Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

03

03 // lungkot

>>

HINDI HALATA SA amin, pero kaming lima, mayro'ng pangarap.

Bukod sa manalo sa isang basketball game, trip din namin na makagawa ng sarili naming banda. Pangarap na namin 'yan simula pa noong first year high school kami. Lalo na noong nalaman naming nagsasagawa ng pang-buong bayan na concert ang Sebastian U sa kung sino man ang mapipili sa auditions nila, nag-aral talaga kami nang mabuting-mabuti para makasali roon.

Bukod kasi kay Avery, ang makapag-concert sa buong lugar namin ang isa sa mga pangarap ko.

Kung sino man ang mapipili, magkakaroon ng pagkakataong mag-perform kasabay ng main band ng Sebastian U na Sickening Under. May mga instruments naman na kami, kaso wala naman kaming vocalist. Ang vocalist kasi sana namin ay si Eric, kaso hindi siya pumasa sa SU, kaya iyang pangarap yata namin na 'yan, mukhang hindi na namin maaabot.

Nakaupo kami nina Kyle, Santi, at Paul sa isang lamesa sa grounds ng SU. Nagkalat ang mga freshmen na hanggang ngayon suot pa rin ang sumbrerong pula na binibigay ng sumisigaw na SU student. Siya pa rin ang babae kahapong may suot na sashes ng iba't-ibang strand. Nakakaawa naman 'yon, ang init pa naman

"Kasi, kung magco-come back ang MCR, ang korni na no'n!" sabi ni Paul. Bukas nanaman ang unang dalawang butones ng uniform nito.

"Bakit naman korni?" sabi ni Santi.

"Because, Santi, okay nang umalis sila at wasakin ang mga puso natin," sabi ni Kyle saka umikot ang mga mata. "Iyon naman ang dapat na ginagawa nila, 'di ba?"

Wala akong paki sa bandang MCR kaya tahimik na lang akong kumakain ng chichirya. Mula sa malayo, nakikita ko si Jiyo na naglalakad papunta sa amin. May hawak siyang kulay pulang papel.

Nang nakaupo siya sa tabi namin, nilapag niya 'yong papel sa lamesa. Napatingin kaming lahat doon.

Nakapako pa rin ang tingin ko sa papel na 'yon at para bang pinagbagsakan ako ng langit at lupa.

"Simula na agad ng auditions?" sabi ni Paul. "Ang daya naman no'n!"

"Unfair!"

Tumawa lang si Santi.

DO YOU HAVE WHAT WE ARE LOOKING FOR?

HAVE A BAND? A VERY GOOD PERFORMANCE THAT CAN MAKE EVERYONE JUMP AND SCREAM? JOIN THE SEBASTIAN UNIVERSITY'S AUDITIONS NEXT WEEK, AT THE GYMNASIUM! BRING YOUR BAND, YOUR VOICE, YOUR PASSION, AND YOUR PIECE! WHAT ARE YOU WAITING FOR? REGISTER UNTIL NEXT WEEK AND HAVE A CHANCE TO PERFORM WITH SICKENING UNDER! GIVE YOUR SHOT!

"Pinakita ko lang," sabi ni Jiyo. Kinuha niya ang soft drinks ko at uminom doon.

"Imposible tayong makapasok diyan," sabi ko na lang. Tinawanan ako ni Santi saka ako hinampas sa likod. Ang sakit no'n a! Hinampas ko rin siya.

"Why kayo nada-down? Ang laki-laki ng SU!" sabi ni Kyle. "Hanap tayo ng vocalist. That can't be so hard."

--

"S-SORRY, H-HINDI AKO . . . ready para diyan," sabi ni Karen, iyong kaklase ni Kyle na sabi niya magaling kumanta.

Siya na yata ang pang-sampung natanong namin na humindi.

Napatingin kaming apat kay Kyle. Bumuntonghininga ako. "Kyle, ayos lang naman kahit hindi tayo makapag-audition. May next year pa."

Nagkakamot si Santi ng braso habang may kinakausap naman si Paul na babae mula sa malayo. Halatang wala na silang interes dito at si Kyle na lang ang halos maiyak na.

"P-Pero, ang hirap ng pag-study ko for SU, alam n'yo 'yon?"

Binato na lang ni Jiyo si Kyle ng gum. Natawa ako saka siya pinalo-palo sa likod.

Nang tumunog na ang bell, hudyat na para pumunta sa kanya-kanya naming classroom. Sabay kami ni Jiyo na tumungo sa room namin.

Hindi ko inaasahang makakasalubong namin si Avery.

Nasa kabilang pasilyo siya, at nang nagtama ang mga mata namin, agad pumait ang hitsura niya. Grabe, ano'ng ginawa ko at parang ang tindi ng galit niya sa 'kin? Nagsimula 'yan kahapon pa.

Nagulat ako nang mabilis siyang lumakad papunta sa amin ni Jiyo.

Napansin ni Jiyo na nakatayo sa harap namin si Avery, masama pa rin ang tingin sa aming dalawa. Hindi siya nagsalita.

"Uh . . . bakit?" tanong ni Jiyo.

Napakurap lang ako.

"Pamilyar kayo. Kayo 'yun, 'di ba? Sinundan n'yo ako kahapon."

"Bakit ka naman namin susundan?" sabi ni Jiyo.

"Ewan . . . kasi sikat at maganda ako, gano'n? Dahil isa akong Vescilia? May balak kayong kidnapin ako para sa ransom." Napatigil si Avery sa pagsasalita nang makita ang ekspresyon sa mga mukha namin, saka siya natawa nang bahagya. Saglit kong nakita ang dating Avery sa kanya. "Ano ba . . . joke lang. Creepy lang kasi no'n."

Natigilan si Jiyo bago nagsalita ulit, mukhang napansin din ang napansin ko. "Hindi ka namin sinusundan."

Sinuklay ni Avery ang mahaba niyang itim na buhok gamit ang mga daliri niya. "Magsisinungaling ka na nga lang obvious pa. Pero sige."

Matapos niyang sabihin 'yon, dumiretso na siya sa pagpasok sa classroom. Tiningnan ko si Jiyo at nakita kong nakangiti siya. Tiningnan niya naman ako.

"Kitaro," sabi niya. "May gusto ka sa babaeng 'yon?"

Napatawa ako. "Hindi ko alam ano'ng nangyari sa kanya, okay?" sabi ko at napatingin sa kanyang nakaupo na sa upuan niya kahapon. Nakapatong ang paa niya sa upuan sa harapan niya. "Pero basta si Avery pa rin siya, edi . . . gusto ko pa rin siya."

--

BAGO MAG-RECESS, nagpaalam si Jiyo na aalis muna siya saglit, kaya naiwan muna ako sa loob. Isa-isang lumabas ang mga tao sa classroom at hindi ko namalayang kami na lang ni Avery ang natira sa loob.

Umarangkada ang dibdib ko sa kaba dahil nasa iisang silid kami ni Avery at nakasara ang pinto.

Hindi ko napigilan ang sarili ko . . . nilingon ko siya.

Buhaghag ang mahaba niyang buhok dahil hindi niya ginagamit ang pink niyang laso na nakatali sa palapulsuhan niya. Nakapikit siya habang nakayuko sa desk niya. Maputi si Avery kaya habang nakatabi siya sa bintana, para siyang nagliliwanag dahil sa araw sa labas. Kita ko ang pagsayaw ng mga puno sa labas kasabay ng pagsayaw ng buhok ni Avery, at dahan-dahan, napangiti ako.

Ang ganda niya talaga.

Kanina habang nakatayo siya sa harap namin ni Jiyo, parang malalagutan ako ng hininga. Gamit niya pa rin ang parehong pabangong gamit niya noong nahawakan ko ang kamay niya sa playground. Sa mukha niya, nandoon pa rin ang parehas na hulma, pero alam kong may kakaiba.

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang dumilat ang mga mata niya.

Hindi ko naalis ang pagtingin ko sa kanya kahit pa nagtama na naman ang tingin namin. Parang na-magnetize lang. Kumurap siya.

"Ano," sabi niya sa 'kin. Napakislot ako. "P'wede bang tigilan mo na ang pagtitig? Ang creepy mo."

Hindi pa rin siya umaalis sa pagkakayuko. Sumasayaw pa rin ang buhok niya dahil sa hangin mula sa labas ng bintana. Nakatingin pa rin siya sa 'kin.

"H-Hindi ako nakatitig sa 'yo," sabi ko habang nakatitig sa kanya.

Ngumisi siya. "Oh?"

Hindi ko mahanap ang boses na nagamit ko ngayon lang. Potek, potek, potek. Mahihimatay na yata ako sa kaba.

Kinakausap ako ni Avery. Tinitingnan ako ni Avery. Magkasama kami ni Avery.

Nasa'n na ba si Jiyo? Sana huwag muna siyang pumasok. Oras namin 'to ni Avery.

Kaso hindi ko maikalma ang loob-loob ko. Parang nagsasayawan ang bituka't puso ko dahil tinitingnan ako ni Avery sa mga mata. Ilang beses ko bang na-imagine ang oras na 'to? Noon pinapantasya ko lang makausap at matingnan nang mabuti si Avery, ngayon nangyayari na. Kainis lang na lahat yata ng pa-cool na lines pati mga pa-cool na moves nakalimutan ko na at walang natira sa 'kin kundi ang kaba.

"Hoy," sabi niya. Papikit-pikit ang mga mata niya, halatang inaantok. Para akong malulusaw habang tinititigan ko siya. Hindi ako makapaniwala dahil kaya niyang maging ganyan kaganda, ni hindi man lang niya sinusubukan. Parang hindi ako makapaniwalang may dyosang kayang bumaba sa lupa para pahulugin ako sa kanya nang paulit . . . ulit . . . ulit . . . ulit pa.

"Paano . . . paano mo ako nakikilala?"

Napahigpit ang pagkakahawak ko sa desk ko.

Paano ko siya nakikilala?

Hindi ko mahanap ang boses ko. Marami akong gustong sabihin, dahil sa lahat ng taon na wala akong ginusto bukod sa kanya, sa maraming paraan ko siya kilala. Pero sa lahat ng bagay na iyon, kilala ko siya sa iisang paraan.

Wala akong pakialam kung nakasakay siya sa isang bike o umiinom ng tsaa habang may payong, o nakabuhaghag ang buhok o nakatali gamit ang isang laso.

Ang mahalaga para sa 'kin, siya si Avery.

Dahan-dahang pumikit ang mga mata ni Avery at kasabay no'n ang pagbilis ng tibok ng puso ko.

Siya si Avery.

May mas mahalaga pa ba ro'n?

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro