Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

02

02 // glare

>>

SA TAGAL NAMING magkakaibigan, may mga pagkakataon pa rin kung kailan hindi ko sila gustong pagkatiwalaan.

Bakit?

Una, si Santi, noong mga bata kami, nilagyan niya ng dalawang ipis ang bawat sapatos ko sa school. Pagkasuot ko, wala lang naman akong ibang naramdaman kundi ang malikot at nakakadiring pagkaluskos ng mga ipis sa daliri ng mga paa ko.

Pangalawa, si Paul. Pinagkalat lang naman niyang may gusto ako sa isa naming kaklase noong grade five para 'yung nagkaka-crush sa 'king crush ni Paul, malandi niya na. Imagine, grade five pa lang 'yan, kaya nang manira ng puri.

Pangatlo, si Kyle. Isang beses noong grade four kami, sinabotahe niya 'yung election ng escort sa classroom namin. Nang magbobotohan na, sinigurado niyang nasa CR ako, hinahanap 'yong sinsing kuno niya na bigay ng lolo niya. Ewan ko ro'n, GGSS masyado, palibhasa natalo ko siya noong grade three kami.

Kaya ayokong sabihin sa kanila ang tungkol sa nararamdaman ko, e.

Si Jiyo lang yata, iyong sa kanilang apat, ang pinakamatino.

Siya ang pinakamatalino, pinakatamad, at pinakatahimik sa aming lima. Inaasar nga siyang parang human version ni Shikamaru, pero halata namang feel na feel niyang tinatawag siyang gano'n. Dahil mas matino siya kaysa sa tatlo, ngayong katabi ko siya, panatag ang loob ko. May apat na oras akong katahimikan.

Pero kahit gaano sila nakakaurat paminsan-minsan, kaibigan ko pa rin naman sila, kaya ngayong parang may sasabog sa loob ko, parang gusto kong amining sa kanilang may gusto ako kay Avery . . . nang may makausap naman ako.

Hindi ko talaga kasi maintindihan.

Hindi naman sa malapit kami sa isa't-isa ni Avery — sadyang kilala ko lang siya sa dulot ba naman ng halos pitong taon kong pag-obserba sa kanya. Halos buong pagkabata ko, simula noong naramdaman kong pwede pa lang magkagusto sa isang babae, wala akong ibang pinangarap kundi si Avery.

Para sa 'kin, si Avery ay kulay rosas. Soft, feminine, maganda.

Hindi ko alam kung kailan pa siya naging isang marahas na kulay pula. Mga dalawang buwan ko lang naman siyang hindi nakita pero ang laki na ng pinagbago niya. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari; parang bigla na lang nag-iba ang pagkatao niya.

"Ms. Vescilia," biglang sabi ng teacher namin sa harap. Lumingon ang lahat sa likod kung saan nakatingin ang guro. "Are you listening?"

Unti-unting bumangon ang ulo ni Avery mula sa pagkakayuko. Nagkusot siya ng mga mata. Kumunot ang noo niya. Napatingin siya halos sa lahat ng nakatingin sa kanya bago siya tumingin sa teacher sa harap.

"Yes, Ma'am Cruz."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. May mga kaklase akong impit na tumawa habang si Jiyo ay tahimik na nanunuod lang ng klase. Napatingin ulit ako kay Avery na nakatingin sa adviser namin, parang nang-aasar.

Pakshet, hindi naman kasi Ma'am Cruz ang pangalan ni Ma'am kundi Ma'am Crecencia. Sinasadya niya o hindi, hindi natuwa 'yung teacher na kausap niya. Hindi naman ako mapakali sa upuan ko kasi buong buhay ko hindi ko na-imagine na kayang mang-asar ni Avery, lalo na ng isang teacher na hindi naman siya inaano.

Napapaisip tuloy ako kung . . .

Napatigil ako nang bigla na lang tumawa si Ma'am. Tumawa rin kami pati si Avery. Hindi maipinta ang hitsura niya saka bumalik na lang sa pagtuturo na parang walang nangyari.

Hindi niya naman siguro gugustuhing sagutin pa ang anak ng isa sa pinakamayamang pamilya sa lugar namin.

--

MATAPOS ANG UNANG kalahati ng klase, lumabas na kami ni Jiyo para sa recess. Bago kami tuluyang makalabas, tumingin ako kung saan nakaupo si Avery. Hindi na ako nagulat nang natutulog siya sa desk niya.

"Parang hindi si Avery, 'no?" sabi ni Jiyo.

Tumawa ako. "Pansin mo rin?"

Tumawa lang siya. Lumingon ulit ako sa kinauupuan niya.

May suot siyang sobrang gandang sapatos at may bag na pink. Mayro'n din siyang pink na lasong nakatali sa palapulsuhan niya. Ang taling 'yon ang lagi niyang suot para itali ang mahaba niyang buhok . . . bakit hindi niya gamit?

Napakaamo ng mukha niyang natutulog. Kapag natutulog siya, para siyang si Avery na nahawakan ko ng kamay na nakaupo sa dulo ng slide. Iyong Avery na nahihiya at namumula. Hindi ang Avery na nang-aasar at natutulog sa klase.

Nag-iwas na lang ako ng tingin. Dire-diretso kami ni Jiyo na naglakad para puntahan iyong iba pang mga hunghang.

As usual, may new bebe na naman si Paul at nag-aasaran na naman sina Kyle at Santi, hanggang sa pagdating namin sa lamesa namin sa canteen. Nang makarating kami, umalis na 'yung babae.

"Well, kung iisipin nga naman, si Shanti Dope ay isang magaling at makahulugang mang-aawit kuno, dahil sa kanta niya kunong Amatz, na pinuna ng—" naputol ang sinasabi ni Kyle dahil kay Santi.

"Pinuna ang kanta niya dahil hindi nila gets ang new music!" Napakunot ang noo ni Jiyo at Kyle sa kanya. Sumipol naman si Paul at tumawa.

"New music?" singhal ni Kyle. "Dinadahilan mo ang pagiging new ng music kaya jeje?!"

"Pagbibigyan kita sa sinabi mong 'yan," sabi ni Santi.

"Kung gano'n, ano ang tingin mo sa release ng LANY? Kung hindi mo pa napapakinggan 'yan, kinda gets na kita kaya cool new music na ang tawag mo sa mga kanta ni Shanti Nope-Dope."

Tinatawanan ko lang sagutan nila habang kumakain ako nang bigla kong natanaw si Avery mula sa malayo. Nakaupo siyang mag-isa sa isang bench sa labas ng canteen, nakatanaw sa kung saan, may earphones sa tainga. Parang muling bumalik sa mukha niya ang parehas na mukha na nakita ko sa palaruan ilang taon na ang nakakalipas.

Ang lungkot.

Humalakhak lang si Santi. "LANY? Ano 'yon, 'yong bise-presidente ng Pilipinas? Lany Robredo?"

"Hoy!" sabi ni Kyle.

Napatahimik ako at nakalimutan ko yatang kumakain ako kasama ang mga kaibigan ko. Kita ko mula sa kinauupuan ko ang paghigpit ng hawak niya sa lunchbox niyang kulay pink. Mukhang hindi pa nabubuksan.

Hinawi ng malakas na hangin ang buhok niya at nananatiling malungkot ang mukha niya.

Ilang taon ko na siyang gusto at ilang taon ko na siyang nakikitang malungkot. Ilang beses ko na ring hiniling, at paulit-ulit na hinihiling, na sana mapawi ko ang lungkot na 'yon sa mukha niya. Kung paano man, hindi ko alam. Gusto ko lang—

"Amen."

Napakurap ako at napatingin sa mga kaibigan kong naghahalakhakan na. Kumunot naman ang noo ko.

"Alam mo p'wede naman kita bigyan ng kapalit ni Jenny e," sabi sa 'kin ni Paul. 

"Hindi ko kailangan," sagot ko.

"E halatang depressed ka pare," sabi ni Santi sa tabi ko. "Symptoms ng depressing ang pagtulala."

"Depression," correction ni Kyle.

"Depression mo mukha mo."

"Wala akong gusto kay Jenny," sabi ko na lang saka nag-focus sa spaghetti ko sa lamesa.

Suminghap nang pagka-OA si Kyle. "Nagsinungaling ka sa 'min."

"Ano'ng parusa ang ipapataw rito?" tanong ni Santi.

"Manahimik nga kayo," sabi ko, natatawa rin. "Sapakin ko mga ulo n'yo diyan."

"Ikaw pa may ganang magsabi ng death threats!" sabi ni Kyle.

"Wala kang gusto kay Jenny, pare?" tanong ni Paul. Sa aming lima, si Paul, kahit na ganyan 'yan, siya ang pinakamabilis p-um-ick up ng serious ambiance. Napansin niya rin siguro ang hitsura ko. At since siya madalas siyang ngisi nang ngisi at tawa nang tawa bukod kay Santi, kapag sumeseryoso siya, sumeseryoso rin kami.

"Ano ba kayo, hindi naman 'yon big deal," sabi ko. Nakakunot ang noo sa 'kin ni Paul.

"Paano 'yung love poems na ginawa ko, Kitz?" sabi ni Kyle. Tinusok nya ako ng tinidor. "Naubos vocabulary ko kakaisip ng ka-rhyme ng Jenny."

"Bakit siya 'yong sinabi mong crush mo sa open forum?" tanong ni Santi saka tumawa. "Nakakahiya ka naman pre."

"Si Avery," sabi ko. Sa sitwasyon ngayon ni Avery, mahirap yata kung aaminin ko sa kanilang gusto ko siya. Baka biglang masambit ni Kyle — sa daldal ba naman niya — at mapahamak pa ako. "S-Siya 'yung gusto ko, hindi si Jenny."

Naghalakhakan silang tatlo. Si Jiyo napatigil dahil sa gulat.

"S-Si Avery raw!" sabi ni Santi at hinampas pa ang lamesa.

"Balik ka na lang kay Jenny pare!" sabi ni Paul saka ako pinat sa likod.

"Mas may chance ka pa kay Ma'am Teresita!" sabi ni Kyle.

Napakunot naman ang noo ko saka hindi sila pinansin. Inasar-asar pa nila ako pero ako, nanatili ang mga mata sa kung saan nakaupo si Avery kanina. Wala na kasing nakaupo sa bench. Nasa'n na kaya siya?

Napahigpit ang hawak ko sa tinidor ko. May kung anong humigpit sa dibdib ko.

Unti-unting naubos ang tawa ng tatlo, hanggang sa nanahimik kaming lima.  Nakatingin pa rin ako sa spaghetti na hindi ko matapos-tapos kainin.

"Gusto mo nga siya," sabi ni Paul sa tabi ko.

Hindi ako sumagot.

"Mga pre, halatang may mali sa kanya," sabi ko. Dumagsa ang mabilis na pagtibok ng puso ko habang nararamdaman kong nakatingin silang apat sa 'kin. "Nung April lang siya nagsimulang mawala, ta's pagbalik niya, parang hindi na siya si Avery. Mga pre, meron talagang mali rito."

Nagkatinginan naman silang apat. Dahan-dahang sumubo ng hotdog si Santi.

"Oo nga, pansin ko rin 'yon," sabi ni Kyle. "She's like, nagbago."

"Sinabi mo lang 'yung sinabi ni Kitaro," sabi ni Jiyo.

"Oo nga, e. Parang hindi na siya si Avery," sabi ni Santi.

"Ano'ng gusto mong gawin?" tanong ni Paul.

"E," sabi ko. Napakamot ako sa ilong ko. Ano nga ba? Gusto ko siyang pasayahin. Gusto ko siyang makilala. Pero bago 'yon . . . "Gusto kong . . . malaman kung ano'ng mali."

"Hindi ba mahirap 'yan since hindi kayo . . . close?" sabi ni Kyle. Inayos niya buhok niya.

Napalunok naman ako. Tama siya.

"Sino nagsabing kailangan n'yo muna maging close?" sabi ni Santi habang nakangisi.

--

TULOG LANG SI Avery buong klase at wala nang teacher ang pumuna sa kanya. Wala siyang katabi (dahil walang nagbalak) kaya libreng-libre niya ang espasyo ro'n.

Parang ang bagal ng oras. Kahit ilang metro rin ang layo ko kay Avery, malaman lang na kasama ko ang presensya niya, kinakabahan na ako agad. Minsan naaartehan na ako sa sarili ko, e.

Nang tumunog na ang bell, tumayo na ang mga kaklase ko at nagligpit pero tulog pa rin si Avery. Maski kami ni Jiyo nakatayo na rin pero nakatingin pa rin ako sa magandang dalagang nakaupo sa tabi ng bintana.

"Paano 'yan, tulog pa?" bulong ko. Pero wala na pala akong binubulungan kasi hindi ko na kasama si Jiyo.

Nakita ko siyang naglalakad papunta sa kinauupuan ni Avery habang nakapamulsa siya. Nakita ko rin kung papaano niya marahang kinalabit si Avery sa balikat. Nakita ko rin kung paano siya yumuko at bumulong kay Avery. Nakita ko kung paano siya napadilat.

Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng inis. Kay Jiyo o sa sitwasyong nakatingin lang ako habang may ibang kayang gawin ang mga gusto kong gawin, ewan ko.

Hindi na siya tiningnan pa ulit ni Avery. Walang emosyong kinuha niya ang pink niya na bag at mabilis na naglakad palabas ng classroom.

Tahimik lang siyang pinanood ni Jiyo, bago siya tumingin sa 'kin.

"Tara na," sabi niya.

--

HINDI KO ALAM kung bakit ako pumayag sa biglaang plano ni Santi. Siguro kasi kanina habang sinasabi niya 'yung gusto niyang gawin namin, parang ang ganda pakinggan.

Pero nang magkakasama na kami, para lang kaming isang kumpol ng stalkers.

"Hindi yata 'to maganda," sabi ko habang nakasilip kay Avery. Nasa likod kami ng school, at hindi ko alam kung bakit mag-isa lang siyang nakatayo sa harap ng gate. Nagtatap ang kanan niyang paa sa lupa.

"Sino hinihintay niya?" tanong ni Kyle. "Family car?"

"Wala naman siyang ni-meet papunta rito," bulong ko.

Parang gumana ang sixth sense ni Avery nang bigla siyang lumingon sa direksyon namin, nakakunot ang noo. Dali-dali kaming nagtago sa likod ng pader para hindi niya kami makita.

Putek, bakit gano'n mata niya? Parang sasaksakin niya kami anytime.

Humalakhak bigla si Santi nang parang engot at sinabayan naman 'yon ni Paul. Nang sumilip ulit kami, halos magsitayuan ang mga balahibo ko nang humarap sa amin si Avery at nagsimulang humakbang papunta sa kung nasaan kami.

"Shet fucking shet," bulong ko, kinakabahan. Nakita niya ako! Nakita niya kaming pinapanood siya! Ano sasabihin ko?

"Wala sa plano ang mahuli tayo!" bulong ni Santi saka tumawa ulit. Tatakbo na sana siya palayo, pero napatigil kaming lahat nang biglang may bumusina.

Sabay-sabay kaming anim na napatingin sa direksyon no'n. May biglang naka-park na kotseng itim na maganda. May lumabas na isang lalaking naka-suit mula sa kotse para pagbuksan si Avery ng pinto.

"Bakit ka naka-suit?" sabi ni Avery. "'Di ba sabi ko mag-T shirt ka na lang?"

Napatikhim ang kausap niya. "It's a tradition, Ma'am Avery."

"Sus, tradition, ang daming alam," sabi ni Avery saka hinagis ang bag sa loob ng kotse. "Ako na, kaya ko magbukas at magsara ng pinto ng kotse." Napatigil si Avery. "S-Salamat."

"Understood, Miss." Tumungo ang lalaki sa harap ng kotse at sumakay na.

Bago pa tuluyang pumasok si Avery sa kotse, nagulat ako nang bigla siyang lumingon sa amin.

Nagulat ako nang nagtama ulit ang mga mata namin ni Avery.

Hindi gaya noon, nakatingin siya sa 'kin habang malayo kami sa isa't-isa. Parang may malakas na pwersa ang mga mata ni Avery at ang hirap tanggihan na tumingin pabalik sa mga ito. Dumiin ang tingin niya sa 'kin na para bang kinikilatis niya ako, ang mukha ko, ang buong pagkatao ko, at ilang saglit din akong hindi nakahinga.

Naaalala niya kaya ako?

Nanatili ang tingin niyang masama sa 'kin nang mas matagal pa, bago siya pumasok sa loob ng kotse.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro