Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 18

HALOS isang oras kaming bumiyahe papuntang Anawan. Ayaw din kasing bilisan ni Axen ang pagda-drive ng motor. Gabi na raw kasi at mas mabuti nang nag-iingat kami. Wala naman akong reklamo doon dahil may punto naman siya, ang kaso nga lang ay mukhang mapapagalitan ako ni Mama dahil late ako sa curfew na sinabi niya.


“Anong oras na, oh. Bakit ngayon ka lang?” seryosong imik ni Mama nang makita ko siya sa bungad ng bahay namin.

“Pasensya na po, Tita. Sa susunod po, ihahatid ko na po siya sa tamang oras.”

Dumako ang paningin ni Mama kay Axen. Hindi ko inaasahan ang pagiging seryoso masiyado ng hitsura nito. Ngayon lang siya nagseryoso nang kasama namin si Axen o si Axen ang pinag-uusapan. Basta kasi si Axen ang nasasali sa usapan, good mood lang si Mama lagi. Seryosong-seryoso ito. “Aba dapat lang. Magmula nang nag-boyfriend itong si Heaven, hindi na siya nakakauwi nang maaga. Masama kang impluwensiya sa kaniya. Alam mo ba ‘yun?”

Pareho kaming natigilan ni Axen nang marinig ang mga salitang iyon mula kay Mama. Kita sa Adam’s apple ni Axen ang marahas na pagtaas-baba niyon. Maski ako ay napalunok na lang din habang pinagmamasdan ang hitsura ni Mama, tinatantiya kung talagang seryoso ba ito.

“Mama…” pananaway ko. Tinatakot niya kasi si Axen. Muli ko namang binalingan si Axen na halos mamutla na dahil sa masamang pagtitig sa kaniya ng nanay ko.

“Biro lang!” natatawang imik ni Mama, humahagalpak pa sa pagtawa.

Halos maihilamos ko ang palad ko sa 'king mukha matapos iyong sabihin ni Mama. Hindi ako natawa sa biro niya. Gayunpaman ay may lumabas na pilit na tawa sa bibig ko, pilit na pinapagaan ang atmosphere. Maski si Axen ay pilit at naiilang na lamang ding natawa.

Bahagyang hinampas ni Mama ang braso ni Axen habang natatawa pa rin ito sa sariling biro kuno. “Nagbibiro lang ako, mga bata. Pero next time, Axen, kapag hindi mo maihahatid si Heaven bago ang curfew niya, tumawag agad kayo nang hindi ako nag-aalala.”


Agad namang tumango si Axen. “Y-Yes po, Tita.”

Napabuntonghininga na lamang ako at saka sumilip sa loob ng bahay namin. “Wala pa rin po ba si Papa? Hindi pa rin siya umuuwi hanggang ngayon?”

“Hayaan mo na muna ang tatay mo, anak. Baka mag-away lang kami n’on pag nakita ko siya. Kaya ikaw, Axen, huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko. Huwag kang gagaya sa tatay nito. Mangako kang hinding-hindi mo siya lolokohin. Susugudin ko talaga ang mansion ninyo kapag ginawa mo iyon. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Tulad kanina ay mabilis na tumango si Axen. Itinaas pa nito ang kanang kamay na animo’y namamanata. “Pramis po! Wala rin naman po akong nakikitang dahilan para magloko.”


Sa sobrang galing umarte ni Axen, pati ako ay napapaniwala niya. Alam ko namang nagpapanggap lang kaming dalawa sa relasyong ‘to pero hindi ko talaga mawaksi sa isip ang sinseridad na nakikita ko sa mga mata niya. Napailing na lamang ako dahil sa kung anu-anong pumapasok sa isipan.

“Naikuwento sa akin ni Adaline na puro babae ang kaibigan mo. Makakasiguro ba ako na hindi magiging kakumpitensiya ni Heaven ang mga iyon sa atensyon mo?”

Napaawang ang mga labi ko at bahagyang nanlaki ang mga mata dahil sa tanong na iyon ni Mama. “’Ma, talaga bang kailangan mong itanong iyan? Nakakahiya.”


“Tulad po ng sabi ninyo, kaibigan ko po ang mga iyon. Hinding-hindi ko po ipagpapalit si Heaven at hindi ko siya lolokohin tulad ng kinababahala ninyo.” Sinsero siyang ngumiti at saka tumingin sa akin. Nagsalubong ang paningin namin pero ako na ang kusang umiwas ng tingin.


Nilibang ko na lamang ang sarili ko sa pagtitig sa kawalan. Ni hindi ko na napansin ang pagpapaalam ni Axen para umalis. Maski nga nang makaalis na siya mismo ay tulala pa rin ako at hindi makatingin nang maayos sa kahit kanino. Nasisiraan na yata ako ng ulo. Bumalik lang ako sa ulirat nang maalala kong pinahiram nga pala ni Axen sa akin ang jacket niya’t hindi ko naibalik. Sa ibang araw ko na lang siguro ibabalik pagkatapos kong labhan.

---


LUMIPAS ang isang linggo. Wala namang panibagong nangyari. Araw-araw akong hatid-sundo ni Axen sa bahay namin. Nakakahiya man pero ipinagpasalamat ko na rin iyon dahil hindi na nagagawang makalapit ni Shun sa akin dahil sa pagtataboy sa kaniya ni Axen. Si Kath naman, ayon, busy sa sarili niyang lovelife. Nililigawan na rin kasi siya ni Kent.

Isang linggo na rin ang lumipas nang ipahiram sa akin ni Axen ang jacket niya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin naisasauli. Kasalanan ko rin naman, sobra na ang pagiging makakalimutin ko. Ibabalik ko na talaga iyon.

---

“BILANG huling araw na ng work immersion niyo ngayon, gusto kong i-congratulate kayo sa dalawang linggo ninyong dedication para sa Cooperative. Kitang-kita ko ang potensiyal ng ilan sa inyo. Alam kong malayo ang mararating ninyo sa buhay sa taglay ninyong kahusayan. Again, congratulations for finishing the two-week immersion here at Rhudarda!” Ngumiti si Sir Arman matapos iyong sabihin. Agad kaming nagpalakpakan matapos ang kaniyang sinabing iyon.

“We love you, Sir Arman,” sigaw ni Kent. Natawa kaming lahat dahil doon. Ang kulit talaga.

“We will miss you po, Sir. Actually, mami-miss ko lahat kayo! Kahit dalawang linggo lang tayo nagkasama, sobrang pinaramdam niyo sa akin ang pagkakaroon ng ikalawang pamilya!” ani Kath. Maarte itong nagpunas ng panyo sa tagiliran ng mga mata na kunwaring may luha pero ang totoo’y wala naman. Imbes tuloy na ma-touch ay napahagikgik na lang ako sa pagkakaupo.


“Huwag na kayong malungkot, hayaan niyo’t bukas na bukas din, magkakaroon tayo ng picnic sa Sugod Beach Resort bilang selebrasyon na rin sa matagumpay na work immersion.” Naghalu-halo ang bulungan, sigaw ng pagkatuwa, at palakpakan sa lugar na kinaroroonan namin. Maski ako ay hindi na napigilang mamilog ang bibig sa pagkamangha. First time kong makakapasok sa Sugod Beach nang hindi lang para sa pagdadala ng panindang sinukmani.


---

“OKAY lang ba sa iyo na hindi kita maihahatid bukas papuntang Sugod?” tanong ni Axen pagkababa ko ng motor niya matapos niya akong ihatid sa bahay namin.

Taka ko siyang pinakatitigan.


“Hindi kasi ako makakapunta bukas. May importante lang akong aasikasuhin.”

“Okay lang. Kasama ko naman si Kath doon. Huwag mo na ‘ko alalahanin, kung importante iyang gagawin mo alanganamang unahin mo pa ako? Tsaka ba’t ka ba ganiyan? Kung makaasta ka naman parang totoong jowa,” pagbibiro ko sa kaniya.

Napangisi si Axen matapos ko iyong sabihin. “Gusto mo rin naman.”

“Mangarap ka.” Halos ngumiwi ako sa pangungusap na iyon.

“Nga pala, tanong ko lang, may gagawin ka bang importante ngayon? Are you free?”

Napaisip ako at saka umiling matapos ang ilang segundo. “Mukhang wala naman akong gagawin. Bakit mo natanong?”

“Gusto mong pumunta muna tayo sa resort? Nandito na rin naman ako sa Anawan, sayang naman. Ngayon ko na lang punan ‘yung hindi ko pagsama bukas.”

Hindi na ako nag-inarte pa. Tulad ng sabi ko kanina, wala naman akong gagawin. At saka balak ko rin naman talagang pumunta ngayon sa Sugod Beach Resort dahil inuutusan ako ni Mama na dalhin doon ‘yung order ni Mrs. Fuertes na isang bilaong sinukmani.

Tinulungan ako ni Axen sa pagdadala ng sinukmani. Ang sabi ko’y kaya ko naman na pero gumawa pa rin siya ng paraan para mailagay sa bandang manibela ang hindi naman kalakihang bilao. Hindi naman kaya kami madisgrasya sa katigasan ng ulo niya? Napabuntonghininga na lamang ako.

---


“HEAVEN! I missed you, my darling. Pasensya ka na sa nangyari noong huli nating pagkikita. Kinailangan mo pang makita kung ga’no ka-controlling si Arman sa anak namin. Sana’y hindi ka nagkaroon ng masamang impresyon sa pamilya namin. At kung nagkaroon man, handa naman kaming matuto at magbago.” Kinuha niya ang bilao ng sinukmani habang may sinserong pagkakangiti sa mga labi. Mukhang sa kaniya namana ni Axen ang pagiging sinsero ng mga mata.

Umiling ako. “Wala po ‘yun, Tita Adeline. May iba’t ibang pananaw naman po tayo sa mga bagay-bagay. Ang mahalaga, nauunawaan po natin ang pagkakaibang iyon. Tsaka masaya po ako na open po kayong matuto, ganoon din po ako sa inyo.”

Nginitian ako ni Tita Adeline at saka niyakap. “Excited na talaga akong ikasal kayo ng anak ko! You are the perfect one for him. Ikaw lang ang may kakayahang paamuhin ang natural na kakulitan ni Xianiel.”

Natawa ako habang napapatingin kay Axen. Panay lang naman ang pagkamot nito sa batok habang may pilit na ngiti sa mga labi. “That’s enough, Mom. Mauubos na ang oras na binigay sa amin ni Tita Mariel.”

“Okay, okay. Do your thing, mga anak. Mag-usap lang kayo diyan at kung kailangan niyo ng foods o anuman, just call me.”

Nagpasalamat ako kay Tita. Matapos iyon ay agad akong hinila ni Axen papunta sa sementadong seawall. Umupo siya doon at agad akong niyaya. Dahan-dahan naman akong gumaya sa pagkakaupo niya. Sinundan ko ang tingin niya sa kawalan. Napunta ang paningin ko sa orange na kalangitan. Lumulubog na ang araw at saktong-sakto ang pag-upo namin sa saktong oras ng pamamahinga ng haring araw.

Humangin nang malakas. Nilagay ko naman agad ang ilang hibla ng buhok ko sa likod ng tainga ko para hindi mapunta sa mukha ko ang mga iyon. Pumikit ako at huminga nang malalim, nilanghap ang sariwang hangin na may pamilyar na singaw ng karagatan.

“May naalala tuloy ako bigla…”

Naimulat ko ang mga mata ko at napatingin kay Axen nang sabihin niya iyon. Nakapikit ito at mukhang pinapakiramdaman din ang bahagyang paghampas ng hangin sa mukha niya.


“’Kung hindi mo kaya ako piniktyuran noon sa tapat ng sunset, mapupunta kaya tayo sa katayuan natin ngayon?”


Nagsalubong ang mga kilay ko nang marinig ang tanong niyang iyon. “Hanggang ngayon assuming ka pa rin talaga. Mali ‘yung term na ginamit mo! Hindi kita piniktyuran, napiktyuran! Magkaiba ‘yun.”


“Hindi naman ‘yun ‘yung point ng tanong ko.” Natawa ito.


“Kahit na! Nakakairita makinig ng mga kasinungalingan mo. May idadagdag na pala ako sa description ko sa iyo, ayan sinungaling.”


Muling natawa si Axen nang sabihin ko iyon. May gana pa talaga siyang tumawa habang ako rito’y gusto na siyang tirisin. Akala ko naman titigil na siya sa pambibwisit sa akin, humupa lang pala nang isang linggo. Hindi na ako magtataka kung magpapatuloy na iyang ganiyang ugali niya for eternity.


“At ang tagal na pala natin sa pagpapanggap na nasa isang relationship pero hindi pa pala kita masiyadong kilala.”


Napatingin akong muli kay Axen. “Gano’n din naman ako sa ‘yo.”

“Isa lang ang alam ko tungkol sa ‘yo.”

Napakunot ang noo ko. Sa halos isang buwan naming interaction, isa lang? Seryoso ba siya? “Ano ba ‘yung alam mo na ‘yun? At ba’t isa lang?”


“Ayaw mo sa ‘kin. Iyan lang ang nag-iisang fact na alam ko tungkol sa ‘yo.” Natawa siya. Sabi ko na nga ba hindi ‘to seryoso, e.


Balak ko pa sanang bumwelta sa kaniya nang mag-alarm ang cellphone ko. Hindi ko na naituloy ang pagsasalita. Tumayo ako at pinagpag ang pwetan kong may buhangin na. Ang ibig sabihin ng alarm na iyon  ay curfew ko na at kailangan ko nang umuwi. At iyon nga ang nangyari, inihatid ako ni Axen sa bahay namin.

“Thank you.” Ngumiti ako matapos iyon sabihin. Papasok na sana ako papasok ng bahay nang bigla naman akong tawagin  ni Axen. Napalingon ako rito nang taas ang mga kilay, nagtatanong at nagtataka.

“Balak ko pang kilalanin ka. Hindi lang dahil sa agreement natin. I genuinely want to know more about you as a person.”

Napakunot ang noo ko sa sinabing iyon ni Axen. Panay loading ang utak ko maging hanggang sa pag-alis niya. Anong ibig sabihin ng asungot na iyon?

---

“MAG-ISA ka yata.” Napalingon ako sa nagsalitang iyon. Natigilan ako nang makita si Shun, namumula na ang mukha’t mukhang lasing na. Hindi na rin maayos ang pananalita nito na halos hindi na maintindihan.

Napalingon ako kay Kath. Nasa table ito at panay ang tawanan kasama ang ibang kasamahan namin sa Rhudarda. Nawala sa isip ko na pupunta nga rin pala sa pa-party ngayon si Shun. Wala pa naman ngayon dito si Axen kaya paano ko itataboy ang isang ‘to? Paniguradong hindi ‘to makikinig sa akin kahit anong taboy ko.

Napakalakas ng tugtog na kahit magsisigaw ako rito sa kinapupuwestuhan ko’y hindi nila maririnig. Hindi rin nakatulong na nasa madilim akong parte ng resort. Napalunok na lamang ako habang pinagmamasdan ang dahan-dahang paglapit ni Shun. Nakakasulasok ang amoy nito, amoy alak.

“Ano bang kailangan mo?!” salubong ang mga kilay kong tanong. Panay na ang tingin ko kaliwa’t kanan kung may magagamit akong pang-depensa oras na may gawin sa ‘king masama ‘tong lalaking ‘to.


“Palagi kasing panira ‘yung Xianiel na ‘yun, e. Hindi tuloy tayo makapag-usap nang maayos. Pero ngayon, wala siya… pwede na siguro tayong mag-usap nang masinsinan.” Mas lumapit ito.

“Wala na dapat tayong pag-usapan pa. Ano bang hindi mo maintindihan? Ayaw ko na sa iyo! Ano pa bang klaseng mga salita ang gusto mong marinig para maniwala ka?!”

Akma nito akong hahawakan pero agad akong lumayo. Tatakbo na sana ako palayo pero nahuli naman niya ang braso ko. Nagkakawag ako pero sa lakas niya’y nanatili ako sa kinapupuwestuhan.

“Bitawan mo ‘ko! Ano ba? Tulong! Tulong!” Halos mapatid na ang ugat ko sa leeg sa pagkakasigaw na iyon. Pero gaano man kalakas, wala pa ring dumating na tulong. Tumulo na lamang ang mga luha ko sa kawalan ng pag-asa. Napakapit ako ng mahigpit sa jacket na suot, ang jacket ni Axen.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro