Kabanata 21: Kalahating Diyos, Tulad Mo
Kabanata 21
"Dianna?" Maliit na inihakbang ng batang si Dianna ang kaniyang mga paa papasok ng pinto. "Bakit ngayon ka lang? Kasama mo pa ba si Dennis?"
Si Dennis?
Dapat ba ay kasama niya ang kaibigan ngayon?
Hindi sigurado si Dianna, wala siyang maalala.
"Anong nangyari sa mga kamay mo? Kaninong dugo itong lahat, Dianna?" Sa binanggit ng papa ni Dianna ay napatingin siya sa sarili niyang mga kamay na ngayon ay hawak na ng kaniyang papa.
Dugo. . .ah, naalala niya na.
Pero totoo ba ang mga nangyari? Magagawa nga ba talaga ni Dianna na makapanakit ng iba?
"P-Papa!" Bigla ay nabuhayan si Dianna nang maalala niya ang batang lalakeng may ginintuang buhok. "Papa, may sinaktan po ako, papa."
Isa-isang nagbalikan sa alaala ni Dianna ang mga naganap kanina lamang bago siya nakauwi ng bahay nang hindi niya namamalayan.
Pauwi na siya galing sa pakikipaglaro kay Dennis ngunit isang ginang ang lumapit sa kaniya. Kinausap siya nito at pinuri kung gaano siya kaganda gaya ng isang manika na may meztisang ganda.
"Ang lambot ng mga palad mo, Maria," ang patuloy nitong komento at pagtawag kay Dianna sa ibang pangalan. Ngumiti ito nang nakaloloko, ngiting mababasa mo ang masamang intensyon. "Gusto kita, maglaro tayo."
Hanggang sa iyon na lang ang naalala ni Dianna bago niya makita ang kaniyang sarili na may hawak na isang matalim na bagay. At ang hawak niyang iyon ay kaniyang iwinasiwas sa ere hanggang sa isang himpit na hiyaw ang lumukob sa kaniyang pandinig.
Nanlalaki ang mga matang natauhan si Dianna sa kaniyang ginagawa. Nasalo niya ang nanlalaki at nagtatanong na mga mata ng batang lalakeng may ginintuang buhok.
Pagewang-gewang na napaatras ang batang lalake at maya-maya ay natumba. Inabot ng lalake ang sarili nitong likod at nang pareho nilang makita ang napakaraming dugo sa kamay ng lalake ay pinangilabutan silang pareho.
Ano bang nangyari?
Si Dianna ba ang may gawa niyon?
"Tapos ka na bang maglaro, aking marionette? Patayin mo na siya, patayin mo na ang anak ni Apolaki," iyon ay mga mahinang bulong na narinig ni Dianna mula sa hindi niya malamang direksyon. "Maria, kumilos ka na, malulungkot ako kapag hindi mo tinapos ang larong ito."
"Dianna, kaninong dugo ito? Hindi ito mukhang iyo, nasaan si Dennis? Siya ang kasama mo kanina, hindi ba? Ano bang nangyari?" sunud-sunod na pag-aalala ng ama at mahigpit na hinaplos ang mga balikat ng batang si Dianna.
Nang walang makuhang sagot mula kay Dianna ay tumayo mula sa pagkakaluhod ang ama at binuhat ang batang si Dianna saka nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay.
Wala nang ibang nagawa si Dianna kundi ang umiyak sa bisig ng kaniyang ama, naguguluhan at natatakot. Hindi malinaw ang lahat ng naganap ngunit nakatatakot ang kapangyarihan ng estranghero na nag-utos sa kaniyang ibang tao.
Animo may mga sinulid na nakatahi sa bawa't parte ng kaniyang katawan na silang kumokontrol sa kaniyang mga paggalaw. Lahat iyon ay kagagawan ng kakatwang estranghero.
Nakakatakot, anong klase ng salamangka iyon?
Ang akala ni Dianna, siya lang ang may itinatagong kakayahan.
"Sa wakas, nagising ka na." Kunot ang noo na napaupo si Dianna mula sa kinahihigaan niyang matigas na kamay at iginala ang kaniyang paningin sa paligid.
"Din, bigla ka na lang hinimatay!" Nabigla naman si Dianna nang bigla siyang talunin ng mahigpit na yakap ni Georgette na nagpapakita kung gaano ito nag-alala sa kaniya.
"Gusto mo ng maiinom na tubig?" pag-aalala rin ni Kye na patuloy sa pagpaypay sa kaniya gamit ang pinunit na piraso ng makapal na karton. "Magsalita ka kung may masakit saʼyo."
"Hinimatay ako?" hindi makapaniwalang bulalas ni Dianna sa sarili at napahagod sa sarili niyang buhok. Napapikit siya nang makaramdam ng bahagyang pagkahilo at nang muling magmulat ay bigla na lang natulala sa estranghero na nakatayo rin sa harapan niya katabi ni Dennis.
Ang lalakeng may ginintuang buhok.
At ang babaeng lagi nitong kasama na sa hindi maipaliwanag na rason ay pakiramdam ni Dianna ay may pagkakapareho sila.
Nahagip ni Dianna ang kaniyang hininga nang manumbalik sa kaniya ang panaginip niya ngayon lang. Isang alaalang matagal niya nang ibinaon sa limot at hindi na kailan pa gustong balikan.
Ang ala-ala na siya palang rason kung bakit lagi siyang nakararamdam ng kakaibang koneksyon tuwing makikita at makakasalubong ng landas ang lalake.
Ngunit nakikilala kaya siya nito?
Natatandaan kaya nito ang ginawa niya rito dalawang dekada na ang nakararaan?
O nag-iwan ng hindi malilimutang peklat ang ginawa niyang karahasan sa noon ay inosente at walang kalaban-laban na batang lalake?
Ngunit sa mga iniisip ni Dianna ay nanlalaki ang mga mata niyang napalingon siya kay Kye. Naalala niyang muli ang binanggit nito tungkol sa mapangmanipulang kapangyarihan.
Ang estrangherong ginang na tumawag sa kaniya ng maria at pinakauna nitong marionette.
"I think it's best for her to go home na," pagsasalita ng babaeng morena at may mahabang kulot na blonde ginger hair.
"A-Ayos lang ako--" ang planong pagtanggi ni Dianna.
"Magpapaalam na ako sa boss para may kasama kang umuwi," walang pagdadalawang isip na wika ni Kye at hindi na hinintay ang protesta niya ang pumasok sa loob cafe shop.
Doon lang din napansin ni Dianna na nasa likod sila ng cafe shop na mistulang storage space ng products ng shop.
"Masyado kayong nag-aalala, ayos lang ako. Kung uuwi ako, hindi ako makapapasok sa mga klase ko," matigas na pagpupumilit ni Dianna at tumayo mula sa pagkakaupo upang kumbinsihin ang mga kaibigan na maayos lang siya.
"But you collapsed in my arms earlier," ang hindi nagpapatinag na pagbuking sa kaniya ng lalakeng may ginintuang buhok. Kaya naman natahimik na lang si Dianna at sumunod na sa sinasabi ng mga kaibigan.
"Madalas ko kayong makita sa university, Georgette nga pala. Ito si Dennis, boyfriend ko," palakaibigan na pagpapakilala ni Georgette sa babaeng may blonde ginger na buhok.
Nang ilahad ni Georgette ang kaniyang palad ay malugod iyong tinanggap ng babae na animo napakasaya pang makakilala ng bagong kaibigan. "The name is Serissa, ito namang walking anger na ito ay si Rebel."
"Iyong guwapong kasama namin kanina ay Kye ang pangalan, ito namang cute kong bebe ay si Dianna." Inakbayan pa siya ni Georgette at akala mo ay isang nanay na ipinapakilala ang anak niya sa mga kumare nito na sinenyasan siyang maging palakaibigan.
"H-Hello, ang ganda mo," hindi napag-isipang papuri ni Dianna kay Serissa na nagpalaki naman ng ngiti nito. Hindi naman siyang nagsinungaling dahil talagang nakahuhumaling ang ginintuang mga mata ng babae.
"Pwede na tayong umalis!" Lahat sila ay napalingon sa direksyon ni Kye na malalaki ang hakbang na lumapit sa kanila at kay Dianna agad dumikit.
"Ay, ang pogi nga," animo hindi sinasadyang bulalas ni Serissa na bahagyang ikinabigla ni Kye nang marinig.
"All right, go home safely, you two," pagpapaalam na ni Dennis at magaang hinimas ang buhok ni Dianna. "Dumiretso pauwi, hindi lakwatsya, okay?" pagbibilin pa nito na tinugon naman ni Kye ng thumbs up.
Doon ay naghiwa-hiwalay na sila ng landas ngunit kada hakbang na ginagawa ni Dianna ay ang pagsulyap niya rin kay Rebel na kasama nila Dennis pabalik ng university.
Napapaisip talaga si Dianna sa kaniyang sarili kung hindi ba siya naaalala ni Rebel dahil hindi niya maaalalakung nakikilala ba siya nito at mukhang natural na sa lalake ang galit nitong ekspresyon ng mukha.
Napakalayo na nito sa munting bata na noon ay sinaktan niya, napakalaki na nitong lalake. Isang titig pa lang dito ay hindi mo na susubuking kalabanin ito dahil sa mga kamao nitong pagkalaki.
"Ang dalawang iyon." Mula sa pagkalunod sa sariling mga iniisip ay nabalik sa reyalidad si Dianna nang magsalita si Kye. Tuwid ang tingin nito sa kalsadang kanilang tinatahak.
Muli ay naalala niya ang tungkol sa marionette. Siguro tama lang na umuwi siya nang maaga, magagawa niyang makausap si Kye tungkol sa bagay na iyon at ano ang koneksyon ng naranasan niya noong bata siya at ng mga sirena ngayon na nasa ilalaim ng itim na salamangka.
"Naramdaman mo rin ba?" Nagtaka si Dianna sa binanggit ni Kye ngunit ang sumunod nitong sinabi ang nagbigay sa kaniya ng mga posibilidad. "Tulad mo, kalahati rin silang diyos."
//
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro