Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4: Makaliskis, Palihim Sumunod

Kabanata 4

Palahaw na paghiyaw ng saklolo. Iyon ang pumupuno sa bawat sulok ng barko na ngayon ay paunting lumulubog sa malalim na tubig ng malawak na karagatan.

Isang ina ang desperadong sinusulong ang papataas na tubig na pumapasok sa barko, pilit na inaabot ang kaniyang sanggol na inaanod ng rumaragasang tubig.

"Ang anak ko!" lumuluha niyang pagtawag sa sanggol na walang ibang makayang gawin kung hindi ang umiyak. Habang pinakikinggan ang takot sa tinig ng sanggol ay mas naging desperado ang ina hanggang sa wakas ay maabot niya ang kaawa-awa niyang anak.

"Baby, tahan na, hush. . ." malimbing na kausap niya rito at sinimulang patahanin. Nang masilayan naman ng bata ang mukha ng ina na kanina niya pa hinahanap ay agad itong tumahan.

Napalitan ng inosente at matamis na ngiti ang namumulang at basang mukha ng sanggol dulot nang pagtangis. Mahigpit na nayakap ng ina ang kaniyang sanggol habang itinatanim sa sarili na hindi niya na maaaring hayaang matakot muli ang anak niya.

Ngunit siya ang nakaramdam ng pagkatakot nang marinig ang mga nahihintatakutang hiyaw ng mga tao sa kaniyang paligid. Iginala niya ang kaniyang paningin at nakitang hindi pa rin humihinto ang pagtaas ng tubig. Muli siyang buwis buhay na sumulong sa tubig at pilit na lumapit sa maataas na parte ng dapat ay kisame ng barko.

"Bilisan niʼyo at magsiakyat na kayo sa deck, ibinababa na nila ang mga bangka!" ang sigaw ng isang matandang lalake na nasa pinakadulong parte ng malaking barko kung nasaan ang hagdan paakyat ng deck.

"Tulungan niʼyo kami ng baby ko!" iyak niyang pagtawag nang ang lahat ay nagmamadali sa paglangoy upang umakyat sa pinakaligtas na lugar sa ngayon. Sa kabutihang loob ay isang ginoo ang tumanggap ng kaniyang mga palad at marahan siyang inalalayan maging ang kaniyang sanggol.

Makailang ulit siyang umusal ng pasasaamat sa lalake hanggang marating nila ang hagdan na unti-unti na ring lumulubog sa tubig. Nang tumuntong siya sa hagdan ay pansamantala niyang ibinigay ang kaniyang baby sa matanda na naghihintay sa kanila sa itaas upang magawa niyang makaakyat.

Ngunit ilang palapag na lamang nang isang kamay ang pumigil sa kaniyang kanang paa. Kaniyang nilingon ang lalakeng nasa likod niya ngunit wala na ito roon kaya naman iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid na puno ng pagtataka.

Hanggang sa mahintatakutan siya nang masilayan ang isang nilalang na ang kulay ng balat ay animo patay at walang buhay, itim ang mga mata na hindi makikitaan nang kahit anong liwanag, may matutulis na mga tainga, at makaliskis na katawan gaya ng isda.

Hindi siya nabigyan nang panahon upang ipakita ang naramdamang hilakbot dulot ng nakakaibang itsura ng nilalang na nasisiguro niyang tao ang kalahating katawan kahit pa mayroon itong makaliskis na buntot; agad siya niyong hinatak paibaba ng tubig.

Hirap siyang napasinghap at nabulunan sa napakaraming tubig na lumunod sa kaniya habang hatak siya ng nilalang patungo sa pinakailaliman ng karagatan. Kung saan bago siya paeiaan ng buhay ay sandali niyang nasulyapan ang aabot sa daan na uri ng nilalang na ito. Ang lahat ay may mga dakip-dakip na gaya niyang tao.

﹏𓊝﹏𓂁﹏

"Isa sa mga dapat mong layuan ay ang dagat kung mahal mo ang buhay mo," ang hindi napigilan ni Kye na tila sermon para sa dalagang babae na iniligtas niya na noon ngunit nagtangka pa rin na bumalik ng tubig at magpunta ng dagat.

Yakap ang babae sa kaniyang mga bisig ay agad siyang sumisid papalayo ng barko na ngayon ay nakalubog na sa tubig dahil sa kagagawan ng kaniyang mga kauri. Hindi na ligtas ang pantaong sasakyang iyon para sa mga tao dahil uubusin ang mga ito kaniyang mga kauri.

Wala na ang mga ito sa sariling katinuan, tila bulag at mga manika na sumusunod sa isang makapaminsalang utos. "Ang mamingwit ng mortal upang maging kasangkapan sa isang minimithing kapangyarihan".

Tuwid ang tingin sa daan na tinutungo, hindi inaasahan ni Kye ang isang malakas na puwersa na tumama sa kaniya. Tumilapon siya at nahirapang panatilihin ang sarili sa balanse dahil sa pasalubong na alon ng dagat dulot nang matinding buhos ng ulan.

Napahigpit ang kaniyang pagyakap sa bitbit na babae sa takot na baka mabitawan niya ito at tangayin ng mga kauri niya na ngayon ay pinapalibutan siya, pinipigilan na muling itakas ang mortal na alay.

"Hʼwag niʼyong harangan ang dinaraan ko!" galit na utos niya sa mga ito, tila nalimutan na hindi siya nakikilala ng mga ito. "Hindi niʼyo ba nakikilala ang prinsipe niʼyo?!" dagdag niya ngunit nanatiling armado ang mga ito, tutok ang atensyon sa taong nasa kaniyang bisig.

Tila konektado ang mga katawan at iisa ang kilos ay sabay-sabay na umatake ang mga ito, nakalabas ang mga naghahabaang kuko sa mga daliri at tuwid ang mga katawan na papalapit sa kaniya sa isang matulin na bilis.

"Hindi. . ." nahihirapang bulong ni Kye sa sarili at wala nang ibang nagawa kung hindi ang pumikit nang mariin. Nang oras na kaniyang iangat ang kaniyang malayang palad ay nakalabas na rin ang mga itinatago niyang matatalim kuko sa dulo ng kaniyang mga daliri.

At isang hampas niyon sa kawalan ay nagdulot ng pagdanak ng dugo. Ayon na, ginawa niya na. Isinakripisyo niya ang buhay ng kaniyang mga kauri para sa isang mortal na nasisiguro niyang hindi siya tatanggapin kahit gaano pa man kalaki ang gawin niya, mapanatili lang itong ligtas.

Nananatiling pikit ang mga mata ay mabilis na nilisan ni Kye ang karagatan at nagtungo sa ibabaw ng tubig. Naglalakad sa dalampasigan sa mga paa niyang tao, bitbit ang isang dalagang walang malay, at ang mga mata na nanatiling nakapikit habang tumatangis.

Maski sa ibabaw ng lupa ay walang tigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ang bawat hampas ng mabigat na hangin ay kayang-kaya siyang paliparin. Ipinagpapasalamat niya na dahil sa bagyo ay wala ni isang tao ang nasa labas ngayon.

Dahil kung hindi ay masisilayan nang mga ito ang mga kaliskis sa kaniyang katawan na hindi niya na nagawang itago dahil sa paghihinagpis ng kaniyang puso para sa kaniyang pamilya.

Ang hindi alam ni Kye, habang mariin siyang nakapikit sa kadahilanang ayaw niyang makita ang bakas ng dugo ng kaniyang mga kauri sa sariling balat. Ay gising na si Dianna na siyang nagtataka habang pinakakatitigan ang mukha ng makisig na lalakeng may buhat sa kaniya.

Tahimik itong tumatangis, kunot ang noo, at mariing nakakagat sa pang-ibabang labi. Ang parehong lalake na may mayabang na ngisi sa labi noong una silang magkita, ngayon ay lumuluha sa kaniyang harapan sa hindi niya malamang dahilan.

Ang madulas at makaliskis nitong balat na kumukuskos sa kaniyang balat, ang amoy kalawang ng dugo sa pareho nilang katawan na unti-unting naglalaho sa kanilang pang-amoy dulot ng ulan.

Sa likod ng isipan ni Dianna, ano ba ang nangyari? Ang huli niyang naaalala ay nasa barko siya. Bakit ngayon ay hindi mabilang na mga makaliskis na nilalang ang palihim na sumusunod sa kanila ng binatang bitbit siya?

//

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro