020
20 // story
>>
HALAT MARAHIL ANG gulat sa mukha ko kaya napatawa siya.
"Tara, tumuloy ka," sabi niya, saka bahagyang tumawa.
"N-Nay," sabi ko. "Hindi po ako mag-isa." Ngumiti ako sa kanya. "Kasama ko po ang mga kaibigan namin ni Ave — ni Avis."
"O, ayun naman pala," sabi niya, saka napahawak sa labi. "Yayain mo sila rito sa loob. Maghihintay ako."
"Salamat po," sabi ko saka kagat labing tumakbo papunta sa kotse, pinipigilan ang ngiti.
"Oh, ano'ng nangyari? Pinalayas ka agad?" sabi ni Kyle.
Umiling-iling ako. "Avis."
Tumitig sila sa akin, naghihintay pa ng susunod kong sasabihin.
Ngumiti ako. "Avis ang totoong pangalan niya."
Sabay-sabay silang napatawa saka bumaba ng van. Dumiretso kami sa loob ng bahay. Dahil hindi na nakasara ang pinto, kumatok na lang kami saka pumasok. Nakalanghap ako ng amoy ng kape at tinapay.
Sa lamesa, may mga kahon ng gamot at banig ng mga tableta. May tubig na kalahating puno. May bulaklak sa vase saka bukas na TV.
Tumingin pa ako sa paligid, at halos mapanganga ako.
Sa bawat maliliit na cabinets at lamesa, may mga picture frames. Sa bawat picture frame, nandoon si Avery—
Ay, hindi.
Mali.
Si Avis.
"Kamukhang-kamukha niya . . ." manghang sabi ni Kyle.
"Kambal nga 'di ba," sabi ni Santi.
"S-Sigurado ba kayong hindi si Avery 'to?" sabi naman ni Paul.
May isang picture frame dito na nasa isang palaruan. Nakaupo siya sa dulo ng slide, pero hindi sa parehas na slide kung saan ko nakita si Avery noon. Iba ito. Maikli ang buhok ni Avis, may suot na maluwang na shirt at maong, eksaktong hitsura siguro ni Avery kung ito ang sinuot niya noong siyam na taong gulang siya.
May ilang litrato rin kung saan kumakanta si Avery — este, si Avis, sa stage. Sa pader, may mga nakasabit na sash at naka-display na trophes na napanalunan niya sa mga singing contests.
Kahit saan ko ilipat ang tingin ko sa mga litrato, kamukhang-kamukha ni Avery. Mula noong maliit siya hanggang pagtanda, may mga litrato siya. Pinagmasdan ko 'yon lahat, at iisa lang ang naisip ko.
Itong bahay na 'to, ang nanay-nanayan niya, ang buhay niya rito sa Alegre, iniwan niya.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nating pilitin ang mga sarili nating gawin ang mga hindi naman natin gusto.
Noong sinabi 'yan ni Avery, hindi pag-aaral ang tinutukoy niya.
"Ay sus, bakit kayo nakatayo lang diyan?"
Sabay-sabay kaming napalingon kay Nanay. May hawak siyang basket na puno ng biskwit. "Maupo, maupo."
Nilapag niya ang basket sa lamesa sa tabi ng mga gamot, habang umuupo kami sa sofa. Nagpasalamat kami at ngumiti naman siya.
"Magpakilala nga kayo," sabi niya habang binigyan kami isa-isa ng tasa ng kape.
Isa-isa silang nagsabi ng pangalan. Ngumiti ako.
"K-Kitaro po."
"Amina," sabi niya. "Kitaro . . . ikaw pala si Kitaro. May ibibigay ako sa 'yo. Maghintay ka muna, ha?"
Mahina ang paggalaw ni Nay Amina at dahan-dahan lang siya kung gumalaw. Nang nag-alok kami ng tulong tinawanan lang niya kami. Umakyat siya saka bumaba nang may dala nang isang kahon.
Nakangiti siya nang bumalik sa dating upuan. "Para sa iyo ito." Tinulak niya sa 'kin ang kahon. "Dinala ni Avis mula sa San Sebastian."
Napakurap ako. Bigla akong kinabahan.
"Mga sulat ni Avery."
Napaangat ang tingin ko sa kanya, gulat. "N-Ni Avery po?"
Ngumiti siya't tumango. "Avery Vescilia."
"P-Paano—"
"Maaari mo nang maintindihan matapos kong ipaliwanag sa inyo ang lahat," aniya. "Kung ayos lang?"
Napalunok ako saka tumango. Tinabi ko muna ang kahon.
Pumikit siya at huminga nang malalim. "Matapos ang labing-anim na taon masasabi kong muli ito. Huwag n'yong ipagkakalat, ha?"
Ngumiti siya ulit saka tiningnan kami.
--
"TATLONG DEKADA AKONG nagtrabaho para sa mga Vescilia," umpisa niya. "At tila isang milagrong nagpatuloy ang henerasyon sa henerasyong anak na lalaki lamang ang ipinapanganak sa pamilya."
Natahimik kaming lima. Sa lahat yata ng historical stories, ito lang ang magugustuhan ko.
"Ngunit iba ang mag-asawang sina Victor at Ada Vescilia. Isang maulang gabi, hindi inaasahan ni Don Vescilia na magkaroon ng kambal na anak na babae ang kanyang apo. Ni hindi kasi nila naisipang magpa-ultrasound dahil sigurado silang lalaki ang maipapanganak. Hindi maikukumpara sa isang tigre ang galit ng Don — ipinagbabato niya ang mga gamit, nagwala . . ."
Huminga ulit nang malalim si Nay Amina.
"At sinabi niyang ipapatay o ipamigay ang kambal."
Napasinghap ako. Hindi ko alam na para lang sa tradisyon at galit na hawak nang ilang taon, aabot sa ganoong lebel ang kayang gawin ng isang tao.
"Pero si Ma'am Ada . . . si Ma'am Ada . . ." Lumuha si Nay Amina. "Lumuhod siya sa harapan ni Don Vescilia. Nagmakaawa. Humagulgol.
"Sa dulo'y ang sabi ng Don, 'tapusin na ang linya ng mga Vescilia, ngunit 'wag ang tradisyon.'"
Napahigpit ang kamao ko.
"Mahigpit niyang iniutos na isa lang sa kambal ang gawing Vescilia para huwag tuluyang maputol ang tradisyong ilang daang taong nagpatuloy. Umiyak nang umiyak ang mag-asawa ngunit desidido na si Don Vescilia. Inutusan niya si Victor na gumawa ng birth certificate ng isang kambal upang alisin sa kanya ang pagiging Vescilia, at sa akin ipaalaga."
Tahimik kaming lima na nakikinig. Binabalot nang binabalot ng lungkot at galit ang puso ko.
"Nang gabing 'yon, mga anak, pinag-impake ako ng mag-asawa. Naaalala ko pa kung paanong lumuha si Ma'am Ada sa 'kin, nagmamakaawang pangalanan ko ang anak niyang Avis.
"Pinadalhan nila ako ng napakalaking pera para sa aming dalawa ng anak nila. Ng certificate kung saan nakalahad ang pangalan ni Avery gamit ang apelyido ko. Nagpakalayo-layo kami. Bago ko nabalitaang namatay ang mag-asawa, may dumating sa 'king isa pang birth certificate. Napansin kong mas orihinal iyon kaysa sa una, pero doon, nakalagay, ang tunay niyang apelyido.
"Vescilia."
Napangiti siya. "Hindi nalaman ni Avis ang tunay niyang pagkakakilanlan. Peke ang gamit niyang birth certificate noon pa man. Hindi niya nalaman ito hanggang sa may bumisita rito sa aming nagpakilala bilang Lucas Gregor. Isinaad niyang . . . n-namatay si Avery sa isang sakit—"
"N-Namatay," ulit ko.
Tumango siya. "Namatay, Kitaro. Sakit sa puso."
Naramdaman kong may umakbay sa 'kin. Pakiramdam ko, hinila akong bigla sa kawalan, nang magsalita ulit si Nay Amina.
"At wala nang natitira pang kamag-anak ang mga Vescilia bukod kay Avis," sabi niya. "Kinailangang itago ang pagkamatay ni Avery at pagpanggapin si Avis bilang siya hangga't nasa tamang edad na si Avis para matanggap ang mana. Iyon ang nakasulat sa last will testament ni Don Vescilia — ibigay kay Avery Vescilia ang yaman niya, tuluyang kinalilimutan ang isa pa niyang apo."
Napailing si Paul.
"Sinabi kong may orihinal na birth certificate si Avis, at sinigurado ng mga nagtatrabaho sa mansyon na magagawan 'yon ng paraan sa paghahanap ng pinakamagaling na abogadong pwede nilang matagpuan. Pero sa pansamantala, kailangan muna ni Avis na magpanggap. Prestihiyoso ang pamilya Vescilia at balak nilang huwag gumawa ng mas malaki pang ingay dahil sa naganap," wika pa ni Nay Amina.
"N-Napapayag si Avis," sabi ko.
Napaluha muli siya.
"Hindi," sabi niya. "Marahas siyang tumanggi. Itinulak at sinaktan niya si Lucas Gregor. Kitang-kita ko sa mga mata ni Avis ang galit at sakit na naramdamang itinago siya ng sarili niyang pamilya. Ngunit nasilaw si Avery sa pera.
"Kinailangan ko kasi ng . . . ng pampagamot. Kaya kahit alam kong labag sa loob ni Avis ay napilitan siyang magpanggap para sa makukuhang pera.
"Nitong mga nakaraang linggo nandito siya, wala siyang ibang ginawa kundi ang magmukmok at lumuha. Hindi na niya kinaya ang pagpapanggap. Ang pagkulong. Ang pagsisinungaling daw sa mga taong mahalaga sa kanya," sabi niya saka tiningnan kami isa-isa. "Kayo."
"Avery — Avis naman . . ." sabi ni Kyle.
"Nanghingi siya ng tulong kay Lucas Gregor at napagbigyan siyang tumigil muna sa pag-aaral sa San Sebastian at napagpasyahan niyang tumira muna rito."
Humigop si Nay Amina sa kape niya.
"Naaawa na ako sa apo ko," sabi ni Nay Amina.
Lumuha siya at nakaramdam ako ng matinding awa para sa kanya. Inabot ko ang nangungulubot niyang kamay saka ngumiti.
"Matapang po si Avis," sabi ko.
Nginitian ako ni Nay Amina.
"Isa kang mabuting bata," sabi niya. Napatingin siya sa apat. "Maski kayo. Salamat sa pagkakaibigang nabuo n'yo kasama si Avis." Tiningnan niya ako. "Puntahan mo siya ngayon din. Hanapin mo ang pinakamalapit na ilog, alam kong naro'n siya."
Natuwa ako sa narinig, at napangiti nang malaki. Tiningnan ko ang mga kaibigan ko, pabalik kay Nay Amina.
"S-Salamat po."
Tumayo na ako at naglakad nang papuntang pinto, nakangiti pa rin.
"Go Kitz!"
"Binata ka na!"
Hindi ko alam kung nasaan ang pinakamalapit na ilog. Naglakad lang ako, tumakbo, nagtanong-tanong.
Sa bawat yapak ko, bawat pagliko at paglingon, isa lang ang gusto kong mahanap at makita.
Noong unang beses kong nakita si Avis, alam kong hindi siya si Avery. Sobrang layo sa Avery na kilala ko.
Impostor? Identity Disorder?
Hindi ko naisip na maaaring kambal.
May kumikirot, banda sa dibdib ko, tuwing naaalala ko ang sinabi ni Nay Amina na patay na si Avery. Ang babaeng mag-isang naglalaro sa palaruan. Ang magandang babaeng gumagamit ng pink na laso para itali ang mahaba niyang buhok. Ang babaeng nginitian ako sa palaruan noong summer.
Wala na siya.
Nagtataka ako, at ngayon iniisip ko, baka hindi para sa akin ang kahon ng mga sulat na 'yon. Dahil bakit? Para saan? Kilala ba niya ako?
Nawala lahat ng tanong na 'yon nang makita ko siya.
Sa tabing ilog.
Itim na shirt.
Buhaghag na buhok.
Maong.
Bike.
Mga batong tumatama sa ilog.
Si Avis.
>>
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro