ka pa rin?" tanong niya. Napataas ang parehas kong kilay dahil sa tanong niya. Yiee. Nag-aalala ba 'to?
"Hindi na 'no," sagot ko. "Galing galing mo kanina, e. Tayo na panalo no'n, sigurado. Magugulat ako kung hindi."
Tumawa siya saka ako sinuntok nang mahina sa braso. "Baliw."
"Ikaw? Hindi ka na nanlalamig?"
"Hindi na. Tirik na tirik araw o."
"Weh."
"Oo nga. Ano ba?"
"Pa-check nga kung totoo." Nakangisi akong tumayo sa harapan ni Avery, nakalahad ang kamay.
"A-Ano?" nakakunot na noo niyang sabi.
"Pahawak ako ng kamay mo. Patingin kung hindi na malammmfngh—" Napatigil ako sa pagsasalita nang ngumudngod sa mukha ko ang palad niya.
"Mga pakulo mo!" sabi niya habang tumatawa saka naglakad na ulit sa harapan ko.
"Kainis naman, pa-check lang e," kunwaring reklamo ko.
Nag-asaran pa kami saglit hanggang sa nakarating na kami sa mga bikes namin.
"Kahit hindi mo na 'ko ihatid," sabi niya. Napataas ang kilay ko.
"Bakit?" tanong ko.
"May . . . dadaanan kasi ako." Tumingin siya sa 'kin. "Bakit?"
"Saan ka pupunta?"
"At kung hindi ko sasabihin?"
"Pwede akong magsumbong—"
"Hoy!" Agad siyang humarap sa 'kin. Malaki ang mga mata niya at nakakunot ang noo. Ang kulit ng mukha niya kaya napatawa ako. "Huwag mong gagawin 'yon!"
Bumuntonghininga ako matapos tumawa. "Sabihin mo na lang kasi sa 'kin. Nahihiya ka pa."
Tiningnan niya ako nang matagal pa bago umiwas ng tingin.
"P-Pupunta 'ko sa bayan."
"Sa bayan?" sabi ko, gulat. "Ano gagawin mo do'n?"
Medyo malayo ang bayan sa San Sebastian. Sa bayan, nandoon halos lahat ng negosyo ng mga tao rito. Malago at mabilis kasi doon.
"May bibilhin ako!" sabi ni Avery, nakasimangot na nakatingin sa 'kin. "Kaya 'wag mo na akong sundan." Sumakay na siya sa bike niya at nag-pedal.
"Okay. Mag-ingat ka na lang?" sabi ko. Pinanood ko na lang siya na bahagya pa ring nakatawa kahit na nagtataka ako sa kinikilos niya.
Tumigil siya sa pagba-bike saka tumingin sa 'kin. "A-Ang galing ng — pag-drums mo kanina!"
Napatigil ako saglit, bago napangiti. Matapos no'n, nag-bike na ulit siya palayo. Naiwan naman akong tumatawa.
Ang cute niya talaga.
--
LUMIPAS NA ANG dalawang linggo, at paano ko ba 'to sasabihin?
Naging masaya ang labing-apat na araw na 'yon dahil kasama namin si Avery.
Tumatabi kami ni Jiyo sa upuan ni Avery tuwing klase, at tuwing lunch naman, kasama rin namin siya. Paminsan-misan may mga tumitingin sa kanya, siguro nagtataka kung bakit sumasama siya sa mga gaya namin. Sino ba naman kasi kami kumpara sa apelyido niya?
Sa tuwing uwian naman, sabay kaming umuuwi. Hinahatid ko siya papunta sa bahay — o mansyon nila.
Gaya ngayon.
Parehas kaming nagba-bike sa ilalim ng init ng araw. Dito sa lugar namin, maraming nakatanim na mga halaman at malalaking puno. Wala kahit anong polusyon, saka kapag mainit, mainit lang. Walang lagkit ng hangin.
Tahimik na nagbibisikleta si Avery sa tabi ko. Tiningnan ko siya. Medyo nailang ako dahil wala na ang usual niyang laso na nasa palapulsuhan niya.
"Avery," tawag ko.
Tiningnan niya 'ko.
"Bakit mo tinapon 'yung laso?"
Nanahimik siya saka tumawa.
"Gano'n ba talaga kahalaga 'yon?" tanong niya. "Laso lang naman 'yon."
Naalala ko ulit kung paano niya tinanggal ang laso sa palapulsuhan niya habang nakatayo at nakaharap sa mikropono. Kung paano dahan-dahang nalaglag ang laso sa sahig.
Parang may tinapon siyang piraso ng pagkatao niya.
"Hindi naman," sabi ko.
Nadaanan namin ang bahay namin. Lumingon ako ro'n saglit at tumingin sa bintana ni Kuya Paco. Nitong mga nakaraang araw simula noong Linggo'ng pinagbantay niya ako ng bakery, lagi na lang siyang wala sa bahay — ang sabi lang ni Mama, nakahanap na siya ng trabaho.
Anong trabaho naman kaya?
"Kaya ko na 'to," sabi ni Avery. Sinamaan niya ako ng tingin. Potek, ano na naman? "Kailangan ba talagang hinahatid mo ako?"
Medyo nakalayo na kami sa bahay namin.
"Avery, ang alam ko," sabi ko, "sinabi mong ako na lagi ang maghahatid sa 'yo."
"Sineryoso mo 'yon?" sabi niya saka tumawa.
"Nag-aalala ba si Avery na baka naaabala niya 'ko?" Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang pagtawa.
Nanlaki ang mga mata ni Avery saka tumawa ulit. "Ako? Ha!" sabi ni Avery. "Medyo assuming ka 'no, Kitaro."
"Hayaan mo na nga lang ako," sabi ko.
Malayo-layo ang tinitirahan ni Avery mula sa bahay namin, pero ayos lang. Kung ang ibig sabihin lang naman no'n, mas makakasama ko siya, bakit hindi?
Tiningnan ko pa siya. Bahagyang namumula ang magkabilang pisngi ni Avery. Tiningnan niya ako at bumuka ang bibig niya, pero sinara niya rin agad.
"Kitaro," sabi niya. "Paano kung matalo tayo?"
May bahid ng pag-aalala ang boses ni Avery habang nakatingin siya sa dinaraanan.
Napakurap ako. "Ano naman?" sabi ko. "At least nasubukan natin."
"Kinakabahan ako, e," sabi ni Avery.
Napailing ako at tumawa, inaalala kung gaano kalamig ang mga kamay niya.
"Ayos lang matalo."
--
AT NATALO NGA kami.
Ibang banda ang napili ng mga judges, 'yon ang Jeopardy Chase. Inis si Santi at ininsulto na lang ang band name nilang parang pangalan daw ng isang mobile game.
Marami ang nadismayang banda dahil natalo rin sila, iyong iba naman nagtatawanan dahil at least daw, nakita nila si Jace. Ngayon, nakaupo kaming anim at tahimik na pinapanood ang grounds.
Nang makarinig kami ng singhot.
Umiiyak si Kyle. Kaibigan ko si Kyle pero natawa ako nang makita ko siyang umiiyak.
Binato siya ni Jiyo ng gum.
"H-Hindi ko ito na-foresee, ha," sabi ni Kyle. "I-I mean, naaalala n'yo naman ang mga practice natin, 'di ba?"
Tumango kami pero tumatawa pa rin.
Si Avery nakatingin lang kay Kyle bago siya tumayo saka tinabihan 'to, nakangiti at sinabing, "Iyak iyak ang abunjing na 'yan."
Lalong lumakas ang halakhakan namin. Mukha kasing ewan si Kyle, ngumangawa sa towel niya, ang sarap picture-an saka i-send sa girlfriend niya. Gaganyan-ganyan lang si Kyle pero may babaeng lumambot ang puso sa kanya.
"L-Limang taon o apat kasi naming pinaghandaan 'to, okay?" sabi ni Kyle.
Dahan-dahang humupa ang tawanan namin saka nakangiti na lang na tiningnan siya.
"Alam namin Kyle, naiintindihan ka namin," sabi ko. "Isipin mo na lang may grade twelve pa naman."
"Saka ano ka ba Kyle," sabi ni Avery. "At least na-try natin. Ang galing mo rin naman kahapon, imagine four days lang tayo nag-practice. Paano pa next year?"
Napasinghot ulit si Kyle saka pinunasan ang luha.
"Oo nga, Kyle, kaya manahimik ka na diyan." Tumawa ulit si Santi saka inakbayan si Kyle. "Susubok ulit tayo, pramis."
"Mananalo na tayo next time, Kyle," sabi ni Jiyo nang nakangiti.
"N-Next year, ah?" sabi ni Kyle saka tumingin sa amin.
"Oo!" sagot ni Paul saka ginulo ang buhok ni Kyle. "Kaya 'wag ka na umiyak. Parang tanga 'to."
Nang tingnan ko si Avery, may kakaibang . . . lungkot akong nakita sa mga mata niya. Pero agad ding nawala 'yon nang mapadpad ang tingin niya sa likuran ko. Nang tiningnan ko si Kyle, nanlalaki rin ang mga mata niya. Napakunot ang noo ko saka rin ako lumingon.
At halos malaglag ako sa kinauupuan ko.
"J-J-Jace?" utal-utal na sabi ni Santi.
Nginitian kami ni Jace. "Mukhang 'di ko na kailangang magpakilala."
Nakasuot si Jace ng school shirt namin saka isang cap. Nakangiti ito sa amin nang bahagya.
Agad na tinulak ni Paul si Santi. "Paupuin mo! Paupuin mo!"
"Teka, pa-autograph!" sabi agad ni Kyle habang kinakalkal ang papel.
"Umayos nga kayo," sabi ni Jiyo. Sinamaan niya ng tingin ang tatlo. "Nakakahiya kayo, e."
Ngumuso naman si Kyle saka binalik ang papel sa bag niya. Nanahimik naman sina Paul at Santi at tiningnan na lang si Jace.
"Ayos lang, ayos lang," sabi ni Jace saka inayos ang sumbrero. "Hindi naman ako magtatagal."
Tumango-tango kaming anim. Maski si Avery ay halatang natutuwa at nagugulat sa biglaang presensya ni Jace. Marami-raming studyante ang napapalingon sa kung nasaan kami. Grabe, hindi ako makapaniwala rito.
"Kayo ang Strong Strums, 'di ba?"
Napatango kami.
"Nagulat ako nang hindi kayo nanalo," sabi ni Jace. "Natuwa pa naman ako sa performance n'yo sa auditions. I was hoping I'd play with you guys."
"S-Salamat po!" bulalas ko.
"Pinupuri tayo ni Jace!" sabi ni Kyle kay Jiyo.
Tumawa ulit si Jiyo. "Lalo na ikaw, brad," sabi niya sa 'kin at hinawakan sa balikat. "Masayang mag-drums, ano?"
Naiilang na napatawa ako. "M-Masaya po."
Tiningnan niya naman ang mga kasama ko. "Magagaling kayo. Ikaw rin, Avril."
"Avery po," sabi ni Avery.
"Avril." Ngumisi si Jace. "Anyway, may party kasi bukas sa plaza." Nanlalaki ang mga mata ko dahil parang nakikita ko na ang susunod na mangyayari. "Kung gusto n'yo lang naman . . . baka puwede kayong mag-perform doon."
"Woah," sabi ni Paul. Nasuntok niya si Santi at nanuntok naman 'to pabalik. Bumulong ng mura si Santi.
"S-Seryoso po ba?" tanong ko.
Tumaas ang parehong kilay niya. "Oo naman," sabi ni Jace. "I see potential. Kung wala pang makapansin sa inyo ro'n, ewan ko na lang."
May kinuha si Jace sa bag niya. Isang flyer. "I'll inform the party organizer. Dapat maisingit ang performance n'yo."
Inabot niya 'yon sa 'min at kinuha naman iyon ni Kyle. Nakanganga siya habang binabasa ang nasa papel.
Biglang tumayo si Avery saka nilahad ang kamay. "W-We're thankful for this offer po!" sabi niya habang pulang-pula ang mukha.
Inabot ni Jace ang kamay ni Avery. "Nah. You guys deserve it."
Sumunod naman kaming tumayo saka nakipagkamay kay Jace.
"M-Magandang opportunity po ito, lalo na't coming from you," sabi ni Kyle.
"Salamat po sa chance," sabi ni Jiyo.
"Salamat po!" sabi ni Santi at Paul.
"Sir Jace . . . salamat po talaga," sabi ko saka nakipagkamay rin.
"I see you guys in places," sabi ni Jace. Nang matapos niya kaming kamayan, nagpamulsa siya saka kami nginitian. "Kitakits na lang bukas."
"S-Salamat po ulit!" sigaw ni Kyle.
Nang makalayo na si Jace, nagkatinginan kaming anim saka nagsigawan.
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro