Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 34

HINDI matanggal ang pagkakatitig ko sa nakapatong na picture frame ni Mama. Napakaganda ng pagkakangiti niya roon.


Sa picture ko na lang siguro makikita 'yang magandang ngiti na 'yan...


Hindi na ako nag-abalang punasin pa ang luhang dumaloy sa pisngi ko. Hinayaan kong maglakbay ang mga iyon hanggang sa pumatak sa sahig.


"Buong magdamag ka nang gising, Heaven. Baka naman gusto mong magpahinga," ani Kath na nasa tabi ko.


Umiling ako. Gustuhin ko mang magsalita, nagdikit na ang mga labi ko kaya hindi ko na iyon magawa.


"Condolences, hija."


Napalingon ako sa dumating. Si Tita Adeline. Lumingon ako sa likuran niya para tingnan kung may iba pa siyang kasama pero mukhang siya lang mag-isa. Ibinalik ko na lamang ang paningin sa picture frame ni Mama.


"Hinahanap mo ba si Axen?" tanong ni Tita.


Hindi ako sumagot sa tanong na iyon. Itinungo ko na lamang ang ulo ko kinagat ang pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang paghagulgol.


"Hanggang ngayon hindi pa rin siya umuuwi sa amin, hija. Pero huwag kang mag-alala, ni-report na namin siya sa mga pulis as missing. Pasensya ka na kung hindi ka niya madamayan ngayon."


Iniangat ko ang ulo ko at tiningnan nang tuwid si Tita Adeline. "Okay lang po. H-Hindi niya naman po siguro alam."


Napatingin sa akin si Kath, marahil ay nagulat dahil ngayon lang ako unang beses na nagsalita mula kahapon.


Walang nagsalita sa kanilang dalawa kaya binalik ko na lang ang paningin sa picture ni Mama. Magmula kahapon ay hindi ko matingnan ang kabaong ni Mama. Hindi ko siya magawang silipin. Natatakot ako. Natatakot akong humagulgol na naman at maramdaman na naman ang hindi matatawarang sakit sa dibdib ko.


Nakakatakot 'yung sakit.


Napakalinaw pa sa alaala ko ng mga pangyayari bago ako pumasok sa school. Kung alam ko lang. Kung alam ko lang na iyon na ang huling araw na makikita ko siyang buhay, sana hindi na ako umalis pa. Sana hindi na lang ako nakinig sa kaniya. Sana napigilan ko siya.


Napakahigpit ng pagkakayakap ko kay Mama habang magkatabi kami sa kama. Dinig ko ang pagsinghot niya. Buong magdamag siyang umiiyak at walang imik. Nakakapag-alala.


"Bakit narito ka pa, Heaven? May pasok ka pa, 'di ba? Final exam niyo ngayon."


"Magsasabi na lang po ako sa adviser namin. Hindi ko kayo pwedeng iwan ngayon." Lalo kong inihigpit ang pagkakayakap ng mga braso ko kay Mama.


"Huwag mo kong alalahanin. Pumasok ka na, baka ma-late ka. Hayaan mo na ako rito."


Umiling ako habang nakasandal ang baba sa balikat niya. "Ayoko, 'Ma. Hindi ako aalis."


"Paano na tayo makakamartsa sa graduation mo kung hindi ka makakapag-exam? Sige na, bumangon ka na diyan at mag-intindi na ng pagpasok. Okay lang si Mama."


Kung alam ko lang...


Hindi ko na sana siya iniwan pang mag-isa. Wala na akong ibang kayang gawin ngayon kundi magsisi. Nakakapanlumo.


"H-Heaven..."


Napalingon ako sa tumawag na iyon. Nasa pinto, nakatayo ang isa sa mga taong kinamumuhian ko ngayon. Agad na nagsalubong ang mga kilay ko at mabilis pa sa alas-kwatro akong sumugod papunta rito.


"A-Anak... A-Anong nangyari sa M-Mama mo?"


Hinarangan ko siya nang maglakad siya papalapit sa kabaong ni Mama. "Ang lakas ng loob niyong pumunta pa rito? 'Di ba lumayas ka na?!"


"Anak..." Sinubukan niya akong hawakan pero iniwasan ko ang mga kamay niya.


"Huwag mo 'kong hawakan. Nakakadiri ka. Mamamatay-tao! Ikaw ang dahilan kaya namatay ang nanay ko!" Pinagsusuntok ko siya sa dibdib habang humahagulgol.


Agad naman niyang hinawakan ang dalawang braso ko. Wala akong nagawa kundi mapaluhod na lamang habang humahagulgol. "Ikaw ang pumatay sa nanay ko! Umalis ka rito! Umalis ka!"


"Anak... W-Walang may gusto ng nangyari."


"Wala akong pakialam. Umalis ka na! Simula ngayon wala na akong ama! Naiintindihan mo?! Itinatakwil kita! Sana ikaw na lang ang nasa kabaong ngayon!" Dinuro ko siya. "Sana ikaw na lang ang namatay!"


Huli na nang mapagtanto ko ang pagdapo ng palad niya sa mukha ko. Lumagitik ang kamay niya sa pisngi ko dahilan para mapalingon ako sa kanan ko. Nang iangat ko ang paningin ay sinamaan ko siya ng tingin. "Umalis ka na bago pa mawala ang natitira kong respeto sa inyo."


"A-Anak... patawarin mo 'ko. Hindi sinasadya ni Papa."


Pilit niya akong nilalapitan at hinahawakan pero umiwas akong muli. "Alis."


Hindi siya natinag sa kinatatayuan.


"Umalis ka na."


Hindi pa rin siya umalis sa kinatatayuan habang panay ang tulo ng luha sa kaniyang pisngi.


"Sinabi nang umalis ka na!" Handa na sana akong sampalin siya nang biglang may pumagitna sa aming dalawa.


"H-Huwag niyo pong saktan ang Papa ko!"


Si Kane...


Humahagulgol itong yumakap sa bewang ng lalaking kinamumuhian ko.


"Isama mo na siya paalis dito, Kane, bago ka pa madamay sa galit ko." Tumalikod ako at muling bumalik sa kaninang pagkakaupo.


"Tara na po, Papa. Umalis na po tayo." Iyon na lang ang narinig ko bago ang mga yabag ng mga paa nila palayo.


---


"CONDOLENCES, Heaven." Lumapit sa akin si Kent at yumakap. "Kayo lang bang dalawa ni Kath ang nandito? Si Axen, hindi ba pumunta?" Pinasadahan niya ng tingin ang buong paligid.


Siniko naman siya ni Kath. "Ano ka ba, Kent. Huwag mo nang hanapin ang wala."


"Hindi siya pumunta," sagot ko.


"Bakit naman hindi? Anong klaseng boyfriend 'yung lalaking 'yun? Lagi na lang wala."


Bumuntonghininga ako. "Hindi pa raw siya umuuwi sabi nila Tita. Ilang araw na siyang hinahanap."


"Ano?! Eh kakikita ko lang sa kaniya sa bahay nila Jeoanne, ah! Hindi mo alam?" Litong-lito ang hitsura ni Kent. Muli naman siyang siniko ni Kath at hinila sa bandang gilid. Nagbulungan pa silang dalawa.


Hindi ko na lang sila pinansin at muli akong tumingin sa picture frame ni Mama.


---


HINDI ko na pinatagal pa ang lamay ni Mama. Kinabukasan, pina-schedule ko na rin ang pagpapalibing sa kaniya. Wala na rin naman kaming ibang kamag-anak na hihintayin pang makita siya.


Mas mabuti na rin siguro 'to. Baka sakaling mabawasan ang sakit. Hindi ko alam. Wala na akong kakayahan pang mag-isip nang tama.


Sakay kaming dalawa ni Kath sa truck, sinusundan naman ng truck ang van kung saan nakasakay ang kabaong ni Mama. Panay ang pagpapatawa sa akin ni Kath kaya medyo gumaan ang pakiramdam ko. Buti na lang nandito siya't kasama ko.


Marami rin ang nakilibing sa amin na mga taga-baranggay din namin. Kasama namin sila ngayon dito sa truck.


Habang bumibiyahe ay hindi maiwasang gumala ng mga mata ko sa paligid. At nang malapit na kami sa Blue Village ay napansin ko ang pamilyar na van. Napailing na lang ako dahil baka namamalikmata lang ako.


"Si Axen 'yun, 'di ba?! Saka si Jeoanne! Anong ginagawa nila do'n?" ani Kath.


Sinundan ko ng tingin ang tinuturo niya at tama nga siya, magkasama ang dalawa sa Blue Village. Magkausap sila at hindi mapatid ang eye to eye contact.


"Bakit hindi niya man lang naisipang pumunta sa inyo? Nandito naman pala siya sa Anawan."


Bumuntonghininga ako. "Hayaan mo na lang, hindi naman niya alam."


"Hindi, e. Nakakapikon na 'yang lalaking 'yan. Boyfriend mo ba talaga iyan? Laging missing in action parang tanga. Maiintindihan ko kung busy siya sa pag-aaral pero ano 'yun? Nakikipaglaro siya sa mga bata habang nagluluksa ka? Pigilan mo 'ko kundi makakatikim sa 'kin 'yung lalaking 'yun."


Napaiwas na lang ako ng tingin at pinigilan ang pagpatak ng luha.


Hindi ko alam kung bakit sa dami ng mga sinabi ni Kath hindi ko pa rin magawang magalit kay Axen. Kahit na alam kong tama si Kath, bakit hindi ko magawang magtanim ng sama ng loob?


Alam ko na pala ang sagot. Dahil may tiwala ako kay Axen. Nagtitiwala ako sa pangako niyang hindi niya ako sasaktan tulad ng ginawa ng Papa ko sa akin. Ang pangakong 'yun na lang ang pinanghahawakan ko.


Nagtitiwala ako sa 'yo, Axen.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro