Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 38

DAHAN-DAHAN kong iminulat ang mga mata ko nang masilaw sa napakalakas na liwanag. Ilang beses akong kumurap dahil sa panlalabo ng paningin. Nasaan ba ako?


Iginalaw ko ang ulo pero agad na kumirot ang bandang noo ko. Napangiwi ako dahil doon. Nagpoproseso pa lamang ang utak ko sa mga nangyayari nang biglang bumukas ang pinto.


"Heaven?!" Agad na lumapit sa akin si Kath. "Gising ka na! Thank God!"


"K-Kath?" Sinubukan kong tumayo pero animo'y walang lakas ang mga braso ko para alalayan ang sarili. Napahiga rin ako agad at napadaing.


"Huwag ka munang magkikilos. Ipahinga mo ang sarili mo. Jusko! Pinakaba mo ako!" Nagpaypay ito ng sarili.


"A-Akala ko ba pumunta kang Maynila para intindihin 'yung college mo?"


"Oo nga. Pero bumalik din ako agad matapos kong malaman na may nangyari sa 'yo rito sa Polillo."


Nang sabihin niya iyon ay saka nanumbalik sa isipan ko lahat ng nangyari. Kung paano ako tumilapon sa puno sa gilid ng kalsada. At kung paano ako nawalan ng malay matapos...


'Yung lalaki...


Niligtas ako n'ong lalaki!


"May lalaki ka bang nakitang sinugod din dito sa ospital?" nanlalaki ang mga mata kong tanong.


"Lalaki?" naguguluhan niyang tanong. "Sinong lalaki? Omg ka, kadarating ko lang galing Maynila. Wala akong alam sa sinasabi mo."


Napabuntonghininga ako. Pinilit kong alalahanin lahat ng nangyari. Posibleng mamukhaan ko 'yung lalaki kung pipilitin kong alalahanin ang lahat. Sa pagkakaalala ko, nakita ko siyang isinakay sa loob ng ambulansya bago ako. Posibleng magkasabay kaming isinugod dito.


Ipinikit ko ang mga mata at pilit na pinokus ang sarili.


Lalaki...


Sino ka ba?


Nakasuot siya ng black na t-shirt at maong pants. Hindi ko nakita ang mukha niya. Puro dugo. Iyon lang ang naalala ko, napakaraming dugo sa kalsada noon.


Nang bubuhatin na ang lalaki papasok ng ambulansya ay aksidenteng napabaling siya paharap sa kinapupuwestuhan ko. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit... malabo ang hitsura niya.


---


NAPABALIKWAS ako ng bangon. Hinihingal akong tumingin sa kanan at kaliwa bago nagpunas ng mga pawis ko sa noo. Maging leeg ko ay nanlalagkit na rin ng pawis.


Napanaginipan ko na naman 'yung aksidenteng nangyari ten years ago. At 'yung lalaki... ano na kayang nangyari sa kaniya? Namatay kaya siya sa aksidenteng 'yun?


Napatakip ako ng palad sa mukha.


Kasalanan ko kung bakit siya naaksidente. Niligtas niya ako. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung namatay siya nang dahil sa akin.


"Ate!" Pumasok si Kane sa kwarto ko dala ang isang baso ng tubig. "Narinig ko po kayo sa kwarto ko. Binabangungot po ba kayo?"


Nagsalubong ang mga kilay ko. "Hindi ba't kabilin-bilinan ko sa 'yong huwag kang papasok ng kwarto ko?"


Napatungo siya ng ulo. "Eh, k-kasi—"


"Labas!"


"Paano po kung may  masamang nangyari sa inyo? Hahayaan ko lang po ba kayo?" Matapang nitong sinalubong ang paningin ko. Pero kapagkuwa'y umiwas din ito ng tingin.


Bumuntonghininga ako. "Labas. Huwag ka ritong papasok nang di ko sinasabi."


Hindi na umimik pa si Kane at sinunod na lamang ako. Marahan niyang isinarado ang pinto.


Napahilamos naman akong muli ng palad sa mukha. Pinakatitigan ko ang dinala niyang isang baso ng tubig. Napairap na lang ako bago ko itinapon sa labas ng bintana ang tubig. Kumuha ako ng tubig ko sa kusina at iyon ang ininom.


---


"SURE ka?! Nakita mo si Axen?!" tanong ni Kath sa kabilang linya.


Habang nakasakay ako ng traysikel ay magkatawagan kami. Hanggang sa makababa ako ng sinasakyan ay hindi pa rin mapatid ang pagchichismisan namin.


"Oo. Akalain mo 'yun, buhay pa pala ang gago."


"Oh, kumusta? Gwapo pa rin ba?" Halos magkandirit ito sa kabilang linya.


"Gago na lang siya sa paningin ko ngayon. Seryoso ka ba sa tanong mo? Kung kiligin ka naman parang nalimutan mo nang manloloko 'yung Axen na 'yun."


"Oo, galit pa rin ako! Pero hindi naman nakakabulag ang galit! Alam kong gwapo pa rin siya!"


"May sira ka na. O siya, bye na. Papasok na akong Faculty Room." Bumati ako pabalik sa mga bumating estudyante. Pati mga co-teachers ko, binati ko na rin ng good morning. Kahit pa walang good sa morning kasi 'yung Axen ang topic namin.


"Bye! Oy, balitaan mo 'ko sa mga ganap niyo ni Axen, ah! Malay mo makipagbalikan 'yan sa 'yo!"


"Tumahimik ka!" Malakas kong pinindot ang end call button sa hawak kong cellphone.


Nalimutan kong nasa Faculty Room nga pala ako. Kaya pala biglang natahimik ang buong lugar. Naiilang akong ngumiti at humingi ng pasensya sa mga nandoon.


"Good morning, teachers!"


Napatingin kaming lahat sa pumasok na principal. Napakalawak ng ngiti nito. Wala naman kaming sinayang na panahon, nagsitayuan kaming lahat at bumati rin dito.


"Good morning po, Mrs. Suaverdez!"


"Tulad ng sinabi ko sa inyo noong nakaraan, magkakaroon tayo ngayon ng bagong teacher. Maging mabait kayo sa kaniya. He's a fresh grad from the US. Magbaon kayo lagi ng tissue in case na dumugo ang ilong niyo sa kaniya." Natawa ito sa sariling biro.


Nakitawa na lang din ako pati na ang mga kasama ko.


"Kilala mo 'yung bago?" tanong ko sa katabing si Jaslene.


"Hindi, Ma'am. Pero feeling ko magiging ka-close ko 'yun."


Napatango na lang ako. Siguro nga magiging close sila kasi English teacher 'tong si Jaslene. Madali na lang sa kaniyang makipag-usap sa mga English speakers.


Well, kaya ko rin naman, 'no. How are you find out? Mga ganiyan na English pwede na siguro.


"Please welcome, Mr. Xianiel Fuertes!" Pumalakpak nang malakas ang principal. Pati ang mga co-teachers ko ay nagsipalakpakan.


Ako lang yata ang hindi nagawang pumalakpak. Natigilan ako at nanigas sa kinatatayuan. Ang pangalan na 'yun... Hindi kaya...


Hindi. Hindi pwede. Kapangalan niya lang siguro 'yun.


Bumukas ang pinto ng Faculty Room. Animo'y tumigil ang oras kasabay ng mabagal na pagpasok ng lalaking nakasuot ng casual clothes. Napakalawak ng pagkakangiti nito sa amin.


"Good morning to all of you! I am Xianiel Fuertes. But you can call me Axen for short." Isa-isa itong lumapit sa amin at nakipagkamay.


"Ang gwapo," bulong ni Jaslene sa akin. Bahagya niya pa akong pinalo sa braso. Nang makipagkamay si Axen sa kaniya ay para siyang pusang nanghaharot at hinaplos pa ang braso ni Axen. Halos mawala na rin ang mga mata nito sa sobra-sobrang pagkakangiti.


"Good morning, I'm Axen. And you are?"


Huli na nang mapagtanto kong nasa harapan ko na siya. Natameme ako. Hindi niya ba ako nakikilala? O baka nagpapanggap lang siyang hindi.


Pero hindi, e. Inosenteng-inosente ang hitsura niya pati na ang mga mata niya. Mukhang hindi niya talaga ako nakikilala.


"Ma'am! Ano raw pangalan mo?" Siniko pa ako ni Jaslene matapos iyon ibulong sa akin. "Natameme ka naman masiyado sa kagwapuhan niya."


"A-Ako si Heaven. I mean, I'm Heaven." Nakipagkamay ito sa akin. Animo'y nakuryente naman ako nang magdikit ang mga palad namin. Mahigpit pa sa mahigpit ang pagkakakapit niya roon. Napaigtad ako at agad na hinila ang kamay ko.


"Oh, sorry. Conservative ka siguro." Kumindat pa ito sa akin. "Hindi niyo na kailangang mag-English pag kausap ako. I still can understand Filipino kahit pa nag-stay ako do'n for a very long time," anunsyo nito sa lahat.


So nag-migrate pala sila sa ibang bansa kaya di ko na nakikita ang pamilya nila dito. Matagal ko na nga rin iniisip kung sila pa rin ba ang nagpapatakbo sa mga businesses nila rito.


"Ms. Eranista, can you tour our new teacher to our campus? Para naman pag-start niya next week, hindi na siya mahirapan pa sa pagpunta sa mga scheduled classes niya."


"Ako na lang po!" pagbo-volunteer ni Jaslene. Nakahinga naman ako nang maluwag.


"May klase ka na. Malapit na ang start ng first period kaya mabuti pa puntahan mo na ang mga estudyante mo," utos ng principal.


Napanguso na lamang si Jaslene bago lumabas ng Faculty Room. Parang bata lang na nagtatampo.


"Paki-tour na siya, Ms. Eranista. Lahat sila rito may mga klase na. Ikaw na lang ang vacant hanggang recess."


Napatango na lang ako. As if namang may choice akong tumanggi.


"Malay niyo rin, magka-develop-an kayo. Single naman 'tong si Ms. Eranista. Naku, 28 na 'yan kaya dapat nag-aasawa na." Tumawa ito nang ubod ng lakas. "Biro lang, biro lang."


Ito namang principal namin parang katunog lang ng mga marites sa kanto namin.


"I'm taken po, Ma'am. I already have a girlfriend."


"Is that so?" Namilog ang bibig ni Mrs. Suaverdez.


Napatitig naman ako kay Axen. Napakalawak ng pagkakangiti niya nang sabihing taken na siya. Guhit na nga lang ang mga mata niya.


Ba't pa ba ako nagulat na taken na siya. Sa loob ng sampung taon malamang na nakakita rin siya ng babaeng babagay sa kaniya. 'Yung babaeng hindi na niya magagawang lokohin dahil hindi na niya ito kayang ipagpalit pa.


At hindi ko alam kung bakit kumirot ang dibdib ko sa realization na 'yun...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro