Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 26

"HINDI maganda 'to." Sinampal ko ang sarili habang nakatingin sa salamin. Ilang minuto na akong tulala rito sa kwartong tinutuluyan ko sa bahay nila Kath. Ilang minuto ko na ring pinag-iisipan kung ano nga ba talaga ang nararamdaman kong 'to.

Naalala ko ang hitsura nila Axen at Jeoanne kanina. Napahawak ako sa dibdib nang kumirot iyon. "N-Nagseselos ba ako?" Agad akong umiling at mahinang pinagsasampal ang mga pisngi ko. "Hindi pwede 'to."

Sa gitna ng pagmumuni-muni ay ikinagulat ko nang bumukas ang pintuan ng kwarto. Iniluwa niyon si Kath na nanlalaki ang mga matang lumapit sa akin. "Ba't bigla kang nawala kanina?! Hindi ka nagpapaalam!" Inalog-alog pa niya ako kaya bahagyang tinulak ko siya palayo sa akin.


"Mahabang kuwento."

"Kahit pang-MMK pa ang haba niyan papakinggan ko! Baka nakakalimutan mong magkasama tayo sa iisang bahay ngayon kaya wala kang kawala sa 'kin."


Bumuntonghininga ako. "Nakita ko kasi si Axen kanina..."


"Oh? Saan?"

"Sa baywalk. Doon sa ice cream parlor, kung saan mo 'ko inutusang bumili."


Nanlalaki pa rin ang mga mata ni Kath na akala mo'y hindi makapaniwala sa mga sinasabi ko. "Akala ko ba busy?"

Naglabas ako ng pekeng tawa. "Busy nga. Busy kay Jeoanne. Sa sobrang busy nila sa isa't isa, hindi na niya masagot ang mga tawag ko."


"OMG! Don't tell me..."

"Na nagseselos ako? Hindi 'no," agad kong tanggi. Humiga ako sa kama at saka nagtalukbong ng kumot.


Agad naman akong hinila patayo ni Kath. Tinanggal niya ang kumot habang pilit niya akong itinatayo sa pagkakahiga. Kahit pa papikit-pikit na ako ay pilit niya akong ginigising. "Gumising ka! Maaga pa para matulog! I need chika, Heaven! Bumangon ka diyan!"



Wala akong nagawa kundi umupo habang si Kath naman ay napapalakpak na lamang at mukhang tuwang-tuwa na makakasagap siya ng chismis ngayong gabi. Pero wala akong ganang magsalita kaya ewan ko kung magkakaintindihan kaming dalawa.


"Matagal ko nang napapansin na may feelings ka na diyan kay Axen pero panay naman ang tanggi mo--"


"Dahil wala naman talaga," agad kong pagputol sa pagsasalita niya.


"Che! Don't me! Pinagseselosan mo si Jeoanne, period! Huwag ka nang magkaila pa sa akin dahil ako ang bestfriend mo. Sa akin ka pa ba maglilihim, e, kilalang-kilala na kita!"


Bumuntonghininga ako saka seryosong sinalubong ng tingin si Kath. "Kaya hindi ko masabi sa iyo dahil hindi ko rin alam kung ano 'tong nararamdaman ko. Ang alam ko lang, hindi 'to pwede. Magiging sagabal 'to sa agreement namin ni Axen."



"Ayaw mo n'on, hindi niyo na kailangang magpanggap na magkatipan dahil magiging tunay na ang lahat! Bale, hindi na kayo magsisinungaling pa sa mga tao. Hindi ba't mas madali na nga ang sitwasyon niyo niyan kapag nagkataon?"


Nginiwian ko siya. "Hindi naman gano'n kadali 'yun. Kung totoo mang magiging kami, kailangan pa rin naming harapin ang consequences ng pagsisinungaling namin. Nagsinungaling pa rin kami sa lahat anuman ang mangyari. At saka magiging totoo lang naman ang lahat kung may gusto sa akin si Axen."


"Wala pa ba siyang gusto sa iyo?! Minsan nga nakakalimutan kong nagkukunwari lang kayo dahil parang totoo na ang mga pinapakita niya sa 'yo! Mga tinginan pa lang niya sa 'yo halatang may gusto na!" Hinampas pa niya ako sa braso.


Hinaplos ko naman ang hinampas niya. Mapanakit talaga. "Anong gusto mong gawin ko?"


"Tinatanong pa ba iyan? Edi mag-confess ka! Sabihin mo na sa kaniya ang nararamdaman mo!"


Natigilan ako sa sinabi niyang iyon at napalunok. "Bakit ko naman gagawin 'yun kung hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko? At saka paano kung ma-reject ako? Malapit na ang entrance exam for BEED at ang sabi niya tapos na raw ang agreement after niyang makapag-take ng exam. Iyon lang naman daw ang goal niya sa agreement naming 'to, ang mapapayag ang Dad niya sa gusto niyang kunin na course."


"Hindi naman natin malalaman kung hindi natin susubukan. Pustahan, may gusto rin sa iyo 'yun!"


Umiling ako. "Hindi, Kath. Tama na ang ilusyon dahil wala tayo sa Kdrama. Nasa totoong buhay tayo at kailangan nating harapin ang reyalidad. Mas malaki ang tsansa na pagtawanan niya lang ako pag nag-confess ako."

Napabuntonghininga na rin si Kath at saka ngumuso. "So ano nang plano mo? Itago na lang 'yan?"


"Iiwas na muna ako. Tutal ay mukhang ayaw din naman niya magparamdam sa 'kin. Tapos na siguro ang misyon ko sa kaniya. Mawawala rin 'tong nararamdaman ko, kung anuman 'to."



Malungkot akong tinitigan ni Kath. Ikinagulat ko naman nang bigla niya akong yakapin. Mabuti na lang talaga at narito si Kath na kaya akong intindihin. Mabuti na lamang na may kaibigan akong handang makinig sa akin.


---


ILANG beses na tumawag si Axen sa akin pero hindi ko pinapansin. Ilang ulit na rin siyang nag-text pero hindi ako nag-reply. May ilan akong binasa pero paulit-ulit lang naman kaya tinamad na akong basahin lahat. Nag-so-sorry siya kasi hindi siya nagpaparamdam sa 'kin.


Tss.



Kung sincere talaga siya, dapat personal niyang sabihin sa akin lahat ng mga iyan. Pero dumaan na lamang ang dalawang linggo ay hindi ko man lang nakita maski anino niya. Alam ko namang busy siya at naiintindihan ko iyon, pero maski ba ilang minuto ay wala siya para makausap ako?



Napailing na lamang ako. Ba't ba ganito ako umasta? Kung tutuusin ay wala naman talaga siyang responsibilidad sa akin. At busy siya... pipilitin kong intindihin iyon.



Sino nga ba naman ako para dalhin sa isang ice cream parlor sa gitna ng pagka-busy niya, 'di ba?



"Nakapag-review ka?" tanong ni Kath matapos naming makasakay sa bangka. Luluwas kami ngayon papuntang Infanta para mag-entrance exam sa papasukan naming college.



Umiling ako. "Hindi ako maka-focus."


"Panay kasi ang isip mo kay Axen."



Ngumiwi ako. "Sabihin mo sa 'kin kapag nakita mo iyang asungot na iyan. Magtatago ako."


"Bakit ka naman magtatago? Ayaw mo ba makipag-usap sa kaniya tungkol sa inyo?"


Sinamaan ko ng tingin si Kath. "Ayoko, okay? Ilang beses ko siyang hinintay na makipag-usap sa akin pero hindi niya ginawa."



"Huwag ka mag-alala, ibang time slot ata ang biyahe niya. Maliit naman ang chance na magkasama kayo sa iisang time slot at iisang bangka. Maraming bangka na babiyahe ngayon kaya huwag ka nang kabahan pa diyan."



Umirap ako. "Hindi ako kinakabahan. Tss. Asungot lang naman 'yun, ba't ako kakabahan?"



"Si Axen!"



Agad akong napatago sa ibaba ng upuan sa pagkagulat.



"Joke lang!"

"Alam mo, bwisit ka talaga!" Hinampas ko ito sa braso na siya naman niyang inilagan. Tumalikod na lamang ako sa kaniya at naglagay ng earphones sa tainga.



"Si Axen!" Kinalabit ako ni Kath at tinanggal ang nasa tainga ko. "Nandiyan si Axen!"


Hindi ko siya pinakinggan dahil mukhang nang-pa-prank na naman. Mabibiktima niya ako nang unang beses pero hindi na muli. Bahala siya diyan makipag-usap sa likod ko.



"Heaven..."



Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang boses na iyon. Agad akong nagtalukbong ng dala kong malong. Pinakiramdaman ko pa kung aalis na ang asungot pero wala akong naririnig na yabag paalis kaya baka hindi pa. Bahala siyang asungot siya!



Nagtagal pa ng ilang minuto bago may mga hakbang akong marinig palayo, umalis na yata. Bahagya naman akong napangiti at binuklat na ang nakataklob sa aking malong.



"Bakit ka nagtatago sa akin?"



Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang boses na iyon. Malapit na malapit iyon sa tainga ko. Hindi kaya...


Pagharap ko sa parte na kinauupuan ni Kath ay ikinagulat ko nang makita doon si Axen. At nasaan na ang kaibigan ko? Siya dapat ang katabi ko't hindi 'tong asungot na 'to!



Hinanap ko kung nasaan si Kath at nang makita siya sa likurang bahagi ay nag-peace sign siya sa akin. Bwisit talaga! Ang sabi ko magtatago ako pero heto't siya pa mismo ang nagtulak sa 'kin sa lalaking 'to! Nakakainis talaga!


"Heaven..."



Tumalikod akong muli at nagtalukbong ng malong. Wala akong balak pakinggan siya't ang mga sasabihin niya.



"Pati ba naman sa personal hindi mo pa rin ako papansinin?"



Hindi pa rin ako umimik. Nagsimula nang umandar ang lantsang sinasakyan namin. Hindi na rin naman nagsalita si Axen, napagod na siguro. Dapat lang, nakakainis siya. Ilang linggo na ang lumipas at hindi man lang siya nagkaroon ng kahit ilang minuto para kausapin ako. Tapos sasabihin niyang busy siya? Busy saan? Sa pakikipagharutan kay Jeoanne?



Sa gitna ng biyahe ay ikinagulat ko nang kalabitin ako ni Axen. Wala sana akong balak pansinin siya pero panay naman ang kalabit niya sa akin. "Ano ba 'yun?" irita kong tanong.


"Palit tayo ng pwesto. Gusto ko diyan sa bintana. Nasusuka ako, e."


Ngumiwi ako. "Ayoko nga."


"Gusto mo bang sa iyo ako sumuka?"



Napairap na lamang ako at saka nakipagpalit sa kaniya ng pwesto. Panay naman ang suka niya. Hindi ko magawang tingnan dahil baka mahawa rin ako't masuka.



Ilang minuto na ang lumipas at hindi pa rin siya tapos sa pagsusuka. Grabe naman 'tong lalaking 'to. Sinilip ko siya at kita na ang ugat sa leeg niya. Hirap na hirap na siya sa pagsuka.

Sige lang, Heaven, panoorin mo lang siya magsuka nang ma-turn off ka nang gaga ka. Siguro naman matapos nito wala ka nang ni katiting na kung anumang nararamdaman para sa kaniya. Lagi mo lang isipin iyang mukha niyang iyan at ang nakakadiri niyang suka.

Ilang minuto pa ang lumipas at hindi pa rin siya tapos. Ako na ang naaawa sa kaniya. Hinaplos-haplos ko na ang likod niya para kahit papano'y makatulong. Bumalik naman siya sa kaninang pagkakaupo at saka humilata, nakanganga pa at namumutla.


Inabutan ko siya ng tissue dahil mukhang kailangan niya.


Pero mukhang hindi rin naman niya kayang magkikilos kaya ako na ang nagpunas sa bibig niyang namamasa pa ng suka niya. Kadiri talaga. Ngunit nang nasa kalagitnaan na ako ng pagpupunas sa gilid ng bibig niya'y bigla naman niyang hinawakan ang kamay ko. Natigilan ako at agad na napatitig sa kaniya.

"Heaven..." Papikit-pikit niyang inimik ang pangalan ko. "Sorry." Namasa ang mga mata niya at saka siya suminghot.



Teka, huwag niya sabihing iiyak siya rito? Huwag siyang mag-eeskandalo, sinasabi ko talaga!


"O-Oo, okay na. Bitawan mo na 'ko." Hinila ko na ang braso kong hawak niya na mabuti naman at binitawan na niya. Nakatulog din siya matapos iyon, nakaawang pa ang mga labi.


Ikinagulat ko pa nang may pumatak na isang butil ng luha mula sa kaliwang mata niya. "S-Sorry..." mahina niyang bulong.


Napairap ako. Hindi tayo magiging marupok, okay? Hindi. May kasalanan pa siya sa akin at hindi ko pa siya dapat patawarin nang gano'n-gano'n lang. Kailangan niyang paghirapan dahil ilang linggo din akong naghintay sa wala! Ilang linggo kong hinintay na kausapin niya ako!

---



HINDI ko na namalayang nakatulog na rin ako. Nagising na lang ako nang nakaunan ako sa balikat ni Axen at nakaunan naman si Axen sa ulo ko.



"Gising na diyan, nandito na tayo sa Real, Quezon."



Bahagya kong tinapik si Axen na agad namang iminulat ang mga mata. Pupungas-pungas pa siya habang pinagmamasdan ang lugar na kinaroroonan namin.



Hindi ko na siya hinintay pa dahil hindi ko naman siya kasama sa biyahe. Nakitabi lang siya sa 'min. Bahala siya diyan.


"Girl, teka lang! Wait for us!" sigaw ni Kath nang makababa na ako mula sa tulay na kahoy.


"For us?"


"Oo! Kasama pa natin si Axen, 'di ba?"


Umirap ako. "Sinong may sabi na isasama natin iyan? Guguluhin lang ako niyan, e. Mahihirapan ako mag-review. Tara na, dali!"


Wala nang nagawa si Kath kundi sumunod sa akin. Dire-diretso kasi akong naglakad palayo. Kung saan kami pupunta, sa patuluyan na muna ng Mayor kami pupunta. Para naman makalibre kami ng pag-stay. Ilang lakad lang iyon mula rito sa pantalan ng Real.

"Girl, nagmamadali ka ba? Bukas pa ang schedule ng exam natin, huwag kang masiyadong magmadali!" Tumigil naman ako para lang maka-keep up siya. "Hiningal ako sa iyo, gaga ka!" Pinalo pa niya ako sa braso habang naghahabol ng hininga.

Ang gaga kasi nagsuot ng high heels akala mo naman sa rampahan kami pupunta. Bahala siya diyan maglakad nang ganiyan ang suot niya. Tiis-ganda siya ngayon.


"Ba't hindi pa tayo sumakay ng traysikel?" hingal na tanong ni Kath.

"Malapit na. Sayang naman ibabayad natin."

"You can wear my slippers if you want."

Ikinagulat naming dalawa ni Kath nang marinig ang boses na iyon ni Axen. Nasa likuran na pala namin siya.


"Ayoko nga, 'no. Baka magselos pa 'yung isa diyan." Mapang-asar akong tiningnan ni Kath.


Pinanlakihan ko naman siya ng mata.


"Pumili ka. Susuotin mo ang slippers na dala ko o bubuhatin kita?"


Natigilan ako nang marinig iyon at napakuyom ang mga kamao. Talagang sweet siyang tao—kahit kanino. Bakit ko ba iniisip na espesyal ang mga ipinapakita niya sa akin? Ganoon naman talaga siya sa lahat lalo na sa mga babae dahil mas close siya sa mga ito.


"No, thank you. Baka masabunutan pa ako nitong bestfriend ko. Malapit na rin naman daw kaya huwag na."


Sinamaan ko ng tingin si Kath. Mamaya ka talaga sa 'king babae ka.


"Thank you pala sa pag-iintindi sa 'kin sa lantsa kanina, Heaven." Umakbay pa ito sa 'kin na agad ko namang tinanggal. Lumayo ako sa kaniya at mas binilisan ang paglalakad. "Ang sungit talaga nito. Galit ka pa rin ba? Akala ko ba sabi mo okay na?"

Napairap ako. "Sinabi ko lang 'yun para tumigil ka na."

"Heaven, sorry na kasi. Hindi ko alam kung bakit nagagalit ka pa rin kahit ilang beses na akong nag-sorry, alam ko namang alam mong busy ako kaya hindi ako nagpaparamdam sa iyo."

Sarkastiko akong tumawa. "Busy ka nga. Halatang-halata kasi hindi mo masagot ang tawag ko. Busy ka kay Jeoanne."

"A-Ano?"

"G-Gotta go?" Naiilang na nagmadali sa paglalakad si Kath. Naiwan kaming dalawa ni Axen.

"Anong sabi mo, Heaven?"

"Ang sabi ko, hindi mo sinasagot ang tawag ko dahil busy ka kay Jeoanne."

"Nakita mo ba kami sa ice cream parlor noong nakaraan?" Bahagya siyang natawa. "Kasi 'yun lang naman ang time na nagkasama kami sa labas ng campus nang kami lang talaga. You see, groupmates kami sa Research. We were just celebrating the success of our defense."

"Nang kayo lang dalawa? Hindi ba't groupmate niyo rin si Kent?" Pinagkrus ko ang mga braso ko.


"Hindi na namin sinama si Kent dahil mukhang pupunta siya sa PNHS at dadalawin si Kath. Hindi ko alam kung ano pang dahilan at nagagalit ka dahil alam ko namang malinaw sa iyong busy ako. Alam kong alam mo rin iyon at hinihingi ko rin ang pag-intindi mo. Nag-sorry ako sa iyo sa text at sinubukan kitang tawagan pero hindi mo naman sinasagot. Sa sobrang busy ko sa finals namin wala na akong panahon pang puntahan ka pa nang personal. Kaya panay ang sorry ko sa iyo hanggang ngayon."


Hindi ako umimik. Patuloy ko lang siyang pinapakinggan. Gusto ko nang marinig ngayon ang side niya para maintindihan ko na walang rason para umakto akong ganito. Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko.

"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mong magalit dahil nakita mong magkasama kami ni Jeoanne. Maaari kayang... nagseselos ka?"

Nagsalubong ang mga kilay ko. "Ang kapal naman ng mukha mo para isipin iyan. Bakit naman ako magseselos sa inyo?"

"Bakit nga kaya?" pagbabalik niya ng tanong sa akin.

"Hindi! Hindi ako nagseselos." Kasinungalingan, Heaven.

"Sigurado ka?"


Tumango ako kahit pa kabaliktaran ang sinasabi ng puso't isip ko. Ewan ko rin ba at hindi makaya ng pride kong sabihin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman.


"Sige, mabuti nang nagkakaliwanagan tayo. Mabuti nang honest ka sa nararamdaman mo."

Umiwas ako ng tingin. Hindi, Axen. Hindi ako naging tapat. Hindi ako sigurado sa kung anong nararamdaman kong 'to pero alam kong hindi ito normal. Alam kong hindi 'to tama kaya ngayon pa lang ay mas mabuti pang kalimutan ko na lang kung anuman 'tong nararamdaman kong 'to.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro