Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Anak ng Mortal, Ano?

Kabanata 6

Puno ng galos ang katawan maski ang mukha ni Dianna matapos nang naganap kanina sa dagat. Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag gamit ang mga salita ang nangyari. Basta ang alam niya ay pinagtangkaan ng mga sirena ang buhay niya.

At nang dahil doon ay napilitan siyang gamitin ang inililihim niyang kapangyarihan. Ngayon ay aliw na aliw ang mga tao sa napakalinaw na tubig ng buong karagatan. Ang mga mangingisda ay agad na pumalaot upang mamingwit dahil malinaw nilang nakikita kung nasaan direksyon ang maraming huli.

Sa kabila nang nangyari ay napapangiti si Dianna sa likod ng kaniyang isipan dahil may magandang naidulot ang padalus-dalos niyang paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Ngunit sadyang naging desperado siya dulot ng pagkatakot para sa sariling kaligtasan.

Wala siyang ideya sa tunay na nangyayari kanina. Basta ninais niya na bumalik ng isla upang hanapin ang nasabing lalake na nagligtas ng buhay niya sa pag-asang may makukuha siyang impormasyon mula rito tungkol sa mga kakaiba niyang nasaksihan.

Ang mga sirena. Ang estranghero na lumunod sa kaniya. Ang misteryoso niyang pagdating ng isla malayo sa kaniyang tirahan. Ngunit sa lahat ng tanong niya ay may isa na siyang nakuhang kasagutan. Ang estranghero at ang kaniyang tagapagligtas ay iisa.

"Anong alam mo tungkol sa mga sirena? Isa ka rin ba sa kanila?" magkasunod na tanong niya sa lalakeng kaniyang kaharap. Ipinagkrus niya pa ang kaniyang mga binti maski ang mga braso na nagpapakita na seryoso ang sagot na gusto niyang makuha.

"Tinatanong mo ba ako kung isa ako sa kanila dahil alam mong may nalalaman ako tungkol sa kanila?" pagpapaikot ng lalake sa kaniyang mga salita kaya naman tinaliman ni Dianna ang tingin niya sa lalakeng kaharap.

"Tinatanong ko dahil wala ako ni isang impormasyon na nalalaman tungkol sa mga sirena at naniniwala akong ikaw ang unang makapagbibigay kasagutan sa naguguluhan kong isipan," pakikisakay ni Dianna sa gustong laro ng lalake. "Hʼwag ka nang magkaila, nasilayan na kita noong sirena ka, maski noong may mga binti ka ngunit may kaliskis din at mga palikpik."

"Kung gusto mo ng tunay na kasagutan ay oo, isa ako sa mga uri ng tinatawag mong sirena," napipilitan nitong pag-amin at bigla na lamang tumayo sa kinauupuan nito. "Pero kung inaakala mong ipagkakanlulo ko saʼyo ang aking angkan ay nagkakamali ka," sandali itong huminto at lumingon sa kaniya. "May kabayaran ang bawaʼt impormasyon na gusto mo."

Nang maglakad ang lalake palabas ng kunting kubo ay napatayo rin si Dianna sa kaniyang kinauupuan, magtatangka sana siyang sumunod sa lalake nang biglang lumabas ang lola na tumanggap sa kanilang dalawa ng lalake mula sa kusina.

"Oh, saan magpupunta si Kye?" paghahanap ng lola sa lalakeng sireno na ang pangalan ay Kye. "Ang batang iyon talaga, hilig maglaho at sumulpot na parang kabute," nakukunsumeng ani ng lola at ibinaba sa munting mesang yari sa kahoy ng bamboo ang dalawang tasa ng mainit na gatas.

"Salamat po, lola," magalang na pasalamat ni Dianna at hindi na tinanggihan ang mabait na alok ng ale. Kahit na gusto niyang habulin si Kye ay mamaya niya na iyon gagawin bilang paggalang sa matandang mag-asawang tumanggap sa kanila ng lalake kahit pa kahina-hinala ang itsura nila nang madatnan sila ng mga ito.

Marahan niyang inihipan ang gatas at humigop, matapos ay nginitian niya ang matanda na pinanonood siya. Sa katunayan ay ito ang pangalawang beses na nakita niya ito at tinulungan siya nito. Ang unang beses ay noong dinakip siya ni Kye at dinala sa islang ito nang walang malay.

Pero kung kaniyang aalalahanin ay wala siyang nakita ni bakas nang pagkabigla o maski paghihinala ang matandang babae nang pagbuksan nito ng pinto si Kye na walang saplot mula ulo hanggang mga paa. Tila sanay na ito sa bagay na iyon.

Idagdag pa na kumportable ang lalake sa matandang mag-asawa, ebidensya na magkakilala ang mga ito at mayroong malalim na relasyon sa isaʼt isa. Hindi niya tuloy mapigilang isipin na maaaring may alam ang mga ito tungkol sa tunay na anyo ni Kye. Na may alam ang mga ito tungkol sa mitolohiya ng mga sirena.

Pero hindi niya naman magagawang basta na lamang magtanong, kung magpapadalus-dalos siya ay hindi niya alam kung saan na lamang siya pupulutin mamaya. Wala siya sa kaniyang teritorya, malayo siya sa mga taong matatakbuhan niya kapag kailangan niya ng tulong. Ang bawaʼt tao sa islang ito ay estrangero.

"Mukha kang may mga gustong itanong, pinipigilan mo ba ang sarili mo na magsalita, hija?" untag ng lola na talagang ikinabigla ni Dianna at naibuga pa ang kaniyang iniinom. "Naku! Sandali at ikukuha kita ng pamunas."

Agad na tumayo ang lola upang magtungo ng kusina habang panay naman ang pag-ubo ni Dianna. Bahagya rin siyang napaso sa balat ng iniinom niya dahil bagong kulo ang tubig. Nang bumalik ang lola ay tinanggap niya ang inalok nito na pamunas.

"Pasensya ka na, sadyang kabisado ko lang ang ekspresyong mayroon ka kanina dahil iyan ang laging ibinibigay sa akin ni Kye," paliwanag ng lola sa mga nasabi nito na nagpabigla sa kaniya kaya naman sinabi niyang hindi nito kailangan alalahanin ang nangyari ngunit natigilan siya sa sunod nitong iwinika, "ang itsura na interesado siya sa isang bagay ngunit natatakot na magtanong ng impormasyon. Ang kuryosidad niyang iyon ang naglalayo ng damdamin niya sa amin ng kaniyang lolo."

Napatikhim si Dianna nang tila bumaon sa kaniyang puso at isipan ang mga katagang iyon. Tinuyo niya ang kaniyang baba gamit ang kaniyang kamao at marahang tumayo sa upuan saka magalang na nagpaalam sa lola, "tama po kayo, may gusto po akong malaman. Ayos lang po ba sa inyo kung susundan ko ang apo niʼyo upang kausapin?"

﹏𓊝﹏𓂁﹏

Ang pagiging malinaw ng tubig ng karagatan ay unti-unti nang naglalaho, nagsisimula nang manumbalik ang natural nitong anyo. Paunti na rin ang mga taong natitipon sa pampang na naaaliw sa kahiwagaan ng dagat. Pabalik na rin ang mga mangingisdang pumalaot dahil sa papalubog na araw.

Habang pinanonood ni Kye ang mga tao na may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan, naghahabulan, nagkukwentuhan, naglalakad sa tabing dagat kahit mag-isa. Naaalala niya tuloy ang unang beses na tumuntong siya ng lupa nang hindi kinakapos ng hangin, gumagapang ngunit hindi sa kaniyang buntot kundi mga binti.

Ang araw na nilisan niya ang kanilang palasyo sa pinakatago at malalim na parte ng karagatan. Ang parehong araw kung kailan tinalikuran niya ang kaniyang pamilya na kailangan ang kaniyang tulong matapos mapasailalim ang mga ito sa isang engkantasyon.

"Ano ka ba talaga? Tao, sirena. . ." Mula sa likuran ni Kye ay isang tinig ng babae ang kaniyang narinig kaya naman marahan siyang napalingon dito. "O tulad ko, anak ka rin ng isang mortal at ng isang itinuturing na Diyos?" pagpapatuloy nito sa mga katanungang mukhang nais talaga nitong malaman sa rami ng mga gumugulo sa isipan nito ngayon.

//

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro