Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

06

06 // vocalist

>>

SIMULA KAHAPON, PARANG may mga nagsasayawang paro-paro sa tiyan ko. Kalahating oras lang naman 'yon ng buhay ko pero grabe na ang impact sa akin.

Iba kasi ang pakiramdam 'pag ang tagal mo nang pinangarap ng isang bagay, tapos biglang nangyari. Nagiging malaking parte agad siya ng buhay mo. Nagiging mahalaga. Nagiging memorable.

Kapag naaalala ko ang kinang ng mga mata niya at liwanag ng takipsilim, parang pakiramdam ko lumulutang ako sa tuwa. Feeling ko tuloy hindi na OA 'yung mga romantic movies kasi nararanasan ko na mga nararanasan nila. Parang panaginip nga lang, e. Sa sobrang ganda ng oras na iyon, pakiramdam ko panaginip lang siya, pero sa pagkakataong 'to, hindi ko kailangang magising.

Totoong isang beses sa buhay ko, nakasama ko si Avery Vescilia at pinanood namin nang magkasama ang paglubog ng araw.

Ngayon, tahimik akong nagbabasa ng comic books habang nakabukas ang radyo ko, nakikinig ng mga kanta. Comic books 'to na nabibili lang diyan sa kanto, kasi, wala lang — masaya kaya magbasa ng comic books.

Napatuwid ang pagkakaupo ko nang biglang bumukas ang pinto. Sinara ko ang comic saka tumingin sa kung sino ang pumasok.

Si Kuya Paco.

"Kitaro."

Inabot ko ang radyong nasa lamesa ko lang saka pinatay 'yon. Malakas ang pagbuhos ng ulan sa labas at kitang-kita ang mga pagpatak no'n mula sa bintana ko.

"Bakit?"

Walang suot na pangtaas si Kuya dahil nakapatong sa balikat niya ang damit niya. Masama na naman ang tingin niya sa 'kin. Ano na naman ang ginawa ko?

"Lalabas ako," sabi niya. Mataman pa rin siyang nakatingin sa 'kin. "Ikaw ang magbantay ng bakery."

Umiwas na lang ako ng tingin. Linggo ngayon at si kuya ang nakatokang magbantay ng bakery — iyan ang usapan dito sa loob ng bahay. Buong linggo, wala naman siyang ginawa kundi magkulong sa kwarto niya o maglakwatsa. Ngayon na nga lang sana siya magkakaroon ng silbi.

Pero malay ko ba kung maghahanap siya ng trabaho o ano. Wala naman akong alam sa buhay ni kuya dahil tagong-tago siya sa 'kin.

Hindi ko alam kailan nabuo itong pagkamuhi namin sa isa't-isa. Nagulat na lang yata ako isang umaga, galit na siya sa akin. Hindi naman ako santo, kaya naibalik ko ang galit na 'yon sa kanya.

Nagtagal pa siya nang ilang segundo sa tapat ng pinto ko bago siya lumabas at malakas na sinara ang pinto. Huminga na lang ako nang malalim at inalala si Avery.

Napangiti naman ako kaya mabilis akong bumaba.

"O, saan ka?" tanong ni Mama. Kumakain siya ng orange sa sofa habang nanunuod ng TV.

Ngumiti ako kay Mama. "Sa harap lang po."

"Si Kuya Paco mo bahala diyan," sabi niya saka dumura ng buto ng orange sa maliit na mangkok.

"Ako na po," sabi ko na lang.

Magkarugtong lang naman ang bakery at ang mismong bahay namin. Tipong parang katabing bahay lang, kaya kahit malakas ang ulan, nakarating ako sa bakery namin nang tuyo.

Bakery na ang negosyong tinayo ni Mama dito noon nang wala pang trabaho si Papa. Si Mama kasi, mahilig talagang magluto kaya napakagandang bagay para sa kanya ang bakery namin. Sobrang bonus pa na mabenta ang mga tinapay na binebenta ni Mama.

Sa bakery namin, may dalawang kwarto. Ang lutuan, at ang isa, tambayan. May TV na maliit doon, kahoy na upuan saka isang maliit na lamesa. Dumito muna ako dahil wala namang bumibili pa, e. Sana nagdala ako ng comic book.

Binuksan ko ang TV. May magandang palabas kaya ngayon?

"Pabili!"

Halos mabitawan ko ang remote sa boses na narinig. Nanlaki bigla ang mga mata ko dahil hindi ako pwedeng magkamali.

"Pabili po?"

Boses 'yon ni Avery.

Dali-dali akong napangisi at napatawa nang mahina dahil sa pagkakataong ito. Ampotek, hindi ako handa! Nakasando lang ako saka basketball shorts. Kung alam ko lang na darating dito si Avery, sana naihanda ko ang suit and tie ko.

Humarap na lang ako saglit sa salamin saka nag-ayos ng buhok.

"Pa! Bi! Li! Po!" naiiritang sabi niya. Natawa naman ako ro'n bago ako lumabas ng kwarto.

Napakurap siya nang ilang beses dahil sa gulat. Napamaang din ang bibig niya.

"Kitaro?" sabi niya. Unti-unti siyang ngumisi. "Huh. Pakiramdam ko nasira ang araw ko."

Napaangat naman ang kilay ko ro'n. "Balak pa naman sana kitang bigyan ng VIP service."

Ngumiti siya sa 'kin. "Ah. Bawal na ba mabago isip mo, sir?"

Buong buhay ko, hindi ko hiniling na bumili si Avery sa bakery namin. Hindi naman sa pangit lasa ng tinapay ni Mama — sila Avery kasi, pakiramdam ko, mas pinipili ang tinapay na sini-serve sa paperbag na kulay pink at may ribbon pa. Kaysa naman sa aming plastic labo lang.

Kaya naman natawa ako nang sinabi niyang gusto niya ng ensaymada.

"Sampung piraso, ha."

"Bakit ang dami?"

"'Wag ka nang mangialam."

Napangiti ako ro'n. Sumipit ako ng ensaymada saka binigay sa kanya 'yon.

Sinuksok niya naman 'yon sa maliit niyang bag na nasa basket ng bike niya. Nang sumandal ako sa lagayan namin ng tinapay, saka ko lang napansing may gitara siyang nakasabit sa likod niya. Nakita niya yatang nakita ko ang gitara niya.

"Para saan 'yan?" hindi ko napigilang itanong. Si Avery? Tumutugtog? 

"Pangluto ko siguro."

"Meron ba niyan sa kitchenware?"

Hindi siya sumagot at napalingon na lang kaliwa't kanan, saka nakangiting tumingin sa 'kin. "Hindi tayo close," sabi niya. "pero gusto mo bang sumama sa 'kin?"

Pakiramdam ko nagliwanag ang mga mata ko. Hindi ko alam kung saan, pero mabilis akong sumagot. "O-Oo naman! Saan?"

"Sa may ampunan—"

Biglang bumukas ang gate namin at iniluwa no'n si Kuya Paco. Sabay kaming napalingon sa kanya. Tiningnan ako ni kuya at hindi na siya nagsalita bago siya lumakad palayo.

"Mukhang hindi ka yata p'wede."

Inayos na ni Avery ang pagkakasuot niya ng hoodie. Gusto ko sana siyang pigilan at gusto kong sumama sa kanya, pero ako kasi ang pinagbantay ng bakery. Parang sinabugan ng lungkot ang dibdib ko.

Itinayo niya ang bike niya.

"T-Teka, Avery."

Napatigil siya sa pagsakay nang nilingon niya ako.

"Papasok ka naman bukas, 'di ba?"

Humina na ang pagbuhos ng ulan kaya patak patak na lang ang naririnig ko. Nakapilyang ngiti na naman sa 'kin si Avery.

"Bakit, hihintayin mo 'ko?"

Hindi na niya hinintay ang sagot ko. Mabilis siyang nagbisikleta papunta sa kung saan man siya pupunta.

"Oo," bulong ko.

Naiinis pa rin ako na hindi ako makakasama kay Avery, pero habang pinapanood siyang mag-bike palayo at habang naaalalang makikita ko siya ulit bukas, naisip kong hindi na rin 'yon masama.

--

"WALA PA RIN tayong vocalist. Sa Friday na auditions!"

Umangat ang tingin ko kay Kyle mula sa pagbabasa ng comic book. Napabuntonghininga ako dahil halata sa mukha niyang stress na stress na siya.

Understandable naman, kasi noong grade seven pa kami, sinabi na niya sa aming kailangan naming bumuo ng banda. Hindi conrete ang plano naming iyon hanggang sa tumungtong kami ng tenth grade, at nabuo ang malakihang planong mag-perform sa SU.

Hindi lang kasi ito basta-bastang performance. Prestihiyoosng unibersidad ang San Sebastian, at kahit mga taga-Maynila ay dumadayo para panoorin ang mga magtatanghal dito. Minsan kasi may mga pagkakataong may nanonood na producers at malay mo, baka makuha kami kung magustuhan man kami.

Nitong mga nakaraang taon, si Kyle ang bumuo ng malinaw na plano para rito. Nag-practice kami, sumulat pa nga ng kanta, kaya sa aming lima, siya ang pinaka na-stress dahil hindi nakapasok si Eric. Ilang linggo lang naman umiyak sa amin si Eric no'n.

Naku, kung may matino lang kumanta sa 'min e.

"Wala naman yata kayong paki, e," sabi na lang ni Kyle saka binagsak ang ballpen niya sa lamesa. Doon na napatingin ang tatlo sa kanya.

Binato siya ni Jiyo ng gum.

Habang binubuksan ni Kyle ang gum niya, nakita kong mangiyak-ngiyak siya.

"Ako lang yata may gusto nito, e," sabi niya.

Natawa ako at natawa rin sila Santi at Paul. Agad nilang binaba ang mga hawak nila saka lumipat sa tabi ni Kyle. "Oh, 'wag kayong tumabi sa 'kin!" sabi niya pa saka sinubo ang gum.

"Ano ka ba naman, Kyle!" sabi ni Paul. "Naghahanap kaya 'ko ng vocalist!"

"Ako rin!" sabi ni Santi.

"'Wag kang umiyak, masasayang 'yung gum," dagdag pa ni Jiyo.

Tumawa ako saka tinapik-tapik si Kyle.

"Wala pa rin tayo mahanap," sabi ni Kyle. "Paano 'yan? Wala na ba talaga kayong know na kumakanta?"

Napakurap ako sa sinabi ni Kyle. Isang segundo, nanlaki ang mga mata ko. Bumagsak ang kamao ko sa lamesa.

"Si Avery!"

"Nako, tigilan mo nga kami—" Naputol ang sasabihin ni Paul dahil bigla akong umalis sa tambayan namin.

Nakita ko lang naman kasi si Avery na papasok na sa building namin.

"Avery!" sigaw ko. "Avery!"

Hindi ko na-imagine sa buong buhay ko na isisigaw ko ang pangalan niya nang ganito. Ang sarap pala sa pakiramdam? Na kaya ko siyang tawagin mula sa malayo at aasahan kong . . . lilingon siya.

Umikot si Avery at nagtama ang mga mata namin.

Sandali akong napatigil sa gandang nakita ko. Gamit niya ang laso at nakaipit ang buhok niya.

Shet.

Ang ganda talaga niya.

"Ano na naman ba'ng kailangan mo?" sigaw niya pabalik.

Nilakad-takbo ko papunta sa kanyang prenteng nakatayo sa silong ng building. May nakasabit sa kanyang gitara.

Nang makalapit ako, tiningala niya ako. Saka ko lang na-realize na ang liit niya pala sa taas ko. Nag-adjust muna ako sa gandang nakita ko bago nagsalita.

"Iniisip ko lang kung saan ka pumunta kahapon?" tanong ko. "Kung ano'ng ginawa mo sa may ampunan . . ."

Kumunot ang noo niya saka namula ang parehas na pisngi. "T-Tumugtog. Bakit?"

Napangiti ako sa ideyang nakaupo siyang napapaligiran ng mga bata habang kumakanta. Mala-anghel talaga e.

Napabuntonghininga ako. "Kami kasi," sabi ko, "naghahanap kami ng vocalist. Naisip ko lang na baka . . . kung gusto mo lang naman? S-Sumali."

Napalunok siya't kumurap. Sumilip siya sa likod ko. "S-Sila ba mga bandmates mo?"

Napakamot ako ng ulo. Nakita ni Avery na nagkukutusan sila. "Ah, oo."

Mabilis siyang tumalikod. "Ayoko."

Nagulat ako kaya mabilis ko siyang hinawakan sa braso. "Uy, teka," sabi ko. "Bakit naman?"

Lumingon siya sa 'kin at agad na binawi ang braso niya. Nakita ko na parang kinakabahan siya.

"E-E, basta." Tatalikod na sana siya pero hinawakan ko ulit siya sa braso.

"Kung natatakot ka sa kanila, 'wag kang mag-alala. Hindi sila nangangagat," sabi ko.

"H-Hindi ako natatakot sa kanila!" sabi niya. "Ako? Matatakot? Huh. Kilala—"

"E, si Paul ba? Narinig mo na ba baho n'yan?" Bumuntung-hininga ako. "Nako, ano, 'wag ka mag-alala. Chick boy 'yun, pero nandito naman ako, e."

Napakunot ang noo niya at napatingin sa 'kin.

"A-Ang ibig kong sabihin, Avery—"

"Basta, ayokong sumali."

Nakaiwas ang tingin ni Avery at nakahawak siya ng mahigpit sa gitara niya.

"S-Sure ka ba?"

Nanatili lang siyang tahimik at nakatingin kung saan. Ano na naman ba 'to? Bugtong na naman ba 'to?

Nakita ko kung paano lumiwanag ang mga mata niya noong sinabi ko sa kanyang naghahanap kami ng vocalist. Nagbago lang iyon nang nakita niya ang mga kaibigan ko.

"Teka . . . parang naiintindihan ko na."

Napatingin siya sa 'kin bigla.

"K-Kasi, 'di ba?" sabi ko at bahagyang natawa. "Isa kang Vescilia. Baka kung ano isipin ng iba 'pag makita kang sumasama lang sa amin."

Hindi sumagot si Avery. Nakatingin lang sa 'kin ang nanlalaki niyang mga mata. Umiwas ako ng tingin.

Ang kapal din naman ng mukha kong ayain siya sa banda naming wala na yatang pag-asa, porque nagsama kami nang wala pa ngang isang oras sa tulay. Ang kapal ng mukha kong isiping . . . mayro'n akong lugar sa kanya.

Nagulat na lang ako nang biglang may umapak sa paa ko at namalo ng noo ko.

"A-Aray!"

"Alam mo? Ang drama mo," sabi niya. Nang tiningnan ko siya, halatang pinipigilan niya ang ngiti niya. "Mukha kang ewan." Inayos niya ang uniform saka ang gitara niya. Bumalik ang tingin niya sa 'kin. "'Wag mo na ulit sasabihin 'yon, baliw ka."

Parang may biglang nagkaroon pagsabog sa dibdib ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko habang tinitingnan ko si Avery — ang magandang si Avery — na nakatingin at nakangiti nang buo sa 'kin.

Parang 'yung ngiti niya sa 'kin noong Sabado, bago siya nagbisikleta palayo.

"Ipakilala mo na 'ko sa banda natin," sabi niya, na nagpangiti sa 'kin nang wagas.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro