Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

01

01 // avery

>>

PARA SA 'KIN, SI Avery ang reincarnation ni Maria Clara.

Mahinhin? Maganda? Tahimik? Babaeng-babae? Bulaklak na walang tinik?

Si Avery lahat ng 'yon.

Pitong taon ko na siyang gustong-gusto, kaya sa loob ng pitong taon, wala akong ibang pinantasyang maging girlfriend kundi siya. Pakiramdam ko naman hindi ako nag-iisa dahil sa ganda, talino, at bait ba naman niya, 'di ba?

Pero parang ang komplikado lang ng buhay niya. Lagi kasi siyang napalilibutan ng mga maids, hatid sundo lagi, parang royalty nga. Parang kasalanang mapalapit sa kanya, pero naiintindihan ko naman kasi napakayaman ng pamilya nila. Iniingatan si Avery tapos tinuturing siyang mamahaling alahas.

Nanggaling siya sa pamilyang Vescilia, may-ari ng halos lahat ng farm sa amin. Sa sabi sabi, napakamisteryoso raw ng pamilyang 'yon. Mayro'n daw silang napakawirdong tradisyong sinusunod, at wala ni isa sa lugar namin ang nakakaalam no'n, maski si Manang Helen na nagtitinda ng barbecue sa kanto ng street namin, ang pinakamatandang kilala ko. Sabi nila 95 na raw siya e.

Noong wala pang isang taon si Avery, namatay na raw ang mga magulang niya sa isang aksidente. May mga narinig akong car accident daw, may mga narinig akong nasagasaan ang mag-asawa. Hindi ako sigurado e, basta ang pinakapunto, namatay sila. Nang nag-thirteen si Avery, namatay naman ang lolo niya. Naiwan na lang si Avery na nag-iisang Vescilia at ipinangalan sa pinaka-malapit nilang butler ang negosyong naiwan, at ang sabi nila, kapag dumating na raw ang legal niyang edad, sa kanya na mapupunta lahat lahat ng mana na naiwan ng pamilyang Vescilia.

Sa pagkakaalam ko, si Avery na lang ang natitirang Vescilia. Malungkot siguro kasi siya na ang napakahuling sanga dahil babae siya, at siguro, nakaka-pressure para sa kanya dahil sa dami ba naman ng lupa nila sa lugar na 'to?

Kaya nga nakakatuwa dahil kahit pa gano'n ang sitwasyon niya, nakakayanan pa niyang ngumiti.

Ang Avery na nakita ko kahapon, isang Avery siguro na bihira lang lumabas sa kanya. Walang reaksyon, parang mainit ang ulo, ni hindi nga ako dinapuan ng tingin. Tao lang din naman kasi siya, siyempre, may karapatan siyang maglabas ng gano'ng klaseng emosyon.

Pero kahit na. Siya pa rin naman si Avery.

At ngayon, nakatapat ako sa salamin ng kwarto ko, suot ang uniform ng school . . .

Na pinapasukan ni Avery!

Napatawa ako.

Teka, medyo pangit ang tawang 'yon, ayusin ko nga. Mahirap na, ano. Malay mo maging kaklase ko si Avery, tapos ang pangit ng tawa ko.

"Ha-ha," sabi ko saka ngumiti at ginulo ang buhok. "Hwe-he," ngisi ko saka nag-pogi sign. "Ha! Ha! Ha—"

"Kitaro, baba na!"

Mabilis akong nagsuklay nang narinig ko ang pagtawag sa 'kin ni Mama. Isang beses, binato ako ni Mama ng sandok dahil nagpa-cute pa ako sa salamin namin dati. Ang Mama ko pa naman ang kilala kong may pinakamaikling pasensya.

Dali-dali akong bumaba. Nandoon na si Kuya Paco, si Mama, at si Papa na paalis na rin. Nagtama ang tingin namin ni Kuya Paco at agad naman siyang napangiwi.

"Bakit ba kasi hinayaan n'yo 'yang si Kitaro na mag-aral sa Sebastian?" sabi niya habang nakatutok sa plato niya. Mabigat ang paghawak niya sa kutsara't tinidor. Hindi ko na lang siya pinansin saka umupo na lang sa harap niya. "Pasikat lang, e. Porque hindi ako nakatapos mag-aral, ipapamukha niya sa 'king—"

"Paco, hindi ka nakapagtapos dahil bulakbol ka," putol ni Papa sa kanya. Naglalagay na ako ng kanin sa plato ko, hindi na lang sila pinapansin. Ang aga aga, nag-aaway na naman. "Si Kitaro, nakapasok siya bilang scholar sa Sebastian. Buti nga iyon, e. Hindi ganoon kalaki ang gagastusin namin at alam kong hindi masasayang ang pera." Matamang tumingin sa 'kin si Papa. "Hindi ba, Kitaro?"

Pilit akong ngumiti. "Opo."

"Psh." Binagsak ni kuya ang kutsara't tinidor niya saka tumayo. "Wala na 'kong gana."

Nakatingin lang ako sa plato kong may kanin at itlog habang naririnig ang mga yapak ni kuya paakyat.

"Hay," sabi ni Mama. "Ang batang 'yon."

Matapos kumain, nagpaalam na ako kanila Mama at Papa. Lumabas ako ng bahay, at dumiretso sa bike ko para in-unlock 'yon at habang ginagawa ko 'yon, napatingin ako sa bintana ng kwarto ni kuya.

"Hoy, Kitarooooo!"

Mabilis na umakyat ang magkabilang gilid ng labi ko saka napalingon. Si Paul! Nakabukas nanaman ang dalawang unang butones ng uniform niya.

"Paunahan!" sigaw naman ni Santi, kasunod ni Paul. "Woo-hoo!" sigaw niya, nagba-bike habang nakatayo.

Tahimik namang nakasunod na nagba-bike si Jiyo, may earphones na suot, habang kasunod si Kyle.

"Pwede bang 'wag na tayo mag-bike simula tomorrow?" sabi niya at halatang hinihingal na sa pagbibisikleta. Napatawa naman ako saka binilisan ang pag-bike papunta sa kanila.

"If you'll stop taglish-ing," pang-asar ko. Sinamaan niya naman ako ng tingin tsaka tinangka pa akong sipain habang nagpepedal.

"Pre, mukhang senti ka, a?" sabi ni Paul. Bigla siyang ngumisi. "Kuya mo na naman ba?"

Napatawa si Santi. "Ha-ha! Wala namang ginawa 'yon kundi mainggit kay Kitaro."

Nagba-bike na sa gilid ko si Jiyo at binato niya ako ng gum. Napailing ako habang tumatawa at binulsa 'yon gamit ang isang kamay. Ganyan siya magpahayag ng empathy. Sweet, 'no? Ang pamilya niya lang naman ang may hawak ng pinaka-friendly na grocery dito sa lugar namin, ewan ko bakit hindi man lang siya nahawaan ng friendliness ng Mama niyang si Ate Yana.

"Shots ba ibig sabihin nito?" sabi ni Paul.

"Nope, bawal sa house!" sabi ni Kyle. Sa lugar namin, ang pamilya nila — ang mga Tiangco, ang may hawak ng mga isa sa mga gawaan ng sapatos. Medyo malago ang negosyo nilang 'yon kaya ayun, sa aming lima, si Kyle ang pinakamapera. Angas 'no. Mas malaki rin ang bahay nila kumpara sa aming apat.

Pero kung bakuran naman ang pag-uusapan . . . napatingin kaming apat kay Jiyo.

"Hindi," sabi niya, saka nag-bike para mas mauna sa amin. Mayro'ng sigawan ng 'korni!' 'KJ!' 'damot, Ji!' sa aming apat, pero tumawa lang siya.

"Sa inyo na lang, Santi!" sabi ko. Madalas namang walang tao sa bahay nila.

Umiling-iling si Kyle. "Hindi ba puwedeng next time na ang shots?"

"'Wag mong sasabihin sa harap ko 'yan, Kyle," sigaw ni Paul.

"Bahala kayo," bulong ni Jiyo sa harap.

"Kung libre mamaya?" sabi ni Santi. "Pero siyempre dapat libre n'yo!"

"Oh, walang gano'n!" sabi ko saka siya binato.

Simula pa lang nang mga bata kami naging magkakaibigan. Siguro nagsimula noong naging magkakagrupo kami sa mini basketball ng lugar namin, at eight years old lang kami noon. Mga cute na eight year olds.

Nanalo kami.

At, ayun. Doon nagsimula ang pagkakaibigan naming bitbit namin kahit hanggang ngayon.

Nakakatuwa nga kasi magkakaparehas kami ng school simula noon. Minsan hindi lagi magkakaklase pero ayos lang naman 'yon; isa't-isa pa rin naman ang hanap namin pagdating ng uwian. Ang sweet namin, 'no?

Habang nagtatawanan, nagba-bike papunta sa bago naming school, may mabilis na bike na dumaan sa espasyo naming mga nagba-bike. Delikado 'yon, a!

Bago pa ako makapag-react, parang dahan-dahan akong nakakita ng isang magandang mukha. May itim at mahabang buhok na lumilipad pagkatapos ng ulo niya. Galit na mga mata. Magandang labi . . .

Dahan-dahan, nakita ko si Avery.

"Woah, dahan-dahan, uy!" sigaw ni Santi sa dumaan.

Nagulat kaming lima nang lumingon sa amin si Avery at halos manayo lahat ng balahibo ko nang makita ko ang mga mata niya. Amporkchop! Nakakatakot! Matapos no'n, nag-bike pa siya ulit.

"Teka, si Avery 'yon, right?" bulong sa 'kin ni Kyle.

"Kailan pa siya natutong mag-bike?" bulong ni Santi sa hangin. "Ang alam ko lagi lang siyang hinahatid ng kotse nila."

"Mm-hmm," tugon ni Jiyo.

"Ang hot niya ro'n!" sabi ni Paul at nagsimula nang mag-bike.

Pero hindi ako nakapagsalita. Si Avery . . . nakita ko na naman siya. Iisipin ko sanang pakiramdam ko kumpleto na ang araw ko, pero para kasing may mali.

"Kitaro," tawag ni Jiyo. Nagba-bike na 'yong tatlo at siya na lang ang naghihintay sa 'kin.

"A-Ah, oo," sabi ko saka tumawa.

--

NANG NAKARATING KAMI sa bagong school namin, halos magpa-party ako. Ang ganda! Sa gate pa lang, mataas na, at may nakadikit na welcome tarpaulin para sa mga studyante, saka maraming puno sa loob. May mga bulletin boards at may mga transferee na may suot na hat ng may nakalagay na: Suapian.

Nagulat ako nang may nagbigay sa amin ng parehong sumbrero — kulay pula, ka-match ng uniform na skirt at pantalon namin.

"Enjoy sa SU! Sundan ang kulay ng napili n'yong strand!" sigaw sa 'min ng babaeng may suot na mga sashes ng bawat strand. "At mapupunta kayo sa lugar kung saan kayo nararapat!"

"He, parang sa 'yo yata ako nararapat. Walang strand-strand sa pag-iibi—"

Hinila na lang ni Jiyo si Paul palayo sa namumulang babae. Tawa naman nang tawa si Kyle at Santi. Habang ako, hinahanap ang isang pamilyar na mukha.

Nasaan si Avery?

Matagal na naming magkakaibigang lima, pero hindi ko pa sinasabi sa kanilang may gusto ako sa kanya. Ang sinasabi ko sa kanilang apat, ang crush ko, si Jenny, kaklase naming top one noon, pero hindi na rito nag-aaral si Jenny kaya medyo safe na ako.

Ayokong sabihin sa kanila kasi . . . si Avery kasi, gaya nga ng sabi ko, para siyang mamahaling alahas. Para siyang may suot na korona at mahabang bestida sa paningin ko, habang ako naka-khaki pants ta's jersey na shirt. Imagine.

"Alam ko, pre, malungkot ka dahil wala rito si Jenny," biglang sabi ni Santi, nakaakbay sa 'kin. Ang tatlo, nakaharap na sa 'kin. Naglalakad kami at sinusundan ang kulay blue na kulay ng HUMSS.

"Tsk, bitawan mo nga—"

"Pero, tingnan mo 'yun." Inikot ni Santi ang ulo ko at nakakita ako ng babaeng naglalakad, parehas ng hairstyle ni Jenny. "Let she mended your break hearts."

"Hindi ko alam kung maiinis ako sa ginagawa mo," sabi ko at inalis ang pagkakaakbay sa 'kin ni Santi, "o maiiyak sa grammar mo."

"Ugh, 'wag ka nang lalapit sa 'kin, Santi."

"Oh?!" sabi ni Santi saka siya tumakbo at kinutusan si Kyle.

"Let go!" singhal ni Kyle.

Umiiling-iling na lang si Jiyo habang nakangiti. Napansin kong wala na naman si Paul sa grupo, kaya alam kong naghahanap na naman 'yon ng bebe niya.

Sa aming lima, kami lang ni Jiyo ang magkaklase. Si Santi naman ang nahiwalay ng room dahil kung hindi n'yo naitatanong, section two ang tropa namin! Hindi lang gaano halata sa kanya pero kabisado niya ang periodic table. Third kami ni Jiyo habang nasa pang-apat na section si Kyle at Paul.

Pumasok na kami ni Jiyo sa classroom namin. Naghahanap kami ng mauupuan.

Bigla naman akong napatingin sa pintong biglang bumukas at pakiramdam ko, tumalon 'yung puso ko mula sa seventh floor ng organs ko nang makita kong pumasok sa classroom si Avery.

"A-Avery."

Nagtama ang mga mata namin, pero ewan, may iba talaga sa mga mata niya. Puno ng inis at galit na hindi bagay sa maganda niyang mukha.

Naalala ko tuloy noong mga bata kami. Naglalaro siya ng bahay-bahayan gamit ang mga laruan niya sa pinakasulok ng palaruan. Pinapayungan siya ng isa sa mga maid niya habang ako naman, amoy araw kakalaro ng bola.

Napatingin ako sa kanya kasi . . .  ewan, ang ganda niya kasi. Kung paano niya hawakan 'yong mga pink na ref at upuan sa bahay niyang laruan na malaki. Minsan naiisip ko kung nalulungkot ba siya kasi lagi siyang mag-isa. Minsan naiisip ko baka gusto niya ring makipaglaro, at baka naiinggit siya sa ibang mga batang pwedeng madumihan at lumambitin sa monkey bars.

Nang nagtama ang mga mata namin nang mainit na tanghaling 'yon, naisip ko baka sa loob niya, gusto niya rin kaming lapitan para makipaglaro. Sobrang lungkot ng mga mata niya na hindi ko maipaliwanag kung gaano kalalim at kasakit iyon.

Ginusto ko siyang lapitan at kaibiganin.

"Huwag ka makikipaglaro diyan, Kitaro!" bulong sa 'kin ng isa kong kalaro. "Maarte 'yan. Ni hindi nga siya makalapit sa 'tin!"

Pero hindi iyon ang nakikita ko. Ang nakita ko sa mga mata niya ay takot at lungkot na makihalubilo sa amin. Siguro dahil alam niyang napakalaki ng linya sa pagitan ng buhay namin sa marangyang buhay niya. Ano nga naman ang lugar ng isang ginto sa isang tumpok ng buhangin?

Ngayon, habang magkatingin ang mga mata namin ni Avery, wala akong nakikitang takot. Para bang may nagliliyab sa mga mata niya. Tapang? Siguro. Inis? Yata. Pero saan naman?

Matagal pa niya ako tiningnan na para bang nakikilala niya ako bago siya nag-iwas ng tingin at naupo sa dulo ng kwarto. Tinitingnan siya ng lahat, binubulungan.

Kumpara sa kahinhinan niya at kabaitan noon, ibang-iba siya ngayon.

At gusto kong malaman kung bakit.

>>

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro