CHAPTER 32
WALANG habas akong naglakad. Dire-diretso. Lakad-takbo. Nanlabo ang paningin ko sa pamamasa ng mga mata ko kaya agad kong pinunasan iyon. Walang lingunan akong naglakad palayo, hindi alintana ang madilim na paligid. Nagtatahulan man ang mga aso ay nagtuloy-tuloy pa rin ako sa matulin na lakad.
Ngunit ilang saglit din ay napahinto ako. May humawak sa braso ko. Pilit ko mang hilahin ang pulso ko, hindi ko kinakaya ang napakahigpit na kapit doon. "Bitawan mo 'ko!" pasigaw kong imik.
"Huwag kang mag-eeskandalo rito, nakakahiya ka," mariing bulong ng may hawak sa braso ko.
Agad akong humarap sa kaniya nang napakabigat ng paghinga. Napakalalim ng bawat hinga ko, nagpipigil ng bumubugsong emosyon. "Ako pa?! Ako pa ngayon ang nakakahiya? Eh anong tawag mo sa sarili mo?!"
Agad niya akong hinila palayo roon hanggang sa mapunta kami sa lugar na kami lang. Kinaladkad niya ako na halos maputol ang suot kong tsinelas. Napapangiwi na rin ako sa higpit ng pagkakakapit niya sa braso ko.
"Tumahimik ka, Heaven! Huwag na huwag ka rito mag-eeskandalo, naiintindihan mo?!" Mas hinigpitan niya ang kapit sa braso ko habang nanlalaki ang mga mata.
Wala naman akong nagawa kundi mapangiwi na lamang. Halos mamilipit ako sa pagkapit niya sa braso kong nang-iinit na sa pagkakakiskis ng palad niya roon. "Bitawan mo 'ko!"
"Manahimik ka!"
"Bakit?! Nahihiya ka ba? Nahihiya ka bang malaman ng mga tagarito na niloloko mo ang sarili mong pamilya?!" buong tapang kong sigaw.
"Sinabi nang manahimik ka!" Itinaas nito ang palad at paglipas ng isang segundo ay dumapo na iyon sa pisngi ko.
Napadaing ako at napalingon sa kaliwa. Umalingawngaw sa lugar na iyon ang tunog ng pagdapo ng palad niya sa mukha ko. Doon na nagsituluan ang mga luha ko. Napakainit ng mga iyon. Nanginginig ang kamay kong winahi ang buhok na napunta sa mukha ko at saka dahan-dahang inangat ang paningin. Matalim ang mga mata kong tinitigan ang lalaking nagbigay ng buhay sa akin.
Napakababaw na ng paghinga ko. Sunod-sunod ang mga iyon tulad ng mabilis na pagtibok ng puso ko.
"S-Sorry, anak. H-Hindi...hindi ko s-sinasadya."
Agad kong hinila ang braso ko mula sa kaniya. Nabitawan naman niya agad iyon.
"H-Huwag mong sasabihin sa nanay mo ang nalaman mo, anak. Mahina ang puso ng mama mo. Hayaan mong sikreto lang natin ito, pakiusap. Maawa ka sa pamilya natin, Heaven." Ang kaninang matapang na awra ni Papa ay nawala. Animo'y asong bahag ang buntot ang nakikita ko ngayon. Halos lumuhod ito at humalik sa mga paa ko.
"Maawa sa pamilya natin?" Nagpakawala ako ng sarkastikong tawa. "Matagal na akong awang-awa sa pamilya natin dahil winasak mo! Ilang taon na ngayon si Kane? Pitong taon na yata! Pitong taon mo na kaming nilolokong pamilya mo kaya maawa ka talaga!"
"Hindi ko alam na may anak ako sa labas. Maniwala ka, nito ko lang din nalaman. Hindi ko alam na may nabuo sa relasyon ko sa ibang babae..."
Napapikit ako at napahilot sa sintido ko. "Tama na."
"Maniwala ka, anak. Matagal na mula nang magkaroon ako ng kabit, hindi na naulit pa iyon. Kailangan ko lang talagang saluhin ang responsibilidad bilang ama kay Kane. Patay na ang Mama niya at may sakit ang lola niya. Hindi ka ba naaawa sa kaniya?"
"Tama na!" Napasigaw na ako. "Sa amin, naawa ka ba?! Eh, sa akin?! Anak mo rin ako!"
"Please, anak, I'm sorry. Patawarin mo si Papa. Huwag mo na lang 'tong ipaalam sa Mama mo, pakiusap." Niyakap ako nito na agad ko rin namang winaksi. Kumawala ako sa mahigpit na pagkakayakap niyang iyon.
Panay tulo ng mga luha ko. "Huwag kang lumapit sa 'kin! N-Napakabait na asawa ng Mama ko ta's lolokohin mo lang?! Anong klaseng puso ang meron kayong mga manloloko at nagagawa niyong ngumiti kaharap ng mga niloloko niyo?! May puso pa ba kayo?!" Pinagsusuntok ko siya sa dibdib habang humahagulgol. Napaluhod na lang ako sa lupa kasabay ng tuloy-tuloy na paghagulgol. Napatakip na lang ako sa mukha ko habang nakaluhod.
Muli akong niyakap ni Papa pero nagkumawala ako. Tumayo ako mula sa pagkakaluhod. Sisinghot-singhot akong nagpunas ng mga luha at saka dire-diretsong naglakad palayo. Kapagkuwa'y tumakbo na ako habang panay ang patak ng mga luha sa pisngi ko.
---
"ANONG nangyari sa 'yo, Heaven?" takang tanong ni Mama pagdating ko ng bahay.
Nakatungo akong lumapit dito. Nang magsalubong ang mga paningin namin ay kita ko sa mga mata niya ang sinserong pag-aalala. Hinaplos pa niya ang buhok ko at saka pinunas ang mga luha sa pisngi.
"A-Anong nangyari? Nag-away ba kayo ni Axen?"
Agad akong umiling.
"Eh ba't ka umiiyak?"
Imbis na sagutin ang tanong na iyon ay napayakap na lamang ako kay Mama. Humahagulgol akong yumakap sa balikat nito. "S-Si... Papa..."
"Anong nangyari sa Papa mo? May masama bang nangyari sa kaniya?" Hinaplos niya ang likod ng ulo ko nang puno ng pag-aalo.
Bago ko pa man maibuka ang bibig ko ay nadinig ko ang pagbukas ng pinto. Agad akong napabitaw sa pagkakayakap ko kay Mama. Napatingin ako sa pumasok at agad na nagsalubong ang mga kilay nang makilala kung sino iyon. "Ang kapal din naman ng mukha mo, 'no?!" Itinulak ko ito pero hindi man lang ito natinag.
"Heaven, anong nangyayari? Bakit nagagalit ka sa tatay mo?" pag-aawat ni Mama. Hinawakan niya ako sa mga braso.
Hindi naman makatingin nang maayos si Papa. Nakatungo lamang siya at malamlam ang mga mata.
"Bakit hindi niyo itanong sa magaling kong ama kung anong ginawa niya't nagkakaganito ako ngayon!"
"Ano bang nangyayari, Dindo? Sabihin niyo sa akin." Hawak pa rin ako ni Mama sa braso ngunit ang paningin niya ay nasa kay Papa.
"M-Mariel..." Hindi pa rin ito makatingin nang maayos. Napalunok ito ng laway. "...p-patawarin mo 'ko."
"Patawarin saan?" inosenteng tanong ni Mama.
Nagkaroon ng katahimikan. Umabot iyon ng ilang segundo hanggang sa ako na ang kusang pumutol niyon sa pamamagitan ng sarkastikong tawa. "Ba't hindi ka makapagsalita ngayon? Ilabas niyo iyang tapang niyo tulad kanina!"
Hindi pa rin umimik si Papa, nakatungo lang ito.
"O baka naman gusto mong ako na lang ang magsabi?" Handa na sana ako umimik nang--
"Humihingi ka ng tawad dahil nagkaroon ka ng anak sa ibang babae?" Napaawang ang bibig ko nang marinig iyon mula kay Mama. May pekeng ngiti sa mga labi niya, mukha lang siyang kalmado pero alam kong hindi iyon ang totoong nararamdaman niya.
"M-Mariel..."
"Matagal ko nang alam, Dindo. Hinihintay ko na lang na ikaw na ang magsabi. Kaya nga hindi na ako nagrereklamo na wala ka rito sa bahay pag gabi. Alam kong binabantayan mo ang isa mo pang anak sa ibang babae mo."
"M-Mariel..." Napahagulgol na si Papa at agad na napaluhod sa harapan ni Mama. "P-Patawarin mo 'ko." Humahagulgol nitong niyakap ang mga binti ni Mama.
"Mahal kita, Dindo, pero hindi kasama sa pagmamahal na iyon ang magpakatanga." May tumulong luha sa pisngi ni Mama. Kalmado man ang hitsura, hindi pa rin maitatago ng nanginginig niyang mga labi ang tunay niyang nararamdaman. "Ilang beses mo na kaming niloko ng anak mo."
"Wala na akong ibang naging babae bukod sa nanay ni Kane, maniwala kayo."
Panay lamang ang iling ni Mama. Kahit pa nilalapitan siya ni Papa at niyayakap ay panay ang iwas niya. Pumapatak na ang mga luha sa pisngi ni Mama pero wala pa ring makikitang reaksyon sa mukha niya. Blangko. Blangko pa rin iyon. "Mamili ka, kami ng anak mo o ang pambababae mo?"
Natigilan ako nang marinig iyon. Maski si Papa ay napatigil sa paghagulgol. Hindi namin inaasahan iyon.
"M-Mariel..." Sinubukan nitong yakapin si Mama pero nagkumawala ang huli. "Hindi na natin kailangang umabot sa gan'to."
"Bakit? Nahihirapan ka? 'Yung katotohanang nahihirapan kang pumili, isa lang ang ibig sabihin n'on." Naglabas ng peke at sarkastikong tawa si Mama. "Talagang may kahati na kami ng anak mo sa atensyon mo maging sa puso't isipan mo. Babaguhin ko ang tanong para mas madalian ka, kami ng anak mo o ang batang iyon?"
Napaawang ang bibig ko nang marinig iyon. "Mama..."
Napaangat din ang paningin ni Papa sa kaniya, marahil ay hindi inaasahan iyon. "A-Alam mo kung gaano ko kayo kamahal ng anak natin... P-Please, Mariel, huwag na nating paabutin pa sa gan'to."
"Pumili ka," walang emosyong imik ni Mama.
May pumatak na luha sa pisngi ko. Lumipas ang ilang segundo na walang umiimik at tanging hagulgol lamang ni Papa ang maririnig. "M-Mahal ko kayo..." Pinunas niya ang luha sa pisngi at saka siya tumayo. "...pero kailangan ako ng bata."
Natigilan ako nang marinig iyon. Nanigas ako sa kinatatayuan ko, animo'y binuhusan ng malamig na tubig.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro