Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

08

08 // laso

>>

DUMAAN ANG TATLO pang araw bago dumating ang pinakahihintay naming petsa.

Ang Biyernes.

Nang Martes, nakapag-register na kami, at ngayong araw na ang auditions.

"Mamayang after class, maghanda kayo, okay?" sabi ni Avery. "Walang pipiyok. Walang magkakamali sa tugtog. Apat na araw nating pinaghirapan 'to!"

Humampas ang kamao niya sa lamesa namin. Halos mag-apoy ang mga mata niya kaya nadadala kami. Tumango ako saka kumapit sa tuhod ko nang mahigpit. Pakiramdam ko kasi kahit ano pang encouragements ang marinig ko, hinding-hindi mawawala ang kaba ko.

Apat na taon namin 'tong hinintay.

"Drums. Kitaro."

Sino ba ang mag-aakala na sa isang punto, mangyayari sa amin 'to? Ni hindi nga namin ma-picture nang maayos ang pagtugtog sa entablado sa harap ng maraming tao, maski sa auditions.

"Hoy, drums."

Kaya kaya namin ito? Sa mga practice na naganap, mukhang kaya naman namin. Mukhang may mga mukha naman kaming kayang maiharap.

"Drums!"

Lalo na sa vocalist naming si Avery! Baka lahat sila mapaluhod—

"SINO PA BA ANG TUMUTUGTOG NG DRUMS DITO?"

Napakislot ako at agad na napabangon ang ulo. Mabilis na sumalubong sa 'kin ang nakalukot na mukha ni Avery.

"B-B-Bakit?" utal-utal na sabi ko.

"Sabi ko, huwag kang kabahan." Natatawa ang apat na nakatingin sa 'kin habang nakatingin nang mataman si Avery sa akin. Gusto ko sanang magpaka-sarcastic at sabihing ang helpful ng sinabi niya pero may dinugtong siya agad. "Malakas ang impact ng drums mo. Magaling kang tumugtog." Parang may sumabog sa 'kin sa sinabi niyang 'yon. "Tigilan mo na ang panginginig."

Nakasimangot pero kalmado at seryoso si Avery. Minsan kapag tinatanong ko siya, ang labo niyang sumagot; hindi direkta. Noong Lunes tinanong ko siya tungkol sa pagkanta, at ang sagot niya, isa lang ang ipinahayag — may mas mga importante pa siyang kailangang pagtuunan ng pansin.

Pero si Avery ngayon, mukhang sinusubukan nang buksan ang lugar kung saan siya kinulong ng apelyido niya.

Ibig sabihin, mas hinahayaan na niyang gumala ang sarili niya at mas nababawasan na siguro ang takot na matagal na niyang nararamdaman.

Hindi ko alam . . . pero masaya ako dahil do'n.

"Sige na," sabi ni Avery. Tumayo siya at saka na hinablot na ang bag niya. "Maghanda kayo, ha."

"Sige, salamat Ave!" sigaw ni Paul. Nginisian siya ni Avery bago tumalikod at naglakad palayo.

"Avery!"

Napalingon ako kay Jiyo nang bigla niyang tinawag si Avery. Tumigil sa paglakad si Avery bago kami nilingon. Naaarawan siya kaya ginawa niyang pantakip ng sinag ang kanan niyang kamay.

"Ano?"

Ngumiti si Jiyo. "May kasabay ka ba mamayang recess?" tanong niya. "Sumabay ka na sa 'min."

Lumawak ang ngiti ko sa sinabi ni Jiyo at masayang tumingin kay Avery. Dahan-dahang bumaba ang kanan niyang kamay. Sadyang mainit lang ba kaya parang namumula si Avery?

"Oo nga!" sang-ayon ni Santi.

"Kasya ka naman sa lamesa!" dagdag ni Paul.

"Good idea!" sabi ni Kyle.

Tiningnan niya ang apat na nakatingin sa kanya nang diretso. Bago siya tumingin sa 'kin.

Nagtama ang mga mata namin. Kahit malayo, pakiramdam ko sinisigawan ako ng mga mata niya. Pakiramdam ko niyayakap ako ng mga tingin niya. Para bang hinihintay niya rin ang opinyon ko, ang pagsang-ayon ko.

Nginitian ko si Avery.

"Basta ba hindi kayo maingay!" sabi ni Avery bago mabilis na tumakbo papunta sa building namin.

"Ayun o!" sabi ni Paul saka tumawa. Nakatingin pa rin siya sa grounds.

"Kung titingnan n'yo, parang ibang tao si Avery," sabi ni Santi. "'Di ba noon parang ang arte niya?"

"Maarte?" sabi ko bigla.

"Oops, nagagalit si lover boy."

Nag make-face ako kay Kyle.

"Kasi 'di ba noon, ayaw niyang lumapit sa 'tin."

"Sino ba kasing lalapit sa atin noon?" sabi ko saka sumipsip ng coke. "Mabaho, dugyot, madungis—"

"Count me out," sabi ni Kyle.

"Saka mayaman si Avery. Maimpluwensya. Siguro mga kalaro niya no'n, kasingyaman niya rin," sabi ni Paul. Napatingin siya kung saan at bigla siyang ngumisi at kumindat.

"Hindi n'yo na naman yata napansin," sabi ni Jiyo.

Napatingin kami sa kanya.

"Kahit wala siyang kalaro, pumupunta siya sa playground na 'yon," sabi ni Jiyo. "Kahit mag-isa. Ano pa ibig sabihin no'n?"

Napansin ko rin 'yon kaya napatango ako sa kanya.

"Gusto niyang may lumapit sa kanya," pagpapatuloy ni Jiyo. "Kasi dahil sa yaman at ganda niya, ni walang gustong maging kaibigan siya. Kaya siguro kung may lumapit sa kanya . . ."

May pumisil sa puso ko noong sinabi niya 'yon.

Noong araw ba na 'yon, natuwa siya?

Dahil lumapit ako? Dahil inabot ko ang kamay ko?

Natawa si Paul.

"I like her ngayon," sabi ni Kyle habang nakangiti. "Mas likey ko siya kaysa before."

"Parang magkaibang tao nga, e," sabi ni Santi. "Parang puti at itim, 'no."

"Para sa 'kin, mas cute siya noon," sabi ni Paul.

"Cute naman parehas," sabi bigla ni Jiyo. Napatingin ako sa kanya. "Mas totoo nga lang siya ngayon."

Sa lahat ng sinabi ni Jiyo ngayong umaga, iyon ang pinakanagustuhan ko.

--

MABILIS NA DUMAAN ang araw at tapos na lahat ng klase. Nasa gymnasium na kami at nagkalat ang iba't ibang banda na gustong magtanghal sa darating na Nobyembre. May bandang all girls at nakasuot ng maiikling skirts, may isa namang all boys at pare-parehas naka-barong habang may electric guitars. May isa namang bandang dalawang pares ng kambal.

Pinasuot kami ni Avery ng kahit ano basta kulay itim na pinaresan lang ng jeans saka itim na chucks. Nakasuot lang si Avery ng simpleng itim na shirt, plaid skirt, converse, saka silver na kwintas.

Ganda niya naman. Potek.

Napakurap ako nang bigla siyang lumapit sa 'kin.

Nagulat ako nang tinaas niya ang phone niya at nakita kong nakabukas ang camera niya. Dahil sa gulat kaya hindi man lang ako nakangiti nang nag-capture na siya. Aba't!

"Madaya 'to!"

Ngumisi naman siya saka binaba ang phone. Aba't! Akmang aagawin ko 'to sa kanya pero nalayo niya agad ang kamay niya habang tumatawa.

"Ang pangit mo," komento niya habang bungisngis na nakatingin sa phone niya.

"Talaga!" bulalas ko. "Hindi naman ako ready no'n!"

"Kahit ano'ng sabihin mo, pangit ka pa rin."

"Luh, sila lang may picture!"

Sabay kaming napalingon ni Avery kay Kyle at sabay ring kaming nagulat nang biglang mag-capture ang camera niya.

"Hoy!" sabi ni Avery at tinulak sa 'kin ang phone niya. Tumakbo siya papunta kay Kyle. "Burahin mo 'yon!"

"No!"

Napatawa na lang ako saka pinagmasdan ang phone na biglaang binigay sa 'kin ni Avery. Binuksan ko para sana tingnan ang oras, pero mas pumukaw ng pansin ko ang wallpaper niya.

"Ito lang ang picture nating tatlo!" sigaw ni Kyle.

Napakunot ang noo ko.

Avis?

Palayaw niya ba 'yon?

Napatuwid ang tayo ko nang lumapit sa 'kin bigla si Avery. "Phone ko!"

Inabot ko sa kanya 'yon. "Na-delete mo ba?"

"Hindi," sabi niya. Bigla siyang humalakhak. "Ikaw lang pangit doon, e."

"Ah," sabi ko saka natawa nang sarkastiko. "Gano'n?"

Tumawa siya. Bumuka sana ang labi niya para magsalita, pero nagsara rin 'yon. Naisip kong baka may gusto siyang sabihin sa 'kin at hindi niya lang maiporma nang maayos sa mga salita.

"Hoy," sabi niya. May totoong ngiting nakapaskil sa labi niya at nakatingin siya sa 'kin nang malamlam. "Galingan natin."

Tinapik niya ang braso ko. Nginitian pa niya ako ulit bago naglakad papunta sa mga kasama namin at naiwan naman akong nakangiti sa hangin.

Fucking shet.

Kung sa mga gano'ng kasimpleng bagay lang pala ako sasaya, edi si Avery lang pala ang kailangan ko sa buhay ko.

--

MAKALIPAS ANG ISANG oras, nababawasan nang marami ang laman ng gymnasium. Lahat sila lumalabas nang nakangiti, kaya ang suspestiya namin, hindi agad sinasabi kung makakapasok sila o hindi. Dahil do'n, mas kinakabahan kami lalo.

"Crushed Lyrics!" tawag mula sa loob ng audition room.

"Let's quit!" sabi ni Kyle. "Mamamatay na yata ako sa kaba!"

"Tanga!" sabi ni Santi. Nanginginig ang mga kamay niya. "'Wag ka ngang kabahan!"

Ilang beses na akong bumuntonghininga habang nakatitig sa pinto ng audition room. Hindi ko alam pero sabi nila, isa raw sa miyembro ng Sickening Under ang isa sa mga judges.

Mas lalo akong kinabahan dahil do'n.

Napakislot ako nang may maramdaman akong malamig na kamay sa braso ko. Napalingon ako at nakita ko si Avery na nakahawak sa 'kin.

"Nanlalamig ako," sabi niya.

Pakiramdam ko para akong iniihipang lobong biglang pumutok. Malaki ang mga mata kong nakatitig sa maliit niyang mga kamay na nakahawak sa akin.

Parang may pumisil sa lalamunan ko at hindi ako makapagsalita.

Maganda ang hugis ng mga daliri ni Avery. Mahaba, payat na medyo malaman. Tama lang din ang haba ng mga kuko niyang may tira-tirang kulay ng cutics na itim. Napatitig ako doon nang matagal.

Ang sarap sigurong hawakan ng mga kamay niya.

Napabitaw sa akin si Avery nang biglang bumukas ang kwarto ng audition room.

"Strong Strums!" tawag ng babaeng naka-itim na polo shirt at may hawak na mga papel.

Pumarada ang isang mahabang linya ng kaba habang naglalakad kami papunta sa kwartong iyon. Pumasok kami. May naka set-up nang drums at piano at dahil hindi kami nagdala ng sarili naming mga instruments, ginamit namin ang mga p-in-rovide nila.

Agad akong umupo sa drums at si Santi naman sa piano. Nakatayo na si Avery sa harap at kasama niya ro'n sina Jiyo, Paul, at Kyle.

May tatlong judges na sa harap at mukhang pagod na sila. Tama nga sila dahil ang drummer ng Sickening Under ay nandoon, si Jace. Sa tsantsa ko, 21 pa lang siya. Sa linya ng mga judges, kasama ang isang Music teacher saka isang producer. Mas lalong tumindi ang kaba ko.

Pero si Avery na nasa harap, lumingon siya sa amin.

Biglang nawala ang Avery na galit, nakasimangot at sumisigaw. Nawala ang mala-umaapoy niyang mga mata. Nawala ang isang hardin ng itim na mga rosas.

Nang nilingon niya kami, may tila bumulaklak sa paligid ko. Parang nagsilaglagan ang mga bituin at nagputukan ang mga kwitis.

"Huwag kayong kabahan ah!" sabi niya. "Kaya natin 'to. Kotong magkakamali!"

Parang instant power-up ang ngiting binigay sa amin ni Avery. Lumingon siya sa harap. Tinanggal niya ang lasong nakatali sa palapulsuhan niya at pasadyang nilaglag 'yon sa sahig.

Nanlaki ang mga mata ko.

Nagbigay na ng cue ang babaeng nagpapasok sa amin kanina kaya napatapik ako sa drums. Nakatuon pa rin ang tingin ko sa laso.

"One, two, three," sabi ko. Umayos ang upo ni Santi at pumwesto na ang tatlo sa harap. Bago kami tumugtog nang sabay-sabay at bago ko hinampas ang drums, napangiti ako saka tumingin sa likod ni Avery.

Hindi ako nagkamaling nagustuhan ko siya.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro