Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 11

"ANONG pinagsasasabi mo?!" Halos ihampas ko ang braso kay Axen sa sobrang yamot. Hinila ko muna ito malayo sa mga parents namin na nag-uusap. Mukhang hindi na rin naman nila kami napapansin dahil abala ang mga ito sa pakikipagkuwentuhan.


"Sumabay ka na lang muna, ako'ng bahala." Kumindat pa ito.


Pinanlakihan ko siya ng mga mata. "Nasisiraan ka na ba? Anong kalokohan 'to?! Kung wala kang balak sabihin, ako na lang ang magsa--" Hindi ko naituloy ang sinasabi nang biglang takpan ng asungot ang bibig ko!


"Mom, Dad, let's go home. Mukhang pagod si Heaven dahil sa immersion. Hayaan muna natin siyang magpahinga."


Kinagat ko ang kamay ni Axen na nakatakip sa bibig ko. Agad naman siyang um-aray pero ngumiti pa rin pagkatapos na animo'y walang nangyari. Bahagya pa nitong pinisil ang pisngi ko.


"Sir, hindi ko po talaga alam ang sinasabi ni Axen. Hindi niya po ako girlfriend!"


Natawa ang katabi kong asungot. Ikinagulat ko naman nang magsitawanan din ang mga parents niya pati si Mama. Anong nakakatawa?!


"Pasensya na po kayo. Mahiyain lang po talaga si Heaven. Gusto niya pong private ang relasyon namin."


Sinamaan ko ito ng tingin. "Axen, hindi ako nagbibiro. Sabihin mo ang totoo."


"Sige, paalam na, balae. Nag-enjoy ako sa pakikipagkuwentuhan sa iyo. Hayaan mo't next time na pagpunta namin dito'y pamamanhikan na." Tumayo si Mr. and Mrs. Fuertes at saka nakipagkamay kay Mama. Ngiti na lamang ang naiganti ng huli habang pinagmamasdan ang paglabas ng mga ito sa bahay.


Maski si Axen ay lumabas na rin habang malawak ang pagkakangisi. Kumaway din ito at saka kumindat, bagay na lalong nagpasalubong ng mga kilay ko. Humanda ka talaga sa aking asungot ka! Ano bang kabaliwan itong pinasok mo?


"'Ma, pramis, hindi ko po talaga boyfriend ang lalaking iyon. Maniniwala ba kayong magkakaroon ako ng boyfriend kahit pa puro pag-aaral lang ang inaatupag ko? Hindi ko alam kung anong trip ng lalaking 'yun at hindi niya sinasabi ang totoo!"


Natawa si Mama sa pagmamaktol ko. "Mabait ang pamilyang iyon, mayaman, at mga huwarang mamamayan ng Polillo. Wala ka nang hahanapin pang iba, anak. Kung ikakasal kayo ngayon, papayag ako agad."


"'Ma naman!" Halos umiyak ako sa harapan nito.


"Huwag ka ngang maarte, Heaven. Mabuti nang maaga pa ay napapagplanuhan ang kinabukasan mo kasama ang mga Fuertes. Kung sa ibang lalaki ka makikipagrelasyon, huwag na lang. Kaya lang ako pabor sa pakikipagrelasyon mo'y dahil Fuertes ang dinadalang apelyido ng boyfriend mo."


"Hindi ko nga po siya boyfriend!"


"Hindi mo kailangang itago, anak. Hindi naman ako tumututol. At isa pa, may tiwala ako na hinding-hindi mo pababayaan ang pag-aaral mo. Basta kapag bumaba ang grado mo, makipaghiwalay ka na sa lalaking 'yun, maliwanag?"


Hindi ako umimik. Umupo lamang ako sa sofa, magkakrus ang mga braso at napakahaba ng pagkakanguso. "Hindi niyo ako pinapakinggan."


"Kumain ka na diyan habang mainit pa ang pagkain. Nakakain na ako kanina pa."


Iniwan ako ni Mama doon habang nagpipigil ng inis.


---


"ANG epic! Anong nangyaring next?" natatawang tanong ni Kath sa kabilang linya. As usual, katawagan ko na naman siya para kuwentuhan. Lahat na yata ng kaganapan sa buhay ko ay alam na nitong babaeng 'to.


"Ba't parang tuwang-tuwa ka pa na nagdurusa ako?"


"Hindi naman! Natatawa lang talaga ako sa nangyari. Pero legit, nakakainis iyang si Xianiel sa part na iyan. On a second thought, kinikilig din pala ako!"


Natigilan ako sa sinabi niyang iyon pero kapagkuwa'y napangiwi ako. "Anong nakakakilig?"


"The fact na ayaw niya linawin sa mga parents niyo ang totoo, ibig sabihin gusto niya ang daloy ng mga pangyayari. Baka gusto ka niya!" Halos mabasag ang eardrums ko nang tumili siya sa kabilang linya. Nailayo ko tuloy ang cellphone sa tainga ko.


"Wala lang siyang magawa. Iyon lang 'yun. Baka bored sa buhay. Ang daming factors, Kath. Ba't naman dumiretso ka sa conclusion na iyan?"


"Duh! Ginagamit niya lang ang oportunidad para sa sarili niyang advantage! Gets mo? Baka nga siya pa nagpapakalat ng balita na kayo na, e. OMG! So kilig!"


Napairap ako. "Ano namang nakakakilig sa panloloko at pagsisinungaling? At saka huwag ka ngang ilusyonada. Masama ang mag-assume ng kung anu-anong bagay."


"Ang damot naman nito! Gusto ko lang naman kiligin, e!"


Bahagya akong natawa sa sinabi niyang iyon. "Bakit, wala pa bang nagpapakilig sa iyo? Eh, balita ko..."


"Si Kent?! Huwag ka ngang ano diyan!"


Ang kaninang bahagyang tawa ko ay napaltan ng isang malakas na halakhak. "Wala naman akong sinasabing pangalan, ah. Ang defensive naman nito."


"Basta! Huwag mo ngang mabanggit-banggit 'yung seloso na 'yun! Akala mo naman may kami! Ni hindi nga nanliligaw tapos nagseselos sa head ng accounting department porke crush ko!"


Lalo akong natawa. Napahampas pa ako sa yakap na unan. "Ang cute niyo. Tingnan mo nga naman. Ang bilis ng panahon, dati lang panay ang asar mo sa akin tapos ngayon..."


"Che!"


"Sige na, bye na! Kita na lang tayo sa Rhudarda bukas. Pasensya na pala ulit kasi di kita na-text agad na sumaka ako."


"No worries! Basta next time mag-text ka kasi nag-alala kami nila Mama, akala namin tinanan ka na ni Shun."


Ngumiwi ako. "Gaga! Speaking of Shun nga pala..."


"Oh, may chika na naman? Akala ko ba bye na?" Tumawa ito sa kabilang linya.


Kinuwento ko kay Kath ang nangyari sa pag-uusap namin ni Shun kanina. Wala akong pinalampas na detalye. Lahat kinuwento ko pati ang pananampal ko.


"Grabe ka talaga, girl. Minsan iniisip ko kung saan mo nakukuha lakas ng loob mo, e. Sinampal mo talaga? Well, serves him right naman. Gagawin ka pang panakip-butas ng gago."


"'Di ba! Akala niya yata may gusto pa rin ako sa kaniya hanggang ngayon. Nanggigil ako, e. Ayan tuloy 'yung kamay ko umiral ang kademonyohan at nasampal siya."


Parehas kaming natawa sa sinabi kong iyon. Basta talaga kalokohan parehas kaming nagkakasundo.


"Paano na iyan bukas? Hindi ba magiging awkward?" seryoso nang tanong ni Kath matapos ang ilang minuto naming pagtawa.


"Siguradong awkward pero ano namang magagawa ko? Iiwasan ko na lang siya. Tsaka magkaibang department naman kami. Sa second floor ako naka-assign kaya malaki ang chance na di kami magkita, except sa breaktime, siyempre."


Dinig ko ang pagbuntonghininga ni Kath sa kabilang linya. "Hindi rin pala tayo masiyadong magkikita ng dalawang linggo. Nasa first floor ako naka-assign!" Ngumawa ito sa kabilang linya na animo'y batang naagawan ng lollipop.


"Huwag ka ngang OA. Sabay-sabay naman tayong nag-la-lunch at saka sa bahay niyo ako umuuwi tuwing weekdays."


"Kahit na!"


Natawa ako. "Huwag ka nang ngumawa diyan. Tingnan mo sarili mo salamin, hindi bagay sa iyo iyang inaarte mo. Bye na! Baka kung saan pa mapunta 'tong usapan natin!"


"Hays. Bye na nga, Heaven! Basta susulat ka palagi, ah. Huwag ka makakalimot."


"Gago di naman ako mag-a-abroad. Sa iisang building pa rin naman tayo magtatrabaho!" Kung nasa harapan ko si Kath ay baka kinonyatan ko na siya sa sobrang kaartehan.


---


KINABUKASAN, maaga akong nakauwi sa bayan para sa pagpasok ko sa Rhudarda. Ako pa nga lang ang naroon at sarado pa ang building. Hindi naman siguro ako excited sa pagtatrabaho, 'no?


"Nasaan ka na? Baka naman kakagising mo lang?" tanong ko kay Kath sa kabilang linya.


"Nakaligo na ako! Paalis na ako sa bahay!"


"Sige, ibababa ko na 'to. Bilisan mo na." Napahagikgik ako saka ibinaba ang linya at ang mismong cellphone. Inilagay ko iyon sa bulsa saka ko niyakap ang sarili. Napahaplos pa ako sa braso.


"Good morning, Heaven."


Napalingon ako sa bumating iyon at natigilan nang makita si Shun. Matamlay ang hitsura nito at mailap ang mga mata.


"Good morning din." Hindi naman siguro masamang batiin siya pabalik. We still need to be civil. Lalo pa't nasa iisa kaming working area. Ika nga nila, be professional.


Wala sa aming umimik habang pareho lang kaming nakatayo at nagpapalipas ng oras. Napatingin pa siya sa relo niya at napakamot. Nang mapansin niyang nakatingin ako ay umiwas ako ng tingin at sa kalsada na lamang itinuon ang atensyon.


"Ang lamig, 'no?"


Hindi ako sumagot sa tanong niyang iyon. Wala ako sa mood makipagdaldalan let alone sa kaniya pang may atraso sa akin.


"Gusto mo suotin 'tong jacket k--"


"Pwede ba tumigil ka na?" seryoso kong tanong dito nang iharap ko ang sarili sa kinatatayuan niya.


Natigilan siya sa tanong kong iyon. "Galit ka ba?"


Nagsalubong ang mga kilay ko sa tanong niyang iyon. Hindi pa ba sapat ang sampal ko sa kaniya para malaman niyang galit ako?


"I still love you, Heaven."


"Shun, tama na. Tapos na 'yun, okay? Naka-move on na ako at sana ikaw din. Ayokong pagsalitaan ka ng masama lalo pa't umagang-umaga kaya please tumigil ka na."


Bumuntonghininga siya saka ibinalik sa pagkakasuot ang jacket na iniaalok sa akin. Hindi na ito umimik pa at pumunta na lamang sa medyo malayo sa akin. Animo'y isa itong asong pinagalitan ng amo, tahimik lamang.


"Girl! Good morning!" Tumakbo si Kath papunta sa akin. Nang mapatingin ito sa lalaki hindi kalayuan sa kinatatayuan ko ay nawala ang pagkakangiti nito. "Ay, hindi pala good ang morning."


"Kath..."


"Bakit?" Bahagya itong natawa sa pananaway ko.


"Nag-usap na kami. Hayaan mo na siya."


"Baka kasi ginugulo ka niya." Pasimple nitong sinamaan ng tingin si Shun.


Maya-maya ay dumating na rin ang iba pa naming kasama sa work immersion. Mga naka-jacket ang mga ito. Ako lang pala ang hindi. Bakit ba kasi hindi ako nakapagdala ng akin? Ang lamig-lamig pa naman ngayon kasi magpa-Pasko na. Lumalamig na ang simoy ng hangin.


"Good morning sa inyong lahat!" masiglang bati ni Kent. Lumapit ito kay Kath at saka nagpa-cute. "Good morning and sorry for my behavior yesterday."


"Apology not accepted. Hmp!" Natawa na lamang ako sa kaartehan nitong si Kath, may pagnguso pa. Teka, ganiyan din pala ako minsan. Titigilan ko na nga gumanon, nakakairita pala tingnan.


Hindi ko na nasubaybayan ang paghaharutan ng dalawa nang buksan na ang building. Sunod-sunod kaming pumasok doon. Pinatawag pa muna kaming lahat para raw sa picture taking for documentation. Pinapwesto nila kami sa lugar na may background na 'Rhudarda'. May sofa rin doon na gagamitin daw namin para magkasya lahat sa frame.


"Sorry, I'm late."


Natigilan kami nang marinig iyon. Agad kaming napalingon sa nagsalitang iyon. Napaawang pa ang mga labi ko at nanlaki ang mga mata. A-Anong ginagawa niya rito?


"Tamang-tama, Xianiel. Tumabi ka na sa kanila at nang maisama ka sa picture," utos ni Ma'am Dennise.


Hindi pa humuhupa ang pagkabigla ko ay lumapit na sa kinatatayuan ko ang asungot at ngumiti na sa harap ng camera. Puting-puti ang mga ngipin nito at animo'y commercial model ng toothpaste.


"Heaven, harap sa camera. Bakit kay Xianiel ka nakatingin?"


Natigilan ako nang marinig iyon. Bumalik ako sa ulirat at napailing na lamang sa sariling kapalpakan. Bahagyang natawa ang mga katabi ko, si Xianiel naman ay napangisi lamang. Tss. Ano na naman kayang iniisip ng lalaking 'to? Baka mag-feeling na naman. At oo nga pala, bakit nandito siya?!


"Heaven, smile! Kanina ka pa nakasimangot. Please, ayusin niyo na para di na tayo magtagal pa."


Humingi naman ako ng paumanhin saka na nagpokus sa ginagawa. Wala pang limang minuto ay natapos din iyon. Pinapunta na kami sa kaniya-kaniyang assigned department.


"Xianiel, we will wait for Sir Armiel's decision kung saang department ka mapupunta."


"Wait, dito na rin siya magtatrabaho, Ms. Dennise?" naguguluhan kong tanong.


"Yes, is there a problem?"


Agad akong umiling. "N-None po. Hehe. Super none." Pilit akong ngumiti saka na sumunod dito para simulan na ang pagtatrabaho.


"Kindly, arrange these documents alphabetically. Pakitingnan ang apelyido nila at i-alphabetical mo."


Tumango ako sa inuutos ni Ms. Dennise. Kahit pa tatlong matataas na tambak ng mga papel ang nasa harapan ay pinilit ko pa ring ngumiti. Tandaan, graded ang work dito. So dapat, galingan ko. Madali lang naman siguro ito...


Scratch that, hindi pala ganoon kadali. Ilang minuto na ako'y hindi ko man lang nakakalahati ang isang tambak ng mga papel. May dalawa pang tambak. Baka naman abutin ako ng isang linggo sa simpleng gawaing ito.


"Huwag mo madaliin, Heaven. Hindi naman ito pabilisan. Ang importante'y maayos ang trabaho. Paki-arrange din ang mga iyan sa cabinet na nasa tabi mo. May mga label na letters diyan, sundin mo lang." Pinagpatuloy na ni Ms. Dennise ang pagpipindot sa keyboard ng computer na kaharap.


Pinagpatuloy ko na lamang ang gawin. Makalipas ang kinse minutos ay natapos ko ring i-arrange alphabetically lahat ng A ang surnames. Binuhat ko ang tambak ng papel na iyon saka dinala sa cabinet na para sa mga A ang apelyido.


Ngunit paghila ko ng kabinet ay hindi ko inaasahan ang biglaan nitong pagbukas. Nagulat tuloy ako't tumama sa isa ko pang kamay ang takip ng kabinet na iyon. Huli na nang mapagtanto ko ang pagkakalaglag ng hawak na mga papel.


Kung minamalas ka nga naman! Na-arrange ko na 'to, e! So panibago na naman? Balik na naman sa simula?


Halos maiyak na lamang ako habang pinupulot ang mga papel. Nabigla pa ako nang may pumulot ding isa pang kamay. Nang itaas ko ang paningin ay natigilan ako nang makilala kung sino ang tumulong na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro