Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 37

AFTER TEN YEARS...


Inayos ko ang salamin ko sa mata at saka muling ipinagpatuloy ang pagsusulat sa board. "Who wants to solve the problem on the board?" Itinuro ko pa ang pisara gamit ang patpat na trademark ko na sa mga estudyante ko.


"Wala sa inyong gustong sumagot dito sa unahan?" Kinuha ko ang index card sa table. "So magtatawag ako?"


Napakamot ang ilan sa mga estudyante sa harap ko. Ang iba nama'y kung saan idinako ang paningin at ayaw ako titigan diretso sa mga mata. May ilang nakatingin sa labas ng room at may iba namang sa sahig nakatingin.


Muli kong itinuon ang pansin sa hawak na mga index card. Binalasa ko iyon at nakangisi kong binunot ang isa sa mga iyon. Handa ko nang ibuka ang labi ko para tumawag ng pangalan nang tumunog ang bell.


"Yehey! Recess!"


Nagsitayuan silang lahat at halos magtulakan palabas ng room.


"Yes! Buti na lang hindi ako natawag!"


"Saved by the bell!"


"Sana mabago 'yung teacher natin sa Math. Ayoko sa Math kasi ang hirap pero mas lalong ayoko sa teacher natin ngayon."


Kung anu-ano pang bulungan ang hindi nakatakas sa pandinig ko. Hindi ko nga alam kung bulong pa iyon o sinadya na talagang iparinig sa akin.


Napabuntonghininga na lang ako at saka isinalansan lahat ng gamit ko. Ipinatong ko 'yun sa braso at taas-noo akong lumabas ng classroom. May ilang magugulong estudyante sa daan pero nang mapansin ako ay nagsitigil ang mga ito sa kagaslawan.


Humawi ang mga ito sa daan ko.


"Next time na maglilikot kayo, huwag sa harapan ko. Maliwanag?" tanong ko. Halos tumaas ang isa kong kilay pero pinigilan ko.


"S-Sorry po, Stick Ma'am."


"Ma'am Eranista, iyon ang itawag niyo sa akin. Next time na marinig ko pang tawagin niyo 'kong Stick Ma'am, tutuhugin ko kayo gamit 'tong patpat ko. Maliwanag?!"


Halos itungo ng mga ito ang ulo matapos tumango. May ilan namang estudyante na napahagikhik dahil sa mga sinabi ko.


"May nakakatawa ba?" tanong ko matapos bumaling sa mga estudyanteng parang kambing kung tumawa.


Nagsitigil sila at nagpatuloy na lamang sa paglalakad. Ganoon na lang din ang ginawa ko. Inayos ko ang salamin sa mata at saka taas-noong nagpatuloy sa naudlot na pagrampa papuntang Faculty Room.


Papasok na sana ako sa loob ng Faculty Room nang may masalubong akong estudyante na palabas naman sa room na 'yun. Nabangga ako nito dahilan para malaglag ang mga dala kong gamit.


Agad ako nitong tinulungan sa pagkuha ng mga gamit ko. "Naku! S-Sorry po."


Salubong ang mga kilay ko itong tinitigan. "Kane?"


Napatingin ito sa akin. "Sorry, ate. Oh, heto na po mga gamit mo." Iniabot nito sa akin ang mga documents kong nalaglag sa sahig.


"Anong ginagawa mo rito sa Faculty Room? And please, don't call me ate kapag narito tayo sa school." Bahagya akong umirap.


"Oo na po, Stick Ma'am. Hindi na po kita tatawaging ate." Itinungo nito ang ulo na para bang tutang pinagalitan.


"Anong Stick Ma'am?! Gusto mo ba tusukin kita ng stick diyan?!" Handa na sana akong batukan ito nang maalala kong wala nga pala ako sa bahay. Napa-ehem ako at tumingin sa paligid kung may nakakita sa iniakto ko. "Umalis ka na! Ayusin mo mag-aral. Humanda ka sa 'kin sa bahay." Pinanlakihan ko ito ng mata.


"Noted po, Stick Ma'am!" Tatawa-tawa itong tumakbo paalis doon.


Napahilot na lang ako ng sintido kasabay ng malalim na buntonghininga. Wala na akong sinayang pang oras at pumasok na lang ng Faculty Room. Kaso'y nang ipapatong ko na ang mga gamit ko sa table ko ay kumulo naman ang tiyan ko. Napangiwi ako dahil doon.


Agad akong nagtawag ng estudyanteng dumaraan. "Totoy, pwede bang ibili mo 'ko ng turon diyan sa canteen? Isa lang, ha. Pag wala, kahit maruya na lang."


Tumango ito at mabilis na tumalima. Wala pa mang five minutes ay nakabalik na ito at dala ang mahabang turon. Nagpasalamat naman ako at pumunta na sa desk ko.


"Always smile, ate kong masungit," pagbasa ko sa note na nakalapag sa mga documents ko sa desk. "From kapatid mong pogi." May katabi pang milktea 'yung note.


"Sinong naglagay ng milktea dito? Buti na lang di nabasa 'tong mga gamit ko. Tss. Nakakaperwisyo, ha." Umirap ako.


"Naku, bigay 'yan no'ng isang estudyante dito. 'Yung kalalabas lang galing dito. Ikaw, ha. Manliligaw mo ba 'yun? Reminders, code of ethics! Itigil niyo na 'yan agad-agad!" natatawang imik ni Jaslene, co-teacher ko. Teacher siya sa Senior High ng English.


Hindi ko napigilang mapahalakhak sa sinabi niyang 'yun. Napakalutong ng tawa ko. Hinimas-himas ko pa ang tiyan ko sa sobrang pagtatawa. "Kapatid ko 'yun! Malisyosa 'to. Tsaka, hindi ako umiinom ng ganiyan. Gusto mo ba? Sa 'yo na lang."


Umiling ito. "Diet ako, Ma'am. Bawal muna ako sa mga matatamis. Baka matapos ang matatamis kong sandali pag di pa ako nag-dyeta."


"Ilang taon mo nang sinasabi 'yan," biro ko saka ako tumayo dala ang milktea. Dumiretso ako sa labas at itinapon iyon sa basurahan. Maging ang note na kasama ay itinapon ko na rin.


"Naku, sayang naman 'yung milktea!"


Napalingon ako sa nagsalitang iyon. Nanlaki naman ang mga mata ko nang makilala kung sinong babae ang nagsalita. "Kath?!"


Ngumiti siya sa akin saka ako niyakap.


---


"HANGGANG ngayon ba hindi mo pa rin napapatawad 'yung tatay mo? Pati 'yung si Kane nadadamay na."


Sumipsip ako sa milktea kong binili. Narito kami ngayon sa milktea bar na kakapatayo lang. Inaya ako nitong si Kath na tikman daw kung masarap 'yung mga ino-offer nila.


"Tulad niyan, iinom ka rin pala ng milktea tapos tinapon mo pa 'yung binigay ng kapatid mo—"


Pinutol ko ang pagsasalita niya. "Hangga't hindi dumadalaw sa panaginip ko si Mama para sabihing patawarin ko sila, hindi ko gagawin."


Ngumiwi si Kath. "Ilang taon mo nang sinasabi 'yan, e. Baka naman uugod-ugod na tayo hindi pa rin mangyari 'yang sinasabi mo."


"Edi hindi ko sila patatawarin hanggang sa huling hininga ko."


Hindi pa rin mawala ang ngiwi sa mukha ni Kath. Punong-puno ng panghuhusga ang pagkakatitig niya sa 'kin. "O siya, hindi naman kita dapat pinapangunahan sa mga ganiyang bagay. Maiba lang ako, kumusta na si Tito sa ospital?"


Bumuntonghininga ako. "Kailangan na niyang ma-operahan. Ang laki na ng loan ko, namumulubi na ako sa pagpapa-ospital sa matandang 'yun."


"Kawawa naman si Tito."


"Karma niya na 'yun." Hinalo ko ng straw ang iniinom.


"Kung makapagsalita naman 'to akala mo hindi tatay 'yung pinag-uusapan."


Umirap ako. "Alam mo naman kung anong mga nangyari at kung anong ginawa niya sa 'min, 'di ba?"


Hindi na nakipagtalo pa si Kath. Alam kong naiintindihan niya rin naman ako.


"Hindi ka ba pupunta ngayon sa ospital para bisitahin siya?" tanong niya sa gitna ng katahimikan.


Itinaas ko ang dalawang kilay habang sumisipsip sa straw. Kapagkuwa'y huminto ako at lumunok. "Bakit? Sasama ka?"


"Oo sana. Gusto ko lang mangamusta. Ang lakas-lakas lang niya noong bago tayo mag-college. Grabe kasi siya mag-inom matapos mamatay ni Tita. Isa siguro 'yun sa dahilan kaya nagkasakit siya sa atay."


Napaiwas ako ng tingin.


"Okay ka lang?" tanong ni Kath at hinawakan ang kamay ko.


Pilit akong ngumiti rito. "Oo naman. Tayo na? Sasamahan kita papunta sa ospital."


"Sasamahan lang, hindi ka papasok?"


Umiling ako. "Papasok din siyempre."


"Papasok lang hindi lalabas?"


"Lalabas din siyempre." Nawiwirduhan ko s'yang tiningnan. Anong nakain nitong babaeng 'to?


"Lalabas lang hindi na uuwi?"


"Isa pang tanong, babatukan na kita," pagbabanta ko.


"Babatukan lang hindi na—"


Akma ko itong papaluin sa braso kaya tatawa-tawa itong umilag. Hindi pa rin talaga nagbabago 'tong babaeng 'to. Akala mo hindi nag-mature sa loob ng sampung taon.


---


"H-HEAVEN..." pagtawag sa akin ni Papa. Halos hindi na marinig ang pagsasalita niya.


Tiningnan ko naman siya at agad na tinanong kung anong kailangan niya. Maski si Kath ay naiintriga kung ba't bigla-bigla na lang niya ako tinawag.


"S-Sorry, anak..."


Napaiwas ako ng tingin. "Kung akala niyo mapapatawad ko na kayo dahil lang nagkasakit kayo, huwag na kayong umasa."


"A-Alam ko naman 'yun. Hindi naman k-kita pinipilit na... p-patawarin ako." Bahagya siyang umubo.


"Tito, huwag na po muna kayong mag-isip ng kung anu-ano. Ang importante po ngayon, gumaling po kayo. Doon niyo lang po i-focus ang sarili niyo." Inayos ni Kath ang higaan ni Papa at ang pagkakapatong ng mga braso nito sa gilid.


"Magpapahangin lang muna ako sa labas." Hindi ko na hinintay pang may magsalita sa kanila. Agad na akong lumabas ng kwartong iyon, mabigat ang dibdib pati na rin ang mga hakbang.


Ipinikit ko ang mga mata saka ako bumuntonghininga nang ilang beses. Matapos ng ilang segundo ay ibinuka ko ang mga mata. Handa na sana akong humakbang nang dumako ang paningin ko sa lalaking naglalakad.


Natigilan ako. Maski ang paghinga ko ay animo'y tumigil din kasabay ng mga oras na iyon. Nanigas ako sa kinatatayuan kasabay ng panlalaki ng mga mata.


Anong ginagawa niya rito?


Iba man ang hairstyle niya ngayon pero nakikilala ko pa ring siya 'yun. Hindi ako pwedeng magkamali.


Naglakad ang lalaki pasalubong sa akin. Napaiwas ako ng tingin kasabay ng pagtigil ng mundo ko. Animo'y kami lang dalawa ang gumagalaw sa mga oras na iyon.


Inaasahan ko nang lalapit ito at kakausapin ako. Pero ikinagulat ko nang lampasan lang ako nito. Maski man lamang pagtingin sa akin ay hindi niya nagawa. Dire-diretso siyang naglakad na para bang hindi niya ako kilala.


Anong ibig sabihin no'n?


Hindi niya ba talaga ako nakilala o sinadya niya lang akong hindi pansinin?


Ano ang totoo, Axen?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro