CHAPTER 27
NATAPOS din doon ang pag-uusap naming dalawa. May bigla kasing tumawag sa cellphone niya kaya naiwan akong tulala roon. Pinagpatuloy ko na lang ang paglalakad dahil ang sabi niya'y may kikitain daw siyang kakilala.
Hindi na kami nagkita ulit matapos ng pag-uusap na iyon. Nag-exam kami nang matiwasay ni Kath. Bumiyahe rin kaming dalawa pabalik ng Polillo nang wala man lang akong naririnig ulit mula kay Axen. Hindi niya ako t-in-ext o anuman. Hindi naman niya responsibilidad na i-update ako so wala akong karapatang magreklamo.
Saktong pagdating ko sa bahay saka ako nakatanggap ng text. "How's the trip?" pagbasa ko sa text mula kay Axen.
"Sino iyan, ha?" Ikinagulat ko naman nang biglang magtanong si Mama habang ilang minuto na akong tulala sa cellphone ko. "Si Xianiel iyan, ano?"
Umiwas ako ng tingin at saka ibinulsa na ang cellphone. "Wala po!" Niyakap ko si Mama patalikod at saka iginewang-gewang ang mga katawan namin. "Na-miss kita, 'Ma."
"Asus! Naglambing ang dalaga ko. Kumusta ang exam? Nahirapan ka ba?"
Tumango ako. "Opo, mahirap. Pero kilala niyo naman ako, hindi ako sumasabak sa laban nang hindi handa."
"Malapit ka nang maging teacher, anak."
Natawa ako nang bahagya. "Mahigit apat na taon pa, 'Ma. Medyo matagal pa naman."
"Mabilis lang ang panahon ngayon, Heaven. Tingnan mo, isang araw nakatayo na tayong dalawa sa stage hawak ang diploma mo." Humarap siya sa akin at saka ngumiti. Hinaplos niya rin ang buhok ko at saka ako muling niyakap.
Gumanti ako sa yakap niyang iyon nang mas mahigpit. "Pangako, 'Ma, magiging teacher ako. Tandaan mo 'tong pangako ko."
---
"BIRTHDAY daw ni Axen, ah. Wala ka bang balak pumunta?" tanong ni Kath habang naglalakad kami pauwi. Natapos na naman ang isang araw ng pasok namin sa school.
Napalingon ako kay Kath at saka umiling. "Binati ko na siya sa text. Okay na iyon."
"'Di ba nga girlfriend ka niya? Magtataka naman 'yung mga tao pati 'yung mga magulang ninyo kung hindi ka pupunta sa birthday party ng boyfriend mo."
Nagkibit-balikat ako. "Ang sabi niya after ng pag-take niya ng entrance exam for college, tatapusin na namin ang agreement. Kung hindi ako nagkakamali, iyan ang sinabi niya."
"Ha? So break na kayo? Iyon na ang ganap niyo ngayon?"
Muli akong nagkibit-balikat saka nagpatuloy sa paglalakad. Tumunog ang cellphone ko senyales na may tumatawag. Pero pinatay ko lang ang tawag nang makita ang pangalan ni Axen. Samu't sari rin ang text messages niya na hindi ko binabasa. Binuksan ko iyon at puro pang-iimbita lang ang nakalagay.
Ini-invite niya ako sa birthday party niya.
"Hindi ka ba talaga pupunta? Kasi kung hindi ka pupunta, hindi na lang din ako. Inaaya din ako, e."
Umiling ako sa tanong na iyon ni Kath. "Alam mo naman ang sitwasyon namin ngayon, 'di ba? Ang sabi ko sa sarili ko, iiwasan ko na muna siya."
"Birthday n'ong tao. Sayang naman 'yung mga handa."
Umirap ako. "Anong masasayang? Kakainin din naman 'yun ng ibang bisita."
"Pero seriously, ganiyan na lang ba talaga? Back to strangers ulit kayo?"
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Basta ang malinaw sa akin, iiwasan ko muna siya para hindi na lumalim pa ang nararamdaman ko. Corny mang sabihin pero sa tuwing nakikita ko siya, lalo akong nahuhulog, e."
"Gaga ka!" Napatakip sa bibig niya si Kath habang nanlalaki ang mga mata.
"Bakit?" natatawa kong tanong sa kaniya.
"Ngayon mo lang totally inamin na may gusto ka kay Axen!"
Inirapan ko siya. "Huwag ka ngang maingay. Baka may makarinig sa iyo."
"Kahit alam ko naman na, kinikilig pa rin ako! Kyah! Talaga ngang nagkatotoo ang pang-asar ko sa iyo!"
Tinakpan ko agad ang bibig niya dahil baka may makarinig. "Oo na! Basta tumahimik ka na! At huwag kang kiligin dahil mawawala din 'to."
"Bakit ba kasi hindi ka pa umamin kay Axen? Malay mo gusto ka rin pala niya."
"Gaga! Sa tingin mo, magagawa ko 'yun? Ako pa? Hindi kaya ng pride ko 'no. Mamamatay na lang akong lihim 'to. At saka wala namang gusto sa 'kin 'yun. Tumigil ka nga."
Mapang-asar akong tiningnan ni Kath. "Sure ka?"
"Huwag ka na ngang maraming sinasabi diyan." Inirapan ko ito.
---
"HINDI ka ba talaga pupunta sa birthday party ni Axen?" nakangusong tanong ni Kath. Narito siya sa kwartong tinutuluyan ko kapag dito ako sa bahay nila natutulog. Nakaayos si Kath at naka-dress, pupunta ata sa birthday party ni asungot.
Umiling ako sa tanong ni Kath.
"Pinilit kasi ako ni Kent na pumunta. Kilala mo naman ako, marupok."
Pilit ko siyang nginitian. "Enjoy na lang kayo. Wala ako sa mood e. Nabati ko na naman siya. At saka iiwas ako sa kaniya, 'di ba? Hindi naman siguro ako kawalan sa party niya na iyon."
"Sure ka na ba talaga? Baka naman magbago pa isip mo?"
Tumango ako. "Sige na, pumunta ka na. Naiinip na yata sa labas si Kent kakahintay sa iyo."
Ngumuso si Kath at saka dahan-dahang lumabas ng kwarto. Panay ang tingin niya sa akin na animo'y hesitante pang iwanan ako sa kwartong iyon. Kulang na lamang ay itaboy ko siya.
Nang makalabas siya ng kwarto ay tinanggal ko ang kumot na nakabalot sa kalahati ng katawan ko. Umupo ako sa kama at tulalang pinakatitigan ang dingding. Matapos ang ilang minuto ay naihilamos ko ang palad ko sa mukha. Malala na 'ko. Si Axen na lang ang puro nasa isip ko.
Umiling ako nang maraming beses at saka sinampal-sampal ang sarili. Bakit ko ba iniisip ang lalaking 'yun? Tumigil ka na, self.
Humiga ako sa kama at nagpagulong-gulong. Nang magsawa ay kinuha ko na lamang ang cellphone ko't nilibang ang sarili sa mga laro doon. Lumipas ang isang oras nang puro ganoon lamang ang pinagkakaabalahan ko.
Naitapon ko rin ang cellphone sa ulunan ko nang magsawa.
Kinuha ko ang libro sa bag ko para mag-review na lamang sa nalalapit na final exams. Pero hindi ako makapokus dahil mukha ni Axen ang panay litaw sa isip ko. Sinampal-sampal ko ang sarili ko.
Ano bang sumpa ito?!
Napahawak ako sa dibdib ko na panay ang tibok nang pagkalakas-lakas. Ito siguro 'yung sumpa na hindi ko pinagsisisihang isinumpa sa akin.
Impit akong napatili habang yakap ang unan. Nagpagulong-gulong ako sa kama habang pinipigilang gumawa ng ingay.
Kapagkuwa'y sinampal ko ang sarili nang ma-realize ang kinikilos ko. Delikado 'to. Nagiging corny na ako! Ano bang nangyayari sa 'kin?! Hindi naman ako gan'to! Malala na 'to.
Alas nuwebe na kaya sinubukan ko nang matulog pero hindi ako pinapatulog ng mukha ni Axen. Napatayo na lamang ako nang mabilis at saka sinampal-sampal ang sarili sa harapan ng salamin. Hindi ko 'to dapat maramdaman, okay? Agreement lang ang lahat. Lahat ng ipinakita sa akin ni Axen ay parte lamang ng pesteng agreement. Okay?
Bumuntonghininga pa ako. Ipinikit ko ang mga mata ko at saka huminga nang malalim. Nag-breathing exercises muna ako bago ko muling iminulat ang mga mata. Muli kong pinakatitigan ang sarili sa salamin. "Hindi mo siya gusto, okay? Hindi. Hindi!" Paulit-ulit kong sinabi iyon hanggang sa magulat ako nang tumunog ang cellphone ko.
Halos mapatalon ako nang makita ang incoming call ni Axen. Sindak kong pinakatitigan ang screen ng cellphone ko. Nakapatong iyon sa kama hindi kalayuan at panay ang tunog.
Hinayaan ko lang na mag-ring iyon hanggang sa mamamatay din. Nakahinga ako nang maluwag. Ano bang kailangan ng lalaking 'yun?
Muling tumunog ang cellphone kaya bahagya akong natigilan. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang si Kath ang tumatawag. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at sinagot ang tawag. "Hello?"
"Hello, Heaven!" Napakaingay sa lugar kung nasaan siya. Ang lakas ng tugtugan.
"Oh? Bakit ka napatawag?"
"Teka, lalabas muna ako ang ingay dito, e." Ilang segundo ang lumipas nang hindi siya umiimik sa kabilang linya. Nagsalita lang siya ulit nang mawala ang malakas na tugtugan. "Si Axen!"
"Oh? Anong meron? Pakisabi happy birthday ulit!"
"Gaga! Hinahanap ka!" Halos isigaw niya iyon.
Natigilan ako. "B-Bakit daw?" Tumibok na naman nang pagkalakas-lakas ang puso ko. Napahilot ako agad sa kaliwang bahagi ng dibdib.
"Ewan ko! Nandoon sa gate ng bahay mansion nila! Umiiyak! Gaga ka! Hinahanap ka talaga!"
"Umiiyak?! Bakit?" nanlalaki ang mga mata kong tanong.
"Hindi ko alam! Basta ikaw ang binabanggit, e! Ayaw makinig sa mga tao rito, basta nandoon lang siya sa gate ng mansion! Pumunta ka na rito, baka sa iyo lang makinig!"
Hindi ako nakaimik, nag-iisip kung ano ang gagawin.
"Hija, this is Tita Adeline. Did you two break up? I'm worried for my son. Please, come here muna, hija. Nakikiusap ako, ayaw niya makinig. Kung anuman ang hindi ninyo pagkakaunawaan, please, isantabi mo muna."
"S-Sige po, tita. Pupunta po ako diyan. S-Sandali lang po." Agad kong binaba ang linya matapos iyon.
---
"AXEN! Anong nangyayari sa iyo?" humahangos kong tanong matapos bumaba ng traysikel. Agad akong pumunta sa kinapupuwestuhan ni Axen sa gate ng mansion nila.
Napatingin ako sa mga taong naroon. Lahat sila ay nasa amin na ni Axen ang atensyon. Bumuntonghininga ako bago muling ituon kay Axen ang atensyon.
"Heaven... iniiwasan mo ba ako?" lumuluha niyang tanong.
Hindi ko maintindihan. Ano bang nangyayari?
Tinanggal ko sa kamay niya ang hawak na bote ng alak. "Lasing ka lang, Axen. Let's go inside."
"Sagutin mo 'ko, Heaven. A-Are you... a-avoiding me? In-invite kita sa birthday party ko pero kung hindi ako gumawa ng eksena, hindi ka talaga pupunta?"
Napalunok na lamang ako sa mga tanong na iyon ni Axen. Hindi ako makatingin sa kaniya nang maayos. Pilit ko na lamang siyang itinayo mula sa pagkakaupo sa gutter.
"Bakit mo ba ako iniiwasan? Sabihin mo nga..."
"Hindi kita iniiwasan. Busy tayo pareho, alam mo iyan." Sa wakas ay nagawa kong makapagsalita. "At huwag ka nang marami pang sinasabi dahil ako, pinipilit kitang intindihin na busy ka. Kahit ilang beses mo 'kong inindyan. Kahit ilang beses kang nangako pero hindi mo tinupad. Hindi pwedeng ikaw lang ang dapat kong intindihin. Intindihin mo rin ako."
"Pareho nating alam na hindi totoo iyan. Alam nating pareho na umiiwas ka." Hindi na tuwid ang pananalita niya.
"Bahala ka na kung anong gusto mong paniwalaan." Pilit ko siyang itinayo pero dahil sa bigat niya'y hindi kami makausad.
"Sabihin mo nga, umiiwas ka ba dahil..."
Sinalubong ko ang mga mata ni Axen. Napalunok muli ako ng laway at saka umiwas ng tingin.
"Hija, maraming salamat at pumunta ka. I'll help you na. Let's bring him inside. Masiyado na siyang nalasing, hindi pa naman umiinom ng alak 'tong si Xianiel." Ikinagulat ko nang umimik si Tita Adeline sa tabi namin. Pinagtulungan naming dalhin sa loob ang pikit nang si Axen. Nakatulog na.
Pabagsak naming inihiga si Axen sa kama nito.
"Kukuha lang ako ng tubig at bimpo na pwedeng ipunas sa kaniya, hija. Pakitanggalan na lamang siya ng suot para mabihisan."
Nanlaki ang mga mata ko. "P-Po?"
Natawa naman si Tita Adeline. "I'm just kidding. Bantayan mo na lang muna siya diyan, okay? Kukunin ko lang 'yung basin."
Tumango na lamang ako. Nang makaalis si Tita Adeline ay tinuon ko ang atensyon sa nakahigang si Axen. Nilapitan ko ito at hinaplos ang buhok. Napakainosenteng tingnan ng asungot kapag tulog. Bumuntonghininga ako.
Ikinagulat ko naman nang hawakan ni Axen ang kamay kong humahaplos sa buhok niya. Pilit kong hinila ang kamay ko pero panay lang ang kapit niya roon. Pikit naman ang mga mata niya, nananaginip siguro. "H-Heaven..."
Natigilan ako nang marinig ang pangalan ko. Nag-sleeptalk siya.
"H-Huwag mo akong iwasan... I'm sorry for being busy. Hindi ko natupad ang pangako ko sa iyo. Nangako akong manonood ako sa play ninyo pero hindi ako nakapunta. I also promised that I'll be a good boyfriend to you. Pero hindi ko rin 'yun natupad. I'm... s-sorry." Tumulo ang luha niya sa kaliwang pisngi.
Pikit pa rin ang mga mata niya. Mukhang tulog na tulog at nag-sleeptalk.
Bumuntonghininga ako at saka muling hinaplos ang buhok niya gamit ang kabila namang kamay ko. "I'm sorry din. I'm sorry. Hindi ko alam kung paano ipo-proseso ang nararamdaman ko kaya iniiwasan kita. Natatakot ako, e. B-Baka... m-masaktan lang ako kasi hindi mo naman ako gusto."
Iminulat ni Axen ang mga mata niya kaya halos napatalon ako sa pwesto ko. Nanlalaki ang mga mata ko siyang tiningnan. N-Narinig ba niya ang sinabi ko?!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro