CHAPTER 35
ILANG oras na akong nakatayo rito sa tapat ng puntod ni Mama. Nauna nang umalis sa akin ang mga nagsemento nitong puntod niya. Ilang beses na rin akong binalikan dito ni Kath para sunduin pero hindi ako natinag. Nanatili lang ako sa pagkakatayo, tinititigan ang mga letra sa nitso ni Mama.
Hanggang ngayon hindi pa rin tuluyang nagsi-sink in sa akin ang lahat.
Pinunas ko ang luhang tumulo sa pisngi ko at saka ko inilabas ang cellphone sa bulsa ko. Binuksan ko iyon at mabilis na nag-dial ng number. Sisinghot-singhot kong inilagay sa tainga ang cellphone, umaasang sasagutin agad ng tinatawagan ko.
"Hello," sagot ng nasa kabilang linya.
"Hello."
"Sino 'to? Saan mo nakuha ang number ko?" Iritable ang tono ng pananalita nito na para bang inistorbo ko sa importante nitong ginagawa.
"Gusto ko lang itanong kung kasama mo ngayon si Axen..." Huminga ako nang malalim. "...Jeoanne?"
"Sino ka ba? Wait..." Huminto ito at mayamaya'y naglabas ng sarkastikong tawa. "Heaven? Saan mo naman nakuha ang number ko?"
"Hindi na 'yun importante pa. Kasama mo ba ngayon si Axen?" Napakagat ako sa pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang luha.
"Ano naman ngayon kung kasama ko siya?"
Humugot ako ng malalim na buntonghininga. "Oo o hindi?"
"Bakit? Susunduin mo siya? Huwag ka na mag-abala. Kahit mga magulang niya hindi siya makausap nang maayos ngayon--"
Pinutol ko na ang pagsasalita niya. "Pakisabi hihintayin ko siya rito sa sementeryo. Pakisabi rin na hindi ako aalis dito hangga't hindi siya nagpapakita." Ibinaba ko na ang linya matapos iyon. Bumuntonghininga ako nang maraming beses habang ipinipikit ang dalawang mata.
Kinakabahan ako sa hindi ko malamang dahilan.
"Heaven! Hindi ka pa ba uuwi? Didilim na!" Tumakbo palapit sa akin si Kath. "Tara na, ihahatid na kita sa inyo." Hinawakan nito ang braso ko para hilahin ako pero pinigilan ko siya.
"Ayoko." Tinanggal ko ang pagkakakapit ng kamay niya sa akin. "M-May hinihintay ako..." Napaiwas ako ng tingin, hindi makatingin sa kaniya nang diretso.
"Sino?"
Itinungo ko ang ulo ko. Gayunpaman, alam kong tinitingnan ako ni Kath nang puno ng panghuhusga.
"Huwag mong sabihing hinihintay mo pa 'yung boyfriend kuno mo na 'yun? Gumising ka na, Heaven! Sa lahat ng ginawa niyang pambabalewala sa 'yo, boyfriend mo pa bang maituturing 'yung lalaking 'yun?"
Hindi ko siya matingnan sa mga mata. Pinanatili ko lang ang pagkakatungo sa lupa.
"Heaven! Tayo na." Hinila niya ako.
"Ayoko." Hindi ako nagpatinag.
"Hindi na 'to tama, Heaven." Gumaralgal na ang boses niya at halos pumiyok na. "A-Ayokong nakikita kang g-ganiyan..."
"Pumikit ka..." Blangko ang ekspresyon ko siyang hinarap. "...p-para hindi mo 'ko makitang gan'to."
"Niloloko ka lang niya, Heaven! Naiintindihan mo 'ko?" Hinarap niya ako sa kaniya, hawak niya ang dalawang balikat ko habang naluluha na siya. Namumula na ang buong mukha niya maging ang mga mata. "Nakita ko silang dalawa doon sa Blue Village, magkayakapan. Tangina, ayokong sabihin sa 'yo dahil ayokong maging insensitive dahil may pinagdadaanan ka ngayon. K-Kaso... kailangan mo nang malaman para magising ka sa katotohanan. Niloloko ka lang niya, Heaven!"
Umiling ako. Ilang beses akong umiling habang nagpupumiglas sa pagkakahawak niya.
"Ano ba!? Hindi mo ba ako naiintindihan? Maghihintay ka pa rin ba rito para sa walang kwentang lalaking 'yun?"
Hindi ako nagsalita. Sa lupa ko muling itinuon ang paningin. Baka sakaling sa pamamagitan niyon, mabingi ako sa mga sinasabi ni Kath. Ayokong paniwalaan ang mga iyon.
"T-Tara na, Heaven..." Hinila niya ang braso ko habang panay na ang hagulgol niya. "Makinig ka sa 'kin, tayo na!"
"Ayoko." Nagpumiglas ako sa pagkakakapit niya.
"Huwag mo na siyang hintayin!"
"Ayoko nga!" Malakas kong hinila ang braso ko mula sa kaniya. Agad naman niyang nabitawan iyon.
Tinitigan niya ako nang hindi makapaniwala. Nagulat siya marahil sa biglaan kong pagtaas ng boses sa kaniya. "Hindi mo ba naintindihan ang mga sinabi ko kanina? Niloloko ka lang niya. Tayo na, umalis na tayo rito!"
Umiling ako. "Iwan mo na lang ako. Hihintayin ko siya kahit anong pilit mo sa 'kin. Hindi ako aalis dito kahit anong mangyari."
Tinitigan ako ni Kath na animo'y hindi makapaniwala. "Niloloko ka lang niy--"
"MANAHIMIK KA NA!" Maski ako ay nagulat sa pagtaas ng boses ko. Ganoon din si Kath na natigilan at hindi na nakaimik pa. "Iwan mo 'ko. Hindi ako aalis dito. Huwag kang magmarunong na akala mo alam mo ang lahat. Hindi niya ako niloloko! Hindi totoo ang sinasabi mo!"
Pumatak ang mga luha ni Kath matapos ko iyong sabihin. "Nagmamarunong?Ako pa 'yung nagmamarunong?" Itinuro pa nito ang sarili habang panay ang patak ng mga luha. "A-Ayoko lang namang masaktan ka, Heaven. K-Kaibigan mo 'ko, kaibigan kita. Kung pagmamarunong lang para sa 'yo 'tong ginagawa ko, wala na akong magagawa do'n. Mukhang gano'n lang ang tingin mo sa friendship natin."
Hindi ako nakaimik. Natigilan ako at naestatwa na lamang sa kinatatayuan. Alam kong hindi ko sinasadya ang mga sinabi ko. Pero sinadya ko man o hindi, alam kong nasaktan ko siya dahil sa mga iyon.
"Kung sa tingin mo nagsisinungaling ako, tingnan mo na lang 'yung s-in-end kong picture sa 'yo." Pinunas niya ang mga luha at saka niya ako tinalikuran. Walang lingunan siyang naglakad palayo roon.
Hindi ko na nagawa pang pigilan siya dahil sa pagkagulat ko sa mga pangyayari. Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at tiningnan ang messages. Kaunahan sa chat list si Kath. May pictures siyang s-in-end. Nang buksan ko iyon ay halos mailaglag ko ang cellphone ko sa lupa.
Si Jeoanne at si... Axen.
Magkadikit ang mga labi nila sa picture.
Napailing ako nang maraming beses. Hindi 'to totoo. Namamalikmata lang siguro ako.
Pero nang ibalik ko ang paningin sa picture ay naroon pa rin ang hitsura nilang dalawa habang magkahalikan. Napadiin ang pagkakahawak ko sa cellphone na tipong halos madurog iyon.
Hindi ko alam kung paano nagkaroon ng picture nito si Kath pero hindi na iyon mahalaga pa sa oras na ito.
"Heaven..."
Dahan-dahan akong napalingon sa tumawag na iyon. Kilalang-kilala ko ang boses na iyon. Hindi ako pwedeng magkamali.
Nang makita ko nang husto ang hitsura ni Axen ay saka sunod-sunod na nagsituluan ang mga luha ko. Napaluhod na lamang ako sa lupa na para bang lahat ng pagod ay ngayon lang nag-sink in sa katawan ko.
Agad siyang tumakbo papunta sa akin pero umiwas agad ako nang hawakan niya ako.
"A-Anong ginagawa mo rito sa sementeryo? Bakit ka umiiyak?" tanong niya sa akin habang patuloy sa paglapit.
"Wala ka talagang alam 'no?" Patuloy lang ang pagpatak ng mga luha ko habang diretso ko siyang tinititigan sa mga mata. Punong-puno ng kalituhan sa mga iyon.
"Hindi kita maintindihan."
"B-Bakit kayong mga manloloko... nagagawa niyo pa ring makipag-usap sa mga karelasyon niyo na parang wala kayong ginagawang masama sa likuran nila?" Nagsalubong ang mga kilay ko. Puno ng hinanakit ko siyang tinitigan. Nanginginig man ang mga labi ay pinilit kong tapusin ang pangungusap na iyon.
Napaiwas siya ng tingin. "A-Ano bang sinasabi mo? Tara na, tumayo ka na diyan para makauwi ka na sa inyo. Gabi na, oh." Tumingin pa siya sa langit bago ako hilahin patayo.
Pero hindi siya nagtagumpay sa plano dahil agad ko siyang itinulak palayo sa akin. Natumba naman siya sa sahig sa lakas niyon at marahil din ay hindi niya inaasahan.
Nagsalubong ang mga kilay niya, halu-halo ang pagkalito, inis, at pagkagulat sa hitsura niya. "Ano bang problema mo, Heaven?"
"Anong problema ko?!" Binuksan ko ang cellphone at ipinakita sa kaniya ang picture nila ni Jeoanne na magkahalikan. "Iyan! Iyan ang problema ko!"
Nanlaki ang mga mata niya at kita sa Adam's apple ang marahas na paglunok. "S-Saan mo nakuha 'yang picture na 'yan?"
"Masarap ba?!" Tumayo ako at pinagtutulak siya. "Masarap ba siyang kahalikan?! Anong pakiramdam nang dala-dalawa ang kinakana? Masarap ba, ha?! Sagutin mo 'ko!" Pinagsusuntok ko siya sa dibdib habang humahagulgol na.
"Tama na!" Hinawakan niya ako sa mga braso pero sa galit ko'y hindi niya ako mapigilan.
"Tangina, Axen, nangako ka! Nangako kang hindi mo gagayahin ang tatay ko! Nangako kang hindi mo ko sasaktan kagaya ng ginawa niya sa 'min!" Napaluhod na akong muli habang humahagulgol. "S-Sa lahat... sa lahat ng tao, ikaw! Ikaw pa! Ikaw pa ang nanakit sa akin! Ikaw pa na alam ang lahat... lahat-lahat ng pinagdadaanan ko sa tatay ko!"
Akma akong yayakapin ni Axen pero itinulak ko lamang siya ng braso ko. "I'm s-sorry..."
"Ilang beses kitang inintindi! Ilang beses kong tiniis lahat ng mga pang-iindyan at pambabalewala mo sa akin! H-Hindi ko alam na aabot tayo sa gan'to. Tangina, hindi ko na alam kung paano pa ako nabubuhay dahil sa sunod-sunod na sakit na binigay sa akin ng tadhana!"
"Heaven..."
"Ano?! Wala ka man lang sasabihin?!"
Nagsipatakan ang mga luha niya. "May mga pinagdaaanan din ako sa pamilya ko, Heaven. A-Ayoko lang na dumagdag ako sa mga iniisip mo dahil alam kong may mga problema ka rin. P-Please..."
"So ano? Solusyon na pala sa problema ng pamilya niyo ang paghahanap ng babaeng lalandiin? Hahanapan mo talaga ng dahilan 'yang kalandian mo, eh 'no?!"
"P-Please, Heaven, makinig ka. Kay Jeoanne ko lang pwede ilabas lahat ng sama ng loob ko dahil bukod sa 'yo, siya lang ang may alam ng sitwasyon ko. Hindi ko na inisip pang lumapit sa 'yo dahil alam kong may mga problema ka. Ayokong dagdagan pa 'yun."
Muling nagsipatakan ang mga luha ko kasabay ng matalim kong pagkakakatitig sa kaniya. "G-Girlfriend mo 'ko, Axen. Pwede tayong magdamayan sa problema ng isa't isa. Hindi mo kailangan maghanap ng substitute para sa 'kin." Pinunasan ko ang sariling luha. "O baka ako lang ang nag-iisip na girlfriend mo 'ko. Kasi... h-hindi ko rin naman naramdamang boyfriend kita. Oo, baka nga tama ako."
Hindi siya nakaimik. Naghintay ako ng ilang segundo. Hanggang sa umabot ng minuto. Pero kahit ata abutin ng magdamag, hindi niya pa rin kokontrahin ang mga huling sinabi ko. Mukhang tama nga talaga ako. Hindi ko akalain. Ang akala ko'y kokontrahin niya ako.
"Kung gano'n, hindi pala talaga kita naging boyfriend. Sabihin na lang nating hindi ka nagloko... d-dahil wala naman talagang tayo. Pero gago ka pa rin dahil sa hindi pagtupad ng pangako mo. Tangina mo pa rin kasi sinaktan mo ako. Naiintindihan mo?" Tumayo ako at pinunasan ang mga luha. Peke akong ngumiti at saka pinakatitigan si Axen.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagluha niya habang nakatungo sa lupa.
"Kung wala ka nang ibang sasabihin... aalis na ako." Naglakad ako palayo roon. Napakabigat ng mga hakbang ko. Animo'y pinipigilan ako ng mga iyong lumayo sa hindi ko malamang dahilan.
Bawat bagsak ng paa ko, masayang alaala ang bumabalik sa isip ko.
Muling bumagsak ang mga luha mula sa mga mata ko. Napailing na lang ako at pinunasan ang mga iyon. Minadali ko na ang paglalakad. Pero wala pa mang ilang metro sa pinanggalingan ay may pumigil sa braso ko. Huli na nang mapagtanto ko ang pagyakap ni Axen mula sa likuran ko.
Dinig na dinig ko ang hagulgol niya dahil malapit ang tainga ko sa bibig niya. Hindi ko na rin napigilang mapahagulgol. Nanatili kami sa pwestong iyon nang halos dalawang minuto bago ako magpumiglas. Pero hind ako nakawala sa yakap niyang iyon. Lalo pa niyang hinigpitan ang yakap sa akin at lalo pang lumakas ang paghagulgol niya.
"B-Bitaw na, Axen. Lalo lang akong..." Napalunok ako ng laway. "...masasaktan kapag di mo pa ako pinakawalan."
Hindi siya nakinig sa akin.
"H-Hayaan mo muna a-akong gawin... 'to. Pagkatapos nito, makakalaya ka na sa 'kin."
Napapikit ako matapos iyong marinig sa kaniya, nagpipigil ng nagbabadya na namang mga luha.
Matapos ng ilang segundo ay bumitaw na rin siya. Pinunasan niya ang mga luha at saka ako tinalikuran. Nagsimula siya sa paglalakad. Mabagal. Animo'y gusto niyang pigilan ko siya.
"Wala ka man lang bang..." Napakagat ako sa pang-ibabang labi upang magpigil ng luha. "...i-ibang sasabihin? Handa kang iwanan ang lahat dito?"
Natigilan siya sa paglalakad. Dahan-dahan siyang humarap sa akin. Handa na sanang bumuka ang mga labi niya pero may kung anong bagay na pumigil sa kaniya. Natulala siya nang ilang segundo bago tumalikod muli at magpatuloy sa paglalakad.
Alam kong may mga gusto pa siyang sabihin. Pero sa hindi ko malamang dahilan, nahihirapan siyang sabihin ang mga iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro