Kabanata 32: Walang Kasiguraduhan
Kabanata 32
“Nakita ni’yo ba ang umatake?” ang tanong ni Dianna na nasisiguro ni Kye na para kina Georgette at Dylan kaya naman hindi siya nagsalita.
Kahit pa hindi lang isa at mas lalong hindi lang higit sa dalawa ang nakikita niyang mga nagkalat na itim na kaluluwang kasalukuyang humahabol sa kanila.
“Umatake? Wala nga akong nakita! Basta nagulat lang ako dahil akala ko mahuhulog sa hagdan si Dennis!”
Nakikita ni Kye ang pagtataka sa mga mata nina Georgette at Dennis sa kabila nang pagsunod nito at walang hintong pagtakbo. Dahil mukhang hindi nakikita ng mga ito ang mga elementong nagtatangka ngayon sa kanilang buhay at kaligtasan.
Nang matunton nila ang ikaunang palapag ay pare-pareho biglang prumeno sa pagtakbo sina Kye at Dianna nang makita kung gaano karaming kumpol ng itim na kaluluwa ang humaharang ngayon sa kanilang maaaring daanan paalis.
Ano bang klase ng mga kaluluwa ang mga ito? Masyadong maitim ang nararamdaman ni Kye mula sa mga nilalang na ito.
Nagkapalitan ng tingin sina Kye at Dianna at mukhang pareho ang iniisip nilang dalawa. Hindi nila maaaring salubingin ang mga ito. Lalo na at kasama nila sila Dennis.
“Humanap tayo ng ibang daan.” At ganoon nga ang ginawa nila at salamat sa lahat ng Diyos sa kalangitan ay mabilis silang nakahanap ng madaraanan paalis ng lugar na ito.
Pinauna nilang makalabas ang dalawang babae saka pinasunod ni Kye si Dennis dahil plano niyang pahabulin sa kaniya ang mga kaluwawa nang sa ganoon ay mailayo ni Dianna ang mga kaibigan nila.
Tagumpay siya sa plano dahil sinundan nga siya ng mga ito ngunit hindi maaaring habang buhay lang siyang tumakbo. Kaya naman hinarap niya ang mga ito at inilabas ang itinatago niyang matatalim na kuko.
Nagliwanag ang mga mata niyang kasing dilim nang kailaliman ng karagatan at bahagyang lumabas ang pagiging anyo niyang sirena. Naging matulis ang dulo ng kaniyang mga tainga at lumitaw ang kaniyang mga kaliskis sa mukha.
Akmang gagamitin na ni Kye ang kaniyang kapangyarihan sa mga kaluluwa nang isang pamilyar na tinig ng babae ang kaniyang narinig mula sa hindi kalayuan.
“Kye!” At nakita nga niya si Serissa na kasama ni Rebel at ng isa pang hindi niya kilalang lalake.
Papalapit ang mga ito sa direksyon niya kaya naman agad niyang itinago ang kaniyang tunay na anyo at hinintay ang mga ito na makalapit sa kaniya.
“Corrupted souls?” sambit ng lalakeng ngayon lang nakita ni Kye sa dinami ng beses na nakasama niya sila Serissa.
“Where's Dianna?” masungit na tanong ni Rebel habang iginagala ang paningin sa paligid.
Kung estranghero pa para kay Kye ang lengguwaheng Ingles ay malamang na hindi niya maiintindihan na patanong ang mga binanggit na iyon ni Rebel.
Dapat niyang pasalamatan si Dennis sa walang sawang pagtuturo sa kaniya kahit na hindi siya madaling turuan ng mga bagay na hindi niya talaga kilala.
“Kasama ko siya kanina pero nilihis ko sa’kin ang atensyon ng mga kaluluwa para magawa nilang makaalis nang ligtas,” pagpapaliwanag ni Kye nang makita niya sa gilid ng kaniyang mga mata ang pagtangkang pag-atake sa kaniya ng isang kaluluwa.
Ang mabuti na lang ay alerto si Serissa at nagamit nito ang sariling kapangyarihan upang lumikha ng kumpol ng baging. Sa pamamagitan niyon ay napigilan niya ang pag-atake ng kaluluwa at puksain iyon.
Tama lang iyon dahil hindi makakaya ni Kye na isakripisyong ilantad ang tunay niyang anyo. Bukod kay Dianna ay wala nang iba pang maaaring makaalam ng sekreto niya.
“Kaya naman pala nandito ang mga pangit na ‘to,” asik ni Serissa at pinagpagan pa ang mga palad nang matapos.
“Aatake ulit sila!” pag-alerto ng lalakeng may mga matang kristal at sabay-sabay na pinigilan ang tatlong pag-atake ng mga kaluluwa.
Bahagya pang namangha si Kye nang makita kung paano nagagawa ng estranghero na makontrol ang mga kaluluwang iyon sa pamamagitan ng anino.
“This is gonna hurt but who cares.” Si Rebel naman ang humarap sa iba pang kaluluwa sa pamamagitan ng pagpapaulan ng suntok sa mga ito.
Nagniningning ang ginto nitong buhok habang nakikipaglaban. Ang bawa’t pagtama ng kamao ng lalake ay lumilikha ng kakaibang liwanag na kasing init ng araw.
“Serissa, hahanapin ko si Dianna!” sigaw ni Kye na sinamantalang na hindi siya ang pinupuntirya ng mga kaluluwa.
“Siguruhin mong ligtas siya!” bilin pa ni Serissa na hinarap ang mga kaluluwang nagtangkang sumunod kay Kye.
Hindi na muling lumingon si Kye sa kaniyang likuran at nagmadali na sa pag-alis. Hindi niya kailangang mag-alala dahil makakaya ng tatlong iyon kahit ang lahat ng kaluluwa.
Hindi rin niya magagawang lumaban kung hindi pa siya handang isakripisyo ang pagtatago sa tunay niyang anyo. Ang dapat niyang gawin ngayon ay hanapin sila Dianna.
“Dianna!” Binalikan ni Kye ang lugar kung saan siya humiwalay sa mga kaibigan ngunit wala ang mga ito roon kaya naman naghanap pa siya sa ibang lugar.
Habang mabilis niyang tinatahak ang daan ay napansin niya ang kakaibang biglabg pagdilim ng kalangitan. Makulimlim at animo nagbabagyang bumuhos ang ulan.
Ngunit hindi iyon ang dapat niyang alalahanin sa ngayon. Dapat niyang makita si Dianna. Hanggang sa magawa niya ngang matanaw ang babae hindi malayo mula sa kaniyang direksyon.
Tuwid itong nakatayo, walang kakilos-kulos na nakatingala sa langit. Tinatawag niya ang pangalan nito nang makailang ulit ngunit tila wala itong naririnig.
“Dianna! Sila Dennis, ligtas ba sila?” ang unang naging tanong niya nang tuluyan niyang malapitan ang babae ngunit natigilan siya nang makita itong lumuluha. “Anong problema, Dianna?”
“H-Hindi ko. . .” putol nitong hikbi at biglang napatakip ng mukha gamit ang sariling mga palad. “Kye, hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko alam. Hindi ko ulit magamit ang kapangyarihan ko.”
Sa narinig na pagtangis ni Dianna ay natigilan si Kye. Bigla ay hindi niya na alam ang sasabihin. Dahil hindi tulad nang lagi, hindi niya alam kung ano ang mga tamang salitang maaari niyang bitawan sa sitwasyon ngayon.
Ang katotohanang wala siyang naitulong sa pakikipaglaban sa nga kaluluwa kanina dahil sa mga pagdadalawang isip niya ay isang bagay na hindi niya magagawang ipagmalaki.
“Huminga ka muna.”
Ngunit mahalaga pa ba ang sarili niyang dangal ngayon?
“Sigurado akong magulo lang ang isipan mo.”
Kailangan siya ni Dianna.
“Kung ikaw mismo, hindi mo maintindihan ang sarili mo. Hindi ka rin magagawang intindihin ng langit.” Sinapo ni Kye ang mga pisngi ni Dianna gamit ang kaniyang mga palad.
Unti-unti namang ibinaba ni Dianna ang sariling mga kamay na tumatakip sanmukha nito.
“Ang suportang hinihiling mo, makukuha mo lang kung susuportahan mo rin ang sarili mo, Dianna.”
Napatitig si Dianna sa mismong mga mata ni Kye habang buong intinding pinakikinggan ang mga sinasabi ng lalake.
“Kapag nagagawa mo nang makapag-sip nang malinaw, mahahanap mo ang tamang mga salitang gusto mong hilingin.”
Napasinghot si Dianna at tinuyo ang mga basang pisngi gamit ang ilalim ng kaniyang palad. “Si Dennis, galit na siya sa’kin at kasalanan ko, Kye.”
Nang marinig ni Kye ang mga bagay na ipinagtapat ni Dianna ay hindi niya na napigilan ang mapangiti dahil naiintindihan niya na kung bakit muli na namang nagkakaganito ang babae.
At dahil pala iyon sa epekto ng mga taong mahalaga para kay Dianna. Ito ang Dianna na kilala niya, ang taong mabilis maimpluwensyahan nang iba lalo na kung pinahahalagahan niya ito.
Ang dalagang patuloy na naghahanap ng suporta, pag-unawa, at pasensya mula sa mga kaibigan. Isang dalaga na gustong manatiling itrato na parang bata.
Gaya ng isang maliit na bata na kailangan ang gabay ng kaniyang mga magulang. Upang ipaintindi sa kaniyang hindi natatapos ang buhay sa isang kabiguan. Na magpapatuloy ang mga pagsubok na siyang magpapatatag sa isang nilalang dahil natututo siya.
Ngunit iyon ang mga bagay na ipinagkait kay Dianna sa murang edad pa lang. Dahil nagkaroon si Dianna ng ama na hindi pa handang magpalaki ng sariling supling nang mag-isa at walang suporta ng isang ina.
Kaya naman sa likod ng isipan ni Kye ay hinihiling niya na sana, kahit nasaan man ngayon si Dian Masalanta. Patuloy nitong suportahan ang nag-iisang anak na si Dianna.
At gabayan ito dahil walang kasiguraduhan kung magagawa niyang manatili sa tabi ng dalaga habang buhay.
//
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro