Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 25

"KAILAN niyo ipe-perform 'yung pina-practice niyong play?" tanong ni Axen habang nakasakay ako ng motor niya. Ihahatid na niya ako pauwi ng bahay nila Kath, doon ako uuwi ngayon.

"Sa Wednesday. Konti na lang 'yung time namin kaya sinusulit na namin ang pagpa-practice. Sorry kung natagalan kang maghintay na matapos kami."


"Wala 'yun."

Nagkaroon ng mahabang katahimikan matapos umimik ni Axen. Pinagmasdan ko na lang ang madilim na paligid habang nakasakay ako ng motor. Inabot na kami ng gabi pagpa-practice. Kaya nga nahihiya talaga ako rito kay Axen dahil hinintay niya pa kaming matapos.


"Ang galing mo kanina."


Natigilan ako nang marinig iyon. "S-Salamat."



"Manonood ako sa performance niyo."


"Huwag na. Busy ka rin, alam ko. Huwag ka nang mag-abala pa."


Kita ko sa side mirror ang pagnguso ni Axen. "Pero gusto kitang panoorin..."


Bumuntonghininga naman ako. Alam kong hindi titigil pangungulit ang isang 'to. "Ikaw ang bahala, pero okay lang naman talaga kung--"


"Pupunta nga ako, promise!"



Hindi na ako umimik. Wala talaga akong panama sa kakulitan ng isang 'to. Kung noon ay inis na inis ako sa kakulitan niya, parang nasanay na lang ako ngayon. Ugali na niya iyan.


---


DUMAAN ang mga araw, sobrang busy namin sa practice ng play. Wala rin namang paramdam sa akin si Axen. Busy na rin talaga siya. Baka nga ginigisa na sila sa defense nila, e.



"Okay ka lang?" tanong sa akin ni Kath. Nasa backstage kami at naghihintay ng cue para simulan na namin ang performance namin.



Tumango ako sa kaniya kahit pa ang totoo ay panay na ang panginginig ng mga kamay ko. Mahigpit na lamang akong napakapit sa dress na suot. Sumilip pa ako sa audience at bahagyang napangiti nang makita ko si Mama. Nag-thumbs up siya sa akin na siyang nagpalakas ng loob ko.


Nakita ko rin si Kent. May hawak itong malaking banner na may picture ni Kath. Todo sigaw din ito. Sinuyod ko pa ng tingin ang buong audience, umaasang naroon siya't nanonood. Pero wala siya.


Busy lang siguro siya kaya hindi makakapunta. Pero nag-promise siya...


Napailing na lamang ako at saka inayos na ang sarili nang may mag-abisa na sa aming kami na raw ang susunod na aakyat. Naghawak-kamay kami ni Kath at nag-breathing exercise. Matapos iyon ay kinuha na niya ang sanga ng puno na props. Oo nga pala, puno ang role niya.


Nang tawagin ang pangalan ng section namin ay inayos na namin ang formation namin sa stage. Tumugtog na nang pagkalakas-lakas, oras na para simulan ko nang i-deliver ang unang linya.


Bawat bigkas ko ng linya ay hindi ko mapigilang suyudin ng tingin ang buong audience. Wala pa rin siya. Bakit pa ba ako umasa? Bakit ko pa ba inasahan ang pangako niyang pupunta siya?


Napahigpit ang hawak ko sa mikroponong hawak. Bahagya akong umiling at nag-focus sa performance namin. Hindi ko hahayaang masira ang pinaghirapan naming performance dahil lang sa paghahanap ko sa taong wala.



"Talagang makulit kang lalaki ka? Hindi ko maibibigay ang gusto mo. Humanap ka na lang ng ibang pwedeng makatulong sa iyo!" Sinubukang hawakan ng male lead ang braso ko pero hindi ko siya hinayaan. Malumanay akong umikot at pumunta ng backstage. Ibang characters naman ang nasa stage dahil kailangan ko pang magbihis para sa next scene.


"Good job, Heaven," nakangiting puri sa akin ni Jake.


Nginitian ko rin siya bilang ganti. Gayunpaman ay kinakabahan pa rin ako dahil mahaba pa ang play at malaki pa rin ang chance na magkamali ako. Bumuntonghininga ako at saka binasa ang script habang nagbibihis. Siyempre, may doble akong damit 'no. Alanganamang magbihis ako nang hubo't hubad dito.


Sumampa ulit ako sa stage nang matapos sa pagbibihis. Masigla kong d-in-eliver ang mga linya ko. Iwinaksi ko muna sa isip ko si Axen at lahat ng bagay na nagbibigay stress sa isipan ko. Nagkunwari akong walang nanonood sa amin. Nakatulong naman iyon para mas maayos kong mabigkas ang mga linya ko.


Natapos ang play na iyon sa isang bow. Malawak ang pagkakangiti ko nang tumingin ako sa audience. Sobrang saya ni Mama habang naka-thumbs up sa akin. Si Kent din ay mas lumakas ang sigaw. Dinig ko na nga mula rito ang hagikhik ni Kath. Kinikilig siguro.


Sinubukan kong suyudin ang buong audience ng tingin, pero wala pa rin siya. Bumuntonghininga na lamang ako. Bakit ko ba pinipilit ang sarili kong hanapin siya sa audience kahit ang alam ko nama'y busy siya? Wala siyang oras para manood ng mga ganitong bagay. Hindi naman niya ako responsibilidad. Hindi naman totoong kami.


Kaya ba't pa ako umaasa?


---


LUMIPAS pa ang mga araw. Dumaan ang linggo. Wala pa ring paramdam si Axen. Nakakapag-alala na ewan. Ano na kayang nangyari do'n? Puntahan ko kaya sa kanila?

"Girl! Tulala ka diyan?"


Napahawak ako sa dibdib nang magulat kay Kath. "Nakakagulat naman 'to."

"Bakit ka ba kasi tulala diyan? Kanina pa kaya ako salita nang salita dito. Hindi ka pala nakikinig." Ngumuso siya, parang batang nagmamaktol.

"Sorry. Sige, ituloy mo na. Makikinig na ako."

"So ayon nga, nagtataka lang kasi ako kung ba't hindi ko na nakikita si Shun dito sa school. Tumigil na kaya 'yun? Biglang nawala, e."


Napaisip ako. "Sa pagkakaalam ko, ni-report na siya ni Axen sa pulis dahil sa madalas niyang pang-ha-harass sa akin. Wala namang nababanggit si Axen na naipakulong na si Shun so... baka nagpakalayo-layo na?"


"Aba, malay ko. At saka speaking of Axen, bakit hindi ko na rin nakikita ang isang 'yun? Ano nang balita sa asungot na 'yun?"



Nagkibit-balikat ako. "Baka busy."


"Kunsabagay, busy na rin si Kent. Gusto ko nga sana siyang bisitahin ngayon sa Mt. Carmel dahil miss ko na siya!"


"Ba't di mo puntahan?"



Nanlaki ang mga mata ni Kath saka niya ako hinila patayo. "Good idea! Samahan mo 'ko dali!"



Hinila ko rin naman pabalik ang braso kong hila niya. "Ba't mo pa 'ko isasama? Ano 'ko, third wheel? Mao-OP lang ako sa inyong dalawa, jusko!"


"At sino naman ang may sabing magiging third wheel ka sa 'min?! Pupunta na rin naman tayo sa Mt. Carmel, edi puntahan mo na rin siya! Oh, 'di ba! Catching two stones and two birds!"



"Gaga. Hitting two birds in one stone 'yun."


"Gano'n na rin 'yun! Huwag pakelamera, 2022 na!" Muli niya akong hinila patayo. Wala naman na akong nagawa kundi mapatayo at mapasunod na lamang sa kaniya paglalakad. Wala namang problema dahil vacant na rin namin ngayon at wala nang klase.


---


"UWIAN na rin nila kanina pa. Tara, hanapin natin sila."


"Bakit kasi hindi ka nag-text o kaya nag-chat kay Kent para di na tayo nahihirapang maghanap? I-chat mo kaya ngayon." Napairap ako sa inis.

"Good idea! Teka, buksan ko lang messenger ko."


Pumasok kaming dalawa ni Kath sa loob ng campus ng Mt. Carmel habang siya ay may katawagan. "Pwede ba tayong pumasok dito?" tanong ko kay Kath.


"Girl, ano sa tingin mo? Nasa loob na nga tayo, oh."


"Baka lang kasi bawal ang outsiders dito."


Hindi na ako kinausap pa ni Kath dahil may kausap na siya sa cellphone niya. Napamasid na lang tuloy ako sa kung nasaan kami. Maraming puno rito sa loob, dumarami rin tuloy ang mga tuyong dahon na winawalis ng ilang mga estudyante. Mga elementary ata 'to.


"Ate, taga-PNHS ka po?" tanong sa akin ng bata, tumigil pa ito sa pagwawalis para magtanong sa akin.


"Oo, sa public ako nag-aaral. Bakit mo natanong? Bawal ba kami rito?"


Agad na umiling ang bata at ngumiti. "Ang ganda mo po."


Pinamulahan ako sa sinabing iyon ng bata. "Salamat." Ngumiti ako rito saka ko bahagyang ginulo ang buhok sa tuktok ng ulo niya.


"Kasali ka po sa marching band? Pwede po kayong majorette."


Umiling ako habang may ngiti pa rin sa mga labi. "Hindi, e. Busy si Ate sa studies kaya walang time sa mga ganoong extra-curricular activities. Ikaw ba? Gusto mong sumali sa mga ganoon?"



"Opo. Gagawin ko po kayong inspirasyon." 



Umupo ako para magpantay ang mga mukha namin. Hinaplos ko ang pisngi niya. "Bakit naman ako ang napili mong inspirasyon?"


Ngumiti ang bata sa akin. "Crush po kita, e."


Nangilo naman ako at kinilabutan nang marinig iyon. Juskong batang 'to, ayaw ko makasuhan ng child abuse. "Sige na, ipagpatuloy mo na ang pagwawalis mo. May pupuntahan lang si Ate." Pilit akong ngumiti rito saka ko binalingan si Kath na medyo malayo na sa akin, may kausap pa rin sa cellphone.



"Bye po, ate crush!"


Kumaway ako sa batang lalaki.

"Girl, parating na raw si Kent. Ikaw ba, hindi mo tatawagan si Axen?"


Kinuha ko ang cellphone sa bulsa. Pumunta ako sa contacts at agad na tinawagan si Axen. Pero nakailang ring na ay hindi pa rin nito sinagot ang tawag ko. Nasaan naman kaya ang lalaking iyon? Bumuntonghininga ako.



"Ano? Nakausap mo na ba?"



"Ngayon nga lang bumuka ang bibig ko, anong klaseng tanong ba iyan?"



Ngumuso si Kath. "Ang sungit naman nito."



"Umayos ka kasi."


Panay pa rin ang pagnguso ni Kath, nagmamaktol. Tumigil lamang siya at napangiti nang dumating na si Kent. Nagbeso silang dalawa. Nagkumustahan din sila bago ibaling sa akin ni Kent ang paningin.


"Oh, Heaven? Hinahanap mo si Axen?"


Tumango ako. "Oo, e. Hindi sumasagot sa tawag ko."



"Nawala kasi agad 'yun nang i-dismiss kami kanina. Ewan ko kung saan pumunta."



Muli akong bumuntonghininga. Busy siya, Heaven. Busy siya at alam mo 'yun kaya bakit mo pa rin siya hinahanap? Hindi ka naman niya girlfriend na oras-oras kailangan niya sa iyong mag-update. Fake girlfriend ka lang niya. Know your place.



"Tara na, hayaan na lang natin siya."



Namilog ang mata ng dalawa kong kaharap. "Ayaw mo bang hanapin natin siya para naman hindi ka mainggit sa 'min?"



Ngumiwi ako sa sinabing iyon ni Kent. Nang-aasar pa. "Huwag na. Hindi na kailangan."


Nagsimula na kaming maglakad. Tulala lang akong nakasabay sa kanila habang naghaharutan sila. Ganito pala ang feeling ng third wheel. Kung narito lang sana si Axen...


Agad akong umiling. Ano ba 'tong iniisip ko? Sobrang laki ng pagkakaiba ng relasyon nila Kath at Kent sa relasyon namin ni Axen. 'Yung kanila, totoo. Tapos 'yung amin, kunwari lang. Diyan pa lang dapat alam ko na kung anong mga bagay na dapat kong asahan. At ba't ba ako umaasa? Ano ba ako sa buhay niya para makaramdam ako ng ganito? Ano ba kami para manlimos ako ng atensyon sa kaniya?


Wala namang totoong kami.



Dumaan kami sa baywalk; ang classic couple landmark. Karamihan ng mga narito, mga estudyanteng naghaharutan habang nakaupo sa seawall. Mayroon din namang nasa swing, mayroon din sa bench, at kung saan-saan pang parte nitong baywalk. Nagkalat sila.



Napabuntonghininga akong muli.



At dito rin pala sa baywalk located ang ice cream parlor na madalas naming bilhan ni Axen. Favorite niya yata iyon kaya madalas niyang binibili tuwing magkasama kami.



"Ibili mo naman kami ng ice cream, Heaven," utos ni Kath sa akin habang magka-holding hands sila ni Kent.



Mukha ba akong utusan?


Pero kesa naman ma-OP ay pinili ko na lang sumunod. At least ay hindi mapupunta sa mga magkatipang naglalampungan ang atensyon ko. Tulong ko na rin pati sa kanilang dalawa, mukhang hindi na sila makatayo dahil pati mga paa nila ay halos mag-intertwine na rin.


Naglakad ako papunta sa ice cream parlor. May space doon kung gusto mong kumain ng ice cream sa loob. Para siyang restaurant na may fancy designs kung gusto niyo rin mag-take ng pictures. Napaka-instagrammable.



Habang naghihintay ng binibili kong ice cream ay nagmasid ako ng kapaligiran para libangin ang sarili. Sinubukan ko ring kunin ang cellphone ko para maglibang. Tatlo ang ice cream na binibili ko at 'yung malaki pa ang in-order ng dalawa kaya medyo natagagalan pag-prepare.


Muli kong tinawagan si Axen. Panay ang ring niyon. Ikinagulat ko rin naman nang makarinig ng malakas na ring sa loob ng ice cream parlor. Napatingin ako sa loob dahil sa kuryosidad. Halos pumasok na rin ako. Ewan ko ba sa sarili ko at sobra akong curious sa pamilyar na tunog na iyon.


Parang ringtone ng cellphone ni Axen...



Nakapasok na ako nang husto sa loob ng ice cream parlor. Nang ibaba ko ang cellphone ko ay saktong tumigil din ang malakas na pag-ring sa loob. Naisuyod ko ang paningin sa loob at natigilan nang makita si Axen at Jeoanne.



Panay ang tawanan nila habang magkaharapan at kumakain ng ice cream. Hindi rin nila ako pansin dahil napakalagkit ng pagkakatitig nila sa isa't isa.


Nanigas ako sa kinatatayuan ko habang ang kamay ay humigpit ang pagkakakapit sa cellphone na hawak.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro