Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 17

“SALAMAT sa paghatid sa amin, Axen,” imik ni Kath matapos naming bumaba mula sa pagkakasakay sa motor ni Xianiel.

“Salamat,” mahina kong imik, hindi makatingin nang maayos kay Axen. Hindi na sana ako magsasalita pa kung hindi lang ako tiningnan ng dalawa na animo’y may hinihintay na sabihin ko.

“Mamaya, Heaven, huwag mo kalimutan…” Mabilis na pinaandar ni Axen ang motor niya matapos iyong sabihin. Ni hindi niya ako hinintay na makasagot o makumpirma man lamang ang sinabi niya.

“Ano ‘yung sinasabi ni Axen na huwag mo raw kalimutan?” agad na tanong ni Kath.

Bumuntonghininga ako. “Ini-invite ako ni Mrs. Fuertes na mag-dinner sa kanila.”

“Eh, pa’no iyan? Mukhang hindi kayo maayos ni Axen. Pupunta ka pa rin ba?”

Hindi ako nakaimik. Hindi ko rin kasi alam talaga kung pupunta ako o ano. Baka magtaka pa sila Mrs. Fuertes at Sir Arman kapag napansin nilang hindi kami nagkikibuan ng anak nila. Hindi magiging convincing ang pagpapanggap namin ni Axen kapag nangyari iyon. Bakit kasi ngayon pa nagkaganiyan si Axen? Ano bang nagawa ko?

---

“MY wife told me that you are going to join us on dinner tonight. Is that true, Heaven?”

Natigilan ako matapos iyong itanong ni Sir Arman. Narito ako ngayon sa office niya dahil ipinatawag niya ako. Ang akala ko nga’y papagalitan niya ako kaya niya ako pinapunta rito.

“Kung anuman ang mga maririnig mo mamaya sa bahay, sa atin na lang sana iyon. Huwag mo na lang sanang banggitin sa ibang tao.”

Muli ay napako ako sa kinatatayuan. Chismosa ba ang tingin niya sa akin? Pinigilan kong mag-isip ng mga negatibong bagay dahil sa sinabi niya. Wala naman siguro siyang masamang ibig sabihin sa sinabi niyang iyon. Baka nangangamba lang siya sa reputasyon ng pamilya nila. “Wala po kayong dapat ipag-alala. Hindi ko po ugaling magkalat ng kung anu-anong chismis.”

Bahagya siyang natawa dahil sa sinabi kong iyon. “Oras na ikasal na kayo ni Axen ay magiging tunay ka nang bahagi ng pamilya. Kaya kung anuman ang ikakalat mo sa ngayon, babalik din sa iyo sa hinaharap.”

Tumango ako. “Naiintindihan ko po, Sir.”

“Just call me Tito Arman if we’re not talking about work.”

“S-Sige po, Tito.” Nipis ang mga labing ngumiti ako rito. Pinahintulutan niya na akong lumabas kaya wala na akong sinayang pang panahon at umalis na ako roon. Nasalubong ko pa si Axen pagkalabas ko. Napaiwas siya ng tingin nang magsalubong ang mga paningin naming dalawa.

---

“SUMUSOBRA ka na! Porket anak ng CEO ang boyfriend mo, lagi ka nang pinapauwi nang maaga!” pagbibiro ni Kath matapos kong magpaalam sa pag-alis ko.

“Manahimik ka nga, baka may makarinig sa iyo. At saka hindi pa naman ako uuwi. Pupunta ako sa bahay nila Axen para sa dinner.”

“Ay, ang sosyal! Mamamahaw lang naman yata kayo may pa-dinner-dinner pa kayong nalalaman!”

Halos takpan ko ang bibig ni Kath. Baka mamaya marinig kami ni Sir Arman, ang sabi ko pa naman kanina ay hindi ako chismosa. Pahamak talaga ‘tong babaeng ‘to kahit kailan!

“Heaven…”

Napalingon ako sa tumawag na iyon. Natigilan naman ako nang mapagmasdan ko ang paglapit ni Axen sa kinatatayuan namin ni Kath. Blangko lamang ang ekspresyon nito.

“Tara na.”

Tumango naman ako at saka sumunod sa kaniya palabas ng Rhudarda. Kumaway pa ako kay Kath sa huling pagkakataon saka na muling nagpatuloy sa pagsunod kay Axen. Maganda ang pagkakaparke ng kotse niya nang madatnan namin sa parking lot. Ang akala ko ay motor niya ang sasakyan naming dalawa, hindi pala. Pero wala namang problema sa akin kung saan kami sasakay. Makikisakay na nga lang ako magrereklamo pa?

“Itong kotse na ang dinala ko ngayong hapon. Alam ko namang hindi mo gustong sa motor tayo sumakay,”

Natigilan ako nang marinig iyon. Kelan ko sinabing hindi ko gustong sumakay sa motor niya?!

Pinagbuksan niya ako ng pinto. Nagpasalamat naman ako bago dumiretso papasok. Hindi naman nagtagal at sumakay na rin siya ng kotse para simulan na ang pagmamaneho. Nagpatugtog siya na siyang ikinatuwa ko dahil nabawasan ang nakakailang na atmosphere sa loob ng kotse. Wala kasing nagsasalita sa amin, animo’y parehas nagpapakiramdaman kung sinong unang magsasalita.

“I’m sorry.”

“Sorry.”

Natulala ako nang sabay naming sabihin ang mga salitang iyon. Napaiwas kami ng tingin sa isa’t isa. Maya-maya’y umehem si Axen at saka binasa ang mga labi. Hindi siya makatingin nang diretso sa akin dahil sa pagkakatingin niya sa daan. “Ako dapat ang mag-sorry sa iyo, Heaven.”

“Sorry din if may mali man akong nagawa o nasabi.” Napatungo ako at napaiwas ng tingin  dahil sa magkahalong hiya at pagkailang. Teka, ba’t ba ako nagkakaganito? Si Axen na asungot lang naman iyan, okay? Ayusin mo sarili mo, Heaven.

“Wala, wala kang ginawang kahit anong masama.”

“Galit ka ba sa akin, Axen?” Nilunok ko na ang hiya at diniretso na siya.

“Hindi,” agad niyang sagot sa tanong ko, nasa daan pa rin ang paningin.

“Okay.” Iyon na lamang ang nasabi ko. Hindi daw, e. Alanganamang makipagtalo pa ako.

“Naiinis lang ako.”

Natigilan ako nang marinig iyon. “Ano?”

“Naiinis ako sa sarili ko kasi pakiramdam ko naiilang ka na sa akin. Baka naiisip mo, may malisya mga ikinikilos ko sa iyo. Tulad kanina noong ayaw mong kumapit sa ‘kin. Baka naiinis at naiilang ka na sa sobrang pagiging clingy ko. Gusto ko lang namang maging safe ka sa biyahe natin kanina. It’s not my intention to make you feel uncomfortable.” Pagsasalita pa lamang niya nang marahan ay dinig na ang sinseridad.

Natulala na lamang ako matapos marinig ang mga sinabi niya. Wala akong kaide-ideyang ganoon pala ang nararamdaman niya dahil sa simpleng hindi ko pagkapit sa kaniya. Hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit kailangang hindi niya ako pansinin dahil lamang doon.

“Hindi ko lang talaga alam kung pa’no ka lalapitan ulit. Baka nasagad na kita sa kakulitan ko.”

Napaawang ang mga labi ko dahil sa mga sinabi niya. “Axen…”

“Naiintindihan ko, Heaven. Nahihirapan kang pakisamahan ako dahil sa ugali ko kaya hayaan mo, makapag-entrance exam lang ako for BEED course, hindi na kita kukulitin pa.”

Balak ko pa sanang magsalita pero inihinto na ni Axen ang kotse. Bumaba na rin siya agad at pinagbuksan ako. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong magsalita tungkol sa kanina dahil dire-diretso siyang naglakad papasok ng mansion nila. Agad naman akong sumunod sa kaniya.

---

“ANONG course ang ite-take mo sa college, Heaven?” tanong ni Sir Arman bago humilis ng karneng nasa plato.

“BEED po, Sir Arman.” Bahagyang pinisil ni Axen ang braso ko saka ako tipid na nginitian dahilan para humupa ang kanina pang kabang nararamdaman ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nababawasan ang takot ko kay Sir Arman lalo na pag seryoso ito.

“Magandang kurso iyan. And also, call me Tito Arman. Wala tayo sa work, Heaven.”

Napatango na lamang ako habang may maliit na ngiti sa mga labi. “Sige po, Tito.”

“Same kami ng course na ite-take, Dad. Seems like destiny?” pagbibiro ni Axen.

Napangiti kaming dalawa ni Mrs. Fuertes. Si Sir Arman naman ay napa-ehem at nagpunas ng bibig. “You have to think about the future of our businesses. Hindi makakabuti kung ibang course ang kukunin mo bukod sa business-related courses.”

Ang kaninang pagkakangiti ni Axen ay agad na naglaho matapos iyong sabihin ni Sir este Tito Arman. Nagkaroon ng mahabang katahimikan dahilan para tibok na lamang ng puso ko ang tangi kong marinig. Ilang minuto pa ang lumipas at pagtama na lamang ng mga kubyertos ang tanging gumagawa ng ingay sa kinaroroonan naming apat. Hindi ko maiwasang kabahan sa namumuong tension.

“And will you please go out with male friends instead of those girls na pumunta kahapon sa party? Kaya ka napagkakamalang bakla ng mga investors natin, e. Why don’t you play basketball or do some masculine stuff? Palagi ka na lang kasing nagkukulong sa kwarto mo. Even me, nalilito na rin ako minsan kung tunay ka ba talagang lalaki o ano. Man yourself up! Paano sila maniniwalang girlfriend mo ‘tong si Heaven?”

Natigilan ako nang marinig iyon. Dumagundong sa kaba ang dibdib ko lalo pa nang makita ko ang paghigpit ng kapit ni Axen sa kutsarang hawak. Nakatungo lamang siya, hindi na maipagpatuloy ang pagkain.

“Wala akong anak na bakla, Axen. Tandaan mo iyan.”

“Hindi ako bakla, Dad,” walang emosyong imik ni Axen.

Ngumisi si Tito. “Hindi naman pala, e. Ayusin mo iyang kilos mo! Para kang bakla, e. Hindi ka ba talaga bakla?” Bahagyang tumawa ito, may halong pang-iinsulto sa tono.

Umiling si Axen, nakatungo pa rin ang ulo. Nakakuyom na ang isang kamao niyang nakababa sa tagiliran niya. Kita rin ang panginginig ng mga kamay niya. Samantala, panay pa rin ang mahinang pagtawa ni Tito Arman na siyang nagpasalubong sa mga kilay ko. Sarili niyang anak ginagawa niyang katatawanan?

“Wala naman pong mali sa mga ikinikilos ni Axen.”

Napunta ang atensyon nilang lahat sa akin nang sabihin ko iyon. Maski si Axen ay napaangat ang kaninang nakayukong ulo. “Heaven…” mahinang pagtawag nito.

“May mga lalaking feminine kung kumilos pero straight pa rin sila. Walang mali doon. Walang mali kung hindi siya tulad ng ibang lalaki na mahilig mag-basketball. Hindi dapat tayo makulong sa mga sterotypes na binuo ng society. At ilang beses na niyang itinanggi na bakla siya, sa tingin ko sapat na iyon para mapanatag kayo.”

Hinawakan ni Axen ang braso ko, animo’y pinipigilan ako. Tumingin ako sa kaniya at saka siya binigyan ng isang naninigurong bahagyang ngiti. Si Mrs. Fuertes naman ay maluha-luha habang palipat-lipat ang tingin sa amin.

“Do you know Xianiel better than his father?”

May takot man ay pinanatili ko ang pagkakataas ng baba. “No. I don’t know him deeper than you as his father. Kaya hindi ako nag-a-assume ng kahit ano tungkol sa pagkatao niya. I don’t assume anything about him especially his sexuality. At kung bakla man siya, ano naman? Hindi n’on mababawasan ang pagkatao niya.”

---

“HINDI mo naman kailangan gawin iyon. Gano’n lang talaga si Dad.” Bumuntonghininga si Axen at saka nagpatuloy sa paglalakad.

Panay lang naman ang sunod ko sa kaniya. Gabi na pero inaya ako ni Axen maglakad-lakad sa baywalk. Malapit lang din kasi ‘tong baywalk sa mansion nila kaya hindi na ako nag-atubili pang pumayag.

“May mali ba akong sinabi? Totoo lahat ng mga sinabi ko sa Daddy mo kanina kaya sana ma-realize niya ‘yung pagkakamali niya’t magbago pakikitungo niya sa iyo. Toxic siya sa totoo lang.”

Hindi na lamang umimik si Axen at lumanghap ng sariwang hangin habang nakaharap sa nagkikislapang tubig ng dagat. Medyo malakas ang hangin kaya natatangay ang buhok naming dalawa. Napapikit na lamang ako at hinayaang sampalin ang sarili ng malamig na hangin.

“Pero… salamat.”

Napamulat ako agad nang marinig iyon. Pinakatitigan ko si Axen na hindi makatingin nang maayos at napapakamot na lamang sa batok. Binigyan ko na lamang siya ng tipid na ngiti.

“Nakakahiya na nakita mo pang hindi ko man lang maipagtanggol ang sarili ko sa tatay ko.”

“May mga pagkakataong kailangan nating magsalita at sabihin ang mga opinyon natin. Mahalagang alam ng mga magulang natin kung anong side natin. Mahirap magkimkim ng sama ng loob, maniwala ka.” Umihip ako sa palad at pinagkiskis ang mga iyon bago inihaplos sa mukha ko at mga braso. Nagbigay iyon ng kaunting init para mabawasan kahit papaano ang lamig.

“Oh.” Ikinagulat ko nang iabot ni Axen sa akin ang jacket na kanina niyang suot-suot.

Dahil nilalamig na rin naman ako at mukhang makapal naman ang suot niya, hindi na ako tumanggi at tinanggap na lamang ang jacket na iniaabot niya.

“Tayo na?” tanong ni Axen.

Tumango naman ako agad. Baka lumalim pa ang gabi, kailangan ko pang sumaka ng Anawan ngayon. Hanggang alas otso lang ang paalam ko kay Mama. Ang sabi ko nga’y kanila Kath na bahay na lang ako matutulog pero hindi siya pumayag. Gusto raw ako makatabi ni Mama sa pagtulog.

Sumakay si Axen ng motor niya. Nang hindi ko na naman mai-lock ang helmet sa baba ko ay muli akong tinulungan ni Axen. Pokus na pokus siya sa pag-aayos ng helmet sa akin, ni hindi niya alintana na sa kaniya na lang ako nakatingin at wala nang iba pa. Ang cute niya kapag sobra siyang focused sa ginagawa.

Nang matapos siya sa pag-aayos ng helmet ko ay wala na akong sinayang na panahon at sumakay na rin ako sa motor.

“Okay na ba ang pagkakaupo mo? Pwede ko na bang paandarin?”

“Hindi pa,” agad kong sagot. Kumapit ako sa bewang niya at yumapos sa kaniya. “Iyan, okay na.”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro