Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

05

05 // sunset

>>

DESPERADO NA BA ako?

Kung may ibang makabasa ng iniisip ko, baka isipin nilang baliw ako dahil si Avery lang ang laman nito. Hindi ko alam kung paano ako naging ganito kabaliw. Siguro noon pa. Siguro nito lang nang tiningnan niya ako nang matagal sa mga mata. Hindi ko alam . . . siguro sobrang tagal na at nakasanayan na ng katawan at utak kong isipin at hanap-hanapin siya.

Sumpa ba 'to?

Habang nakasanda sa railing ng tulay, napatawa ako. Si Avery, ang pagkakagusto sa napakagandang si Avery, isang sumpa?

Blessing siguro.

Ininom ko ang soda in can na hawak ko at tinanaw ang paglubog ng araw. Iyong apat na mga hunghang, naglalaro ng basketball. Naglalaro rin naman ako ng basketball pero wala  ako sa mood kaya hindi muna sa ngayon. Parang may kulang sa loob ko, e.

Kahapon kasi, absent si Avery.

Noong mga bata pa kami, laging dumaraan ang family car nila sa kalsada sa harap ng bahay namin. Tuwing alas-nuwebe ng umaga inaabangan kong dumaan ang kotse nila. Eleven years old siguro ako no'n, at tuwing alas-dose ang pasok namin kaya naaabangan ko siya. Sa mahigit dalawang segundo, napagmamasdan ko si Avery na nakaupo sa gilid ng kotse nila. Nakasuot ng uniform, maayos ang buhok.

Ni minsan, walang palya, hindi siya umabsent. Tuwing alas-nuwebeng nakaupo ako sa tapat ng bahay namin, nakikita ko siya, masaya na ako.

Kaya nakapagtatakang absent sya kahapon.

Uminom pa ako ulit. Pumikit ako habang gumuguhit sa lalamunan ko ang lasa ng softdrink. Pagdilat ng mga mata ko, halos mapaubo ako.

Si Avery!

Nakikita ko si Avery.

Nasa tabing-ilog siya. May nakabagsak na bike sa likod niya at nagbabato siya ng bato sa ilog. Malakas at malayo ang pagbato niya. Gaya ng dati, sumasayaw ang buhok niya sa hangin. Agad-agad kong inubos ang inumin ko at bago pa makapag-isip, nakikita ko na lang na tumatakbo ang mga paa ko.

Hindi ko mapigilan ang ngiti ko habang tumatakbo pababa ng tulay. Humahampas sa 'kin ang hangin at dama ko ang parating na lamig sa balat ko. Ilang sandali pa, natanaw ko na si Avery.

Bumato ulit siya ng bato.

Nagsimula na akong kabahan.

Napatikhim ako at inayos ang damit. Humugot ako ng malalalim na hininga at napatigil nang napagtanto kong . . . parang nangyari na 'to noon. Napatawa ako. Oo, noon, nakaraang summer. Nakaupo siya sa dulo ng slide. Ngayon, nakaupo siya sa gilid ng ilog. Noon, may hawak siyang sketchpad. Ngayon, may hawak siyang mga bato.

Noon, malungkot siya. Ngayon . . . malungkot pa rin.

Dahan-dahan akong naglakad papunta sa kanya. Mabato ang daanan kaya mahirap maglakad lalo na't nakatsinelas ako, pero kaya naman. Nakarating ako sa tabi niya at kahit kinakabahan, umupo ako sa tabi niya.

Alam niyang umupo ako. Nakita niya ako at malamang, naramdaman niya, pero hindi siya kumibo. Parang may sumuntok sa dibdib ko dahil naamoy ko na naman ang pamilyar niyang pabango. Parang may nagsabugang fireworks sa loob ko.

"Lumayo ka nga sa 'kin."

Napakislot ako dahil bigla siyang nagsalita. Pero hindi gaya noon, nagawa kong maluwagan ang lalamunan ko at hindi na maipit para makapagsalita ako. Isinantabi ko ang kaba.

Tumawa ako. "Ang harsh mo naman."

Naubos na ang batong hawak niya sa palad niya. Kumuha pa ulit siya sa tabi niya saka nagbato ulit.

"Absent ka kahapon," sabi ko. Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko.

Kung si Avery noon ang sinabihan ko niyan, tatawa siya siguro nang mahina saka mahiyaing ngingiti.

Pero iba na siya, e.

Umikot ang mga mata niya. "Paki mo ba? Tinatamad ako."

Pinigilan kong 'wag suminghap. Tinatamad? Si Avery, tinatamad?

"Bakit naman?" tanong ko.

Hindi ko naman inaasahang makipag-usap siya sa 'kin. Ang akala ko nga, hindi niya lang ako papansinin at babaliwalain ang buong presensya ko, pero hindi gano'n ang nangyari. Wala siyang emosyon sa mga mata niya habang nakatitig lang sa ilog.

Tapos nagsalita siya.

"Wala lang."

"Pwede ka namang mag-share."

"Hindi ko lang maintindihan." Napatayo siya bigla kaya nagulat ako, nang sabay-sabay niyang tinapon ang mga bato sa ilog. Sinangga ko ang dalawa kong braso sa mga talsik. "Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nating pilitin ang mga sarili nating gawin ang mga hindi naman natin gusto."

May naririnig akong galit sa boses niya. Napatingin ako sa ilog na gumalaw dahil sa mga bato.

Yumuko pa siya ulit para kumuha ng maraming bato, saka hinagis muli sa ilog. Napatayo na ako no'n bago pa ako matalsikan ng tubig, at tumawa naman siya.

"H-Hindi mo gusto ang . . . mag-aral?"

Napabuga ng hangin si Avery saka umupo ulit sa batuhan. "Sino ba'ng gusto mag-aral?"

"Ako," sabi ko bigla. Umupo ako ulit sa tabi niya.

"Ako ayoko. May mga iba kasi akong gustong gawin," sabi niya. "Siguro ikaw gusto mo kasi nakakulong ka lang sa mga gawaing sinabi ng mundo sa 'yong gawin mo. Mag-aral. Magtrabaho. Mag-asawa. Mamatay."

Napatahimik ako sa sinabi ni Avery.

Sinabi ng mundo sa 'king gawin ko.

"Hindi ba gano'n naman dapat?" sabi ko na lang.

"Malay ko sa 'yo. Basta, iba paniniwala ko," ani ni Avery saka kumuha ng mga bato. "Gusto ko kasing gumala, pumunta kung saan saan, hanapin ang sarili ko, magliwaliw, makakilala ng iba't ibang tao."

Napatingin lang ako sa ilog habang pinakikinggan siya.

Sumimangot siya. "Pero hindi kasi pwede. May nakakadiri kasi tayong bagay na awtomatiko nating nakukuha kapag tumatanda na tayo: responsibilidad."

Nagbato siya sa ilog.

"Alam mo, kung bibisitahin tayo ng aliens, pagtatawanan nila tayo. Iisipin nilang sinasayang natin mga oras nating nakakulong sa apat na sulok ng classroom, pinag-aaralan ang Algebra na 'di naman natin magagamit sa mga totoo nating pangarap sa buhay."

Napatawa ako. Tumingin ako kay Avery at nakitang bahagya rin siyang nakangiti.

"Minsan hindi ako masunurin kung kaya ko. Sinasalungat ko lahat ng sinasabi sa 'kin ng lahat kasi ayokong ipakita sa kanilang kaya nilang pamunuan ang mundo ko."

"Hindi naman siguro nila pinamumunuan ang mundo mo," sabi ko. "Mukhang gusto ka lang nilang samahan."

"Sa mga computer games o video games, hindi mo kasama sa buong laro ang tutorial," sabi ni Avery saka nagbato. "Tinuruan nila akong mag-isip. Maglakad. Maging ako." Bumato pa siya ng marami. "Kaya dapat hayaan nila kung saan mapadpad ang tinuruan nilang gumalaw sa ganitong mundo."

Simula kaninang tinabihan ko si Avery, hindi niya ako tiningnan. Nakatingin siya sa malayo, mas naka-focus sa pagbato at sa mga sinasabi niya sa 'kin.

Hindi ko alam kung ano'ng gagawin sa mga sinasabi sa 'kin ni Avery. Hindi ko alam na sa ilalim pala ng mahinhin at mabait na si Avery, may nagtatagong ganitong pag-iisip. Aliens daw amputek. Ang cute, e. Ang lalim ng mga sinasabi niya sa akin.

At parang mas nagustuhan ko siya lalo dahil do'n.

"Ikaw si Kitaro 'di ba?"

Nanlaki ang mga mata ko at dali-dali akong napatingin sa kanya. Nakita ko ang parehas na mga matang nakita ko noong unang beses kaming nagkausap. Nangungusap at kumikislap na kulay tsokolateng mga mata.

"N-Naaalala mo 'ko?" sabi ko.

Ako na nakita niya sa playground? Ako na sinabihan siyang hindi ako Japanese?

Kumurap siya at walang emosyong binalik ang tingin sa ilog. Nagpatuloy siya sa pagbato at hindi niya sinagot ang tanong ko.

"Naiinis ako sa 'yo," sabi niya bigla. "Kasi pakiramdam ko sobrang kilala mo 'ko."

Napailing ako nang maka-recover sa gulat. "Hindi totoo 'yan," sabi ko. Kung alam lang niya kung paano ako naguguluhan kakaisip pa lang sa kanya.

"Huh," sabi niya habang nakangisi. "Minsan 'pag nakatitig ka sa 'kin, para mo akong binubuklat. Ang pangit sa pakiramdam." Naibato niya na ang huli niyang bato."Kuha mo nga ako ng mga bato."

Kumuha ako ng mga bato saka inabot sa kamay niya. Sandaling dumaplis ang daliri ko sa palad niya at sumigaw ako sa loob ko. Potek, totoo ba 'to?

"Kailan kita tinitigan?"

"Hoy!" sabi niyang bigla sa 'kin at napatawa ako. "Baka kapag nilista ko kung ilang beses kitang nahuli, mapahiya ka diyan."

Tawa lang ako nang tawa. Nang sinilip ko siya, nakangiti siya ulit.

"Ano ba'ng ginagawa mo dito?" tanong niya sa 'kin bigla. Nilahad niya ang kamay niya kaya kumuha na naman ako ng mga bato saka inabot sa kanya.

Tumingala ako. "Ikaw muna."

"Para magbato. Ikaw?"

Natawa na naman ako. Para bumato lang?

"Panonoorin ang araw," sagot ko. Palubog na nga ang araw at may mga sumisilip nang bituin.

Napaangat ang ulo niya ro'n. "Shit, oo nga."

Napatayo siya at pinagpag ang damit.

"Bakit?"

Hindi siya sumagot. Parang may bumagsak na mabigat sa dibdib ko dahil na-realize kong aalis na siya at maiiwan na naman akong humihiling ng ilan pang mga oras.

Lumakad siya papunta sa bike niya at itinayo 'yon. Hawak niya ang manibela ng bisekleta niya at nilakad paakyat sa tulay. Tumayo ako at sinundan siya.

Nang nakarating na sa patag si Avery, nag-bike siya palayo. Naiwan akong nakatayo habang pinapanood si Avery.

Parang may kulang sa dibdib ko.

Pero agad akong napangiti nang tumigil ang bike niya sa may bandang gitna ng tulay. Bumaba siya sa bike at sinandal 'yon sa railings. Nakita ko namang lumingon siya sa 'kin.

"Ano pa tinatayo-tayo mo diyan? Samahan mo 'ko!" sigaw niya sa 'kin.

Sumasabay sa hangin ang mahaba niyang buhok na parang sumasayaw, at tinatamaan siya ng liwanag ng nagpapaalam na araw. Napalibutan siya ng ilaw ng araw, at dumaraang mga sasakyan, at sa mga mata ko, siya ang pinakamagandang bagay na nakita ko sa buong buhay ko. Mas maganda pa sa mga kulay na sumasabog sa langit tuwing bagong taon.

"Ano na!" sabi niya.

Napatawa ako bago ko tinakbo kung saan siya nakatayo.

"Akala ko uuwi ka na," sabi ko bigla.

Sabay kaming humarap sa araw. Papalubog na ang araw at kumikinang ang liwanag nito sa tubig ng ilog. Sumasayaw sa ibabaw ng mga isda at sa ilalim ng kahel na langit. Napangiti ako.

"Pumunta rin ako dito para panoorin 'yan," sabi niya. Nilingon ko siya at napangiti pa lalo nang makita kong kumikinang ang magaganda niyang mga mata habang nakatingin sa araw. "Ang ganda, 'no?"

Pinagmasdan ko ang mala-anghel na mukha niya bago lumingon pabalik sa araw. "Sobra."

Napabuntonghininga siya. Kumapit siya sa railings at nagulat ako sa sunod na ginawa niya.

"A-Avery!" sambit ko. Noong una, akala ko tatalon siya kaya siya umakyat sa railing. Iyon pala uupo lang siya. "Bumaba ka nga diyan!"

Hindi niya ako sinunod. "Ayoko nga."

Tatawa na sana ako pero nakakapag-panic kasi ang ginagawa niya. "T-Teka. Delikado kasi 'yan!"

Sinimulan niyang igalaw ang mga binti niyang nakalambitin sa hangin. Nasa magkabilang gilid niya ang mga kamay niya habang nakangising nakatingin sa araw.

"Delikado? Walang delikado sa 'kin ano," sabi niya. "Kaya kong mag-ingat."

Napatahimik ako sa sinabi niya. Para sigurado, lumapit na lang ako sa kanya para just in case na . . . alam n'yo na. Madali ko siyang mahahawakan. Kahit na ilog ang nasa ilalim ng tulay, mas maganda pa rin kung hindi mangyari ang naiisip ko.

"Hoy, Kitaro," sabi niya. "Paano mo nga 'ko nakikilala?"

Tinigil niya ang pag-swing ng mga paa niya at nilingon ako. Napalunok ako nang magtama ang mga mata namin.

Nag-iwas ako ng tingin. "Tinatanong mo ulit."

"Malamang kasi no'ng unang beses na tinanong ko, hindi mo sinagot."

Napangisi ako. "Ano'ng kasiguraduhan mong sasagot ako?"

Baka kasi kapag sagutin ko, mapaamin ako bigla. Ayoko muna, ano. Sa susunod na. Kapag nakilala ko na siya nang mas maayos at gano'n din siya sa 'kin.

Sana nga umabot din sa gano'ng punto.

"Ayos lang kahit 'wag mo nang sagutin," ani niya. "I-describe mo na lang siguro ako noong bata pa 'ko."

Napakunot ang noo ko. "Para saan naman?"

Ini-swing niya ulit ang mga paa niya. "Sige na."

Napatingin ako sa araw. Unti-unti nang nawawala ang liwanag niya.

"Alam mo kasi, Kitaro," sabi niya. Parang napakagandang salita ng pangalan ko kapag galing sa kanya. "Hindi ko kilala ang sarili ko."

Bumalik ang tingin ko sa kanya. Parang may humigpit sa dibdib ko nang gumuhit na naman sa maganda niyang mukha ang lungkot na nakikita ko nang ilang taon na.

Hindi ko alam, pero iisa lang naman ang gusto kong mangyari. Makita siyang sumaya. Sa loob ng maikling oras na nakakasama ko siya ngayon, ilang beses kong nakita ang totoo niyang ngiting sumisilay sa kanya. Gusto kong sabihing hawak niya ang pinakamagandang ngiti sa lahat, pero hindi ko magawa. Ang alam ko lang, nakikita ko siyang ngumingiti sa tuwing ginagawa niya ang mga bagay kung saan siya sumasaya. Kung saan siya'y nagiging sarili niya.

Sa tingin ko, napakatagal niya nang nakakulong. At sa pagkakakulong na 'yon, pinipilit niyang makawala, pero hindi niya kaya.

"Avery," sabi ko. Tiningnan ko siya nang mabuti sa mga mata niya. "Ikaw si Avery."

Unti-unti, may pumaskil na ngiti sa labi niya bago niya tiningnan pabalik ang araw.

"Siguro nga," wika niya. Nagulat ako sa sunod niyang ginawa.

"H-Huy!"

Tinapon niya ang tsinelas niya sa ilog. Malakas siyang tumawa.

"Uy, tingnan mo! Nakapaa ako," sabi niya. Inangat niya ang mga paa niya at nilaro ang mga daliri.

Hindi ko alam na masasabi ko 'to sa gustong-gusto kong si Avery pero, "baliw ka ba?"

Agad siyang napatawa saka umikot para makabalik sa inaapakan ko.

"Ayos lang," sabi ko. "Parang feel kong mag-bike nang naka-paa, e."

Umapak ang mga hubad niyang paa sa lupa. Hawak niya na bigla ang manibela ng bike niya.

"N-Nakapaa ka lang?" sabi ko. "Gusto mo hiramin mo sa 'kin?"

Kinunotan niya ako ng noo. "Yuck, ayoko nga!"

"Mas kadiri naman ang nakapaa, Avery," sabi ko at nagkunwaring naiinsulto.

"Ewan ko sa 'yo," sabi niya. Sumakay na siya sa bisikleta niya saka nilingon ako. Nagulat ako sa lambot ng ekspresyong binigay niya sa 'kin. Nakangiti siya nang buo at kumikinang ang mga mata niya. Sa ngiti niyang 'yon, pakiramdam ko malalagutan ako ng hininga.

"Papakuha ko na lang 'yung tsinelas mamaya. Ayokong dumagdag sa water pollution," sabi niya saka tumawa. Nilingon niya na lang ulit ang kalsada bago nagbisikleta palayo.

Napahawak ako sa railing bigla nang makalayo na siya. Unti-unting tila sumasabog ang dibdib ko sa saya.

Kumawala ang napakaraming paru-paro sa sikmura ko, at sa hangin, napangiti ako nang sobrang lapad.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro