Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

07

07 // strums

>>

HALOS LAHAT, KILALA si Avery Vescilia.

Bakit?

Una, galing siya sa pinakamayamang pamilya ng San Sebastian.

Pangalawa, ang pamilyang pinanggalingan niya ang may hawak ng halos lahat ng lupa sa lugar namin.

Pangatlo, ang pamilya niya lang naman ang pinakamisteryosong pamilya sa lahat dahil sa tradisyon kuno na ginagawa nila na wala ni isa ang nakakaalam.

Pang-apat, si Avery ang nagta-top sa kahit anong school na pinapasukan niya.

At panglima, si Avery na lang din kasi ang natitirang purong Vescilia dahil sa sunod-sunod na trahedyang naganap sa pamilya nila.

Kung iisipin, napakaprestihiyoso niya. Parang mamahaling diyamante. Parang pinoprotektahang prinsesa.

Kaya hindi mo masisisi ang mga kaibigan kong halos matameme nang abot kamay na lang nila ang nag-iisang si Avery Vescilia.

"Pwedeng-pwede akong umalis kahit kailan ko gusto kung hindi n'yo pa rin sisimulang magsalita."

Napatuwid ng upo ang apat at napatikhim naman si Kyle.

"I'm Kyle," sabi niya. "At bubuo kami ng banda."

"Ayun nga ang sabi sa 'kin," sabi ni Avery.

"Just so you know, auditions na sa Fri—"

"May kakantahin na?"

"Oo, at kailangan na natin ng band name at ng practice."

"Wala pa kayong name?" sabi ni Avery, gulat na gulat. "Seryoso?"

"Jiyo 'wag," sabi ni Santi.

"Band of the Wicked," sabi ni Jiyo. Napatampal naman ako sa noo ko.

"Tunog kulto naman," komento ni Avery.

"Shining Melody!" sabi ni Kyle.

"Girl group lang?"

"We Sing For Women!" suhestiyon ni Paul.

"Babae ang vocalist n'yo."

"Laughing Notes?" sabi ni Santi.

"Comedy bar?"

Napaikot ang mga mata ni Avery saka tumingin sa 'kin. "Ikaw, ano sa 'yo?"

Napailing na lang ako. Wala pa talaga kasi akong naiisip na kahit anong title dahil siyempre, inasa ko ang gawaing 'yan kay Kyle.

"Hehe," sabi ko.

Inikutan niya lang ako ng mata saka tumingin pabalik sa amin. "Strong Strums?" suhestiyon niya.

"Perfect!" sabi ni Kyle saka sinulat ang sinabi ni Avery.

Napatutop naman ang labi ni Avery at napahawak siya sa baba niya.

"Gusto ko 'yung Strong Strums," sabi ni Jiyo.

Tumango naman ako at nagsang-ayon silang lahat. Napangiti naman si Avery. "Kung wala pala ako, tatawagin kayong lahat na Shining Melody."

Tinawanan ni Santi si Avery. "Bakla kasi 'yan si Kyle."

"Huwag mo akong simulan, ha, Santi," sabi ni Kyle habang nagsusulat sa papel.

Natawa rin ako at napapalo kay Kyle. Mataas ang sikat ng araw kahit alas-nuwebe pa lang ng umaga. Nagdaldalan sandali sila Santi at Jiyo habang nagsusulat si Kyle sa papel niya.

"Sa'n tayo magpa-practice?" tanong bigla ni Avery.

Napatingin kami sa kanya. Palihim akong napangiti kasi pakiramdam ko siniseryoso talaga ni Avery ito.

"Sa studio nila Jiyo," sabi ni Kyle.

May studio kasi sila Jiyo dahil tumutugtog din ang Papa niya, kaya okay lang na magkaroon ng practice doon dahil naiintindihan naman nila.

Tumikhim si Avery. "Saan banda 'yon?"

Natigilan akong bigla. Binigyan ako ng nanlalaking mga mata ni Paul at siniko ako ni Kyle, na katabi ko lang.

"Baka araruhin tayo ng pamilya niyan," bulong ni Santi.

Napalunok ako. "Ayos lang ba sa 'yo kung banda sa dulo ng arko ng San Sebastian?"

Kumunot ang noo niya sa 'kin at tumingin sa aming lima. "Bakit ganyan kayo makatingin?"

Tumawa si Santi. "Dahil ikaw lang naman si Avery Vescilia?"

Malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Avery saka tumingin nang masama sa aming lima. "Ano naman ngayon?"

"Wala lang," simula ko. "Halos bantay ng mga kasama mo ang bawat galaw mo, dahil ikaw si Avery Vescilia. Malamang, e, kung mawala ka bigla mamayang uwian, isa-isahin nila bawat bahay rito at baka pati mga guro. Siyempre m-mahalagang alalahanin muna namin ikaw at ang mga—"

"Mga kasama mo," dagdag ni Kyle.

Lalong kumunot ang noo niya. "Paulit-ulit kong sinasabi sa lahat ng taong hindi na 'ko bata." Umikot ang mga mata niya.

"Oo, pero ikaw si Avery, brad." Napatikhim si Paul nang marinig ang sarili. "Isang Vescilia."

Napatayo siya bigla. "Gano'n ba talaga 'yon?" sabi niya. "Para sabihin ko sa inyo, hindi ako gano'n kahalaga." Inilapat niya ang palad niya sa lamesa saka yumuko nang bahagya. Nakakunot pa rin ang noo niya. "May ibang kinang ang apelyido ko pero hindi ako iba sa inyo. Umuutot din ako. Nabubutasan din ako ng short. Nagkakapeklat din ako. Ngayon kung habang buhay n'yo akong titingnan na para akong mamahaling alahas, hindi ko kayang mapabilang sa banda n'yo."

Huminga siya nang malalim. Hawak-hawak na niya ang bag niya. "Nakakairita na ang mga ganyang tingin," sabi niya bago lumakad palayo.

Natahimik kaming lima habang pinapanood siya.

"Yari kayo . . . galit siya," bulong ko nang nakatingin kay Avery na naglalakad palayo.

"M-Masisisi ba niya tayo?" sabi ni Santi bigla. "Potek. Para siyang mamahaling alahas naman talaga."

"Totoo," sabi ni Paul.

"Iyan ba talaga inaalala n'yo?" sabi ni Kyle. "Never pa akong nabutasan ng short!"

--

NANG MAG-UWIAN, kinakabahan kaming nakaupo na naman sa tambayan. Kanina sa room, mabilis na lumabas si Avery ng kwarto at hindi na namin siya nahabol ni Jiyo, kaya napagdesisyunan naming hintayin na lang namin siya rito sa labas.

"Alas-dos na." Bumuntung-hininga si Paul. Kalahating oras na kami naghihintay.

"Kapag hindi pa natin siya nakuha, out na ang Strong Strums," sabi ni Kyle.

Lalo namang bumaba ang mood naming lima. Para kaming pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa thought na hindi na kami makakasali. Kasalanan din namin; kung ano-ano pa kasi mga pinagsasabi naming lima, e. Mga engot talaga. 

Habang nakatanaw sa grounds, hindi nakatakas sa mga mata ko ang isang kumpol ng magkakaibigang may hawak na mga instruments. Nanlumo ako. Gusto ko ring mapabilang sa mga nag-a-audition.

"Isipin n'yo nga ang sinabi niya kanina," sabi ni Jiyo habang nakatitig sa kini-click niyang ballpen. "Halata namang naiilang siya sa atin."

Napatingin ako kay Jiyo at napaisip. Naaalala ko ang mukha ni Avery noong tumatanggi siya sa aking sumali sa banda namin.

Napahawak ako sa noo ko. Bakit ba ang tanga-tanga ko? Napapikit ako nang mariin. Malamang. Malamang, Kitaro! Nitong nakaraang linggo, kailan ko ba siya nakitang may kasama? Sa sobrang halaga niya sa mata ng iba, wala man lang nagbalak na lumapit sa kanya. Malamang iba ito para sa kanya.

"Tama ka," sabi ko.

"Kung gano'n," sabi ni Paul. "Patunayan nga natin sa kanyang hindi siya iba."

"Ang hirap no'n!" sabi ni Santi. "Nagtatrabaho kaya ang Papa ko sa Vescilia farms!"

"'Yan na naman kayo e. Ano naman?" biglang sabi ng isang boses. Sabay-sabay kaming napalingon at nakita namin si Avery na nakatayo sa likod lang namin. Nakahalukipkip siya at nakatingin na naman nang masama sa aming lima. "Ano na? Tumayo na kayo diyan. Ihahatid tayo nila kuya Lucas."

Hindi namin kilala si Lucas pero mabilis kaming nagligpit at nagkanya-kanyang tayo. Tiningnan ko si Avery at nakaiwas siya ng tingin.

"Teka, bakit?" tanong ni Santi.

Umiwas ng tingin si Avery. "N-Nagpaalam na kasi ako sa kanya."

"Avery," sabi ko at nilapitan siya. "Sorry kanina."

Nawala ang kunot ng noo niya saka gulat na tumingin sa 'kin. Nabawi naman agad 'yon saka niya ako kinurot.

"Aw!"

"Bakit ka nagso-sorry, hunghang," sabi niya.

"E? P-P-Paano—"

"Basta." Kumunot ulit ang noo niya. "Sana lang huwag kayong malikot lima. Kung hindi, magpa-panic si Kuya Lucas, naiintindihan n'yo ba?"

"O, game! Tara na!" sabi ni Paul saka biglang inakbayan si Avery. Napangiwi ako. Ang OA naman ng acting nito.

Agad din silang naghiwalay nang inapakan ni Avery ang paa ni Paul. Napatawa kami ni Kyle habang humahalakhak si Avery, naglalakad papunta sa kotse nila.

Gaya ng inakala namin, maganda nga ang loob! Maluwag at mabango. Masaya rin kasi nagkataong nakatabi ko si Avery at parehas kaming nakadungaw sa bintana. Tahimik lang sa loob, maski si Santi rin. Nakatingin lang din siya sa labas buong biyahe. Matapos ba naman ang babala ni Avery na huwag malikot, kinabahan na talaga kaming gumalaw o magsalita man lang. Si Kuya Lucas naman, isang beses lang nagsalita at iyon ay 'yong tinanong niya si Jiyo ang address nila.

Matapos ang dalawampung minuto, nandoon na kami. Bumaba kaming apat at agad kong nilanghap ang hangin na hindi galing sa loob ng nakakakulong na kotseng 'yon.

"Mamayang alas-sais, Miss—"

"Oo na, oo na," sabi ni Avery, napapapikit. "Hindi ako pupunta kahit saan — oo, naiintindihan ko nga."

Napalingon ako sa kanilang apat. Parang bumalik 'yung tunay na sila nang makababa kami sa kotse nila Avery, wala nang nanunuod. Bumalik ang tingin ko kay Avery nang marinig ko ang kotse nilang umandar palayo.

"Alas-sais ako uuwi," sabi ni Avery saka bumuntung-hininga. "Tara na."

Dire-diretso na kaming naglakad papasok, habang naglalakad sa likuran ko si Avery. Paglingon ko, hindi nakawala sa paniningin ko ang lasong nakatali sa palapulsuhan niya.

Tinanggal niya kanina.

"Medyo magulo ang bahay," sabi ni Jiyo saka binuksan ang pinto nila, pero alam naming apat na scam lang iyon. Pagpasok kasi namin, walang senyales ng kahit anong kalat sa bahay nila. Halos lahat, naka-arrange. Napaisip tuloy ako kung paano napapanatiling ganito kalinis at kaayos ang bahay nila Jiyo samantalang napaka-busy ng Mama't Papa niya.

Sabagay, only child lang kasi si Jiyo kaya wala gaanong kalat.

Tahimik na sumalampak si Avery sa isang sofa. Malawak ang ngiti niya habang tumitingin sa paligid.

"K-Kumakanta ka na ba dati, Avery?"

Nalipat ang tingin niya sa 'kin at nalaglag ang ngiti niya. Napakurap siya nang isang beses saka bumuntonghininga.

"Alam mo naman sigurong sa 'kin nakatoka lahat ng negosyo ng pamilya ko, 'di ba?"

Napalunok ako. Hawak-hawak ni Avery ang lasong nakatali sa palapulsuhan niya.

"O-Oo."

"Kaya nga minsan, naiisip ko . . ." sabi ni Avery. "Parang ang sarap na lang tumakas."

Napatitig ako sa ganda ng mga mata ni Avery. Sa loob ng mga matang 'yon, may nakakulong na isang babaeng gaya niyang gustong tumakbo papunta sa hiling ng puso niya.

Pero nanatili lang siyang nakakulong.

"Hoy, mamaya na 'yan," rinig kong sabi ni Jiyo.

Natauhan ako. Ngumiti sa 'kin si Avery — pilyang ngiti — bago siya tumayo papunta kanila Jiyo. Bumuntung-hininga ako bago tumayo at tumungo rin sa kanila.

--

NAG-PRACTICE KAMI ng mga kanta ni Avril Lavigne.

Nag-trial and error kami ng mga kanta niya at hindi ko inaasahang halos magkaparehas ang boses ni Avery at Avril. Pero hindi niya ginagaya si Avril — kumakanta siya gamit ang sariling boses at kumakanta siya habang nilalagyan niya 'yon ng sarili niyang timpla. Nag-blend nang maayos at maganda ang mga instrumento namin sa boses niya.

Ako ang drummer, si Santi naman ang pianist. Katabi niya si Kyle na nagvi-violin, sa harap niya si Jiyo na nag-e-electric guitar, at si Paul naman ang bassist.

Si Avery ang nasa gitna.

Pinapanood ko lang ang likod ni Avery habang kumakanta siya. Minsan ay napapayuko siya sa pwersa ng boses, minsan napapatawa habang tinitingnan kami, at madalas, kapag tumatagilid siya, nakikita kong nakapikit siya at dinadama ang kanta.

Sumasabay ang buhok niya sa paggalaw habang kumakanta. Maganda ang ngiti ni Avery . . .

At siguro kahit habang buhay akong nakatingin sa kanya habang nakatalikod siya sa 'kin, hindi ako magrereklamo.

--

NANG PUMATAK ANG alas-sais, bumaba na kaming anim sa bakuran nina Jiyo habang nagdadaldalan tungkol sa kung gaano kagaling ang naging performance namin.

Pansin kong pawis si Avery sa pagod sa pagkanta. Hawak-hawak niya ang baso ng soft drink nang bumusina na ang kotse nila sa labas at nakita kong umikot ang mga mata niya.

Nagsigawan kaming apat — hindi naman kasi sumisigaw si Jiyo — nang kunwari'y malungkot. Tumawa si Avery. "OA n'yo!"

Hinanap niya ang bag niya habang tumayo na kaming lima. Tipid na ngumiti sa amin si Avery bago siya naglakad palabas sa pinto nila Jiyo, at sinundan namin siya hanggang gate.

Si Paul ay nakasando na at bukas na ang unang tatlong butones ni Kyle. Si Santi naman ay nagpalit ng malinis na shirt kaya kami na lang ni Jiyo ang nakasuot ng uniform sa matinong paraan. Si Kuya Lucas na sinasabi ni Avery ay gulat na napatingin sa 'min.

Inabot ni Avery sa kanya ang bag niya.

"Bukas, p'wedeng 'wag n'yo na akong sunduin."

Nagulat ang matandang lalaki. "M-Miss Avery."

"Simula bukas, si Kitaro na ang magsusundo sa 'kin."

Nanlaki ang mga mata ko at napalingon sa 'kin ang mga mata ng mga kaibigan ko. Napalingon ako sa kanila, nautal dahil sa gulat, bago tumingin pabalik kay Avery.

Nakangisi siya. "Hindi ba, malinaw 'yon?"

Napalunok ako at inalala ang ekspresyon sa mga mata niya kanina.

Ngumiti ako nang buo bago tumango.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro