Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 24

HINDI nga ako nagkamali sa pag-aakalang magiging busy na siya. Kahit din ako ay busy na rin sa kabi-kabilang projects para sa 4th quarter. Kung sila ay may research, mayroon naman kaming play na kailangan naming i-perform sa covered court.


At ang pinakamasaklap pa sa lahat ay ako ang kinuhang female lead! Ano bang alam ko sa pag-arte sa harap ng maraming tao?!


Pero dahil mainit pa rin ang dugo sa akin ng teacher na nagpalinis din sa akin ng maruming pader kamakailan lang, hindi ko na nagawang makatanggi pa. Graduating pa naman ako kaya delikado kung bibigyan niya ako ng alanganing grades.



"Mamaya raw may praktis tayo sa covered court," pag-abisa sa akin ni Kath. Lunch break na namin ngayon at tulala lamang ako habang kaharap ang pagkain.



"Bakit kaya hindi na lang ikaw ang ginawang bida sa play? Mas mukha ka namang marunong um-acting kesa sa 'kin." Sumubo ako ng kanin.


"Ewan ko rin ba at ginawa nila akong puno! Okay lang sana na hindi ako ang bida kasi ikaw naman ang bida, pero puno?! Sa ganda kong 'to gagawin akong puno?!"



Kahit pa badtrip ay hindi ko napigilang matawa sa reaksiyon niya.



"Uyy, ngumingiti na siya," pang-aasar ni Kath.




Umirap naman ako at saka muling sumubo. "Ewan ko sa iyo."



"Dahil lang ba sa play kaya ka nagkakaganiyan?" Mapang-asar niya akong tinitigan. "O baka naman dahil nami-miss mo na si Axen?" Sinundot niya ako sa tagiliran habang panay ang ayiieee.



Sinamaan ko siya ng tingin. "Sige, susundutin kita ng tinidor pag di ka pa tumigil kakaganiyan mo."



"Asus! Tatanggi pa siya! Bawat liko ng bituka mo kilala ko na kaya alam kong may something ka na talaga--"




"Hindi ka talaga titigil?" Umirap ako at muling sumubo ng pagkain.



Tinaas naman ni Kath ang dalawang braso, sign ng pagsuko. "Okay na po, Boss. Titigil na. Ang seryoso naman nito."


Muli ko siyang tiningnan nang salubong ang mga kilay. Tinawanan lang naman niya ako at saka siya nagpatuloy sa pagsubo ng pagkain.




---



"AYUSIN mo naman, Heaven. Kanina pa tayo paulit-ulit sa part mo." Napahilot sa sintido niya ang president ng klase namin.



Hindi na lamang ako umimik at muling bumalik sa pwesto. Sisimulan ulit namin ang part kung saan ako nahihirapang i-execute ng tama.



"Five, four, three, two, one... action!"



Bumuntonghininga ako. "Talagang makulit kang lalaki ka? Hindi ko maibibigay ang gusto mo. Humanap ka na lang ng ibang pwedeng makatulong sa iyo!" Naglakad ako alinsunod sa napag-usapang blocking.



"Iikot ka, 'di ba!? Bakit diyan ka pumunta?" bulyaw ng president namin. Siya ang inatasang mag-lead ng play dahil buong section naman namin itong ipe-perform.


"Ang itinuro niyo sa akin kanina, pumunta ako rito. Kaya dito ako pumunta--"



Pinutol niya ang pagsasalita ko. "Hindi ka ba nakikinig? Binago ko na ang blockings kanina, kaya hindi ka na diyan pupunta at iikot ka na lang saka ka pupuntang backstage."



"Sorry, sige, ulitin na lang natin."



"Anong sorry? Kanina ka pa nagkakamali, hindi mo ba napapansing inis na inis na kaming lahat sa iyo rito? Hindi lang ikaw ang napapagod."




"Ano pa bang gusto mong gawin ko? Nag-sorry na nga ako at aayusin ko na, 'di ba? Masasayang lang ang oras natin kapag ngumawa ka pa diyan nang ngumawa." Salubong na ang mga kilay ko habang sinasabi iyon.



Agad na lumapit sa akin si Kath at hinawakan ako sa braso.



"Alam mo ang gusto kong gawin mo? Umalis ka na dahil sa iyo lang naman nasasayang ang oras ng buong section. Sabihin mo lang kung gusto mo pang sumali sa final performance natin."



Lalong nagsalubong ang mga kilay ko. "Gusto ko, Mr. President. Hindi naman ako pupunta rito kung ayaw ko."




"Ipakita mo! Ipakita mong gusto mo. Gusto kong makita 'yung same energy na ipapakita niyo kapag magpe-perform na tayo next week. Ayusin niyong lahat, hindi lang si Heaven. Naiintindihan ba?"



Lahat ay tumango maliban sa akin na salubong pa rin ang mga kilay.




"Okay ka lang, Heaven?" tanong ni Kath.




"Hindi. Bakit pa kasi ako ang ginawang bida rito, e? Sinabi ko naman sa kanila na mahirap para sa akin 'to at kailangan sa akin ng pasensya. Akala ko naman naintindihan nila 'yun."




Dinig ko ang pagbuntonghininga ni Kath. "Ibigay na lang natin ang best natin."



"Magdadaldalan na lang ba kayong dalawa diyan o magsisimula na?" masungit na tanong ng president namin.



Agad naman kaming bumalik sa kaninang pwesto namin ni Kath at nagsimula nang gawin ang mga itinuro. Nag-focus talaga ako sa parts ko at mabuti naman at minimal mistakes na lamang ang nagawa ko.




"Good job, Heaven. Konting praktis pa at mape-perfect mo na ang parts mo."




Nabuhayan ako sa sinabi na iyon ng president. Tipid ko siyang nginitian at saka namin sinimulan ulit ang practice. Lumipas pa ang isang oras at napraktis na namin ang 30 minutes na play.




"Time out muna, guys. Pahinga muna tayo."



Agad namang napaupo ang lahat habang naghahabol ng hininga. Maski ako ay hingal na hingal na napapaypay sa isang tabi. Tagaktak ang pawis ko na agad kong pinunas ng hawak na panyo.




"Heaven, may gusto akong sabihin sa iyo," pagtawag sa akin ng president.




Napaturo pa ako sa sarili ko habang dahan-dahang tumatayo mula sa pagkakaupo. Water break muna kaya nagsipag-alisan ang iba naming kaklase. Kokonti lang kaming naiwan sa court habang kaharap naman ako ng president.



"Sana hindi ka nagtanim ng sama ng loob sa akin. You see, I'm just doing my job as the leader. Mahalaga para sa akin at alam kong mahalaga rin sa iyo ang play na 'to. Malaking bahagdan ng grade natin ang kukunin sa performance na 'to kaya gusto ko lang maging maayos ang lahat."



Tumango ako. "Naiintindihan ko naman, President."



"Jake na lang, ano ka ba! Huwag kang masiyadong maging formal. At saka, you really did a great job. Nag-improve ka agad."



"Thank you, Jake. Hindi ko naman magagawa 'to nang walang tulong ninyo at lalo na ng tulong mo."




"Kaya ka nga namin kinuhang lead kasi alam naming kaya mo."



Muli akong ngumiti. May sasabihin pa sana ako nang biglang magtilian sa loob ng court. Napapitlag ako at agad na nagmasid sa buong covered court. Bakit ba sila sumisigaw?



"Nandiyan pala ang boyfriend mo kaya sila nagtilian," nangingiting sabi ni Jake.



"S-Saan?" At bakit kailangan pa nilang tumili. Mga OA.



Pinagmasdan ko pa ang napakalawak na buong court at nang mapansin kung nasaan si Axen ay agad na nagwala ang kung anong nilalang sa tiyan ko. Ano bang nangyayari sa 'kin?



May dala siyang mga plastik na hindi ko alam kung anong laman. Pumalakpak pa siya nang isang beses at agad na nagsipasok ang mga empleyado ng eatery nila, may dala ring mga plastik. Ipinatong nila iyon sa lamesa sa tabi ng stage.




"Free foods ba iyan?!" pasigaw na tanong ni Jake. Nanlalaki ang mga mata nito.



Tumango si Axen. Agad namang dumagundong ang ingay ng mga kaklase ko sa buong court. Magkakahalong saya at pagkamangha sa biglaang panlilibre ni Axen. Nagsilapit silang lahat sa table at pinagbubuksan ang mga plastik.



Ako lang ang natirang nakatayo sa stage at hindi makaimik. Panay lamang ang pagtambol ng dibdib ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Bahagya ko iyong hinilot. Nang tingnan ko si Axen habang nakikipagtawanan sa mga kaklase ko ay lalong dumagundong ang dibdib ko at nagwala ang mga nilalang sa tiyan.



Napaiwas pa ako ng tingin nang magsalubong ang mga paningin namin ni Axen. A-Ano bang nangyayari?



Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Hinawi pa niya pataas ang buhok habang dahan-dahan ang paglalakad at nasa akin ang paningin.



Napako ang mga paa ko sa kinatatayuan. Gustuhin ko mang kumilos ay animo'y dumikit ang mga talampakan ko sa sahig ng stage.



"Okay ka lang?" tanong ni Axen nang hustong makalapit sa akin.




"H-Ha?" Napatungo ako sa lupa dahil sa hindi ko makontrol na pag-init ng pisngi. Ano bang nangyayari sa 'kin at ba't ako nagkakaganito?!



Ngumisi si Axen. "Ba't hindi ka makatingin? Galit ka ba kasi hindi ko nagawa ang sinabi ko sa iyo?"




"Ang a-alin?" tanong kong muli habang hindi pa rin makatingin sa kaniya.




"Ang sabi ko ite-text kita o kaya tatawagan pero sa sobrang busy ko hindi ko nagawa."




"Okay lang. Busy rin naman kami kaya hindi ko rin masasagot." Sinubukan kong tumingin sa kaniya at salubungin ng tingin ang mga mata niya pero hindi ko na kinaya at napaiwas na ako ng tingin.



May iniabot siya sa aking mineral water. Taka ko naman iyong kinuha habang ang mukha ko ay puno ng pangunguwestiyon.



"Namumula ka. You should drink that." Ginulo niya ang buhok sa tuktok ng ulo ko at saka ako iniwang tulala.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro