Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

04

04 // gusto

>>

BIGLANG BUMUKAS ANG pinto dahilan para mapatingin ako doon. Nandoon si Jiyo, nakatayo. Sandali siyang napatingin kay Avery (na nakapikit ulit) bago siya napatingin sa 'kin.

"Tara," sabi ni Jiyo. Tumayo naman ako saka nilingon ulit si Avery. Naalala ko 'yong ginawa ni Jiyo sa kanya kahapon. Ni hindi ko nga magawang lumakad man lang sa kanya, iyong hawakan pa kaya siya? Napatingin ako pabalik kay Jiyo. "Hayaan mo. Papunta na mga susundo sa kaniya rito."

Tumingin ulit ako kay Avery bago ako lumakad papunta kay Jiyo.

Sabay kaming lumabas ni Jiyo at naglalakad na kami papunta sa tambayan namin simula kahapon. Nasa pinakagilid siya ng grounds, may malaking punong malapit, at katabi mismo ng puno na 'yon, may kahoy na lamesa at upuan, may bubong din. Para na nga 'tong teritoryong minarkahan naming lima, e. Ang arte lang, pero at least may hintayan na kami.

Doon sa lamesang 'yon, nakaupo na ang tatlo.

"All I want to say is, pangit ang mga kanta ni Shanti Dope!"

Napaikot naman ang mga mata ko nang nagbabangayan na naman itong sina Kyle at Santi. Nakangisi si Paul na may ka-text na naman yatang bebe.

"E, bakit, napakinggan mo na?" Si Santi naman ay tumawa nang pagkalakas-lakas. "Kaysa naman sa LANY mo—"

"Wala kang sasabihin tungkol sa LANY," sabi ni Jiyo at naupo sa tabi ni Kyle.

"Uy," tawag sa amin ni Paul, pero nakatingin pa rin sa phone niya. Tumabi ako rito.

Umangat ang ngisi ni Kyle saka inakbayan si Jiyo. "Narinig mo 'yon, Santi Dope?"

Patuloy naman ang iyakan nila at pasimple naman akong sumilip sa messenger ni Paul. Napailing ako. Ang daming nakahelerang babae na may iba't-ibang nicknames. Baby. My girl. Loviecakes. Paano natitiisan ng mga babae 'yan?

Minsan, naiinis ako kasi hindi mapirmi si Paul sa iisang babae. Ilang beses, nasampal na siya pero mukhang wala siyang pakialam. Patuloy lang siya sa pambababae. Minsan alam naman ng mga babae na marami sila pero ewan ko ba, gwapong-gwapo kay Paul. Mahilig mag-tolerate mga babae ng red flags, 'no? Basta kasama sa banda, matangkad saka magaling sa basketball, okay lang kahit babaero. Feeling rehabilitation center pa minsan na sinasabi sa sariling, "I can change him!"— mga neknek nila.

Paano kaya nagagawa 'yon ni Paul? Ako kasi hindi ko kayang sa iba't-ibang babae magkagusto. Imagine, sa loob ng pitong taon, si Avery lang nagustuhan ko. Okay, kasama siguro si Emma Watsons, pero hindi 'yun 'yung point.

Napahinga na naman ako saka naalala si Avery kanina.

Nakakatawa kasi dalawang Avery ang nakilala ko buong buhay ko. May isang marahas na kulay pula, at may isang mahinhing puti. Pero maski marahas na pula o mahinhing puti, may iisang pagkakapareha silang dalawa. Parehas silang may malungkot na ilaw sa mga mata.

Ngayon lang ako nalito nang ganito buong buhay ko. Mas nakakalito pa nga yata ito kaysa sa mga Math problems na sinagutan ko buong high school — kasi ito, walang formula. Walang guide. Simpleng pag-iisip at pagtataka mo lang ang lulunod sa 'yo kasi wala ka namang ibang paraan para makaahon sa dagat ng pagkalitong ito.

Siguro nga, totoo iyong sinabi ni Papa. Kapag nakilala mo na ang babaeng sa tingin mo para sa 'yo, magkakaroon ka agad ng sibat, o espada para lumaban papunta sa trono ng babaeng iniirog mong nakaupo sa isang trono. Nagustuhan ko ang paliwanag ni Papa ro'n, ganoon daw kasi ang pakiramdam niya nang hinahabol niya si Mama. Kahit saan ka mapunta, mapadpad, kahit ano ang danasin mo, may iisa ka lang layunin — ang tabihan ang babaeng gusto mo sa trono niya.

Handang-handa ako gawin 'yon para kay Avery. Lahat-lahat. Lahat para sa kanya. Kung para sa kanya lang din naman, ayos lang sa 'king magsakripisyo.

Sawang-sawa na akong makitang nagtatago siya sa sarili niyang lilim. Makita siyang nakatingin kung saan habang binabalot siya ng lungkot. O ihiwalay ang sarili niya sa iba pero tahimik na humihiling na sana, meron siyang kasama.

Paano ko siya nakikilala?

Bakit niya tinanong sa 'kin 'yon?

Napakapit ako sa buhok ko habang nakasandal ang siko ko sa lamesa.

Hindi naman 'yon ang tamang tanong.

Avery . . . paano ba kita mas makikilala pa?

Bumalik ako bigla sa diwa ko nang hindi ko na naririnig ang boses ni Kyle at Santi. Pag-angat ko ng ulo ko, nakatingin na silang apat sa 'kin.

Napakurap ako.

"M-May problema?" tanong ko.

Binato ako ni Jiyo ng gum. Napatawa ako ro'n. "E? Mukha ba akong depressed?" Binuksan ko ang gum saka kinain ito.

"Pre, si Avery na naman ba 'yan?" tanong ni Santi.

Napabuntonghininga ako.

"Uh-huh," sabi ni Kyle.

Napailing naman si Jiyo saka ako tinapik ni Paul.

"Tsk, ano ba naman 'yang mga mukhang 'yan?" sabi ko. Mukha kasi silang namatayan dahil sa hinagpis at kalungkutan sa mga mukha nila. "Ganyan ba ako kawalang pag-asa?"

Umurong palapit sa 'kin si Santi. Napatayo naman bigla si Kyle nang may dumaang babae saka niya ito nilapitan. "Hey, kumakanta ka, 'di ba?"

"Gusto mo ba ng background check, pare?" sabi ni Santi.

Agad naman akong tumayo pero hinila ako pabalik ni Paul sa pagkakaupo. Alam mo na kasi ang sasabihin nila.

"Si Avery Vescilia ang kaisa-isang anak ng pinakamayaman sa lugar natin at siya na ang pinakahuling may bitbit ng apelyidong 'yan hanggang sa magpakasal siya," sabi ni Santi, may hand gestures pa. "Ang pamilya Vescilia ang may hawak ng halos lahat ng sakahan sa lugar natin ngayon na kasalukuyang hinahawakan ng malapit na butler ni Don Vescilia. Kalaunan, si Avery ang hahawak nito."

"Alam ko—"

"Si Avery ay nakatira sa isang napakalaking mansyon at siya lang ang nag-iisang amo ro'n. Tinuturing siyang prinsesa ng pamilyang 'yon dahil siya na lang ang nag-iisang may hawak ng dugo ng Vescilia," sabi ni Santi saka tumango-tango. "Sa pinaikling salita, nasa isang trono si Avery, Kitaro."

"Ako basahan lang, gano'n?"

"Ibig naming sabihin, kahit prinsipe ka pa, nasa kabilang kaharian ka naman," sabi ni Santi. Tumango at nagpalobo si Paul ng gum. "Mahihirapan ka."

"Hindi naman sa dina-down ka namin, boy," sabi ni Paul at binaba ang phone niya. "Pero kasi, sa nakikita namin . . . baka mahirapan ka, e."

Lugmok na umupo si Kyle sa upuan niya. "Bakit ba ayaw nila sumali?"

"Pangda-down na rin 'yan," bulong ko.

Tinapik na naman ako ni Paul sa likod. "Ano ba kasi nakita mo kay Avery, 'tol?"

Bigla kong naalala 'yong ngiti niyang malayo at ang pakiramdam ng malambot niyang kamay sa ilalim ng araw. Iyong malungkot na pagtitig niya sa kung saan at ang paraan ng pagsayaw ng buhok niya sa hangin.

"L-Lahat," sagot ko.

Napatahimik ang apat habang nakatingin pa rin sa 'kin.

"Mahirap 'to," sabi ni Paul.

Nakaramdam ako bigla ng kakaiba. Lumingon ako at nakita ko si Avery na naglalakad nang mabilis habang nakasunod sa kanya iyong lalaki kahapong naka-suit. Ngayon, naka T-shirt na siya.

"Miss, ako na ang bubuhat ng bag n'yo!" sabi ng lalaki.

"Ako na sabi!" sabi ni Avery. "Saka bakit n'yo ba ako hatid-sundo, ha?" singhal pa niya.

"It's to protect you, Miss—"

"Protect?" Napatigil si Avery sa paglalakad saka nilingon ang butler. "Ano ako, baby?"

"That's not what I meant, Miss—"

Hindi na siya pinatapos pa ni Avery saka mabilis pa ulit na naglakad.

"Imagine, butler pa lang 'yan," sabi ni Kyle.

"Ano ba kasi kayo," sabi ko. "Hindi ko naman hinihiling na maging boyfriend niya o ano."

Naalala kong bigla ang sinabi sa 'kin ni Papa. Sorry, Pa.

"Pre, ang alam kong batas ng mga lalaki," sabi ni Paul. "Kapag may nagustuhan kang babae, gawin mong girlfriend."

"Hindi sa lahat ng oras, gano'n ang dapat . . . hangarin," sabi ko. "Gusto ko siya, okay? Pero pre alam n'yo 'yong kahit hindi siya mapasa 'kin . . . b-basta makita ko lang siyang masaya."

Ngumiwi si Paul.

"Sabi na nga 'di n'yo naiintindihan," sabi ko saka napasapo sa mukha ko.

"That happens," sabi ni Kyle bigla, at tumango naman si Jiyo.

"Wala nga lang sa diksyunaryo ni Paul," sabi naman ni Jiyo at ngumisi. Nakipag-apir naman sa kanya si Paul.

"Gusto ko lang—" Tumikhim ako. "G-Gusto ko lang siyang makitang maging masaya. Kahit hindi maging kami, ayos lang."

"Ano ba pinoproblema mo sa kanya kasi, pare?" tanong ni Santi. "Mukhang okay naman siya."

"Hindi siya okay 'tol." Napabuntunghininga ako. "Bigla nga kasi siyang nagbago. Nakikita n'yo naman na siya noon, 'di ba?" sabi ko. "Isang beses ba, nasigawan niya ang butler niya nang gano'n? Isang beses ba, nakita n'yo na siyang ngumisi nang nakakaloko? Hindi pa."

Tumango si Kyle. "But nakita mo na ba si Avery sa ilalim ng Avery na kilala mo these past years? Malay mo gano'n talaga siya, mali ka lang ng pagkakakilala sa kanya."

"Baka ginawan mo lang ng sarili mong idea si Avery sa isip mo tapos nabigla kang hindi sakto ang totoong pagkatao ni Avery sa ideya mo sa kanya," sabi ni Jiyo, at napatigil ako ro'n.

Baka nga.

"Kahit gano'n . . . si Avery ay si Avery," sabi ko at umiwas ng tingin. "Gusto kong malaman kung ano ba talagang nagpapalungkot sa kanya halos buong buhay niya para malaman ko kung ano'ng totoong nangyayari sa kanya sa ngayon."

"Lakas ng tama mo, pre." Umiling-iling si Paul habang nakangisi. "Pero napansin mo naman na kahapon, 'di ba? Wala namang mali?"

"W-Wala nga," sagot ko. "Pero kung meron nga, sa tingin mo ba ipapahalata nila?"

"Iyon na nga ang punto," sabi ni Jiyo. "Hindi mali kung ano ang inaakto ni Avery ngayon. Kasi kung may mali, bakit sobra naman niyang pinapahalata?"

Natahimik ako at tiningnan na lang siya sa mga mata.

Seryoso siyang nakatingin sa 'kin hanggang sa ngumiti siya.

"Aalamin ko pa rin," sabi ko.

At wala na silang ginawa pa.

--

SABI NILA, SANAYIN ko na raw ang sarili ko sa pagsasalita sa salamin para sa susunod na kakausapin ko si Avery, handa na ako.

Pero habang nag-aayos sa tapat ng salamin, naisip ko lang . . .

Hindi kaya isa siyang impostor? Natawa ako sa naisip ko. Imposible na 'yon. E, baka may amnesia? O identity disorder?

Inayos ko ang buhok ko sa tapat ng salamin. Dumaan na ang apat na araw simula noong Lunes at Biyernes na ngayon. Sa loob ng mga araw na 'yon, hindi na nagtama pa ang mga mata namin ni Avery at hindi kami nagkausap man lang. Hindi na rin kami naiwan sa iisang classroom kaya hindi ko siya napagmasdan nang mas libre at mas matagal kagaya noong unang beses.

Pero hindi niya alam, sa tuwing nakatulala siya at nag-iisip, nawawala sa sariling mga ginagawa, pinagmamasdan ko siya. Kapag kinakagat niya ballpen niya. Kapag pinaglalaruan niya 'yung lasong nakatali sa palapulsuhan niya. Kapag nagsusulat sa notebook. Kapag nakakunot ang noo habang sumasagot ng quizzes.

Hindi ko alam kung ano'ng meron sa kanya pero isa lang ang dahilan kung bakit ako nababaliw sa kanya nang ganito.

Napangiti ako sa harap ng salamin.

Gusto ko kasi siya.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro