CHAPTER 1
"NASAAN ang damuhong 'yun?!" Hinila ko si Kath papunta sa classroom ng walang 'ya niyang boyfriend este ex-boyfriend na pala.
"H-Heaven... tama n-na. N-Nakakahiya. Ang dami nang nakatingin sa 'tin." Habang sinasabi iyon ay nasa lupa lamang ang atensyon ni Kath. Hindi niya ako magawang tingnan sa mga mata, maging ang ibang mga estudyanteng nagkukumpulan na sa amin.
"Andy! Lumabas ka!" sigaw ko.
Hinawakan ako ni Kath sa braso, animo'y pinipigilan ako. Noon ko lamang nagawang titigan ang namumugto niyang mga mata nang tingnan niya ako. Punong-puno ng pagsusumamo ang mga iyon. "A-Ayoko ng gulo."
Napairap na lang ako dahil sa sinabi niya. "Hindi tayo aabot sa gan'to kung matino lang 'yung Andy na 'yun. Huwag mo 'kong pigilan, Kath, dahil babalatan ko nang buhay ang lalaking 'yun!"
"Sinong naghahanap sa akin?" tanong ng matangkad na lalaki. Nakabukas pa ang mga butones ng polo nito. Akala naman niya kina-cool niya. Nang mapansin nito si Kath ay napakunot ang noo nito, at kapagkuwa'y ngumisi nang sa akin naman ibaling ang tingin. "Oh? Anong kailangan niyong dalawa?"
Ngumiti ako nang pilit at saka lumapit sa kaniya. Nang hustong makalapit ay nawala ang ngiti ko. Itinaas ko ang kanang braso at mabilis pa sa alas kwatrong inilapat ang palad ko sa pisngi niya. Umalingawngaw ang tunog ng sampal na iyon sa buong campus. At nang mag-iwan iyon ng marka ay isang ngisi ang pumorma sa aking labi.
"A-Anong problema mo?" nanlalaki ang mga mata ni Andy nang itanong iyon. Namula ang mukha nito at halos itago ang pagmumukha sa mga tao roon.
"Sinong may sabing pwede mong lokohin ang best friend ko? Gold ka ba?!" Bumwelo ako at tinuhod ang gitna ng mga hita niya.
Isang malakas na singhap ang pinakawalan ng mga estudyanteng nanonood. Samantalang si Andy, namimilipit na habang nakahandusay sa lupa.
"Punyeta ka!" sigaw nito. "Magbabayad ka!"
Nag-hair flip na lamang ako't hinila na ulit si Kath paalis sa lugar na iyon.
---
"HINDI mo na dapat ginawa 'yun," nakatungong imik ni Kath.
Tumingin ako sa kaniya. "'Yung mga tulad niyang manloloko, dapat binibigyan ng leksiyon. Hindi titigil 'yung mga 'yun hanggang di sila nakakakita ng katapat. Tingnan mo si Andy, nabaog na siguro 'yun dahil sa ginawa ko. Iyon ang bagay sa kaniya."
"Paano kung maipatawag ka sa office? Ikaw lang naman ang inaalala ko. Dahil sa akin, baka ma-guidance ka pa."
Umirap ako. "Ano naman? As if namang kakampihan nila 'yung gago mong ex. Sa sobrang pasaway ni Andy, baka natuwa pa ang buong school sa ginawa ko. Kaya nga takang-taka ako kung paano naging kayo ng lalaking 'yun."
"Mabait din naman 'yun."
"Oh, kita mo na. Pinagtatanggol mo pa kahit sinaktan at niloko ka na n'ong tao." Hinawakan ko ang mga balikat niya at saka ko siya hinarap sa akin. "Tama na, Kath. Mag-move on ka na sa kaniya dahil hindi mo deserve ang gano'ng uri ng tao."
Tumango naman siya at ngumiti sa akin. "Salamat. Ang corny sabihin pero love na love na talaga kita! Lagi mo na lang akong pinapagtanggol." Yumakap pa ito sa akin.
Kunwaring nandidiri naman akong lumayo. "Manahimik ka, Kath! Nakakakilabot ka!"
"Ito naman! Yakap lang, e!" Muli itong yumakap at saka akmang hahalik sa pisngi ko.
"Bwisit ka! Baka gusto mong ikaw naman ang tamaan sa 'kin!"
"Kaya mo?" nagpapa-cute niyang tanong.
Napairap na lang ako. "Ewan ko sa 'yo! Basta kapag may lalaki na namang nanloko o nanakit sa 'yo, sabihin mo agad! Sasampolan natin 'yung Hudas na 'yun!"
"Oo na po!"
Parehas na lang kaming natawa.
"Pero maiba lang ako, kumpleto ka na ba sa mga requirements para sa work immersion?" tanong ni Kath sa akin. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad samantalang ako ay napahinto.
Ilang beses kong tiningnan ang mga nasa folder kong documents bago sagutin ang tanong niyang iyon. "Medical certificate na lang. Teka, saan pala tayo magpapa-medical? Diyan na lang ba sa medicare bandang Tariktik o sa Tambangin?"
"Ang daya! Hindi pa ako tapos sa ibang requirements! Pero sige, mauna ka na sa medicare. Susunod na lang ako tutal kukunin ko na lang naman iyong iba kong kulang sa munisipyo. Ipag-save mo ako ng space, ah! Baka mamaya ang haba na ng pila pagpunta ko do'n!"
Tumango ako rito. Malapit na kami sa munisipyo kaya lumipat na kami ng side ng nilalakaran. Pumunta kami sa kaliwang side ng kalsada since nandoon ang munisipyo. Nagpaalam na siya sa akin at saka pumasok na sa loob. Wala naman akong nagawa kundi maglakad padiretso hanggang sa medicare. Tutal naman ay malapit na iyon, hindi ko na rin inindang mag-isa lang ako.
Napatingin ako sa plaza nang madaanan iyon. Napahinto pa ako nang bahagya nang makita ang mga naglalaro ng volleyball. Sa grupo ng mga babaeng naglalaro, may kasama silang nag-iisang lalaki. Hindi na 'ko nagtagal panonood sa kanila at nagpatuloy na ulit sa paglalakad.
Nang makita ang simbahan sa kaliwa ay agad akong nag-sign of the cross. Paglingon ko sa kanang pwesto ay nagulat ako nang may makasabay sa pag-antanda. Sabay din naming ibinaba ang mga kanang kamay namin at saka nagpatuloy sa paglalakad. Tumakbo ang lalaking iyon pabalik sa plaza kaya kailangan ko pang lingunin ang likuran ko para pagmasdan siya.
Siya 'yung lalaki kanina na naglalaro ng volleyball.
Hindi ko na napansin na umalis pala siya kanina noong nanonood ako. Base sa uniporme, mukhang taga-private school 'tong lalaking 'to. Uniform ng Mt. Carmel ang suot, e. Hindi na rin naman nakakapagtaka dahil malapit lang din dito sa plaza at simbahan ang Mt. Carmel.
Lumingon siya sa kinaroroonan ko matapos ang ilang segundo kong pagmamasid. Napaiwas naman ako nang tingin nang biglang magsalubong ang tingin naming dalawa. Ngumiti siya sa akin dahilan para mapairap ako nang wala sa oras.
Anong nginingiti-ngiti nitong lalaking 'to?
Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad hanggang makarating ako sa medicare. Napabuntonghininga pa ako nang makita ang napakahabang pila ng mga tulad kong estudyante. Nakaupo ang karamihan sa kanila at mayroon nang ibang nakatayo hanggang sa labas ng medicare. Hindi na ako nagulat sa gan'tong dadatnan. Ang dami-dami naman kasing magpapa-medical na mga grade 12 students para sa gaganaping immersion sa Lunes. PNHS pa lamang ay halos limandaang estudyante na, isa na ako sa mga iyon.
Eh kung lumipat na lang kaya ako ng medicare? Baka sa iba, wala masiyadong mahabang pila. Pero nandito na ako, e. Magpapakalayo pa ba ako? Napabuntonghininga na lamang ako at nagdesisyong mag-stay na lamang sa kung nasaan ako. Medyo umuusad naman na. May ilang nakatayo sa unahan ko na nakaupo na ngayon dahil nababawasan ang mga tao.
"Ang haba naman," bulong ko sa sarili. Pinaypayan ko pa ang leeg ko ng ID. Dahil sa dami ng tao ngayon dito ay umiinit na. Napasipol pa ako, umaasang magagawa niyon na palakasin ang hangin.
Nakaupo na ang babaeng nasa unahan ko kaya nakahinga ako nang maluwag. Sa wakas, umuusad din. Umusog ng bangkong inuupuan ang babae kaya napaupo na rin ako. Hindi ko napigilang mapangiti. Mukhang makakauwi ako nang kumpleto na ang requirements, ah.
Nang oras na para sa pagpapa-medical ng babaeng nasa unahan ko, bigla namang lumabas si Doctor Garcia mula sa loob. "Naku, cut-off na po muna tayo. Alas singko na ng hapon."
Natulala ako at napabagsak ang mga balikat. Nanlulumo akong napatayo sa kinauupuan. Badtrip, kung kailang malapit na ako saka na-cut off. Sayang! Panibagong pila na naman 'to bukas!
Dinig ko ang nanghihinayang na daing ng ibang mga naroroon. Dismayadong nagsipaglabasan ang mga ito sa loob ng medicare. Wala naman akong nagawa kundi lumabas na lang din. Bukas talaga aagahan ko ng punta rito para ako na ang maunang makakuha ng medical certificate!
Kinuha ko ang cellphone sa bag para i-chat na si Kath na cut-off na ngayon dito sa medicare. Baka mamaya umasa ang babaeng iyon sa wala.
Habang nag-ta-type sa cellphone ay natigilan ako sa ginagawa at napalingon sa lalaking panay ang silip sa medicare. Siya iyong lalaki kanina na nakasabay ko mag-sign of the cross. Iyong lalaking galing sa private school. Umaalingasaw sa pwesto ko ang matapang niyang pabango. Kung wala nga lang akong galang baka nagtakip na ako ng ilong ngayon.
"Miss, hindi na ba pwedeng magpa-medical?" tanong ng lalaki.
Tumango na lamang ako.
Ngumiti naman ito sa akin. "Thank you."
Pilit akong ngumiti saka nagsimulang maglakad.
May nakasalubong akong dalawang babae na binunggo ako dahilan para malaglag ang mga dala kong gamit. Salubong ang mga kilay ko naman silang tiningnan. Pero imbis na mag-sorry sa akin, nakangiti lamang ang mga ito at kung saan nakatingin. Napilitan tuloy akong kunin na lang ang nalaglag kong dala.
"Ang gwapo ni Axen, 'no?"
Hindi sinasadyang narinig ko ang isa sa mga babaeng nakabangga sa akin.
"Ang kaso, bakla daw 'yan, e."
"Ay gano'n ba? Sayang naman."
Matapos makuha ang mga gamit ay tumayo ako at tiningnan kung saan nakatingin ang mga babae at kung sinong tinutukoy nila. Parehas silang nakatitig sa lalaking nagtanong sa akin kanina. 'Yung lalaking naglalaro kanina ng volleyball. May earphones ito sa tainga at abala sa pagta-type sa cellphone niya.
Ikinagulat ko naman nang biglang tumingin sa akin 'yung lalaki. Agad itong ngumiti at kumaway.
"OMG, girl! Kumaway siya sa 'kin!" bulong ng isa sa mga babaeng bumangga sa akin. Halos magtitili ito sa kilig.
"Sa akin kaya siya ngumiti!" kontra naman ng isa sa kanila.
Napangiwi na lang ako.
"Hoy! Sinong tinitingnan mo diyan?" panggugulat sa akin nitong si Kath na nasa tabi ko na pala. "Uyy, tinitingnan niya 'yung lalaking taga-private. Crush mo 'no?"
Agad ko namang tinakpan ang bibig niya dahil nasa kabilang side lang ng kalsada iyong lalaki. Baka narinig! Baka mamaya isipin n'on na totoo 'yung sinasabi nitong si Kath!
Ngumisi't umiling ang lalaki habang nakatitig pa rin sa phone niya.
Hindi naman niya siguro narinig ang sinabi ni Kath dahil may suot siyang earphones, 'no?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro